Rolando Tolentino

Bekimon Youtube Series

Hindi naman ito hit sa Youtube, kumpara sa milyones na dumumog sa mga preso sa Cebu na en mass na nagsasayaw ng Michael Jackson tunes. “Bekimon” na pinaghalong beki, veki (bakla) at jejemon (ang wika ng jologs sa viral media). Sa pinakahuling pagdalaw ko, tatlo hanggang anim na libong hits pa lamang ang seryeng ito.

Heto ang ibang links.

Ang personahe ng veki ay isang tsinitang ina na may teenager na anak na lalaki. Nagtratrabaho ito sa call center, naghuhugas ng pinggan at nagrereklamo sa anak kung bakit in-upload sa Facebook ang kuhang footage, maglalaba, at nagtatalak habang nakasakay sa taxi. Situation comedy ang dating dahil may fokus sa pang-araw-araw na sitwasyon gayong ang mga personalidad (nagsasalita at kinakausap) ang natatangi.

May subtitle ang serye dahil nga dalawang kontradiktoryong spero ng mundo na tinutuhog: ang mundo ng flaming bading at ang jologs, na kahit hindi hitsura ay ganoon na nga ang asta: nakakapagtaxi, Facebook, at call center agent pero balahura pa rin kung dumiskarte. Kaiba sa Lola Techie na karakter bilang mukha ng Bayan Telecom, na prim-and-proper, moderno at tradisyunal, cutting edge kahit lola na.

Ito ay drama queen na segments—ang pagtatalak ng isang ina tungkol sa kanyang sitwasyon sa iba’t ibang lunan. Nakikinig ang manonood habang nagbabasa. At ang dulas ay ang kontradiksyon ng sinasabi at binabasa. Nandito ang punchline, kaya kagyat na ironiko dahil kahit pareho ang sinasabi sa subtitles, iba pa rin ang referensiya ng pag-unawa.

At hindi naman ito biro na ang punchline ay nasa dulo ng joke, at ang anxiedad sa sabayang pakikinig at pagkukwento—ang antayan—ay nakabatay sa bibitawang punchline na lilikha ng blackhole na hihigop sa organisasyon, retorika at stylistiko ng biro: kung paano uunawain ang lahat ng stratehiyang ginamit sa pagkukwento. Ang punchline sa Bekimon series ay kada bigkas ng persona, at ang indexikong historikal na referensiya nito.

Ang historikal na referensiya ay nakatuhog sa dalawang subalternong figura sa lipunang Filipino na pinagsanib sa isang identidad: ang veking jologs. Lalake ang gumaganap na ina na nagmimiko sa veking jologs. Maraming antas ng crossdressing na isinasagawa at sa huli, tunay na lohika ng transgenders (baklang gumaganap na inang jologs) ang kailangan para lubos na maunawaan ang biro.

Doble-disenfrantsisado ang identidad, at kung gayon, maaring doble rin ang subersyon na maitatanghal laban sa otoritarianismo ng heterosexualidad at ng kapital. Pero ang lokasyon ng disenfrantsisasyon ay ang kontemporaryong pagkaunlad at di lubos na demokratikong pagkaunlad ng kapital sa bansa. Astang gitnang uri kahit na jologs pa rin ang ugali.

At ito ang humps (tulad sa mga exklusibo at pretend na subdibisyon) na parating nagpapaalaala na malayo pa ang realisasyon ng gitnang uring pangarap sa bansa. Humps ito bilang pag-slowdown at sapilitang pagpupugay sa lokasyon ng pribadong kapital. Humps din ito bilang rekognisyon at misrekognisyon ng relasyon sa kapital: mayroon ba o walang K (karapatan, kapital) ang dumadaan sa humps.

Kung mayroon, “village people” kaya in ang dumadaan. Kung wala, nag-iiwan ng ID sa guard, hindi sasaluduhan ng guard, di papapasukin sa subdibisyon. Kung gayon, ang ipinapamukha ng Bekimon ay ang exklusibidad ng gitnang uring panuntunan—para lang sa lehitimong maykaya ito. Kung wala, ibig sabihin 80 porsyento ng mamamayan sa bansa, ang aktwal na pang-uring identifikasyon ay sa jologs.

Marami sa 80 porsyento ay nangangarap at umaastang hindi jologs. Pero dahil jologs naman talaga, ang astang gitnang uri o lampas pa rito—ang altasosyodad–ay temporal na pagtatanghal lang naman. Nabibisto dahil hindi lubos ang suturing sa mundong nais mapabilang, halatang trespasser.

Ang natutunghayan sa Bekimon ay ang bagay na hindi lubos na nasusubstansya sa aspirasyon at material na kondisyon ng mamamayan, kahit pa nakakapag-Youtube, Facebook at text pa man. Ang pinapanood ay ang ulterior motive kung bakit nakakapag-Youtube, Facebook at text kahit na wala pa namang lubos na kapital para lubos na madanas ang gitnang uring libangan (leisure) na mga ito.

Hindi rin kakatwa na viral ang modalidad ng transmisyon ng Bekimon series. Kahit saan na may wifi ay pwede itong buksan at panoorin. Ang link ay pwedeng ipasa-pasa sa mga emails at text. Lalaganap ito sa social networking sites. Dahil ang virus ay galing sa pinagsanib-pwersang etsapwerang entidad (ang veking jologs), ito ang ayaw nating maging.

Pero dahil pinapanood ito, nagkakaroon ng self-referentiality sa ating ayaw at gusto, sa otoritarianismo at subersyon, ng fantasya at historikal, ng material at imahinaryo. Ang pinapanood sa Bekimon ay ang lahat ng mga ito, at ang kapasidad nitong idawit ang kalabisan at kakulangan ng manonood sa kolektibong global na aspirasyon maging “in” dahil walang gustong maging “out” (hindi fashionable at lantad na bading).

Parang nanonood ng horror movie. Pinapanood ang babaeng tinatakot ng abject figure. Pinapanood natin ang sariling relasyon sa horror at abjectionable, sabayang ang tinatakot at ang tumatakot, ang nag-eetsapwera at ang ineetsapwera, ang may kapangyarihan at walang kapangyarihan kahit pa hindi naman lubos ang anumang oposisyonal na posisyong ito.

Sa karanasan sa kulturang popular, hindi lubos ang tagumpay at pagkatalo. Kahit pa ang sway ng romantikong pelikula ay happy ending, halimbawa, sa grounding sa material na referensiya, alam naman ng manonood na hindi ito lubos, na tanging sa pelikula nangyayari ang happy ending. Dahil ang trahedya sa inaasahang ending, maging ng inaasahang kabuuan ng pelikula, halimbawa, ay kahit na inaasahan, at dahil nga inaasahan, kaya mapapabalik at mapapabalik tayo sa sityo ng kulturang popular para muli’t muling danasin ang pag-aantay, pag-asa, katubusan, kalabisan at kakulangan ng lahat ng mga ito.

May umay factor, na parang leche flan na matapos ang ilang subo ay OK na ang kumakain, pero magpakaganito pa man, paratihan ang pagnanasa para magnasa. At ang dead-end ang mismong endgame: walang patutunguhan maliban sa parametro ng gitnang uring globalisasyon. Kaya kalahating mali-kalahating tama ang sinabi ni Buzz sa Toy Story, “To infinity, and beyond.” Walang infinity maliban sa pagnanasa at textong-buhay na pinagnanasaan. At bukod dito, walang lampas, walang bukod, walang beyond.

Hindi ko sinasaad na radikal na texto ang Bekimon series sa Youtube. Ang isinasaad ko ay kapasidad ng laman at porma ng Bekimon series ay nakapagsambit ng ating panlipunang relasyon sa pagnanasa at kapital. Ang pinapanood ay ang sabayang kasalatan at kalabisan, o ang kahibangang naisakalikasan at nanormalisa sa pang-araw-araw. O kung bakit ang aspirasyong maging globalisadong gitnang uri ay paratihan lamang magiging abot-tanaw abot-kamay sa nakararaming umaasintang maging ganito.

May bagong presidente man o wala, hanggat magkahalintulad pa rin ang batayang relasyong panlipunan at historikal ng may kapangyarihan at wala sa bansang ito, sa madaling salita, sa ngalan ng pagnanasa at kapital, ang pagiging (coming into being) ang itatampok dahil kahit kailan hindi naman ito (tayo bilang nagnanasa) magiging maging (full being).

Unang nailathala sa Lokusyonaryo ng Kulturang Popular kolum noong ika-25 ng Hulyo, 2010, Bulatlat.com.

Una Bilang Trahedya, Ikalawa Bilang Katatawanan

Sina Marx at Engels ang unang nagsinop ng obserbasyon ni Hegel na ang pangyayari at personahe ay dalawang beses umuulit. Pero para sa dynamic duo, ang unang pagkakataon ay bilang trahedya, at ang ikalawa ay bilang katatawanan (farce).

Trahedya nang unang madanas ang conjugal dictatorship ng Marcoses, pati na ang karanasan sa First Family. Sa resulta ng Mayo 2010 eleksyon, si Bongbong Marcos ang unang naging senador ng next-generation ng Marcoses habang si Imee ay naging gobernador ng Ilocos Norte, at ang grandmama at tunay na farsikong si Imelda ay naging representatibo mula sa naturang rehiyon. Idagdag pa ang takaw-gulong model-wannabe na si Borgy, pati ang half-brother sportscaster nito si TJ Manotoc, at halong-kalamay mode lang.

Kaya hindi rin masasabing comeback ito ng Marcoses dahil wala sa rurok ng halos dalawang dekadang diktatura ang kaya pang maabot na kapahamakan nito. Sa isang banda, namamayagpag sila sa politikang hindi na sila ang major player kahit major minor block pa rin sila. Sa kabilang banda, ito ang posisyon na magtitiyak na ang kanilang yaman ay kailanman hindi lalong malalapit na masasalat ng gobyerno para maibalik sa kaban ng bansa.

Postmodern stalemate lang—parang estado ng Puerto Rico bilang perennial Commonwealth ng U.S. o Filipinas bilang neokolonya ng U.S. May kabig pero walang lubos na tagumpay at talunan mode. Kaya katawa-tawa ang mode: nagka-amnesia na naman ang kasalukuyang bansa para muling mahalal ang major players ng Marcoses, at sila naman, mas spektakulo kaysa substansya pa ang kanilang ambag sa kasalukuyang politika ng bansa. Joker’s wild kumbaga.

Nakabalik ang lahat ng gustong magbagong termino (mga junior action star na Bong Revilla, Estrada at Lapid; mga fosil tulad nina Santiago at Enrile) at pati na ang dating senador na muling nagtagumpay (Drilon) sa Senado. Sa Kongreso, ang karnabal (minus ang carnivalesque o ang subersyon sa inversyon ng kapangyarihan) ay pinangungunahan ng pambansang kamao Manny Pacquiao, lifestyle host Lucy Torres, at asawa ng senador at direktor sa San Miguel Corporation, Lani Bong Revilla.

Pero mas maigting ang sinasaad nina Marx at Engels kay Noynoy Aquino. Sa unang termino ng kanyang ina, mataas ang euphoria sa People Power. Nagsabi itong magiging “exact opposite of Marcos,” lalo na sa larangan ng moral righteousness. At mula sa rurok ng kasagsagan ng kanyang popularidad, downhill from there. Ang sinasaad ng marami, nag-miss out si Cory Aquino sa mahalagang pagkakataong ibinukas ng kasaysayan.

Dahil “rebolusyonaryo” ang kanyang pamahalaan, maari sana itong nagpatupad ng mga order at konstitusyong higit na nagproprotekta sa pambansang soberenya sa lahat ng larangan. Maari sana niyang nareimbento ang governance na maka-mamamayan at makabayan. Pero ang nangyari, unti-unting nalagas ang makakaliwa, kundi man pinatay, ang mga pwersa sa kanyang koalisyong gobyerno. Hanggang sa ideklara niya ang “sword of war” laban sa komunismo, at ipatupad ang low-intensity conflic (LIC) na ang katumbas sa kagyat na kasalukuyan ay ang Oplan Bantay Laya I at II, mga operatibo para “tanggalin ang tubig sa isda” (ang suporta ng mamamayan sa rebolusyonaryong kilusan).

Vigilante killings laban sa pinaghihinalaang komunista ang malawakang naganap sa panahon ni Aquino, na naitago sa pamamagitan ng suporta ng simbahang Katoliko sa ilalim ng tagasuportang si Jaime Cardinal Sin at ang patuloy na euphoria para kay Aquino sa ibang bansa. Pumanig si Aquino sa social democrats na ang cause-for-being ay ang maging aktibong anti-komunista.

Ang pinakakasalanan ni Aquino ay ang hindi kumilos nang matwid (maka-mamamayan at makabayan) sa panahong maari itong mangyari. At tulad ng teorya ng shock treatment sa ekonomiyang larangan sa panahon ng matinding kaguluhan sa politika, naging pagkakataon para maipatupad ni Aquino ang mga ekonomiyang polisiyang magbubukas sa bansa sa mundo ng neoliberalismo.

Marami sa mga pribatisasyon at deregularisasyon ay unang umusbong at pinaunlad sa panahon ni Aquino. Maraming bagong buwis at pahirap sa masa na polisiyang ekonomiya at politika—na sa ordinaryo ay hindi kakayaning ipatupad sa nagpoposturang demokratikong goberyno ni Aquino—ay paradoxikong naipatupad din sa administrasyong ito.

Sa pagkamatay ni Aquino noong 2009, aakalaing santa ito. Wise old woman na sa huling bahagi ng kanyang buhay ay naging decisive sa pagsuporta laban sa katiwalian ng administrasyong Gloria Arroyo. Masyadong makapangyarihan ang imaheng ito na pati ang kanyang kawalan-karanasang unico hijo ay naging kwalipikado at morally upright na presidential candidate, at ngayon ay president-in-waiting.

Ang trahedya ni Cory ay ang di pagbukas sa pinto ng kasaysayang maaring makapagpabago sa kalakarang pambansa. At trahedya ito dahil nga sa bigat at pwersa ng kinatunggali nito, ang diktaduryang Marcos, na kahit hindi siya nag-isa ay sinamantala niya ang panaginip ng mayoryang mamamayan para panatiliin ang elitista at maka-dayuhang pambansang kalakaran.

Ang magiging katawatawanan kay Noynoy ay manggagaling dahil wala itong engrandeng metanaratibo na binabalikwas. Magiging Don Quixote lamang ito na tumutugis sa windmills sa mga masibong korapsyon ni Arroyo. Hindi niya ito maipapakulong dahil kailangan niya ang bilang at pwersa ni Arroyo at ang partido nito para sa balanse ng kapangyarihang politikal na magtitiyak ng kapangyarihang ekonomiya para sa naghaharing uri.

Hindi lubos na dinis-enfranchized ni Arroyo ang mga kapanalig ni Estrada. Di nga ba’t nag-extend pa ito ng olive branch kay Estrada at sa mga alipores nito? Wala ring metanaratibo si Noynoy na maaring magpaiba sa kanya kay Arroyo. Naglipatan na ang economic team ni Arroyo sa kanyang panig. Balik na si Winnie Monsod bilang ekonomista-of-choice, at maging ang UP School of Economics bilang neoliberal adviser to the presidents.

Kundi man aktwal na sila, ang kanilang alipores. At sa mundo ng elitistang politika sa bansa, ang alipores ay kasing makapangyarihan ng sugo. Kaya kahit magbatbatan ang kanyang mismong mga faksyon para sa giriin ng pwestuhan sa kapangyarihan, ang interes ng naghaharing uri ay naibangko na, kahit sino pa mang representatibo ng mga faksyong Noynoy ang mahirang.
Una ay tuminag ang kanyang kampanya bilang matwid, hindi baluktot, at sa simplifikadong korapsyon ang sanhi ng kahirapan; at kung gayon, ang sarili bilang solusyon sa lahat ng magkakasangang isyu ng kahirapan at pagiging matwid. Ikalawa, walang karanasan, totoo ito. Maging ang kanyang ina ay may karanasan man lamang sa civil society bago ito hinirang ng kasaysayan bilang People Power president. Si Noynoy ay wala nang karanasan dito o sa aktwal na lehislaturang gawain na kung saan ilang ulit na nahalal ito.

Na kahit pa people’s choice si Noynoy, ang mayoryang mamamayan ay wala pa ring makabuluhang mapapala sa kanyang administrasyon. Same-same. Na ibig sabihin din, people’s choice siya dahil siya ang may mandate na mapanatili ang interes ng naghaharing uri, at kung may liligwakin man ito, ang pinakakaaway na faksyon ng kanyang naghaharing faksyon.

Sa kampanya pa lamang, nagsimula nang pumasok ang mga detalyeng katatawanan: ang kanyang kabaliwan, ang babaeng tila sinusuyo pero wala pa ring katiyakan ang estado, ang naging asawa ng kanyang binise na dati niyang girlfriend, at iba pa. Ito ang seryeng pagkakaabangan ng marami sa atin. Na kahit alam naman natin ang mangyayari, pati ang ending, nakakasabik pa ring antabayanan ang inaasahang pambansang farsikong palabas.

Unang nailathala sa Lokusyonaryo ng Kulturang Popular noong ika-26 ng Mayo, 2010, Bulatlat.com.

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.

Join 43 other followers