Pages
Archives
-
Recent Posts
- Nawawala nga ba ang umaalis na mga kasama?, Pasintabi Column, Pinoyweekly.com
- Pagkain bilang diskursong estado, Pasintabi Column, Pinoyweekly.com
- Pang-araw-araw na objek, pang-araw-araw na welga, Kulturang Popular Kultura Column, Bulatlat.com
- Akademya at Indie Filmmaker, Kulturang Popular Kultura Column, Bulatlat.com
- Sa dambana ng Kinatay, Pasintabi Column, Pinoyweekly.org
-
Recent Comments
angelica on Pagsasalita sa harap ng tao, P… rosie raya on Cory, dilaw at iba pang paglis… jasmin raya on Cory, dilaw at iba pang paglis… xdalisayx on Salamin lang ang pagitan, Pasi… Aeson Luiz Dela Cruz on rolandotolentino
Daily Archives: July 9th, 2008
imahen mula sa philippines-night.msg-style.com/2007/10/sogo_…
flickr.com/photos/37837114@N00/2582353201/
travel.webshots.com/photo/2959954560053728426…
Sogo at Lehitimasyon ng Komersyal na Bawal na Pagnanasa
Pejoratibo ang tingin sa mga motel at lodge sa bansa. Pero mas nega (negatibo) ang tingin sa gawain sa loob ng mga motel. “Liko biglang yuko” dahil hindi nga inaakalang marangal ang gawain dito, kahit pa pribadong espasyo naman ito.
Dati ay built-in sa laylayan ng syudad at mga bayan ang night clubs na may dagdag na atraksyon. Sa Bocaue, Bulacan at Calumpang, Marikina ang dinadayo pa para magkaroon ng good time ang kalalakihan. Sa aking pagkamulat, sa Diversion Road sa San Leonardo, Nueva Ecija, malayo-layo sa poblacion, matutunghayan ang mga bar. Inaanunsyo ng gamit ng pulang ilaw sa loob at christmas lights sa labas.
Kumbaga, sa simula, parang nakasona ang mga lugar ng aliw. Red-light district ang turing rito bilang sex tourism na atraksyon ng magkakahilerang bars sa Ermita, EDSA Pasay at Quezon Boulevard. Pang-high-end. Supporting role ang mga motel sa daloy ng komersyal na aliw. Mula sa bars at clubs, at maging lansangan, tungo sa espasyo ng higit pang konsumpsyon—ang konsumasyon—ng sex.
Santa Mesa at Pasay Rotonda ang mga kalsadang naging enclave ng motels. Two-story na gusali—parang precursor ng modernong townhouse—ang disenyo. Yung high-end nito ay may mala-Disneyland na kwartong nagtatanghal ng tema. Sa Anito Lodge sa Monumento, ito raw ay kinabibilangan ng Egyptian, Filipino, Japanese, European, at iba pang motif na kwarto.
Ang two-story na building ay nagsasaad na ng gitnang uring panuntunan sa bawal na sexual na pagnanasa. Ang ground floor ay carpark na rin, inaasahang may dala ang kliyente ng kotse o naka-taxi man lamang. Bawal, kasi nga ay hindi motel ang angkop na lugar at panahon ng sex, batay sa isang bansang mayorya ay Katoliko. Kung hindi ito angkop, lantaran at patagong dinadaot ang karanasan dito.
“Cheap” at “paka”(pakawala) ang tingin sa babaeng sumasama sa motel. “Macho” at balahura (hindi sinsero) ang lalakeng nagdadala naman sa motel. Kung ganito na nga ang tingin, at sa mas mumurahing kwarto sa Quiapo, Avenida at Pasay pa tutungo ang mga kliyente, nagiging dobleng kacheapan ang karanasan.
Ang nangyari sa tagumpay ng negosyo ng Sogo Hotels (Hotel Sogo sa kanilang “under construction” na website) ay gawin stand-alone ang karanasan sa bawal na pagnanasa (illicit desire). Hindi na kailangang tumungo sa bars bago tumungo sa motel. Maaring dumiretso na kagad ang seryosong tagpuan mismo sa motel. Magtagpo na lamang sa neutral na lugar (convenience store, mall, kalsada o fastfood outlet) at tumungo na sa motel.
Nakakalat sa prominenteng lugar ang Sogo Hotels. Katabi ng malls, tulad sa may SM Santa Mesa at Santa Lucia Mall. At tulad ng kahon ng sapatos na disenyo ng naunang henerasyon ng malls, ang disenyo ng Sogo Hotels ay kahon din. Kakaunti ang bintana rito. At kung mayroon man, may nakatakip na struktura sa labas ng building para hindi lubos na matunghayan ang nasa loob.
Tulad sa malls, maaring mawala sa espasyo at panahon ng Sogo. May kontrol sa panahon ang mga kliyente: madilim o maliwanag sa pribadong kwarto, pero tulad sa mall, parating maliwanag ang publikong erya. Ang espasyo ng kwarto ay magkakahalintulad. Pare-parehong may salamin, banyo, libreng gamit ng twalya at sabon, kobre-kama, telebisyon at remote, kahit pa may mas mahal at murang kwarto.
Kapag nakapaloob sa Sogo, mahirap tunghayan kung anong oras na. Kapag nakapaloob sa mall, hindi rin nakakatiyak kung nasaan na ang kliyente. Tulad sa mall—ang mga tindahan, in-house na establisyimentong hawak ng SM, lokasyon ng sine at fastfood, at iba pa—pare-pareho ang mga laman ng Sogo Hotels: lobby na napakaraming pang-pares na silyang antayan ng kwartong binu-book, front desk, security door, nag-iisang makitid na elevator, at mga hile-hilerang kwarto sa bawat palapag.
Lumikha ng sariling pagpapadaloy ang Sogo Hotels. Hindi na nakayuko dahil nga nagkakakitaan na ang mga nag-aantay sa lobby. Slight na lamang nakatungo. Tanggap din kung same-sex ang nagpapa-book ng kwarto. Pero ang dinodoble ang bayad ay kapag three-some ang nagnanais umakyat.
Ang ginawang inobasyon ng Sogo Hotels, bilang improvement sa naunang henerasyon ng two-story na motel at lodge, ay gawing abot-kaya at mabilisan ang pag-order ng pagkain. Limitado ang opsyon sa marangal na hitsura ng menu. At balita ko na naman ay marangal naman ang kalidad ng pagkain. Na sa kaunti pang panahon, ang pagkain sa kwarto ay magiging tulad na ng pagkain sa panonood ng sine: integral, affordable, at magkatambal sa iba’t ibang pleasure na binabayaran para matamo.
Efficient ang Sogo Hotel. Parang walang nakakalamang. Maging ang mga pulis na nag-aantay ng libreng kwarto ay pumipila. Mayroon ding channel para sa mas mahalay na palabas. Mabilisan at sistematiko rin ang paglilinis sa mga kwarto. Na palabas pa lamang ng kwarto ay tinatanong na ang kliyente kung “check out” na ang kliyente para kagyat na malinis at muling maisaayos ang nabakanteng kwarto para sa susunod na pares.
Stand-alone ang mga malalaking building ng Sogo Hotel. Ang kanyang logo ay isang geisha na parsyal na nakatakip ng pamaypay ang mukha. Geisha na nagsisimbolo ng pagiging entertainer at binabayarang pagsasama, sunod-sunuran na nagbibigay ng aliw. Pati ang pamaypay ay simbolo ng leisure.
Kaya rin may karapatan ang mga gusali na sumiksik sa mga komersyal na lugar sa Metro Manila. Aliwan paradise ang inaalok na serbisyo nito. Sa mall ay publikong-pribadong aliw ang inilalako: sa nilikhang publiko natutungyahan ang mga serbisyong bibilhin at iinternalisa ng pribadong konsyumer.
Sa motel ay pribadong-pribadong aliw ang pinatatamasa: sa pagpasok sa pribadong kwarto maiinternalisa ang pribadong kasiyahan para sa konsyumer na pumiling bumili ng tatlong oras—ang “short-time” na kalikasan ng mga motel. Sa kliyente ang kwarto sa loob ng nirentahang tatlong oras.
Free sex, perverted sex, sex with non-adults na mukha namang adults, extra-marital sex, premarital sex, gay sex, lesbian sex, kahit ano sa pagitan ng dalawang partner, maari sa motel. Ang kapangyarihan sa kontrol sa panahon at espasyo ng kwarto ay nasa kanila sa loob ng itinakdang tatlong oras o lampas pa rito.
Sexual liberation ito na nakaangkla sa sexual tolerance, lalo na sa sex work, na nagsimula sa panahon ng Amerikanong kolonialismo. Sa panahong ito, naging bukas na usapin ang premarital at extra-marital na relasyon, maging ang sex work. “Casa” mula sa Kastila para sa bahay-aliw ang designated na lugar para rito.
Ang pagiging bukas sa sex ay itinumbas sa bisyo, tulad ng sugal, alak at pambabae. Bukas pero hindi maganda ang tingin. Bukas dahil napapag-usapan na sa diyaryo at panitikan. Kung gayon, ito ay parang sikreto—bukas kapag natunghayan pero sa pangkaraniwang pagkakataon, saradong bukas.
Ang tagumpay ng Sogo Hotels ay gawing komersyal ang kalakaran para sa higit na nakararami. Nasubukan na ninyo bang magpa-book kapag Biernes ng gabi, o pay day ng a-kinse at katapusan? My gad, parang ahas na paikot-ikot ang taong nakaupo, magkatapat sa silya, magkatalikod, at nakatayo sa tagiliran ng lobby, at nagmamadaling pumasok sa security gate para umakyat sa kwarto.
Tila isang champion ang Sogo Hotels, kung gayon, sa liberalisasyon ng sexual na pagnanasa. Nagiging katanggap-tanggap na kalakaran sa dumarami pang bilang ng itinatayong gusali. Ang discontinuity ng Sogo Hotels sa naunang espasyo ng casa at unang henerasyon ng hotel ay gawing mas accessible ang bawal na karanasan. Wala na sa Diversion Road o dating liblib na lugar na makikipagsapalaran sa biyahe pa lamang, hindi na major production tumungo sa motel.
Ang continuity sa naunang mga espasyo ng aliw ay gawing mas komersyal ang kalakaran ng bawal na pagnanasa. Magkakatulad ang mga kwartong kulang sa hotel ang standard, pero dahil nga mas abot-kaya naman ang halaga (lalo na kung may 20 percent discount card) ay ok lang, at mataas ang efficiency ng serbisyo.
At dahil ito ay nasa friendly neighborhood komersyal na lunan sa Metro Manila, mas madali ang akses dito. Hindi nakakatakot tumungo, walang pakikipagsapalaran sa biyahe. Na maari ngang trip-trip lang kahit hindi naman literal na nagbiyahe para sa figuratibong trip to heaven.
Substansyal na katuwang na inihanda ng Sogo Hotels ang bansa sa neoliberal na karansan sa sex, sa abot rin ng makakaya ng Katoliko at estadong konserbatismo. Sex—maging paid sex o leisure sex–ay integral na komponent sa service sector na binibigyan-diin ng gobyerno, lalo na ng admiistrasyon ni Gloria Arroyo.
Walang malisya, dahil kanya-kanyang adult na desisyon itong pribadong karanasan. Walang malisya lalo pa’t ginagawa ito sa lehitimong espasyo at panahon ng motel, tulad ng Sogo Hotels. Na may pagtanggap sa ehersisyo ng bawal na pagnanasang ito dahil mas matimbang ang konsumpsyon ng nakakapagbayad na gitnang uri kaysa sa moral na indictment ng kawalang-angkupan ng sexual na pagnanasa.
Mas matimbang ang finansyal na kapital kaysa sa moral na kapital. Sino ang mas papanigan ng estado? Wala naman kailangang pagpilian. Tasitong sinusuportahan ni Arroyo ang negosyo dahil may napapala itong pang-ekonomikong aktibidad na mahalaga sa kanyang inaasam na statistikong inuulat kapag SONA (state of the nation address).
Na ang sex ay pwedeng -pagkakitaan ay pangarap na naabot ng Sogo Hotels sa 20 branches nito sa Metro Manila. Malaking negosyo na nagsasaad sa negosyante at kliyente na “ramdam ang pag-unlad.” Sino ang hindi mamaximisahin ang kaligayahan—kahit pa illicit na pagnanasa ito—kung nagbayad ka para matamo ang rurok ng inaasam na tagumpay?
Ginawang empowered na pribadong mamamayan na nakakatamo ng pribatisadong konsumpsyon ng sariling pagnanasa. Na ang sex ay integral na ekonomikong aktibidad basta nananatili sa pribadong spero ng publikong buhay. At ang madilim, walang bintana at aircon na kwarto ay ang materialisasyon ng pribadong spero na ito.
Sa loob ng tatlong oras, ang buhay at kamatayan sa labas ay tumitigil para bigyan buhay ang pagsasakatuparan ng bawal na pagnanasa. Bawal pero nababayaran para maging lehitimo. Bawal pero mayroong pribadong spero sa publikong buhay maaring matamasa ito.
Dito, tulad sa rehimen ni Arroyo, ang halinghing at iri ay sabayang nagsasaad ng pagbulwak ng at pagdisiplina sa bawal. Basta may pera, hindi sa nabubura bagkus lalong tumitingkad ang distinksyon ng bawal at hindi sa mundong ibabaw.
imahen mula sa www.mindsay.com/…/oblation_run_07.mws
www.opmb.com/forums-mb/view_topic.php?id=1243…
www.opmb.com/forums-mb/view_topic.php?id=1243…
flickr.com/photos/jamesryanjonas/2590813069/
Sa palengke ng liberalismo at neoliberalismo, ang Oblation Run
Nandoon ako sa sentenaryo ng founding ng Unibersidad ng Pilipinas (UP). Ang main event ay ang 100 kasapi ng fraternity ng APO na mag-o-Oblation Run. Ito ang pagtakbo ng hubo’t hubad na kadalasan ay ginagawa sa umaga ng lantern parade sa Disyembre.
Command performance ito. At bali-balita pa ay may kasunduan daw sa administrasyon ng UP na walang politikal na mensahe, maliban sa pagdiriwang ng sentenaryo. Kakatwa ito dahil kaya rin may kuriosidad ang mga nag-aabang na tao ay kung ano namang mensahe ang bibigyan-diin ng run.
Sa You-Tube ay nakita ko na ang run sa AS Building na ang mga kasapi ay may sign ng “Stop Political Killings” o “Fight for Greater State Subsidy,” at maging “No to TOFI (Tuition and Other Fee Increases).” Sa pagkakataon ng Hunyo 18, 2008, tanging hubo’t hubad na katawan ang pinakakaabangan.
Tunay na queer o nagpapadaloy-daloy na ang mga kategorya ng sexualidad itong selebrasyon ng sentenaryo. Pinakatampok ang Oblation Run sa mismong araw ng pagdiriwang. Na ang 100 na walang saplot na lalake ay patungkol pa sa liberalismo ng UP ay hindi naman kakatwa.
Tanging sa UP lamang maaring mangyari ang ganito. May tolerance sa kontraryong aksyon, lalo na kung nilalahukan ng protesta. Ito naman ang alamat ng Oblation Run, bilang protesta sa pagka-ban ng pelikulang “Hubad na Bayani” noong 1977 na kritikal sa martial law ni Marcos.
Ngayon ay event na lamang ito, kahit pa ito nga ang sumapaw sa media coverage ng sentenaryo ng UP. Event dahil nakasentro sa sarili—katawan, frat, pag-aabang, parada at mga personahe—ang pangyayari. Wala na itong self-reflexive gesture na ukol sa anumang protesta: katawan bilang sintomas at kumakatawan sa krisis, panawagan humihigit sa sarili, pagtatanghal ng kontraryo at anti-establisyimentong dekorum at identidad, at iba pa.
Katulad ng isa pang heterosexual (mas marami ang babaeng imahen) at queer (hmm, may iilan pero tumatampok na lalake) na “100 Nudes by 100 Artists” na proyekto ng administrasyon. Itinatampok ang nude paintings bilang batayang sangkap ng sining at politika ng kontribusyon ng mga visual artist ng UP. Pakete para idepolitisa ang politikal na katangian ng sentenaryo ng UP.
Dahil itinatampok ang hubad na katawan na ni-reduce sa pagiging modelo ng idealismo sa kasiningan, binubura ang politikal para itampok ang politika ng patronahe (sino ang modelo, tumitingin, ipinipinta, nagpipinta, at bibili). Purong katawan at leisure ng sining. Sa huli, binebenta ang purong katawan para sa finansyal na kapital bilang patronahe ng karunungang misyon ng unibersidad.
Itinutumbas ang kasiningan ng katawan sa nude painting sa purong finansyal na ganansya. Donasyon ito, hindi ba? At tunay na 100 porsyento ang dedikasyon ng visual artists at ng kita ng UP.
Sa kaso ng Oblation Run, purong dedikasyon ng frat ang pananalig para sa UP. At purong pagpapaubaya ng administrasyon ng UP. Paano nga sasapawan ito kung pinili namang magpasapaw para itampok ang idealismo ng sentenaryo ng UP?
Na nahihimok ang mga artist na ialay ang kanilang talento para sa UP, at ang frat na magrekruta para sa pinakamalaking bilang ng partisipasyon sa Oblation Run, ay hindi rin kakatwa. Ito ang panghihimok ng neoliberalismo ng UP at ni Gloria Arroyo sa pangkalahatan.
Nagpapaubaya na ang mga katawan at kakanyahan ng mga tao para magserbisyo sa panuntunan ng neoliberalismo. Sa kaso ng UP at Arroyo, para sa higit na atraksyon ng kita at kapital.
May pinapanawagan ang administrasyon ng UP at bansa na ipinopostura bilang dakila, para sa nakararami, at para sa kagyat na hinaharap. Nakukumbinsi nito ang marami sa kanilang responsibilidad at obligasyon. At sa bagong henerasyon, kung paano ang pagsang-ayon ay tumutumbas sa pagiging spectacle.
Na parang sinasabi “ikaw ang bida, ikaw ang magaling” kahit pa ang mga ito ay temporal na kasiyahan ng sandali. Pagkatapos nito, gugunitain na lamang sa digicam pictures na na-upload sa internet, tulad ng video footage sa You-Tube.
Tinutunghayan bilang lumang novelty, kung paano maging “in” kahit ang historikal na posisyon ay kadalasang “out” na lampas sa isang kapamaraanan.
imahen mula sa flickr.com/photos/41735602@N00/2608318118
flickr.com/photos/41735602@N00/2610256277
flickr.com/photos/8197160@N02/491103351/
www.lloydslist.com/…/20017548209.htm
www.pound4pound.com/MannyPacquiao.htm
Disaster, Disaster sa Paglubog ng MV Princess of the Stars
Four strikes na ang Sulpicio Lines. Ang pinakamalaking maritime disaster ay hawak nito—4,341 nasawi sa pagbangga ng MV Dona Paz at MT Vector noong 1987. Ang MV Dona Marilyn ay lumubog isang taon matapos ang naunang trahedya, at 300 ang nasawi. 150 naman ang namatay noong 1998 nang lumubog ang MV Princess of the Orient. Sa tatlong disaster, pinawalang-sala ang Sulpicio Lines.
Nitong Hunyo 22, 2008, mga 700 katao ang tinatayang nasawi o nawawala sa paglubog naman ng MV Princess of the Stars. Kahit parang crown jewels ang turing sa pagpapangalan sa mga barko, mga higanteng kabaon ang katangian at kung magkagayon, ang nagiging kinahihinatnan nito.
Kalakhan ng mga barkong pumapalaot sa dagat ng bansa ay mga refurbished na cargo at fishing vessel. Segunda mano o ukay-ukay, kaya a la chamba ang pagbili at pagtangkilik ng mga ito. At mahaba pa ang listahan ng mga lumubog na barko sa kagyat na kasalukuyan.
MV Cebu City, 1994, 140 nasawi; MV Kimelody Cristy, 1995, 31 nasawi; MV Gretchen I, 1996, 50 nasawi; SuperFerry 14, 2004, 116 nasawi; at MV Princess of the World (Sulpicio Lines din), 2005, nasunog sa dagat. Kung sa maunlad na bansa ay grinound na ang mga barko kada may aksidente hanggang di pa lubos na naiinspeksyon, sa Pilipinas ay para lang domino na isa-isang inaantay natutumba, o sa kaso nito, lumulubog ang mga barko.
Kaya patuloy ang mga gawang-tao na disaster. Patuloy dahil nasa interes ng estado (malaking negosyo at gobyero) na gawing tila natatangi ang pagsulpot ng disaster para lamang sa huli, ito ang magmukhang bida. Sa konklusyon ng “disaster management” o ang pagkakahon ng pagbulwak ng gawang-taong disaster, ang estado (ang mga Go’s at si Gloria Arroyo) ang itatanghal na bida.
Ang gawang-taong disaster ay isang aberasyon, blunder at hindi lang pagkakamali, freak of nature, at pati “God’s will,” gaya nang sinasambit ng management ng Sulpicio Lines. Hindi ordinaryo dahil hindi nga naman araw-araw na lumulubog ang barko at may daan-daang namamatay.
Gawang-tao ito dahil katambal ng pagtitipid sa gastos ang inaasam na maximisasyon ng kita ng negosyo. Kung sino man ang nakasakay na sa barko ay alam na overloading ang kalakaran. Luma na ang mga makina at fasilidad. At pikit-mata at taimtim na nagdarasal na lamang na hindi lumubog ang barko kahit pa walang super-typhoon.
Kasabwat din ang Coast Guard at iba pang ahensya ng gobyerno sa pagtangkilik sa kalakaran ng negosyo. Para hindi malugi sa isang araw na kita, at dahil nga naman signal number 1 pa lamang sa Metro Manila kahit number 2 at 3 na sa ibang bahagi ng bansa, kasama ang patungong Cebu, naglayag pa rin ang naunsyaming MV Princess.
Wala pa rin kahandaan ang gobyerno sa disaster kahit na ilang disaster na ang humahagipis rito taon-taon, at sa okasyong ito, kahit pa ilang barko na ang lumubog sa nakaraan. Maluwag ang alaala ng gobyerno dahil sa panghihikayat sa negosyo na higit pang kumita. Kaya wala itong body bags, light gears sa underwater expedition, manwal sa pag-handle ng mga patay, monitoring system, at iba ang lohistika at sistema sa disaster management.
Wala o karumaldumal na kulang dahil hindi naman ito ang prioridad ng gastusin ng gobyerno. Makitid ang pag-iisip nito na hindi handang maggayak para sa peryodikong kaganapan. At dahil na rin, pwedeng idahilan, force of nature nga kaya hindi naman lubos na nakakapaghanda sa disaster.
At nang lumubog ang barko, tulad ng hinudyat ng mother-of-all-disaster-movies na “Titanic,” mabilis ang kaganapan. Sa pagitan ng lumulubog na barko at dumadagundong na dagat, saan pupunta ang karamihan na galing sa economy class na pasahero? Kaya rin hindi kataka-taka na kalakhan ng mga nasawi ay nanatiling nasa loob ng tumaob na barko.
Na tila hindi rin hiwalay kung paano ginagawang double-dead ang mga nasawi sa post-disaster na yugto ng management: sa pagitan ng nagtuturuang ahensya ng Coast Guard at may-ari ng Sulpicio Lines na humingi ng tawad sa mga pamilya ng nasawi nang hindi pa rin binabago ang linyang kagustuhan ni Lord ang kaganapan, walang kabuhay-buhay na mahihita sa imbestigasyong may nakasulat na ending na.
Nilisan na ni Arroyo ang sityo ng disaster—bago, sa sandali ng pangyayari, at matapos ang disaster. Tumungo na ito sa U.S. para sa pilgrimahe sa papaalis na pangulo ng bansa, at sa malamang na papalit rito. At nang mabalitaan ang kaganapan, video-conferencing ang best effort ni Arroyo.
Na wala ang presidente ay hindi naman aksidental. Ito ay insidental lang naman kung paano pa rin, sa huling pagtutuos, aakdain ng estado ang management at ending na magbubura sa disaster. Sa simula ay makikisisi si Arroyo, higit sa lahat, sa management para sa nangyari. Ang best scenario, may mapapalitan na opisyal. Pero hanggang dito na lamang at maraming salamat po.
Sa paninindigan ni Arroyo, kahit pa may higit na 600 ang tukoy na nasawi sa supertyphoon na Frank, mas kailangan ang kanyang presence sa U.S. Malamang, ito na ang kanyang farewell walk at kailangan matagal ang wave sa publiko. Kakausapin ni Arroyo ang maraming opisyal at negosyante para higit pang maipindeho ang yaman ng bansa.
Una ay maamo ang mukha ni Arroyo sa video conferencing na ginanap ng madaling-araw sa Malacanang. Na ang it’s-a-fake na hitsura ay hindi nakapanghimok ng simpatya kundi dismaya sa simulated na imahen ng pakikiisa. Kaya balik sa tantrum si Arroyo, nilalait ang Coast Guard kung bakit pinayagang bumiyahe na sinisi naman ang PAGASA sa ulat nito.
Kaya walang kasalanang maiakusa sa Sulpicio Lines maliban sa pagkagahamang kumita, na hindi naman krimen kundi kalikasan ng negosyo na siya namang hinihikayat ng gobyerno para sa pagpapaganda ng kanyang pambansang ekonomiyang statistika. Paano mo isasakdal ang Sulpicio Lines sa ikaapat na pagkakataong ito?
Sa disaster management, ang mina-manage ay hindi naman ang naging epekto ng disaster kundi kung paano idi-deflect ng gobyerno ang sisi sa kanyang sarili. Ito ang tagahanap ng consensus sa representatibong kapamilya ng mga nasawi at ng may-ari ng negosyong nagbunsod ng disaster.
Kung titignan pa lamang dito, wala na ang mga nasawi sa konfigurasyon. Ang tanging ina-appease ay ang mga pamilya via ng pamilyang negosyateng may-ari ng barko. Hindi rin pwedeng chakahin ng gobyerno nang todo ang negosyante dahil baka madismaya naman ang iba pang pamilyang negosyante. Maliit lang ang bilang ng kasapi ng burgis kumprador sa bansa. Baka wala nang mag-invest.
Ang bumibida sa disaster management ay si Noli de Castro, bise presidente bilang pagkatagpo ng isang solido at lingering media moment. Si Arroyo ay virtual at surrogate na nagma-manage ng disaster. Ang long-distance teleconferencing ay pagpapadiin sa kanyang pagprioridad sa interes ng U.S. imperialismo kaysa lokal na affairs.
Kaya kawawa naman ang ibang lugar na naapektuhan ng bagyo—Iloilo, Kalibo, mga bahagi ng Mindanao—dahil ang prioridad ng gobyerno ay ang media opportunity na inaalok ng paglubog ng MV Princess. Na tulad ng nakausling bahagi nito sa ibabaw ng dagat, ang imahen ay ang labi ng isang entidad na hindi na maililibing.
O matagal nang patay? Paano ililibing ang isang nakalutang na higanteng kabaong? Paano ililibing ang mga tao sa economy class na matagal nang pinagdamutan ng mismong estadong ngayon ay pinagkakaabalahan ang paghanap sa kanila sa loob ng barko?
At sa mga bangkay na napapadpad sa pampang, ang naisip na rekurso ng lokal na pamahalaan ay ibaon ito kaagad. Mabilisang pagbubura sa mga katawang hindi katanggap-tanggap nang sila ay nabuhay, at maging sa kanilang kamatayan. Anong saklap ng buhay, hindi ba, Kuya Eddie?
Muli ang venue ng solidaridad ng pamilya ng nasawi ay ang mga dingding malapit sa opisina ng Sulpicio Lines. Sa pamamagitan ng litrato, sulat, kandila, bulaklak, at memento, lumikha sila ng memorial. Na tulad sa memorial sa labas ng isa pang trahedya, ang sunog sa Ozone Disco, ang konsolidadong imahen ng buhay ang pantapat sa imahen ng kamatayang dulot ng media.
Pero pampamilya mode ang memorial na ito. Na sa isang banda rin ay kabahagi ng sistematikong pagkakahon sa disaster bilang konsern lamang ng mga pamilya ng nasawi. Ang kanilang pagwawala sa loob at labas ng opisina, ang pagtangis at pagkahimatay ay physiological na anyo ng pagbabalikwas sa isang abstraktong sistema.
Paano lalabanan ang isang entidad na naniniwalang wala silang sala, o ang maysala nga ay si god? At ang imahen ng nagbre-breakdown na pamilya ay paukol sa mob na katangian ng masa. May potensyal na mag-mob, kaya bago dumating sa puntong ito ay kailangan nang iappease.
Ang alok ng negosyante: tig-P200,000 bawat nasawi, libreng pamasahe at hotel sa Cebu habang nag-aantay ng resulta sa paghahanap, at may allowance pa. Habang nag-aantay, naagnas na ang mga katawan, kinain na ng pating at malalaking isda ang nakalutang na bangkay, ibinaon na ang mga napapadpad sa mga isla.
Kaya ang special offer ng Sulpicio Lines ay akma sa self-preservation nito. Huwag po, Lord kahit si Lord ang sinasambit nito. Composed sumagot ang madalang magpakitang opisyales na pamilya ng negosyo. At itong composure ang naghihiwalay sa kanila sa mob mentality ng masang pamilya at ang nade-decompose na katawan ng mga nasawi.
Intact ang negosyo, maging ang gobyerno. Hanggang sa muli, sa susunod na pagputok ng bagong disaster. In the meantime, nandiyan pa ang laban ni Manny Pacquiao sa kanyang pagtatagpo sa dakilang tadhana sa kasaysayan ng boxing. Mas hindi makakahinga ang bansa sa umaga ng Linggo ng laban.
Titigil muli ang buhay ng bansa. Maluluwag ang mga kalsada sa dalawang oras ng laban. Kolektibo ang pagdanas ng inaasahan na namang pagtatagumpay ng underdog (na kahit hindi ito si Pacquiao sa pagkakataong ito, dahil siya Filipino, underdog naman parati ang turing). At pagdating ng katanghalian, lalo pang nabura ang disaster ng MV Princess.
Para na lang character si Pacquiao sa isang computer game. Handang magpagamit sa estado sa pagsalo nito sa kahinaan at kakulangang ikinikilos sa binuburang mga indibidwal na biktima ng disaster. Disaster man sa MV Princess, disaster man sa pagkapangulo ni
Arroyo wala pa ring rekurso sa hustisyang makakamit.
Walang tala na mapapaluhod. Na mismong si Arroyo, Pacquiao at ang U.S. imperialismo ay umaawit na ng nakakapanghalinang muling magpapaidlip sa bayan.
imahen mula sa http://philmoney.blogspot.com/2008/04/100-peso-banknotes-university-of.html
homepage.mac.com/jdalisay/blog/FJ3650.html
Queer na Politika at Selebrasyon ng UP Centennial
Pageantry o magarbong spectacle ang pangunahing lagusan ng selebrasyon ng UP Centennial. Isang daan taon matapos itatag ang pangunahing unibersidad sa bansa, ang Unibersidad ng Pilipinas ay patuloy pa ring nagtatangkang ireafirma ang kanyang kontribusyon sa akademikong kagalingan at serbisyon sa bansa.
Na nagpapadiin sa tumutunghay sa selebrasyon na kakatwa ang gamit sa queer na politika na tumutukoy sa panlipunang konstruksyon ng katawan, paglaban sa sexual na normativity, at produktibong gamit sa kalabisan (excess) sa pagtatanghal ng kontraryong identidad. Sa kaso ng queer politics, lumalaban ito sa heteronormativity o ang sosyalisasyong panlipunan na sabayang nagtatakda ng pagbibigay-pribilehiyo sa heterosexualidad at nagsasantabi sa iba pang uri ng sexualidad, tulad ng bakla, lesbiana, bisexual at transexuals.
Nagbukas ang pagdiriwang sa isang parada. Magarbong fireworks ang naghudyat ng pagsisimula ng selebrasyon. Matapos ay parang de-kalibreng balang pinaputok isa-isa ang mga aktibidad: centennial lectures (gastos ay P13 milyon), tri-media projection (P12 milyon), centennial concert (P5 milyon), centennial notes (P5 milyon), centennial awards (P2 milyon), centennial literary contest (P2 milyon), audiovisual presentation (P2 milyon), history project (P1.4 milyon), coffee table book (P1.5 milyon), digital film making contest (P.7 milyon), centennial music video (P.7 milyon), centenniall address book (P.5 milyon), centennial glass plates (P5 milyon), centennial song contest (.4 milyon), centennail newletter (P.3 milyon), events poster (P.15 milyon), capital outlay projects (P5 milyon), at administrative expenses (P5 milyon).
Ang suma total ng pagdiriwang ay P147.15 milyon. Kapansin-pansin na ang selebrasyon ay nakaangkla sa paglikha ng temporal na performatibong imahen ng UP. Temporal dahil time-bound na kasalukuyang paggunita sa 100 taong kasaysayan. Marami sa proyekto ay awards sa sarili, produksyon ng panitikan at kasaysayang sentenaryo na nagdadamba sa inaakalang ideal ng UP.
Performatibo rin ito dahil itinatanghal sa concert, literatura at awit ang paggunita. Kakatwa rin na kitsch ang maraming pinopondohan ng selebrasyon: plato, address book, coffee table book, music video at iba pa. At dahil ang bulto ng selebrasyon ay isinasagawa sa isang takdang panahon (ang taon ng sentenaryo), tunay na kalabisan na itong paggunita.
Naglipana sa flagship campus sa Diliman ang paalaala ng sentenaryo. Hindi ito makakaligtaan. Mula sa “UP@100” sa Quezon Hall, sa sandamakmak na tarpaulin na nagkalat mula bukana ng Oval hanggang sa bawat pagbati at anunsyo ay nakaangkla sa selebrasyon ng UP Centennial. Bakit ganito na lamang ang diin na ipaalaala ang sentenaryo?
Ano ang gustong ipaalaala ng UP sa kanyang sarili sa ka-OA-yan ng paggunita? Kung akademikong kagalingan, bakit walang substansyal na proyektong pang-akademiko maaring mabiyayaan ang mga fakulti at mag-aaral? Bakit hindi nadagdagan ang scholarship para sa mag-aaral o egalitaryong pag-angat ng kalagayan ng fakulti conducive para sa kagalingan? Kung ito ay serbisyo sa bansa, bakit puro paggunita sa nakaraan, hindi sa hinaharap?
Na matapos ihinto ang proyektong volunterismo ng Pahinungod, ano pa nga ba ang tunay na serbisyo ng UP sa bansa? Na marami sa kanyang nagsipagtapos ay naging presidente, at sinundad ng landslide ng mga skandalo ng panungurakot bilang presidente, tulad ng kasalukuyang nakaluklok? O naging kabinete na nagpatupad ng higit pang liberalisasyon ng ekonomiya para sa serbisyo ng dayuhang negosyo?
Hindi kaya dahil may kontra-produktibong substansyal na kontribusyon din ang UP sa pagtalikdan sa interes ng sambayanan na maramihan nitong gunigunita ang posibilidad at hindi ng realidad? Na ang ipinagdiriwang, sa isang banda, ay ang mga bagay na nagawa, kahit pa limitado at hindi maximisado sa potensyal ng kanyang papel sa sambayanan. Na matapos nga naman ng 100 taon at bilyon-bilyong resources na in-invest dito ay mayroon naman talaga itong magagawa.
Pero hindi pa rin lubos sa klase ng pagkaunlad ng UP at sa pagmaniobra nito ng higitan pang neoliberalisasyon ng edukasyon sa kolehiyo. Magtataas lang ng matrikula, 300 porsyento pa ang laki? Kokomersyalisahin lang ang lupa nito, call center pa ang itinatayo sa Commonwealth Avenue? Na walo lamang sa 2,500 bagong freshies ngayon schoolyear ang may full scholarship? Na magpapaaproba lang ng bagong Charter, korporatisasyon ang tinungo?
Sa kabilang banda, ang hindi sinasabi ng pagdiriwang ay ang hindi rin nagawa ng UP. At dahil malawakan, malaliman at malakihan pa ang hindi nagagawa ng pangunahing unibersidad ng bansa, labis-labis ang pagdamdana sa (limitadong) nagawa na nito. At kung gayon, ang kalabisan ay nakabatay rin sa pagtatakip ng adminstrasyon sa mga hindi nagawa ng UP.
Kung sa queer na politika, kinikilala ang kakayahan ng indibidwal at sektor na magsiwalat ng kontra-heteronormativity na praxis, ang queer na politika sa UP Centennial ay may normatibong kalakaran. Hindi kontraryo, kundi pagtapik sa sariling balikat ang isinasaalang-alang ng pagdiriwang.
Pagbubuhat sa sariling bangko. Hindi rin kalabisan kung sasabihing arrogance ito ng UP na itanghal ang sarili, sa pagkaaproba ng bagong charter nito sa sentenaryong taon, bilang kaisa-isang “national university.” Na parang ito lang ang may pambansang saklaw na unibersidad at may direktang akses sa gawaing pambansa (nation-building).
Pero gaya na rin ng pagsusuri hinggil sa bagong charter, ang pagiging national university ay mas ugma sa itinatakdang pribatisadong gawain ng UP—bilang magnet ng kita mula sa lupain at ari-arian nito, kasama ng dunong ng kanyang fakulti at estudyante. Sa katunayan, ang presidente ng UP ang kinikilala nang chief executive officer, tulad sa pribado at gobyernong korporasyon.
At sa kauna-unahang pagkakataon, ang sweldo ng presidente ng UP ay maaring lampasan pa nga sa kita ng presidente ng mga higanteng korporasyon. Hindi ba ito panibagong anyo ng kalabisan? Ang kapansin-pansin sa maniobrang tulad nito, kasama ang selebrasyon sa UP Centennial, ay ipakita ang bagong artifice ng UP.
Ang artifice na ito ay walang ugnay sa legacy ng Oblation, ang simbolo ng UP, na ang panawagan sa miyembro ng komunidad ay tumamasa ng biyaya ng kaalaman at karunungan. Na nagsisilbi ang UP sa sinuman at anumang nagpapatibay ng ugnay sa sambayanan.
Para na rin itong artifice ng transgender at transexual na bading. Alam nating bading ito, gaya nang ipinagsisigawan ng kapamaraan ng konstruksyon ng kanyang katawan, bilang pag-aninag sa kanyang pagkatao na kontraryong nilalang sa heterosexualidad. Hindi siya umaasang hindi mapapansin ito, parating may nakausling hibla maging sa pinakamagandang bading, na magpapanatili na ito ay nahulma sa lalakeng biolohikal na pagkatao.
Ang ginagawa ng selebrasyon ng UP Centennial ay normalisasyon ng di na nito ginagawa—ang abdikasyon maging sa mismong aktibistang kasaysayan na nagbago ng karakter ng UP at higher learning simula pa 1960s. Iginagayak ang bonggang kaganyakan ng selebrasyon sa kulang sa bonggang imaterialisasyon ng hindi nito nagawa.
Binobongga para itago ang hindi nagawa. At ang hindi na gagawin. Bongga, di ba? Malinaw sa termino ng sentenaryong pangulo ng UP, si Emerlinda Roman, ang neoliberal turn na isinasagawa ng kanyang administrasyon. Market-driven ang mga programa at rekurso sa paghahanap ng dagdag na pondo.
Ipininta ni Roman ang kanyang sarili sa kanto ng kwarto. At buong giliw naman itong nilalasap ang view mula sa kanto. Tunay ngang may sariling republika ang UP na nakahiwalay sa sambayanan. At gaya ng karanasan sa panonood ng sine, itinatanghal nang maraming nakapaloob sa institusyon (kaiba sa komunidad) ang voluntaryong pakikibaybay sa direksyong tinatahak. Pangako ng mas mataas na sweldo, mas magandang fasilidad, mas mabangong banyo (kung pwede pa nga, tulad ng aircon at marmol na banyo sa De La Salle University), mas mataas na karangalan ang inaasam-asam.
Pero ang kwento ng mga pangako ay napapako. Dagdag na naman sa di magagawa kahit mismong administrasyon ni Roman. Ang rekurso ng susunod na administrasyon ng post-sentenaryo ay higit pang paigtingin ang predikamento ng market. At kung magpakaganito, maging ang Oblation ay maari na ring ibenta. Kung hindi pa nga ito nagagawa.
Ang UP Centennial ay nagbibigay-diin sa branding ng UP. Ang branding ay isang naratibong kayang bumenta nang higit sa aktwal na halaga. Ang Mercedes Benz ay luxury car. Ang Coke ay the real thing. Just do it ang Nike. Love ko ito ang McDonald. Langhap sarap ang Jollibee. Kaya nga willing tayong magbayad nang lampas sa aktwal na halaga dahil napapaniwala tayo sa inilalakong kwento ng mga produkto.
Pinagkakakitaan ng UP Centennial ang nakaraan nito, lalo pa ang aktibistang karanasan substansyal ang ambag sa transformasyong historikal at panlipunan. “Social consciousness” ang pangunahing bentahe kung bakit ang UP ay UP. Kung ito ay “man for others” sa Ateneo University, ang sinisimbolong paglilingkod sa sambayanan ang niche market ng UP graduate.
Kaya naiiba ang substansya ng katawan ng UP graduate na inilalako ngayon ng UP sa bayan, kundi man sa call center nito sa Commonwealth Avenue. Ang panlipunang kamalayan—ang mulat at nakakapagmulat, ang exemplar ng pinakatampok na liberal na edukasyon sa bansa—ang kinaiba ng UP.
Kaya ang Oblation ay tulad na lang ng imahen ni Che Guevarra sa text-generation na nagsusuot nito dahil hip at cool, mukhang rock star, at rock star ang dating nang may t-shirt. Wala nang orihinaryong kahulugan na sinasambit ito. Binura na ng neoliberalismo ng business adminstration at economics na kamalayan at management practice ng administrasyon.
Pero nabebenta ang Oblation: sandamakmak ang t-shirt sa shopping center na may imahen nito, nasa coffee mugs, nabibili rin bilang skulturang tropeo, at kabahagi nga ng lahat ng anunsyong may kinalaman o wala sa UP Centennial. Wala lang, parang dapat naroon kahit wala rito o roon ang winala na nitong kahulugan.
Pomp at pageantry ang inaakda na bisyon ng administrasyon sa UP Centennial. Pinapakita ang naratibo ng edukasyon UP bilang natatangi sa bansa. At nang sa gayon ay higit pang kumita. Ito ang inaakala ng administrasyon. At ang trahedya nito, pinagkakakitaan nito ang nakaraang pamana ng 100 taon na pinagsimulan ng kolonyal na edukasyon at ang transformasyon nito sa pagiging social commentator ng bansa.
Ang radikal na kasaysayan ay kinakaligtaan sa kasalukuyang selebrasyon kahit pa ang radikal na kasaysayan ay isang tampok na defining moment ng UP. Kung isinasalang man, dahil hindi na maitatwa ang historikal: Diliman Commune, ang mga namundok, ang mga naging martir, ang paglahok sa EDSA 2, at ang kasalukuyang partisipasyon sa pagpapatalsik kay Arroyo.
Aksesorya na lamang ang aktibismo, tulad ng Oblation. Nandiyan at hindi naman maaring tanggalin. At kung nandiyan, bakit hindi na lang din pagkakitaan. Nang dinisenyo ang Quezon Hall bilang lagusan mula sa panorama ng University Avenue, in-imagine ito bilang transparent na strukturang pagtatagusan ng sinumang mapadaan sa kanyang poder.
Pero sa nagaganap na selebrasyon at sa bigwas ng implementasyon ng neoliberalismo ni Roman, marami nang itinatago. Naalaala ko para sa isang klase sa Kulturang Popular na gusto kong iakyat ang mga estudyante sa balkonahe para matunghayan nila ang pakiwari ng transparency ng kapangyarihan ay pinagbawalan kaming gawin ito.
Wala naman memo na iniharap. Bawal daw, sabi ng gwardiya. Na hindi ko maintindihan dahil mismong ang liberal na pamantasan ay kumitid na ang kalakaran. Mismong ang akses sa akademikong kagalingan at transparency ng pamumuno ay binura na. Ano ang itinira?
Hindi koinsidental na ang pomp at pageantry ay nakabatay sa image-building. Pagkatapos ng Kodak moment ng mga paputok at 100 hubad na lalake sa Oblation Run, ano ang labi? Higit pang imahen, tulad ng digi film, photo at MTV competitions at coffee table book na tiyak nating hindi natin mabibili at kung gayon ay hindi matatagpuan sa ating mga sala.
Isang daan hubad na lalake, nakamaskara at dinidirektang maglakad sa UP Oval tungo sa Quezon Hall ang naganap noong Hunyo 18. Inagaw ang eksena raw sa pagdiriwang ng UP Centennial. Paano aagawin ang isang imahen kundi ng isang mas malaking imahen.
Ito o/at patuloy na aktibismong pilit na ibinabaon sa pagdambana ng ofisyal na kasaysayan. Sa huling paghuhusga, ang cornerstone ng UP ay kung paano ito tunay na nakakapaglingkod sa sambayanan.
Maligayang kaarawan, Oble at sa mga skolar-guro-kawani ng bayan!














