Rolando Tolentino

Salamat po Pangulong Arroyo para sa footbridge na ito

Ito ang higanteng tarpaulin na magkabilaang bumabalandra sa mga dumadaan ng Commonwealth Avenue, patungong Quezon Memorial Circle. “Calling card” kumbaga ni Gloria Arroyo sa paghahanap ng legacy ng kanyang termino. Na kahit ang opisyal sa Quezon City na nagpagawa ng anunyso na bawal ang political propaganda sa mga lansangan nito ay tila nagkikibit-balikat na lamang.

Bahagi ang kalakaran ng impunity sa administrasyong Arroyo: malinaw ang polisiya na itinatag, kahit indirekta, ng kanyang administrasyon, at siya mismo ang unang babaluktot nito kung may political stakes na mahihita. Nagmimistulang kontradiktoryo ang dalawang bumabandilang tarpaulin sa kalsada ng Quezon City, pero hindi naman talaga.

Una, ang pagsasawalang aksyon ng mismong city government ay tasitong pagtanggap sa mas mataas na kapangyarihan at ang kabaluktutan nito. At ikalawa, ang MMDA, tulad ng iba pang ahensyang pampamahalaan, na naglagay ng ad ay personal na kasangkapan ng politiko. Ito ang interes na itinataguyod nila, hindi ang sa mamamayan.

Imahen mula sa http://http://www.flickr.com/photos/byaherong-pinoy/5949702250.

Bawat pangulo ay mayroong pahabol na megalomia sa pagtatapos ng kanilang termino. Naunsyaming Film Palace at Marcos bust sa mag-asawang diktador. Kay Cory Aquino ay ang mga flyover na dapat ay mag-iibsan ng trafiko gayong ang preferensiya ay ang pribadong sasakyan. At ang kay Arroyo, sa photo finish nito, ang mga infrastruktura ng mobilidad: NLEX, SLEX, Subic-Clark-Tarlac Expressway, extensyon ng MRT hanggang Monumento, at ito ngang footbridge.

Tulad ng lohika kay Aquino, ang layon ay di lamang pabilisin ang daloy ng sasakyan kundi ang daloy ng kapital na hinihimok ng mga infrastruktura. Hindi ba’t ang flyover ay parang kabuteng nagsulputan sa mayor na interseksyon ng negosyo, tulad ng mall, halimbawa? Ang kay Arroyo ay ang pagpapabilis ng mobilidad ng produkto, mula pabrika tungo sa daungan at paliparan.

At ang tokenismo ng infrastruktura ay ang footbridge, na ang layon ay hindi para gawing kumbiyente ang mobilidad ng pedestriano kundi para tanggalin ang uring anakpawis sa equation ng pagpapadaloy ng kapital. Kumbaga, hindi dapat sagabal ang abang uring namamasahe sa mas prinayoridad na pagpapadaloy ng kapital.

Imahen mula sa http://www.daylife.com

Kaya rin pagkatagal-tagal bago napatino ang disenyo ng footbridge, lalo na sa Commonwealth Avenue. Wala yatang master plan na sinusunod ang pagpapalawak nitong kalsada. Gagamitin ang lumang footbridges na sa gitna ng kalsada ang magkabilang dulo. O nagtayo ng bagong footbridges, dahil pabago-bago ang sakop ng pagpapalawak, ay nananatiling kapos at mali ang akyatan at babaan.

Dahil nalaglag sa pabor ang dating punong chuwariwap (chu-chu o sipsip) ni Arroyo sa MMDA, si Bayani Fernando, napalitan ang pink at blue na color scheme. Ngayon naman ay pinitahan ng mapusyaw na luntian ang footbridges. Tunay na ipinapahiwatig na kosmetiko ang politika ng struktura, na kayang baguhin ang pabalat para sa interes ng politiko ng bansa.

Ang tarpaulin ay isang pahayag: kung ano, sino, kailan, paano, bakit at saan ang isang pangyayari. Sa sarili nito, inaako ang mensahe na parang ang gumawa ng tarpaulin (MMDA at mamamayan) ay ang mensahero. At kung gayon, ang mga gumagamit ng footbridge at dumadaan na natatanaw ito ay nagpapasalamat sa kumbiyenteng pagpapadaloy ng trafiko.

Ang karaniwang gawain ng anunsyo ay direktang akdain ang awtor nito, at ang awtoridad nitong awtor. Sa maraming pagkakataon, ang mismong politiko (pangalan at imahen) ang nagsasaad ng paproyektong sinasambit ng anunsyo, at ang ebidensya na ang konstruksyon ay mayroong patron.

Sa insidente ng tarpaulin sa footbridges, ang awtor ay ang lumikha nito, pati ang mismong inanimate object ng footbridge. Nagpapasalamat ang footbridge sa indexikong “reason for being” nito: na ginawa ito hindi para madaanan ng pedestriano at paluwagin ang daan sa sasakyan kundi para magpasalamat sa awtor nito. Ito ang lohika ng calling card: ginawa para sa pagkilala ng designasyon ng kapangyarihan ng may ngalan nito.

Ang lohika ng calling card ni Arroyo ang siya ring pinagpupunyagi ng kilusang masa: ang pag-uugnay ng iba pang nakamit ng administrasyong ito, ang mga bagay na hindi nito sinasambit—Ampatuan massacre, fertilizer scam, election scam, kickbacks at lahat ng bahagi ng serye ng skandalo at anomalya nito. Kung hindi ito sinasambit—ng slogan, prop, politikal na sining, tulang protesta at iba pa—mananatiling walang awtor ang mga skandalong naging ofisyal na kalakaran sa nation-management ni Arroyo.

Kaya ang sinasambit ng pasasalamat ng tao at footbridge kay Arroyo ay ang hindi rin nito inilalahad. Double-dressing kumbaga (footbridge bilang aguinaldo ni Arroyo, at bilang pantakip sa mga anomalidad nito). At kung gayon, ang kailangan sambitin ay ang dobleng ibinaon na mensahe: na sa pagtatapos ni Arroyo, tiyaking nananatiling nakabuyanyang ang ibinabaong pruweba ng pandarambong nito, na huwag na siyang mahalal muli, pati ang mga galamay nito, at tiyakin siyang makasuhan at makulong.

Unang nailathala sa Pasintabi kolum noong ika-8 ng Pebrero, 2010, Pinoyweekly.org.

El Niño

Enero pa lang, tag-init na. Kaliligo pa lang, pinagpapawisan na. Iniisip pa lang kailangang bumiyahe sa labas, nanlalata na. Lahat ng ito ay sinisisi sa el nino. Na ipinagtataka ko dahil anti-bata ang isinasaad ng katawagan sa penomenon. Pamaktol-maktol daw kaya parang brat na lalakeng paslit.

Tulad ng pagsasaalang-alang sa paslit bilang esensyal na spoiled brat, kinakasangkapan din ang el nino bilang dahilan ng lahat ng kasalukuyang krisis. Madaling nakakita ng politikal na bukana si Gloria Arroyo.

Ang el nino ang salarin kung bakit may krisis sa enerhiya ang bansa, na parang ang pangkalahatang supply ng power ay nakabatay lamang sa hydro dam. At dahil may krisis sa bansa—sa partikular, sa Mindanao na dumaranas na ng anim na oras na blackout—muli na namang pinapalutang ang idea ng emergency power ni Arroyo.

Tulad ng nauna sa kanya, si Arroyo ay wala na namang masterplan para sa enerhiya, kasama ang paghahanap ng sustainable sources, tulad ng araw, hangin, at maging alon ng dagat. Imbis na ito ang tunguhin, ang direksyon ay pagsuporta sa planong coal plants, na ang panggagalingan ay mula sa pag-angkat ng batong uling sa Tsina, at ang muling pagbuhay sa nuclear, sa partikular ang Bataan nuclear power plant.

Ang el nino at ang pagsisimula ng power shortage sa Metro Manila at Luzon ay nagiging susi rin sa failure ng eleksyon sa Mayo 2010. Sa kauna-unahang pagkakataon, automated ang bilangan sa eleksyon. Ayon sa Comelec, mayroong battery life ang makinang bibilang na 16 na oras, at 11 oras lang ang laan sa pagboto.

Mga imahen mula sa http://www.earthlingorgeous.com at http://www.joeyalarilla.com.

Ang hindi sinasaad ay ang kulturang kaakibat ng blackouts, lalo na sa panahon, sa mismong araw, at matapos ang eleksyon. May pangkalahatang pakiwari ng agam-agam sa napakahalagang araw ng pagboto. At hindi nakakatulong ang kawalan-kumpiyansa ng mamamayan sa pagiging sagrado at sikreto ng kanilang balota at karapatang bumoto kung may malawakang blackout.

Ang epekto sa minimum, may resulta pero hindi lubos na katanggap-tanggap dahil sa kontexto ng pagkapanalo. Parating kabuntot ang katanungan at isyu hinggil sa pagmamaniobra at pandaraya. Sa maximum, ang “no el” (no elections) at maging failure of elections na scenarios.

No elections dahil hindi lubos na nakahanda ang infrastruktura at personnel para sa automated voting at counting. At wala rin namang malinaw na plano sa rekurso para sa balik manual na eleksyon. Failure of elections naman kapag aktwal na may pagbotong naganap, pero malawakan ang kondisyon para makwestiyon ang ehersisyo sa liberal na demokrasya.

Sa dalawang scenarios, si Arroyo lang naman ang makikinabang. Mas tiyak ang katig ng kanyang namamayaning burukrasya para sa mga scenario na maaring maganap. At ito ang rekurso ni Arroyo sa pagpolitisa sa phenomenon ng el nino: gawing lubhang mainit ang panahon at kondisyon ng eleksyon, pero gawin din, tulad ng el nino, na wala nang magagawa ang mga tao hinggil dito.

Sa kapaligiran ng U.P. at iba pang lugar, tuyot na ang damuhan. Matatamlay ang halaman. Ngayon ay may lamig pa sa umaga pero sa kalakhan ng araw, di lamang naglalaho ito, wala pang rekurso sa ibang maaliwalas na espasyo maliban sa malls at aircon na lugar. Naisip ko tuloy na ang disenyo ng mga gusali sa bansa ay talagang makakanluranin. Kailangan ng aircon para magkaroon ng katiwasayan sa mainit na temperatura.

Imahen mula sa http://www.flickrhivemind.net.

Kapag nagbro-brownout, madilim at mainit ang loob. Walang klase, walang opisina. At kahit walang magagawa, hindi matiwasay ang pakiramdam. Tahimik na nakakaalarmang magbilang ng sandali. Madalas tumingin sa relo habang nagpapaypay kahit hindi naman mapapabilis ang pagtapos sa brownout.

Enero pa lang at mainit na. At ang tanging maagang nakikinabang sa el nino ay ang pangulong nagpopolitisa nito.

Unang nailathala sa Pasintabi kolum noong ika-13 ng Marso, 2010, Pinoyweekly.org.

Vandalismo

Imahem mula sa http://www.diliman-diary.blogspot.com

Ito ang tugon ng mga estudyante ng PUP at UP. Sa binabalak na 2000 porsyentong pagtaas ng matrikula sa PUP, aligaga ang administrasyon nito na pagdiinan ang naging rekurso ng mga nagproprotestang estudyante, sinunog ang mga bulok na silya. Sa UP naman, dahil ayaw bumaba ng presidente nito at ang rehenteng kaka-renew lang ang appointment ng Malacanang gayong boto nang boto kahit temporary lang ang naunang appointment nito, nagpinta ng graffiti ang nagproprotestang estudyante.

Sa “Unang Hirit,” kinapanayam ni Arnold Clavio ang estudyante nang may pasakalye, na galing din siya sa public school at alam niyang limitado ang resources nito, bakit naman nagsunog pa ng silya? Sa UP, ang administrative staff sa Quezon Hall ay bumulyaw sa estudyanteng nagpipinta ng “Gloria, Roman taksil sa pamantasan!” na wala na ngang pera ang unibersidad ay gagastos pa ito nang paglilinis.

Minsan nang ginipit ang UP Faculty Regent Judy Taguiwalo ng kanyang kahanay na guro sa University Council. Nang mag-propose ito ng resolusyon hinggil sa karahasan sa mga estudyante dini-disperse sa pagbubukas ng Toyota-GT Center ay nabaligtad ang akusasyon. Bahagi ng proposal ang pagdawit sa Chancellor ng UP Diliman dahil sa quotation ng mga opisyal ng pulis na ang Chancellor ang nagpatawag sa pulis para protektahan ang venue.

Bakit daw hinuhusgahan ni Taguiwalo at nang iba pang pumirma sa statement ang isang colleague nila? Ito raw ba ang kultura sa UP, ang magtiwala sa tagalabas at magtiwalag ng tagaloob, na hindi man lang tumawag sa Chancellor para i-verify kung tama nga ba ang pagdadawit sa kanya ng pulisya?

Ang ganitong pangangatwiran ay bahagi ng diskurso ng natitinag na burgesya. Binabaligtad ang sitwasyon, ginagawang personal sa makauring individualidad at imahinaryong komunidad sa lohika ng pangangatwiran, ang nabiktima ang nagiging mambibiktima.

Hindi kakatwa na si Clavio ay sumipi sa sariling uring pinagmulan, pero iba na ang uring identifikasyon niya ngayon. Ang staff ay mayroon nang mentalidad ng administrasyon. At ang faculty sa konseho ay nag-aastang parang di inaapi ng estado kundi ng isang kapwa nila. Ang alipin ay nag-aastang amo, dinadaot ang kahanay na uri.

At ito ang tunay na karahasan, ayon sa kritikong si Slavoj Zizek. Ang wika ng panunumbat ay hindi aktwal na tumutugon sa obhetibong karahasan. Totoong may reaksyon ang mga nagproprotestang estudyante, faculty at kawani ng SUCs (state colleges and universities). Marahas dahil hindi umaakma sa inaasahang regularisasyon ng pagtanggap: deadma lamang kundi man mabaon sa limot sa dami ng pinagkakaabalahan, o hayagang pag-aproba.

Ang hindi pagpapalampas sa di makatarungang polisiya at pamamalakad ay historikal na pangyayari. Makakalampas pero hindi pinalalampas, iginuguhit ang tunggalian, prinoprotesta ang katiwalian. Mapusok ang damdamin dahil sa mas deadma na mukha ng kapangyarihan: hindi nakikinig, dinudugyot ang may ayaw. Mukhang galit si Pangulong Dante Guevarra sa panayam ni Clavio, si Roman naman ay baka may biro pa ngang binibitawan habang tinatalakay ang insidente sa nag-iisang rehenteng nakapasok sa regents room.

Ang obhetibong karahasan ay dulot ng kawalan-konsultasyon at kultura ng impunity nina Guevarra at Roman. Nilulusot ang nais, pinagpipilitan ang magustuhan, niyuyurakan ang demokratikong proseso sa pamamagitan ng pag-iwas sa mismong mga naitaguyod na proseso, kundi man ang mapanupil na gamit sa retorika ng batas (lalo na kapag nailagay sa kamay ng mga abugado bilang representante ng makauring posisyonalidad kaysa sa paglilingkod sa komunidad) o ito ngang pagbabaligtad ng posisyonalidad.

Imahem mula sa http://www.diliman-diary.blogspot.com

Malaki ang apila ng indictment sa vandalismo. Nakasentro ito, kakatwa, sa konsepto ng pribadong pag-aari. May identifikasyon ang mga naantig ang damdamin na mababang uri sa gitnang uring panuntunan ng pag-aari: pribado ito (kahit pa estado ang may-ari nito), kaya hindi dapat dinudungisan o sinisira kahit pa sa tindi ng damdaming kaakibat ng mas maigting na karahasan: ang karahasan mismo nina Guevarra at Roman na yumurak naman sa orihinaryong karapatan ng mga nagproprotesta—ang karapatang makonsulta at mapakinggan.

Ang vandalismo ay tunay na “writing on the wall,” ang napipilitang lumitaw dahil sa ordinaryong pagkakataon ng estadong kapangyarihan ay binubura sa estetika ng normal at walang dungis (o bahid ng dugo) ng institusyon. Hindi ba’t ang pagtaas ng matrikula ay disenfranchisement ng malaking bilang ng mababang uring mamamayang hindi na makakapasok sa poder ng institusyong ito, at kung gayon, ang posibilidad na makaahon sa historikal na kahirapan?

Kaya ang sinumang nagnanais na maging mukha at representante ng pang-estadong kapangyarihan ay dapat maging handa sa vandalismo. Bumaba si Chancellor Rey Luis Velasco ng UP Los Banos para hamunin na tapunan siya ng paint bag. At tinatupan nga siya, at sa ulat sa balita, nanghingi siya ng paumanhin sa publiko sa inasal ng mga estudyante. Kailangan lang i-google ang pangalan nito at malaman ang mga marami at malalim na akusasyon ng estudyante sa kanyang pamamalakad sa inaakalang kaharian sa paanan ng bundok Makiling.

Hindi na nakakasapat ang protesta lamang, kailangan ng direktang aksyon tungo sa pagpapalitaw ng kontra-diskurso sa estado, lalo na sa mga representante nito sa mga institusyon, espasyo at poder sa pang-araw-araw. Mabuhay ang mga nagproprotestang estudyante, sa pagkilos na naglalantad ng krisis ng institusyon at estado. Sa isang saglit, magbibiyahe silang literal at figuratibong nabahiran ng kulay, slogan, abo at labi ng sidhi ng protesta. Na uuwi sila at babalik kinabukasan na hindi na sigurado sa inaakalang di-matitinag na posisyon.

Unang nailathala sa Pasintabi kolum noong ika-24 ng Marso, 2010, Pinoyweekly.org.

Hindi magiging mabuti ang kasaysayan

Imahen mula sa http://www.archives.jonas.ph

Hindi naman ito usaping personal. Mabuting makitungo si Emerlinda Roman, pangulo ng Unibersidad ng Pilipinas. Makwento ito, at kahit paulit-ulit ang kwento sa iba’t ibang pagkakataon, buhay na buhay pa rin ang kwento. Noong Chancellor pa ito ng UP Diliman, decisive ito kapag may itinanong o hiniling ang unit.

Kaya nakakalungkot isipin na ang sentenaryong pangulo ng UP, ang unang babaeng pangulo nito, ay hindi paborableng huhusgahan ng kasaysayan. Hindi kakatwa na sa dulo ng termino nito bumulwak ang mga isyu, pawang pahiwatig sa kalidad o kawalan nito ng demokratikong governance sa unibersidad.

Dati rati pa nga ay kasama si Roman sa pagtutol sa CPDP (Commonwealth Property Development Plan) ng nauna nang presidente Emil Javier. Gayon naman pala, ang pinakamalaking proyekto ng pribatisasyon, ang UP-Ayalaland Technohub ay maisasakatuparan sa termino ni Roman sa mismong sityo ng CPDP.

Ang walang dangal na pagpataw ng 300 porsyentong pagtaas ng matrikula ay naganap din sa watch ni Roman. Sa isang desisyong itinago sa mga nagproprotestang komunidad, naetsapwera ni Roman ang dakilang misyon ng UP na bigyan ng pinakakalidad na tertiaryong edukasyon ang pinaka-deserving at mahihirap na estudyante.

Dagdag pa sa tiwaling pamamalakad ni Roman, ang malawakang subkontraktuwalisasyon ng mga serbisyo, pagpasok ng unibersidad sa mga kwestiyonableng kasunduan sa pribadong entidad, pagpapalakad ng Board of Regents, ang pinakamataas na policy-making body ng UP, na expired na ang termino ng tatlong Malacanang appointees, at matapos madiskubre ito, nang walang konsultasyon sa kanyang constituency, nirekomendang magkaroon ng full term pa ang mga ito.

Dahil sa sistematikong kawalan ng konsultasyon ni Roman, bumuyanyang ang bigat ng kanyang plano’t aksyon. Tinanggal ang rehente ng mga estudyante, tinanggal ang nahirang nang direktor ng Philippine General Hospital (PGH), inuluklok muli ang Chancellor ng UP Mindanao nang hindi tinutugunan ang mga komento ng Commission ng Audit hinggil sa inagurasyon nito, at iba pa.

Imahen mula sa http://www.convergingideas.wordpress.com

Marami nang presidente ang UP. Marami ang makasaysayang pamumuno dahil sa ginawang Filipinisasyon ng unibersidad at sa termino ni S.P. Lopez, ang demokratikong konsultasyon na nauwi sa pagproprotekta nito sa mga lumahok sa Diliman Commune laban sa militar ni Marcos.

Ang di-demokratikong pamamalakad ni Roman ay sarili niyang kagagawan. Sinasabi niyang maliit na pumpon ng nagproprotesta lamang ang nasa Quezon Hall. Tunay na ngang nasa ivory tower si Roman. Wala na itong interes na makinig, itinatatwa na niya ang radikal na tradisyon ng unibersidad na naghirang sa kanya bilang sentenaryong pangulo.

At hindi ito kataka-taka para sa “reyna ng komersyalisasyon.” Pinindeho ni Roman ang kasaysayan ng UP sa poder ng negosyo at reaksyonaryong estado. Hindi hiwalay ang kinikilos ni Roman sa neoliberalismo at fasismo ni Gloria Arroyo, ang napagtagumpayan niyang i-bypass dahil nakakolekta ng bilang ng boto si Roman mula sa mga rehenteng niluklok ni Arroyo.

Hindi naman pala sila magkaiba. Magkahalintulad ang kanilang bisyon sa isang sitwasyon limitado ang resources at may engrandeng bisyon na maging globally competitive ang kanilang pinaghaharian: papasukin ang negosyo, supilin ang demokratikong proseso, buwagin ang natitirang espasyo ng demokratikong karapatan. Ang resulta ay ang pamamayani ng kultura ng impunity.

Walang takot sa parusa si Roman o si Arroyo, walang remorse sa pinaggagagawa kahit natitiyak na natitinag din ito sa ilang beses na paghiyaw na “Roman resign!” ng mga nagproprotesta. Sino ang hindi? Dagdag pa ito sa kanyang makasaysayang panunungkulan: sentenaryong presidente, unang babaeng pangulo, at unang pinanawagan magbitiw na sa panunungkulan?

Na pati ang fasistang Chancellor ng UP Los Banos ay nahawahan na ng kulturang ito, walang takot na naghahari at nananakot sa kanyang kampus? Pati ang iba pang hinirang ni Roman na maging reservoir ng kapangyarihan niya, kasama na ang midnight appointments ng tatlong rehente ng Malacanang, ay namamayagpag sa kanilang kingdom come.

Tulad ni Arroyo, si Roman ay hindi rin natatakot maparusahan, hindi rin bibitiw sa kapangyarihan, kaya ang kasaysayan ang huhusga sa kanila. At tulad ng mga linya sa puntod, dito nakahimlay ang empire ni Roman, magarang monumento pero mabilis na naaagnas na, tulad ng maraming naghari nang may pag-iimbot, naglilingkod sa makauring interes ng negosyo at gobyerno.

Nabigwasan na ng progresibong kilusan sa unibersidad ang akala ay toreng pinagtitirikan ng kapangyarihan ng empire ni Roman. Mula sa kanyang posisyon, di na lamang alapaap ng sariling kapangyarihan ang natatanaw. Nasira na ang view ng mga graffiti at nagproprotestang komunidad.

Unang nailathala sa Pasintabi kolum noong ika-24 ng Marso, 2010, Pinoyweekly.org.

Jejemon

siN0H AnG iBoBo2 U~ sa ELeKxoN, N0H? c~ N0N0y~ ba Na~ wLAng TRack~ rEc0RD~ AT~ SOC-deM,~ c~ VILLar~ bA nA SndAmKMk Ang kSO ng qRapx0N, o~ C ErAp~ Na PiNTAwd nA KRiMInl, N0h?

Ito ang bagong “craze” at pet peeve ngayon. Gusto mo o kinamumuhian mo. Gusto mo dahil bagong anyo ito ng lengwahe, lalo na yaong historikal na naisantabi na sa kasalukuyang terminolohiya ay ang jologs. Ito ang sub-uri ng lumpen proletaryado, ang ayaw mong makasama sa public transport dahil ito ang inaakala mong magnanakaw ng iyong cellphone o notebook, ayaw mong makita sa mall dahil ito ang low-brow na manggugulo lamang, o ang pumapasok sa UP Fair para makipaggitgitan at makapasok ng libre.

Kaya marahil, ayaw mo ng jejemon o ang bagong wikang halaw sa Latin Amerika (“jeje” bilang pagsasaad ng pagtawa o lol [laugh out loud], at ang katumbas nito sa Pilipinas ay “hehe”) na nagpapamutiktik ng text at iba pang social networking sites (Friendster bilang pangunahing realm ng jologs at Facebook bilang naabot na ring virtual na komunidad ng jologs at mas naunang gitnang uri) ng dagdag na consonants at capital letters.

Pinamumutiktik ng h at ~, gayong sa aktwal na text ay 160 characters lang ang kapasidad nito, kundi ay doble na ang bayad dito. Sa pangunahing source ng “jejemon,” ang Urban Dictionary website, pejoratibo ang tampok na kalidad nito. Ayon dito, ang jejemon ay ang mga sumusunod:

“- a person WhO tyPeZ lYKeS tH1s pfOuh..
whether you are RICH, MIDDLE CLASS or POOR ifpK eU tYpE L1K3 tHiS pfOuh..eU are CONSIDERED AS JEJEMON.
– (noun or adj.)—a person who is very expert in typing..
– a person that nevr (sic) gets tired of typing consonants in all of his comments…
– people with very LOW IQ
– a person that destroys the morale of language in any typing media like internet, cellphones…etc…
– a person you want to fuck off and kill
– an emo/gangster who owns all the possible negative qualities of a person.” (http://www.urbandictionary.com/define.php?term=jejemon)

Kung gayon, ang mga katangiang inilista ay patutsada sa abang uri (underclass) na pamali-mali ang spelling sa texting (“spell as you pronounce” hindi pa dahil nagtitipid sa character-usage kundi talagang di lang alam ang baybay), at kung gayon, sinasabi rin na hindi magaling mag-type (sa kaso ng computer) at text. Kaya masasabing low IQ (walang pinag-aralan) at kung gayon muli, pwede mong ipagfantasyang patayin kundi man makaisa man lamang sa kanila.

Imahen mula sa http://kantotansinsin.blogspot.com

Ang jejemon ay sintomas ng bagong pagsa-sub-uri sa bansa. Umalagwa na ang pasosyal (matatagpuan sila sa call centers), at ang tunay na sosyal, nakakabili ng latest na gadget o ang aproximasyon nito. May entitlement ka sa teknolohiya dahil ito ang pangako ng mamahaling gadget na binili mo. At dahil nga mahal ito, exclusibo ang turing sa karanasang inaakalang magpapabukod-tangi sa nakararami.

Parang ilang araw lang, tinanong ako ng I-phone program sa aking computer kung gusto kong mag-update. Nag-agree ako, at natagpuan ko na lamang ang aking I-phone na blinock na ng internet. Binili ko kasi ito sa US, pina-unlock sa Marikina Riverbanks, at nagmintina ng prepaid sa Globe kahit pa sa kasunduan sa Apple ay post-paid lamang ang akses sa I-phone sa bansa. Kaya nga ako na-block. Nakahabol ang copyright sa aking (iligal) na gamit ng gadget.

At ganito rin ang predikamento ng iba pang jejemons. May mahihinuang pagtutumbas sa anumang gitnang uring panuntunan para sa mga nilalang na hindi pagkakalooban ng tadhana ng kapitalismo na magkaroon ng akses dito. Kaya irregular ang akses. Kung branded ang sa gitnang uri, sa jejemons ay Divisoria o Greenhills pirated (na may iba’t iba pang class ng piracy); kung cellphones ito, pwede namang nenuk (ninakaw) o yung mas lumang modelo.

Ang paglikha ng kaantasan ay hindi lamang simpleng paghihiwalay sa may K (karapatan) at sa wala. Ito ay paglikha rin ng epistemiko at maging literal na karahasan (sa kaso nga ng jejemon sa Urban Dictionary na may tasitong panghihimok ng annihilation). Inetsapwera na nga sila ng estado, ineetsapwera pa sila ng mismong mamamayan nito.

Samakatuwid, ito ang tagumpay ng mismong estado. Hindi nito kailangan gumawa ng batas para ietsapwera ang peligrosong mamamayan. Epekto na lamang ang pagkaetsapwera ng lantarang polisiyang ekonomiko at politika nakapabor sa naghaharing uri ng bansa. At ang isang direktang epekto nga ng paglikha ng hegemoniya ng naghaharing uri—na pati ang pinaghaharian ay umaastang kabahagi ng ideolohiya ng naghahari—na muling nag-eetsapwera sa mamamayan.

“Felt” ang pagkaetsapwera dahil may mukha ng taong nakaharap at nagmamamnan sa ugali at pagkilos ng jejemon. Hindi tulad ng estado, abstrakto ang mukha ng nagpapahirap: paano maikokonekta sina Palparan, Gonzalez at Arroyo, halimbawa, sa sistematikong pagkaligwak ng kabuhayan ng mahihirap gayong pulis at MMDA ni Bayani Fernando ang nagpatupad nito?

Imahen mula sa http://snitchcentral.com

Sa aking palagay, ang jejemon ay hindi naman pangalang nanggaling sa mismong hanay ng jologs, tulad ng salitang “jologs” mismo. Ipinataw lamang ito mula sa penomenong global, galing ng Latin Amerika, gamit ng naghihikahos doon at mga bakla. At kung gayon, ang paglikha ng transglobal na lokalidad ng pagkaetsapwera ng naisantabing mamamayan. Alam ng mga sub-uring ito ang kanilang pagkaetsapwera, at ang kapangyarihan ng pag-etsapwera ay ang kawalan-magagawa hinggil dito kundi ilantad ang laban sa larangan ng kultural.

Mananatiling malaganap ang jejemon sa texting at sa internet bilang wika ng subkulturang naisantabi at nagnanais umalagwa, hindi pumantay kundi magkaroon lamang ng pagka-hayag. Hindi yung binabakuran at whitewashed na pader sa panahon ng diktaduryang Marcos para lumikha ng demarkasyon ng karapat-dapat at hindi. Ito na yung pag-demolish ng tirahan para itapon ang mag-anak sa lugar na wala na sa imahinasyon ng gitnang uring Filipino.

Ipinataw mula sa itaas ang pangalan at ang pagbibigay-ngalan sa karanasan ng jejemon. Kahit pa nga buhay na sa ground level ang ganitong subkultura. Ang akses na inaakala ng jejemon para sa kanilang lehitimasyon ay kultural, ang pamamayagpag sa media, internet at text bilang pagsasaad na buhay at patuloy na nagtratransforma ang ganitong subkultura.

Pero maging ito ay kooptasyon na rin ng kapital at estado. Umiinog ang mundo sa ekonomiyang kapasidad na makabili ng load at makapagtext, makaipon ng pera para maka-internet at Facebook, bilang asersyon ng politikal na identidad. Hindi nakakasapat. Sa pamamagitan ng direktang politikal na pakikitunggali lamang magkakaroon ng lagusan para sa politikal na pagkamamamayan ang naisantabi. Sa ngayon, ito munang asersyon sa larangan ng kultural, ang tahimik na pamamayagpag dahil nga sa presensya at substansya ng gitnang uri na mahilig sa alintuntunin at proseso, at ngayon silang nagtataguyod ng dekorum ang bigla na lamang nagiging “Jejebusters” at “grammar Nazi.”

Unang nailathala sa Lokusyonaryo ng Kulturang Popular kolum noong ika-3 ng Mayo, 2010, Bulatlat.com.

Jollibee kiddie party

Kamakailan ay natagpuan ko ang sarili na dalawang beses dumadalo ng kaarawan ng musmos na idinadaos sa Jollibee. Una ay si Ameelia, inaanak kina John at Elyrah, mga kaguro, sa Jollibee Katipunan. Ikalawa, sa ikalawang apo, kay Kayden, mula sa pamangkin na nakabase na sa suburb sa Chicago na nagdaos ng kaarawan sa Jollibee Fort naman.

Parang naka-shabu ang host sa paghihimok sa mga bata at matatanda. Pati ang aking mga pamangkin lalake ay napalahok sa isang game na ang inspirasyon ay mula sa showbiz. Bawat isa ay binansagan bilang Mr. Piolo Pascual o Gerald Anderson at iba pang matinee idol, at bawat isa ay pinarampa ng bading na host para tanungin ang audience kung in or out na ang mga ito.

Imahen mula sa http://luckytoe.blogspot.com

Sa Katipunan branch, ang mga kaguro at kamag-anak ng mag-asawa ang in-infantilize para sa isang race at spelling ng “wow” na gamit ang pwet. Sa branch na ito, mangha ang musmos nang lumabas ang mga Jollibee mascot, ang higanteng pa-cute na bubuyog, kasama si Hetty, isang Goldilocks-type na ang katangiang buhok ay halaw sa spaghetti item sa menu.

Hindi miminsan natunghayan ko ang celebrant na musmos na umiiyak sa takot sa pagkakita kay Jollibee. Ganito rin ang nangyari kay Kayden, na kahit anong pangungumbinsi ng magulang ay ayaw pa ring humawak o tignan ang mascot na buong pa-cute naman na inaamo ang musmos.

Hassle-free ang Jollibee kiddie party. Hindi ka na mag-iisip kung ano ang ihahanda dahil plantsado na ito sa package na kinuha. Hindi ka rin mamimilipit kung ano ang ipapagawa sa bisita para ito mag-enjoy sa okasyon. Paratihan, sa anumang children’s party, may matatanda nang kasama, at iba-iba pa ang edad ng mga bata: mula musmos hanggang teenager ay parating represented sa okasyon na tulad ng anumang pagtatangkang magka-family gathering ay parating hatakan at magnet ang epekto.
Parating may bitbit ang isa lamang na imbitado. Parating may kasama pang iba, kundi man ang buong pamilya, ang umayong pupunta sa okasyon. Madali lamang umorder ng extra. Hindi mauubusan ng pasobra ang Jollibee dahil ito naman ang tindahan nang puro sobra at labis: sobrang kolesterol at taba, labis na asukal at mantika, sobra ang vetsin at dalas ng pagpunta sa Jollibee. Sobra na parating kulang: hindi lubos ang anumang pagpunta kaya nga parati ang panunumbalik.

Sandamakmak ang stealth advertising sa loob ng pagtitipon: lahat ng games at pabuya ay hango sa Jollibee na empire; lahat ng kinakain, pampunas ng bibig, tarp sa dingding ay tadtad ng imahen ng Jollibee mascot. Ito ang “empire of signs” ni Roland Barthes na umiinog ang pagbasa at pag-unawa sa dinadala at ipinapamahaging kosmolohiya ng konsumeristang identidad at ng praxis ng konsumerismong kapitalismo.

Imahen mula sa http://www.jonathinks.blogspot.com

Ang Jollibee kiddie party ay isa nang gitnang uring panuntunan. Whether-you-like-it-or-not, bibigyan ang pinag-aastang bata ng ganitong pagtitipon. Kasama na ito sa checklist ng pagiging gitnang uri sa bansa. Ang kakatwa rito, marami sa celebrant na musmos ay walang direktang alaala sa okasyon. Urban legend lamang kung paano ito ipapasa sa reiterasyon ng kwento ng magulang sa lumalaking anak.

Ito o/at ang trip to Disneyland sa Hong Kong (lang), o ang Universal Studios sa Singapore na accessible sa bargain na presyo ng Cebu Pacific at iba pang economy airlines. At dahil ang family trip sa ibang bansa ay hindi kabahagi ang komunidad ng magulang, hindi ito ang prioridad. Ito o dahil mas mahal ang family trip sa Hong Kong Disneyland.

Sa loob ng dalawang oras na iblinoke para sa okasyon, tutungo ang buong angkan at komunidad ng pares ng magulang (times two ang bilang ng attendees kung gayon) sa anumang designated na branch. At magdiriwang na parang wala nang iba pang uri ng sandali maliban sa sandali ng pagdiriwang na laan lamang para kina Kayden at Ameelia.

Magaganap ang kaarawang magdiriwang sa pagiging gitnang uring kasapi ng musmos, ng magulang nito, kaibigan at kamag-anak ng magulang nito, at matapos nito, tulad ng pagtatapos ng sine, babalik na naman sa pagiging ordinaryong mamamayang magsisipag-uwian, matratrafic at mamimiligro sa pang-araw-araw ang lahat.

Unang nailathala sa Pasintabi kolum noong ika-26 ng Mayo, 2010, Pinoyweekly.org.