Rolando Tolentino

Month: December, 2011

Politika’t estetika ng remake

Rebyu ng Manila Kingpin: The Asiong Salonga Story (Tikoy Aguiluz/Gary Dela Cruz, direktor, 2011)

Nang i-google ko ang “Asiong Salonga,” nalaman kong ito na ang ikaanim na bersyon mula sa biograpiya ng “hari ng Tundo” na pinaghalawan at ginawang pelikula (http://www.imdb.com/character/ch0274573/). May tatlo na itong biopic (Asiong Salonga, 1961, ni Joseph Estrada; Salonga, 1978, ni Rudy Fernandez; at Asiong Salonga Story, 1990, ni Jorge Estregan, Jr. bago ito naging ER Ejercito, ang kasalukuyang gumaganap).

Ang dalawa pang bersyon ay mula pa rin kay Estrada: Asiong Meets Alembong (1962) at Asiong Brothers (1965). Malinaw na may Midas touch ang paghalaw ng pelikula sa buhay ng kilalang hoodlum, gangster at kriminal, lalo na nga kung ito ay si Asiong Salonga.

Hindi naman ordinaryong “kriminal” ang buhay na ito. Ito ang Robin Hood na tipo na nagnanakaw sa maykaya’t may kapangyarihan, at namumudmod sa pinagdamutan. At ang true-to-life stories ang balon na pinaghahalawan ng pagiging “action king,” isang titulo na nabakante dahil sa pagbagsak ng kita ng komersyal na pelikula at nagpalaho sa pelikulang aksyon at bakbakan, mga pelikulang mahal ang gastos at spesipiko sa kalalakihan ang audience.

Hanggang sa buhayin muli ang patay ni ER Ejercito (na siya mismo ay produkto ng ilang “resureksyon”). Nang buhayin ito ni Ejercito, siya ay gobernador na ng Laguna (kaya dalawa na ang aktibong artistang gobernador, kasama si Vilma Santos ng karatig-probinsyang Batangas).

At ito ang malinaw na lumalabas na politika ng Manila Kingpin, na ito ay nakaugnay sa politikal na karir ng artista nito, na siya rin naman bahagi ng formulasyon ng mga action king na naging politiko: matagumpay sa genre ng bakbakan, nagtatagumpay dahil sa paghalaw sa buhay ng Robin Hood na tauhan, nagiging ikoniko na magpapakat sa kanilang tauhang ginampanan sa pelikula sa kanilang pagkatao sa labas ng pelikula, at magiging matagumpay—kundi man, mahahalal at mananahimik kapag nahalal—sa pambansang posisyon.

Ang ceiling nito ay hanggang kay Lito Lapid lamang, na mayroon ding biopics sa kanyang kredensyal. Ang “junior action kings” (tignan ang hirarkiya sa genre na ito) ay nakasandal sa naunang hari’t politiko: Bong Revilla, Jr. at Jinggoy Estrada. Si Revilla ay sumanga na sa fantasy films sa kanyang Ang Panday series, na kahit matagumpay na halaw pa kay FPJ (Fernando Poe, Jr.) ay sa ipinagyayabang na “world-class” special effects ay pinamahayan na ng lumilipad na dragon, taong bato’t dagat, at exotikong tribu.

Kaya may kontradiksyon sa bisyong di maayos at mapagkaisahan ng direktor at artista’t producer ng Manila Kingpin. Sa beteranong direktor na si Tikoy Aguiluz, ang nangyaring “re-edits” at ang kalidad ng mga promotional material ay kailangang magbigay pribilehiyo sa bisyon ng direktor nito. Para kay Ejercito, “prerogatibo” naman ito ng producer, pati ang obserbasyong “mabagal ang pacing” at maglapat ng panibagong musika sa pelikula.


Mga imahen mula sa http://pinoymovieblogger.blogspot.com at http://video48.blogspot.com

Sa pelikulang napanood ko para sa 2011 Metro Manila Film Festival ay namumutiktik sa tensyon. Una ay ang elaborasyon ng Robin Hood na buhay, lalo na sa unang bahagi ng pelikula, ay “walang puso” at nakakakuha lang ng atensyon dahil sa black-and-white na kalidad ng pelikula at ilang piling eksena, tulad ng shoot out na gamit ang kalesa.

Ikalawa, ang fragmented na storytelling (paano mo nga naman ire-remake ng ikaanim na beses si Asiong, na ang pinakahuli pang remake ay iyon mismong gawa rin ng artista mo?) ay nasasalo lamang sa pamamagitan ng artistikong shots at staging ng action. Kabilang dito ang duelo ni Asiong at ng isa pang kasamahang hoodlum sa kulungan sa ilog at tuyot na lugar.

Kasama rin dito ang homage scene sa ending. Sa pagtungo ng karwahe ni Asiong sa libingan ay nagkaroon pa ng engkwentro. Akostikong “Mad World” ng Tears for Fears ang lingering soundtrack habang ang montage ng madugo’t stylistikong kumprontasyon at patayan (re: masaker) ay ipinapakita. Sa akin ay matagumpay ang eksena, kinausap ako ng postmodernong eksena sa klase ng aking kasulukuyang historikal na positioning (1980s kid, nakakapanood ng Hong Kong new wave action films, at Korean gangster movies).

Ang problema sa remake ay ang kaubusan ng pwede pang masasabi: na kahit pa hindi “klasikal” ang turing sa mga naunang Asiong Salonga (isipin na lang ang remakes ni Lino Brocka at Ishmael Bernal ng Maynila at City After Dark ng indie filmmakers; pati na rin ang remake ni Celso Ad. Castillo ng sarili nitong obrang Ang Pinakamagandang Hayop sa Balat ng Lupa), ay ikoniko ang historikal na figurang pinaghahalawan.

Tulad din ito ng proliferasyon ng Rizal biopics sa sentenaryo ng kamartiran ng pambansang bayani, ang kaibahan nga lang, installment ang Asiong Salonga. May subersibong potensyal pa rin dahil nga ang binibigyan-buhay para sa ibang henerasyon—ang binubuhay na patay ay ang bangkay ng kriminal, ang bayani ng masa na minahal ito.

Sa isang bansa na mas dumadaling magkabaligtad ang pwesto ng bayani’t kriminal, nananatiling makabuluhan ang buhay at ang muli’t muling pagsasabuhay ng pelikula kay Asiong Salonga.

Unang nailathala sa Lipunan+Kasaysayan+Pagkatao kolum noong ika-31 ng Disyembre, 2011, Pinoyweekly.org.

Skyline ng Metro Manila at aspirasyong “reaching for the stars”


Imahen mula sa http://redandwhitekop.com

Sa dami ng itinatayong bagong gusali, tila may nabubuong skyline ang Metro Manila. Maganda raw sa feng shui ang skyline dahil tulad ng Great Wall of China, kaya nitong I bloke ang negative energies. At tulad ng photogenic shots ng “great cities,” tulad ng Chicago, New York, Shanghai, Seoul at Tokyo, ang skyline ay indikasyon ng pagiging First World (capitalist) hub ng syudad.

Ang problema pa sa skyline ng Metro Manila ay bitak-bitak ang hilera ng gusali, nasisingitan ng mas malawak na patlang ng maykaya at naghihikahos na tahanan at komunidad. At kung gayon, wala pang lubos na cohesion ang pagiging First World nito.

Nananatiling portals para sa First World status ang mga magkakadikit na gusali, na nagbabadya ng posibilidad ng pagkakamit (eventually) ng First World status sa di-kalayuang hinaharap.

Ang kakatwa, ang limitadong panorama ng mga portal ay nasa mismong sityo ng First World sa pangunahing syudad sa bansa. Halimbawa, para makita ang bungi-bunging bahagi ng skyline ng Manila sa harapan ng bay nito, kailangan ay nasa leisure at arts hub ka ng Cultural Center of the Philippines complex o nasa mga yate kang nakaparada’t pumapalaot mula sa daungan sa tabi nito.

O nasa loob ang tumitingin sa mataas na bahagi ng isang skyscraper. Sa isang for-members-only na club sa 33rd na palapag sa isang gusali sa Makati, mayroon kang matatanaw na 180-degree na panorama ng syudad, kasama rito ang mga bagong tayong skycrapers. Kakatwa, kung gayon, ang pakiwaring First World dulot ng infrastruktura—ang skyscraper at skyline—nito dahil exklusibo para sa pribelihiyadong mataas na uri ang pagdanas nito.

Hindi tulad ng “demokratisadong” espasyo ng mall, coffee at tea shops, food belts, at night-out hubs, kailangan ng mas exklusibong pagdanas ng fantasya ng First World, na mismong ang maykayang uri ang kailangang mapaniwala ang sarili nila na nasa bingit na ang syudad at bansa ng First World na pag-unlad at kosmopolitanismo.

Una nang ipinadanas ang pakiwaring First World sa First World enclave sa syudad: ang pinaka-exklusibong sityo ng kapitalismo’t comfort leisure lifestyle, tulad ng The Fort at Eastwood mula sa kaisa-isang natatanging pinagmulan nito, ang Central Business District ng Makati. Ang kakatwa rito, hindi inabot ng ilang dekada ang modernisasyon ng lugar mula sa talahiban at komunidad ng maralitang tagalunsod tungo sa affluence na binibigyan-simbolo nito para sa nakararami at tinatamasa ng iilang nakapaloob rito.

Fast-track ang development dahil kundi man napagpartihan ang pagpapaunlad nito sa ilang realty companies (tulad ng The Fort), ay exklusibo ang naging modernisasyon nito (tulad ng Eastwood). Sustenido, tulad ng nagiging bisyon ng Shoemart sa reclaimed area na kanilang nabili (mula sa mismong gobyerno!) na kasalukuyang kinatatayuan ng kanilang Mall of Asia, ang flagship enterprise sa lugar na ito.

Sa katunayan, matagal nang suportado ng pambansa at lokal na gobyerno ang bisyon at pakiwaring First World ng mga malalaking negosyante. Ang SM North at Trinoma ay mula sa lupain ng pamahalaan. Ang SM ay magtatayo ng isang condominium sa may kanto ng Katipunan at Aurora, na may sinasabing exemption sa zoning law ng Quezon City. Imbis na gawing mass housing ng pambansang pamahalaan ang malawak na lupang na-reclaim nito sa Manila Bay, ito ay tinipak para sa pagpapaunlad ng SM at sa gambling district ng Pagcor.

Ang First World enclaves ay maaring isiping “city on the hill,” isang bisyon ng mga bisyonaryo na magpaunlad mula sa wala. At ito naman ang kanilang inaakda sa kasalukuyan: ang turing sa maralitang komunidad bilang “wala” kundi man balakid sa modernisasyon at ang higit nitong periperilisasyon sa mas malayong lugar, mula talahiban at sukal ay makakapagpatayo sila ng skyscrapers at iba pang amenidad para sa maykayang bumili at dumanas nito.

Ang pakiwaring First World, kahit mas exklusibo sa maykaya, ay nahihikayat na rin sa gitnang uri sa bansa at sa kanilang miyembrong overseas contract workers. Ang mga reality company ay nagtataguyod na ng mga produkto para sa kanilang market: mid-range at mid-price na mga condominium at tahanan sa subdibisyon bilang growth area ng pag-unlad ng mga reality company.

Itinataas ang aspirasyong maabot ang mga tala sa iilan pang may kayang magpaluhod nito at mapabilang sa higit na exklusibong pamayanan ng naghaharing uri sa bansa, kundi man ng lehitimong surrogates na nagpapatakbo nito. Pero ang skyline ay tunay na oasis (na isa pa ring imahen ng katubusan at kalabisan) kahit pa ang bitak-bitak na pagkukumpol ng mga gusali nito ay nanatiling pruweba ng sabayang posilidad: ng aktwal na pag-unlad at ng aktwal na limitasyon nito.

Tulad ng persona na pinag-uukulan ng kantang “Skyline Pigeon” ni Elton John, nananatiling ang kalapati’t nakararaming mamamayan ay naghanangad, nagnanasa na makalipad at umalagwa sa syudad kahit pa ang pag-unlad ng syudad ang naging salarin at malawakang balakid ng kanilang sarili’t kolektibong pag-unlad mula sa abang kondisyon.


Imahen mula sa http://earthrights.net

Unang nailathala sa Lokusyonaryo ng Kulturang Popular kolum noong ika-30 ng Disyembre, 2011, Bulatlat.com

Haciendero sa toreng garing

Makailang ulit na akong napadaan sa Hacienda Luisita mula sa bagong superhighway. At totoo namang nakakasindak na ang hacienda ay kinabibilangan ng mall, golf course, special economic zone, mamahaling subdibisyon, at libo-libong hektarya ng tubuhan at asukarera.

Sa Hacienda Yulo sa Laguna at Cavite, ang spiritwal na highlight sa akin ng pagbisita ay pagtungo sa isang patag na bahagi ng bundok, at ang libo-libong hektarya ng niyog at bakahan ay sakop pa rin ng hacienda. Ang trahedya sa lipunang Filipino ay ang mismong pananatili ng kapyudalan sa sistemang hacienda. Matapos ng mga 400 taon, hindi pa rin nagbabago simula nang ipamigay ng mga Kastila ang malalaking lupain sa naging kaanib ng panananakop sa sistemang encomienda.

Isang anomalya ang hacienda dahil sa idea na ang piling libo-libong hektarya ay pagmamay-ari ng iisang pamilya o angkan. Marami sa mga hacienda ay sapilitang pagkakamkam ng lupain ng mga naunang mamamayan dito. Nabiyayaan ng pambansang sistemang pyudal ang 400 taon nang patuloy na pangangamkam at pagkontrol sa mga hacienda sa bansa.

Indikasyon ito na nananatili pa ring malawak at malalim ang kapyudalan (sistemang malapyudal at malakolonyal) kahit pa sa mga pangako ng corrupt-free (“opposite” of Marcos ni Corazon Aquino), Tiger Economy (Fidel Ramos), para sa mahirap (Joseph Estrada), matatag na republika (Gloria Arroyo), at corrupt-free (Part II) at public-private partnership (Noynoy Aquino) bilang behikulo ng pambansang pag-unlad.

Paano tunay na uunlad ang bansa kung ang kalakaran ng pag-aari ng yaman nito ay nasa kamay ng iilan? Nang pumasok si Noynoy Aquino bilang presidente, ang insidente ng pagpapatalsik sa magsasaka ng Hacienda Yulo at maging ang patuloy na di-pagdeklara ng posisyon hinggil sa kanilang Hacienda Luisita ang bumati sa kanya.

Pumapatak na ang kanyang unang 100 araw, ang simbolikong honeymoon stage sa bagong pangulo at ang mga institusyong kritiko nito. Patuloy pa rin ang harassment sa piket ng magsasaka sa Hacienda Yulo. Patuloy pa rin ang pagtatakip sa problema ng lupain sa Hacienda Luisita.

Nitong linggo, ipinagbunyi ng mga diyaryo na na-settle na raw ang problema sa Hacienda Luisita. Nagkasundo na ang mga magsasaka at mga Conjuangco at Aquino na magbigay ng dalawang opsyon sa sumasaka: stock option (na siya ngang dahilan sa patuloy na paghihirap ng magsasaka roon), at piraso ng lupain. Mabilis ang pahayag ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas, hunghang ang sinasabing kasunduan.

Tanging ang faksyong matagal nang sumusuporta sa mga haciendero ang napapayag sa kasunduan. Maging ang konserbatibong si Christian Monsod, isa sa gumawa ng 1987 Constitution, ang nagsaad ng pagkadismaya sa inaakalang resolusyon sa problema sa Hacienda Luisita. Wala raw sa spirit ng konstitusyon ang paraan ng pagkaresolba nito.

Sa panitikan, ang manunulat na lumilikha para sa kanyang sarili, ang tumuturing sa sarili bilang natatangi at dakila ay sinasabing “manunulat sa toreng garing” (ivory tower). Ito ang manunulat na magsusulat ng kanyang obra, kahit hindi pa maintindihan ng mambabasa. Mambabasa ang humabol para maunawaan siya, basahin din ang nabasa ng manunulat.

May sariling mundo ang manunulat na ganito, at pati ang hacienderong katumbas nito sa kasalukuyang lipunan (ang kapyudalan sa uri ng pagkaunlad ng kapitalismo sa bansa). May sarili itong lohika, at siya lamang ang nakakaintindi nito. Sa manunulat, ito ang pagdakila sa Literatura, ang panulat para sa sining at katotohanan ng sarili (ng manunulat lamang).

Sa kontemporaryong haciendero, ito ang pagbabalat-kayo: hacienderong artista at host na aagawan ang mismong kapatid na pangulo ng moment (inagurasyon) para ibuyanyang ang domestikong problema (ang paghihiwalay sa asawa); hacienderong anak ng mag-asawang pambansang bayaning haciendero na magiging pangulo (na haciendero pa rin); o haciendero sa akademya na ang entitlement ay ang inaakalang intelekwtal na publiko kahit pa wala namang akademikong librong nalathala (ay anong sakit!).

Ang taong namumuhay sa toreng garing ay namumuhay sa purong ere ng kapital. Pinakamabilis ang sirkulasyon sa unibersalisasyon at ahistorisasyon, ang diwa ng neoliberalismong ipinapatupad sa kasalukuyan. Kapag namuhay ka sa ere, mas masakit ang paglagapak sa lupa. Kaya patuloy ang pagkapit sa ere bilang pagkapit sa sariling buhay ng kapital.

Kapag nasa toreng garing, alapaap ang tanawin. At sa alapaap, ang masayang realisasyon na ang lahat ng natatanaw ay sa iyo. Kahit pa sa huli, ang katiyakang babagsak ang toreng garing dahil may mas maraming nagbubuklod araw-araw para ibagsak ang kaayusang nagbibiyaya sa iilan at nagpapasakit sa nakararami. Pero sa ere, at sa tanawing walang hanggan at walang historikal, ang trahedyang nagbabalat-kayo pa rin kahit na nag-iisa, at ang mas malaking trahedyang bilang na ang sandaling ganito.

Unang nailathala sa Pasintabi kolum noong ika-9 ng Agosto, 2010, Pinoyweekly.org.

Niche Magazines at Papuri sa Kapitalismo

Sa isang lektura, binanggit ng taga-Summit Media, industry leader sa magazine publishing, at kung tama ang aking nadinig, na ang market nito ay P4 bilyon kada taon, at lumalaki pa. Talo ng magazines ang pinagsamang kita ng pelikula at musika.

Hindi naman spekulasyon na ang pangunahing mabebentang magazines ay mga local franchise ng global na produkto, tulad ng Cosmopolitan, Playboy, Men’s Health at Women’s Health o lokal na adaptasyon nito, tulad ng Yes, Candy at Chalk. At kung gayon, malinaw din ang foregrounding ng isang global na (gitnang uring) pagkamamamayan—alam ang uso at may brand recognition, nakakapamili, may hangaring bumili, at mapabilang sa kumikitid na entrada sa konsumeristang mamamayan—sa nahuling yugto ng kapitalismo.

Sa halaga mula P100 hanggang P300, o sa pagbabasa nito sa mga sityo ng gitnang uring konsumpsyon (parlor, lounge sa opisina, klinika, coffee shop, at iba pa), dinidiin ang kosmopolitan na lifestyle na maghahatid sa mambabasa-nilalang sa pagkakamit ng gitnang uring fantasya. Ito ang bagong global na pagkamamayan na hatid ng magazines at ang pinakahuli nitong morphing: glossy, hindi mahalay (tulad ng naunang gay magazines), tadtad ng pahina ng advertising, at tampok ang ideal na pangangatawan ng kabataan: lean na maskulado (may “abs factor” bilang tampok na body part) sa kalalakihan, at payat na ideal sa kababaihan.

Nang minsan kailangan kong mag-ubos ng oras dahil maaga ako sa pagdating sa tagpuan, minabuti kong magparaos sa isang bookstore. Ayaw kong pumunta sana dahil kalakhan ng gusto kong buklatin ay nakabalot na sa plastik (na gitnang uring fantasya ng underclass dahil lahat ng bago’t mamahaling gamit ay binabalutan ng plastik, tulad ng sala set, dining set, kutson ng kama, at iba pa). Pero ito o magkape na naman sa isang mamahaling kapihan?

Nagulat ako sa natagpuan ko sa magazine shelves. Di lamang mas dumami pa ang mainstream magazines, lumalawak na rin ang bilang ng “niche magazines” o lokal at tila subkultural na magazines para sa spesifikong mambabasa: Clavel Sneaker Mag para sa nangongolekta ng rubber shoes, Ketchup para sa bading at lesbiana, Adobo the world of advertising (na tunay na walang pagtatago sa kanyang cause for being), Monday corporate culture consumerism lifestyle, Contemporary art Philippines, at siempre Pulp para sa alternatibong musika.

Kapag flini-flip ang mga pahina, bukod sa klase ng advertising at tila edgy na laman, tila wala rin namang pinagkaiba maliban sa pagtataguyod ng niche na politika ng kasarian, sexualidad, preferensiya sa musika, sapatos at corporatism. Na itong mga niche na politika ay kaya rin namang ikeri ng advertising ay hindi naman din pagpapatamlay, bagkus pagpapasigla pa nga sa brands at mismong konsumerismo at kapitalismo.

Kapag ang major brands ng denims, tulad ng Lee halimbawa ay nag-a-advertise na rin sa Pulp, hindi ba ito ay vote-of-confidence na rin ng fashion na negosyo sa magazine publishing? Hindi ba’t isinasaad nito na saleable na rin ang niche na politika dahil sa huli ay maari itong ikonvert bilang marketable na produkto para sa spesifikong mamimili?

Ang sinasaad na bisyon ng Summit Media ay ganito: “Every Summit product—every brand, every issue—must touch, inspire, and entertain those who spend their time and money on them. Ibig lang sabihin, value-for-money na ang ibinabayad ay katumbas ng binibili. At ang sinasaad din ay ang pagtutumbas ng pagbibili ng produkto bilang pagbibili ng isang brand, isang matagumpay na naratibong kaakibat ng pagbili sa produkto sa labis na halaga.

Ang Cosmopolitan Philippines ang halimbawa nito. Hindi ba’t ang kanyang taunang Sexiest Men of the Year—lalo na kapag tinampukan ng magkahalong Kapuso at Kapamilya—ay nagiging isang media event? At kung magpakaganito, hindi na lamang ang event ang isinasaad sa spectacle kundi ang mismong association ng kaganapan sa itinataguyod na liberal na konsumerismo (at pati na ang politikal na asignasyon nito, ang liberal na demokrasya, at kaya hindi kailanman maaring radikal na demokrasya para sa lahat, tulad ng pambansang demokrasya at sosyalismo) sa produkto ng isang spesipikong magazine.


Imahen mula sa http://cebucity.olx.com.ph

Kapag sinabing “Cosmopolitan Philippines,” fantasya ito ng kosmopolitanismo (fashionable, hip, savvy, sexy, desirable) bilang pabalat o panlabas na anyo, at fantasya ng fantasya (heterosexually active, heterosexually astute, heterosexually safe sex, free heterosexual love) bilang panloob na anyo. Anyo ang mga ito dahil sa mas malaking pagkakataon, parang romance novel ang turing sa magazine—vicarious reading at living o isinasapamumuhay sa ibang tao ang fantasya para sa sarili.

Ito ang tunay na safe sex—ang transformasyon ng global na pagkamamamayan sa virtual na sexual na nilalang. Kumplikado ang pagpasok sa aktwal na relasyon at pakikipagsex. Hassle at marami itong sabit. Kaya ang panghihimok ng magazine at kapitalismo ay gawin na lamang itong virtual—na parang internet sex—hanggang sa virtual na spero lamang, walang pisikal na kontak dahil ang intimacy ay virtual din.

Kung gayon, walang sexual risk sa HIV at iba pang sakit. Walang emosyonalidad, walang nasasaktan at masasaktan dahil malinaw na ang alituntunin ng magazine at kapitalismo: walang sabit, ang layunin ay higit pang padaluyin ang kapital. At hindi ito dadaloy kapag nanatili ang nilalang sa kanyang historikal na pagkatao, kailangan itong umalagwa, magfantasya tungo sa virtual na pagkatao. Kaya ang salin ng virtual sex ay purong kapital. Purong nasa pagdanas sa kasiyahan lamang, walang bahid ng pasakit at pighati, walang Catholic girl school guilt, walang aray.

Purong kapital dahil ito ang pag-alay ng katawan ng nilalang sa dambana ng kapital: mangarap madanas ang wala sa pinakaefisyenteng paraan. Sa virtual sex, total na pinagpaubaya na ang katawan sa kapangyarihan ng kapital. Kapital para makabili ng computer at internet time o renta nito, kapital para magkaroon ng avatar ang sarili bilang isang sexual at gitnang uring nilalang, kapital para pindutin ang log off na preferensiya, at muli pang makabalik sa historikal na panahon ng mismong kapital: makapasok sa opisina at pabrika, o makapasok sa paaralan at call center bilang lohikal na extensyon ng kapital sa pang-araw-araw.

Ayon sa ulat ni Atty. Dominador D. Buhain, ang statistika ng dami ng libro kada taon ay nagsimulang umalagwa noong 1996 (3,770 ISBN ang inisyu) at sa pagdanas ng krisis ng 1997, bumaba sa susunod na taon ang produksyon sa 4,326 ISBN’s kumpara sa 5,093 noong 1997. Ibig sabihin nito, konektado ang produksyon ng libro sa mas mahalagang ekonomiyang lagay ng bansa at mundo. Ayon naman kay Queena Lee-Chua, mas kaunti ang nagbabasa sa probinsya at yong galing sa publikong paaralan. Sa 2007 na ulat ni Lee-Chua, sinabing ang pagbabasa ng libro ay bumaba ng pitong porsyento, ang komiks ng 13 porsyento, ang diyaryo ng 14 porsyento, at ng magazines ng 15 porsyento. Bumaba rin ang bilang ng mambabasa sa lahat ng socioekonomikong grupo, maliban ang AB.

Dagdag pa rito, ang tinatagurian nang bestsellers sa publishing sa bansa ay mga textbook na may 50,000-80,000 kopya bilang printrun sa pribadong paaralan, at ang romance novels na may lumalabas na 20 titulong may 20,000 kopya kada buwan. Sa katunayan, ang pinakapopular na di-textbook na babasahin ay ang bibliya at romance novels.

Ang lumalabas din na fokus ng magazines at iba pang di-textbook na babasahin ay ang budget para rito. Ayon sa datos ng National Book and Development Board, 58 porsyento ay bumili ng di-textbook na babasahin na gumastos ng P200, 16 na porsyento ang gumasta ng lampas sa P1,000 at 38 porsyento ay galing sa classes ABC. Kung may library ka sa bahay, ikaw ay apat na porsyentong Filipino na mayroon ganitong pag-aari.

Ang akto ng pagbabasa at pagbili ng libro ay isang gitnang uring panuntunan kung gayon, kahit pa hindi aktwal na gitnang uri ang uring kinabibilangan ng mamimili. At ito ang perfektong nilalang hinihimok ng magazines at iba pang di-textbook na babasahin, ang higit pang palawakin ang ulta-sosyal na 58 porsyentong handang maglaan ng lampas P1,000.

Kung ang libro ay nagsasaad ng kultural na kapital, ang pagkakaroon ng personal na library ay katumbas na rin ng pangongolekta ng naka-laminate na diploma sa sala: bilang pandispley sa nakamit na intelektwal at kultural na kapital ng mga kasambahay. Kolektibo ang pagpupursigi kaya kolektibo rin ang pagkakamit ng gitnang uring status na nagsasaad ng pagiging shared breadwinner na function sa mga bahay.

Ang isinasaad na kaalaman ng libro at magazines ay ang kultural na literasi na kailangan ng isang gitnang uring mamamayan: mula kay Slavoj Zizek at Martha Stewart; Homer, Pierre Macherey at Bob Ong, lahat ay leveled of, isang sistema ng equivalence na nagpapahayag na di naman mahalaga kung ano ang kinokolekta (kinokonsumong libro) mo, ang mahalaga ay nangongolekta (kumokonsumo) ka.

Kaya sa kalidad ng personal na library, marami ay pandispley lamang. Pati ang magazines na masinop na inaayos sa sala, katabi ng photo album, bilang pandispley at pagsasaad ng simbolikong kapital ng nakatira sa bahay. At sa huli, ang mismong bahay na mayroong library at magazine stack ay isang maliit na domestikong altar sa dambana ng kapitalismo.

Unang nailathala sa Lokusyonaryo ng Kulturang Popular kolum noong ika-9 ng Agosto, 2010, Bulatlat.com.

Sityo Buntog


Imahen mula sa http://panitikanatbp.wordpress.com

Pinagtaksilan ang Sityo Buntog sa Laguna. Ito ang mismong banggit ng lider, si Tita Iya,ng magsasakang may piket sa tapat ng basketball court, sa bukana ng sityo. Sa katunayan, wala namang gumagamit sa court, na ngayon ay pinagkakalatan ng dumi ng kambing at baka. Parang alkansya ang mga ito, ginagamit lang kapag kailangan ng pambayad sa placement fee sa aalis na kamag-anak, o may malubhang nagkasakit sa pamilya.

Dalawa ang natuklasan naming papasok sa sityo. Una ay ang tagiliran ng ilog. Matarik na tunay na “Survivor” mode dahil bukod sa putik at tarik na nagpapadulas sa paa (napayapak na nga lang ako dahil dumudulas ang tsinelas na suot ko), makitid ang daan, at isang maling hakbang ay babagsak na sa bangin. Bukod dito, may mga nabulabog na itim na langgam na kay bangis at talino, na matapos madaanan ay bigla na lamang nakapasok na at umaakyat na sa pantalon.

Lahat ng madaanan sa paa ay kinakagat. Paano magkakamot sa pag-iwas madulas, mahulog sa bangin, bitbit ang knapsack na may biling magdala ng tubig na inumin para sa panahon ng integration sa sityo? Kaya nang dumating sa ilog, lahat ay pumwesto at nagkamot. Si Felix ay naghubad ng pantalon at isa-isang hinampas ang inaakalang pinamumutiktikan ng langgam.

Ang ikalawa ay ang “pangunahing” daan sa bukana ng piket. Maputik ito, wala na ang graba at may bahagi na inagos na ng tubig. Tanging motor na lamang ang nakakadaan kapag tag-ulan. Sa tag-init lamang nagagamit ang mga owner at dyip, kaya sa Sityo Buntog ay puro nakagarahe ang mga ito. Ang labasan nito ay ang pinasukan din naming golf course sa Canlubang.

Magkaiba ang mundo sa loob at labas ng Sityo Buntog. Kung titignan ang mga bahay, parang mayamang magsasaka ang mga residente. Marami sa mga residente ay nagtratrabaho sa golf course at mga pabrika sa Canlubang. Marami na rin ang may anak at kamag-anak na OCW. Pero ang lahat ay may paratihang panganib na mapalayas sa sarili nilang tinitirikang bahay at binubungkal na nyugan.

Lahat ng ito ay pag-aari ng hacienderong Yulo. “Malapit lang,” ang paratihang banggit sa amin kapag kami ay naglalakad sa putikang daan sa kabundukan. At mayroon isang pagkakataon na natanaw naming ang Tagaytay sa kanan at Canlubang pa rin sa kaliwa. Pawang pinamumutiktikan ng puno ng niyog. Ito ang proverbial na lahat ng matanaw ay ari-arian pa rin ng iisang angkan.

Makapangyarihan ang angkan na ito dahil nagsasanib pwersa pa sa mga Ayala’s at Sy’s, na pawang may malalaking ari-arian na sa kabundukan ng mga sityo sa Canlubang. Sa katunayan ay may bagong tayong pabrika at mga exklusibong subdibisyon sa labas ng golf course. Matapos nito, sa mismong Canlubang, ang mga higanteng pabrika ng Cosmos, San Miguel Corporation at iba pang malalaking kompanya.

Pinanggigilan ang Sityo Buntog dahil ito ay nakakapag-organisa ng magsasaka laban sa intrusyon ng mga kompanya ng mga angkan. Sa loob ng mga 200 metrong natitirang sementadong kalsada, maigting ang ideolohikal at makauring digmaan. Nandito ang 28 pwersa ng PNP (Philippine National Police) na sa ngalan ng community work ay nakakapanghimasok sa pang-araw-araw na buhay ng mamamayan at ng protesta.

“Infested” ang madalas banggitin ng kanilang bisor si Bernas bilang patutsada sa dahilan kung bakit sila napunta at naglagi sa sityo. Buong pagmamalaki pang inilabas ng deputy ni Bernas ang kinumpiskang sakong may slogang “Militar palayasin sa kanayunan” na dating nakasabit sa piket dahil “Ano na lang ang papasok sa utak ng estudyante kapag nakita nila ito?”

Nagpapalabas din ng anti-komunistang pelikula ang PNP sa simbahan at high school. May ilang insidente pang naulat na ang mga mukha ng lider-magsasaka ay ipinapakita rin sa presentasyon at sinasabihang komunista, kasama ng pagbanggit kina Satur Ocampo at Lisa Masa bilang kasapi rin nito. Sa isa pang ulat, ang mga dalagita sa isang acquaintance party sa kalapit-sityong kilala sa pagiging militante nito ay sapilitang isinayaw ng PNP bilang pagdiin na sinusubayan ang mga ito, kasama ng kanilang mga magulang.

May panganib na nakabalot sa Sityo Buntog, at ito ang panganib ng makauring digmaan na nagaganap sa kabuuan ng bansa. Habang nakikipag-dialog ang grupo ng integration sa PNP, dalawang digital video cameras at ilang compact cameras ang gamit para subaybayan ang aming pagdalo. Mainitin ang ulo ng aming kausap. Pinasulat pa kami sa attendance. At ilang beses itong muli’t muling ininspeksyon ni Bernas.

Hindi malayo ang pagtataksil ng pamahalaan sa Sityo Buntog. Na imbis na palayain ang mamamayan sa kahirapan ay siya pang nagiging salot sa pag-unlad nito. Ayaw kumpletuhin ang pondo para sa patubig kaya umiigib ang lahat ng tubig (P6 bawat container) sa ilog, at inumin sa ibayo. Mag-iisang buwan nang walang kuryente. At ilang taon nang di nadadaanan ang kalsada.

Kung ito lang, ayos pa sana ang buhay. “Masaya dati,” banggit ng isang residenteng kasama sa piket. Pero dahil lantarang ideolohikal na ang digmaan, mismong mamamayan ang ipinapain sa kapwa mamamayan. Hindi nagbabago ang landas—pinagdaanan at tunguhin—sa nangako ng matuwid na politika sa bansa. Usapang haciendero at kapangyarihang pang-estado ang ibinabaka sa Sityo Buntog.

Unang nailathala sa Pasintabi kolum noong ika-2 ng Agosto, 2010, Pinoyweekly.org.

Eraserheads, Final Farewell

Pagkatapos ng SONA ng 2010 ay dumalaw kami sa isang bar ng mga kaibigang Ela at Nardy. Dito ko unang nakita ang DVD ng final concert ng Eraserheads. At naiyak ako dahil ang banda ng henerasyon ko ay hindi ko kasabayang tumanda. Kinatandaan ko na. At malinaw na iba na ang landas na tinahak at tinuldukan ng kanilang final concert.

Hindi naman “final concert” ang label nito, “reunion concert.” Pero sa wari ko, ilibing na ang patay. Ito na dapat ang huli, bago pa man magmistulang high school reunion ito: peryodikong inuulit kahit na lahat ay nakausad na at ang tanging lumilingon ay ang mga gustong manumbalik sa sandali ng nakaraan, dahil ideal ang nakaraan kumpara sa agam-agam ng kasalukuyan.

“8.30.08” ang subtitle ng DVD concert, na parang may ominous na kahulugan. Kasing ominous ng sariling title card ng sponsor, “Smart Buddy” na tunay na pagsandal sa komersyo, at sa makapangyarihang ekonomikong panghalina nito—milyones kapalit ng angas ng mga bandista, na kahit gusto ninyong saksakin ang isa’t isa, mag-pimp shades na lang kayo at muling awitin ang mga awit na sa inyo’y nagpasikat, na kahit na may sakit sa puso, muling magpa-stress dahil nga sa halina ng milyones.

Nandoon ang anggas sa pag-awit, ang mala-sintunadong live performance, marubdob na lyrics, kaindak-indak na ritmo, at ang iba’t ibang henerasyon ng tinatayang 100,000 fans na nanlimahid sa nostalgia. Gusto kong mapasama sa higanteng bilang ng manonood, kaiba ang pakiramdam nito.


Mga imahen mula sa http://atsi-batsi.blogspot.com at http://atsi-batsi.blogspot.com

Naalaala ko yung huling concert ni Nora Aunor, sa bleachers ako, mag-isa. At kahit mag-isa ay hindi nag-iisa, sampu-sampung libo ang kasama kong nanonood ng isa pang icon. At mula sa tuktok ng Araneta Coliseum, iisa ang imahinaryo ng kadakilaan ang sinasambit. Kaiba sa Bonnie Tyler at Angela Bofill ng aking higit na kabataan. May ere ang manonood sa Folk Arts Theater.

Kaiba ang concert sa bansa. Isang malaking sing-a-long. Hindi nga ba’t ito ang obserbasyon ng Tears for Fears sa kabaliwan ng fans na alam ang bawat kanta? Na para lang itong mga bading na host sa karaoke bar (maliban sa komedi) na plakadong nakakapag-lead ng mga establisyadong awit? Hindi ba’t may emotibong kaisahan sa awit at nostalgia pumapaimbalot sa manonood at mang-aawit, na kayang i-compress ang magkakaibang espasyo at panahon ng nauna’t pinakahuling pagkaniig?

Naalaala ko ang una kong Eraserheads concert, late 1990s, sa isang pizza bar sa West Avenue. Malayo kami sa entablado at tunay na sintunado si Eli Buendia sa pag-awit ng sarili nitong mga kanta, na lalong binibili ng manonood. Matapos nito ay ang ilang pagkakataon natunghayan ko ito sa UP Fair, na tunay na bonding moment sa hindi magkakakilalang tumutunghay sa papalipas na rin palang panahon ng pagkaniig.

May mga kaibigan akong balak gumawa ng libro hinggil sa idea ng punk sa Pilipinas. Nang tumungo sa paksa ay shinut-down ito ng pangunahing proponent ng libro—hindi punks ang Eraserheads. Nag-sell out na raw ito sa kanilang last two concerts. Last two dahil nga inatake sa puso si Eli na naging rason ng pagkakaroon ng isa pang huling concert.

Kaya gusto ko nang ilibing ang patay. Ihulog ang isang bulaklak o pinong lupa sa hukay, antaying isementado ito. At totoo nga, ito na ang aking nararamdaman tuwing napapakinig ako sa mga album ng Eraserheads, bago pa man matunghayan ang kanilang DVD. Wala nang dating, puro ingay na lamang, hindi ko na kaya ang panggigitata ng emosyon at nostalgia.

Naalaala ko ang pag-sell out ng Apo Hiking Society nang ang kanilang Pidro song sa “American Junk” ay bigla na lamang naging music sa isang ad ng multinational company, matapos ng EDSA 1. Bago ito, sinabi pa ng isang kritiko na dapat idambana ang kanta bilang ehemplo ng mainstream na may kapasidad makapanuligsa sa di-pantay na kaayusan.

Naglaho ang banda, at ang revival songs ng iba’t ibang banda ay walang binatbat sa pagdanas ng isang age of innocence sa papatinding diktaduryang Marcos. Maliban sa album na ito (na hindi kasama sa revival), inosenteng pagmumundo ang awit ng Apo. Ang kritika ay lumabas sa personalidad ni Pidro (Danny Javier), sa konsyerto nila, at dula ni Jim Paredes.

At nangyari na rin naman na ni-remake ang mga awit ng Eraserheads. Malamang ay isang musical bilang huling hininga ng naghihingalong Lazarus, a la Mama Mia ng ABBA. Hindi naman ako nalungkot sa aking pag-iyak sa dilim, habang umiinom ng bagong concotion ni Ela. Natapos ang gabi sa isang pagsasara sa kaalamang tapos na ako sa bandang Eraserheads. Paalam, at huling paalam, Eraserheads.

Unang nailathala sa Pasintabi kolum noong ika-2 ng Agosto, 2010, Pinoyweekly.org.

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.

Join 43 other followers