Rolando Tolentino

Horror at lipunan

Rebyu ng “Rain, Rain, Go Away” episode (Chris Martinez, direktor) sa Shake, Rattle and Roll 13 (Regal Entertainment, 2011)

Ang enigma ng pelikulang horror ay ang kapasidad na takutin ang sarili sa mga bagay, nilalang at pangyayaring di lubos na maipaliwanag. “Primal fear” ito dahil lahat ng manonood ay nakadanas ng takot at pangamba mula sa unknown. “Sado-masokista” ito sa lahat ng genre ng pelikula, dahil di lamang nasisiyahang takutin, sa pangunahin ang babaeng bida, kundi nasisiyahan ding takutin ang sarili.

Sa filmikong antas, ito ang kasiyahan sa horror film bilang batayan ng anumang subersyong maari pang maganap. Sa Scream (Wes Craven, direktor, 1996), halimbawa, ang self-reflexive gesture na inilalahad ng mga tauhan ang mga kumbensyon ng horror film, na siya rin namang alam (prior knowledge) ng manonood. Sa “Asian horror” phenomenon, ang halos absent—maliban sa klimaktikong eksena na ipapakita—na horifikong objek ng kinatatakutang sanhi.

Sa Filipinas, ang Sigaw (Yam Lanaras, direktor, 2004) ang kwento ay tumalakay sa domestikong karahasan. At maging ang pinakamatagumpay na horror franchise sa bansa, ang Shake, Rattle and Roll series ay matamlay sa inobasyon at subersyon sa genre.

Pero kung totoo ang ibinandera ni Mother Lily, ang producer ng Regal, na ang ika-13 na nga ang huling installment, may humabol na interbensyon sa horror film ang serye: ito ang contemporarize na panlipunang horror, nakabatay partly sa natural disaster at partly sa kasakiman ng kapitalismo at estado.

Si Cynthia (seryosong Eugene Domingo) ay asawang nakunan at muling nabuntis na may trauma sa pangungulimlim ng ulap at biglang bagsak ng ulan. Na-Ondoy ang mag-asawa, dahilan para makunan ang babae at masira ang kanilang pabrika ng plastik. Lumikas sila sa condo at nagpatayo ng ibang pagawaan. Ang dahilan pala ng pagkamatay (pagkalunod ng kapatid ng asawa at mismong asawa), pati ang pangamba ni Cynthia ay dahil ni-lock in nila ang kanilang child laborers na nangalunod sa lumang pabrika nang mag-Ondoy.

Matapos ang Ondoy (2009), nanatiling “primal fear” sa akin ang malakas at matagal na buhos ng ulan. Nakulong ako sa UP campus, di makaalis at walang balita kung ano ang lagay ng bahay. Sa gabi ay malinaw na ang impact nito sa mga video coverage sa balita, na siya ring referensiya ng episode. Kinabukasan ay halata ang pagkasalanta ng Commonwealth Avenue: masukal, mabagal ang biyahe ng mga sasakyan, at maraming tao ang nasa kalsada para sa temporaryong pananahan.

Parati, tulad ng flash floods sa Ormoc, Cagayan de Oro at Iligan City, maging ang landslide sa Quezon, walang mukha ang illegal logger, overzealous na real estate developer na di sumusunod sa zoning at natural na daloy ng tubig at earthquake faults, at maging ng estado. Sa panig ng gobyerno, ang nagaganap kagyat ng disaster ay ang mabilis na kumbersyon ng mukhang makakapagbigay-katarungan sana pero pipiliin lamang na simbolikong makidalamhati at makamudmod ng relief.

Matapos, balik na sa normal ang mga aparato ng estado. Pero nananatili nga ang pangamba at trauma. At ito ang “binubuhay” ng episode ni Chris Martinez, na ang tunay na horror ay nananatiling nasa paligid, kabahagi pa rin ng mobilidad ng naghaharing uri at pambansang pagkaunlad.

Parehong buhay ang pangamba ng mamamayan, lalo na ang hysteria ng gitna at naghaharing uri, at ang pinangangambaan (Ondoy, disaster, kawalan-kahandaan, ang mga multo ng nangamatay nang gayon na lamang sa disaster). Sa “Rain, Rain, Go Away” ay hindi mapagpatawad ang mga multo ng child laborers, at walang simpatya rin ang storya sa isolation ng maykaya sa kanilang condo at basement parking lot.

Makapangyarihan ang storya dahil nakaangkla ito sa kapangyarihan ng tunay: na ang kaganapan ay nakaangkla sa nadanas at sa masaklap na aasahan, sa muli’t muli pa ring magaganap. Malinaw din ang filmikong interbensyon ng direktor, scriptwriter, cinematographer at taga-disenyo ng tunog at musika: ang tiwalag na buhay nang maykayang makapagbagong-buhay (ang spektakular na condominium shots na nagsasaad ng lungkot at pighati), ang gradiosong kaparusahan kay Cynthia na nagmamanikluhod at nakabatay sa karumal-dumal na kamatayan ng historikal na isinantabi (bata, manggagawa, galing sa probinsya) na pinatingkad pa ng disenyong produksyon at make-up design.

Ang horror ay itinatanghal dahil katanghal-tanghal ang karumal-dumal na horror sa bansa. Ang isinasaad nito ay hindi na lamang pumukaw ng inspirasyon sa balon ng maligno’t multo kundi ilalahad ang mismong pagdanas sa karanasan bilang isang horror na pelikula. Sa isang bansa na pinamumutiktikan ng Arroyos, Ampatuans at Aquinos, pati na rin ng periodikong landslides, flash floods , deadly na banggaan ng bus at kotse, sunog at paglubog ng ferry, ang maligno’t multo ay tunay na kapiling at nasa paligid lang natin.

Unang nailathala sa Lipunan+Kasaysayan+Pagkatao kolum noong ika-8 ng Enero, 2012, Pinoyweekly.org.

Kasal sa tag-init

para kina Bong at Grace

Pinili nilang magpakasal sa pinakamainit na tag-init sa matagal na kasaysayan ng bansa. Ito ang panahong kapapaligo pa lamang, namumutiktik na ng pawis ang katawan habang nagbibihis. At matapos magbihis, parang nakapaligo na naman ang hitsura: basang-basa ang pangangatawan.

Ito rin ang isa sa pinakamainit na tag-init na nangyayari kada-anim na taon—ang pagdaos ng pambansang eleksyon sa bansa. Dalawang araw lang bago mag-Mayo 10 nang dumalo ako sa kasal na ito. Tagaytay kaya ang karanasang may degree of difficulty sa mga dadalo ay tunay ngang nangyari. Habang papalapit ang araw ng kasal, unti-unting nalagas ang bisitang hindi nahimok ng malayo at mainit na biyahe.

Ewan ko kung bakit pinipili ng mga kabataang magpakasal sa panahon ng tag-init. Ang mga romantiko ay sa June dahil nais mabansagang “June bride” o Disyembre dahil malamig–at sa stereotipikong ugnay, romantiko—na okasyon ng pag-iisang dibdib. Marahil, may perverse na ugnay din ang init sa heograpikal at politikal na panahon sa alab ng pag-ibig.

Di nga ba’t ang Scorpio Nights at iba pang underclass na pag-ibig ay parating nirerepresenta ng hubad at namamawis na katawan? Pero, wala namang underclass sa pares na ito. Hindi naman naiisip na abang uri sila, dahil kung naisip nila ito, hindi naman sila magpapakasal sa klase ng pagpapakasal nila. O for that matter, wala namang nagpapakasal—tulad ng iba pang di-ordinaryo’t pang-araw-araw na buhay—na iniisip ang kanilang material na lagay.

Parating ang pagpapakasal, tulad ng anumang joyous na okasyon sa mantra ng gitnang uri, ay isinasabuhay sa aspirasyonal na antas: ano ang nais maging, ano ang gustong maitatwa sa front stage, ano ang gustong idispley sa eskaparateng tutunghayan ng publikong mahalaga ang opinyon? Ang okasyon ay naglalahad ng panghinaharap, hindi ng kasalukuyan.

At ang matagumpay na okasyon ay ang kayang burahin ang pangnagdaan, na parang walang alaala maliban sa ilang gitnang uring kilalang naratibo. Sa okasyon ng kasal, ng imortal na pag-ibig, ng romantikong simulain na nagsasaad na “they were meant for each other,” ng “love is patient, love is kind.”

Ngayon ko lang naisip, maliban pala sa dalawang positibong paglalahad kung ano ang pag-ibig sa biblikal na sipi, ang kasunod nito ay puro negation: kung ano hindi dapat ang pag-ibig. “It does not envy, it does not boast, it is not proud…” Kung ang pag-ibig ay negation sa mismong araw ng kasal, bakit pa piniling magpakasal?

May awa ang pag-ibig, may katarungan ito. Bago magsaad na umiibig, kailangan munang magsaad ng kapatawaran at parusa, at matapos ang awa na pinapatawad kahit hindi kinalilimutan, at matapos nito, na pinapatawad na at kinalilimutan pa. At sa yugto lamang na pinapatawad at kinakalimutan, ang awa ay papaimbabaw, at ito lamang ang sandali ng tunay na pag-ibig.

Hindi pwedeng pumasok ang awa kaagad dahil, tulad sa kaso ng unilateral na politikal na pagpapatawad ni Gloria Arroyo kay Joseph Estrada, sukdulang arrogance ito. Kaninong ngalan ibinibigay ang kapatawaran? Kaya kahit pa pumangalawa si Estrada sa pagkapangulo, pinatawad man siya pero hindi kinalimutan ang kanyang kasalanan. Walang awa na naibigay, walang pag-ibig na naidambana para muling maging pangulo ng bansa.

Tulad ng naunang pagsaksi (always-the-ninong but minus the rice-dispenser o electric fan-gift) kina Vencer at Silay, muli akong sumasaksi sa kasal nina Bong at Grace sa pinakamaiinit na tag-init. At habang nagpapaypay sa hindi matuyo-tuyong polo, iniisip ko ang maari kong maibahagi sa bagong kasal: inyo ito, inyo ang mundo, humayo at magmahalan sa abot ng inyong makakaya.

Unang nailathala sa Pasintabi kolum noong ika-1 ng Hunyo, 2010, Pinoyweekly.org.

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.

Join 31 other followers