Rolando Tolentino

Vandalismo

Imahem mula sa http://www.diliman-diary.blogspot.com

Ito ang tugon ng mga estudyante ng PUP at UP. Sa binabalak na 2000 porsyentong pagtaas ng matrikula sa PUP, aligaga ang administrasyon nito na pagdiinan ang naging rekurso ng mga nagproprotestang estudyante, sinunog ang mga bulok na silya. Sa UP naman, dahil ayaw bumaba ng presidente nito at ang rehenteng kaka-renew lang ang appointment ng Malacanang gayong boto nang boto kahit temporary lang ang naunang appointment nito, nagpinta ng graffiti ang nagproprotestang estudyante.

Sa “Unang Hirit,” kinapanayam ni Arnold Clavio ang estudyante nang may pasakalye, na galing din siya sa public school at alam niyang limitado ang resources nito, bakit naman nagsunog pa ng silya? Sa UP, ang administrative staff sa Quezon Hall ay bumulyaw sa estudyanteng nagpipinta ng “Gloria, Roman taksil sa pamantasan!” na wala na ngang pera ang unibersidad ay gagastos pa ito nang paglilinis.

Minsan nang ginipit ang UP Faculty Regent Judy Taguiwalo ng kanyang kahanay na guro sa University Council. Nang mag-propose ito ng resolusyon hinggil sa karahasan sa mga estudyante dini-disperse sa pagbubukas ng Toyota-GT Center ay nabaligtad ang akusasyon. Bahagi ng proposal ang pagdawit sa Chancellor ng UP Diliman dahil sa quotation ng mga opisyal ng pulis na ang Chancellor ang nagpatawag sa pulis para protektahan ang venue.

Bakit daw hinuhusgahan ni Taguiwalo at nang iba pang pumirma sa statement ang isang colleague nila? Ito raw ba ang kultura sa UP, ang magtiwala sa tagalabas at magtiwalag ng tagaloob, na hindi man lang tumawag sa Chancellor para i-verify kung tama nga ba ang pagdadawit sa kanya ng pulisya?

Ang ganitong pangangatwiran ay bahagi ng diskurso ng natitinag na burgesya. Binabaligtad ang sitwasyon, ginagawang personal sa makauring individualidad at imahinaryong komunidad sa lohika ng pangangatwiran, ang nabiktima ang nagiging mambibiktima.

Hindi kakatwa na si Clavio ay sumipi sa sariling uring pinagmulan, pero iba na ang uring identifikasyon niya ngayon. Ang staff ay mayroon nang mentalidad ng administrasyon. At ang faculty sa konseho ay nag-aastang parang di inaapi ng estado kundi ng isang kapwa nila. Ang alipin ay nag-aastang amo, dinadaot ang kahanay na uri.

At ito ang tunay na karahasan, ayon sa kritikong si Slavoj Zizek. Ang wika ng panunumbat ay hindi aktwal na tumutugon sa obhetibong karahasan. Totoong may reaksyon ang mga nagproprotestang estudyante, faculty at kawani ng SUCs (state colleges and universities). Marahas dahil hindi umaakma sa inaasahang regularisasyon ng pagtanggap: deadma lamang kundi man mabaon sa limot sa dami ng pinagkakaabalahan, o hayagang pag-aproba.

Ang hindi pagpapalampas sa di makatarungang polisiya at pamamalakad ay historikal na pangyayari. Makakalampas pero hindi pinalalampas, iginuguhit ang tunggalian, prinoprotesta ang katiwalian. Mapusok ang damdamin dahil sa mas deadma na mukha ng kapangyarihan: hindi nakikinig, dinudugyot ang may ayaw. Mukhang galit si Pangulong Dante Guevarra sa panayam ni Clavio, si Roman naman ay baka may biro pa ngang binibitawan habang tinatalakay ang insidente sa nag-iisang rehenteng nakapasok sa regents room.

Ang obhetibong karahasan ay dulot ng kawalan-konsultasyon at kultura ng impunity nina Guevarra at Roman. Nilulusot ang nais, pinagpipilitan ang magustuhan, niyuyurakan ang demokratikong proseso sa pamamagitan ng pag-iwas sa mismong mga naitaguyod na proseso, kundi man ang mapanupil na gamit sa retorika ng batas (lalo na kapag nailagay sa kamay ng mga abugado bilang representante ng makauring posisyonalidad kaysa sa paglilingkod sa komunidad) o ito ngang pagbabaligtad ng posisyonalidad.

Imahem mula sa http://www.diliman-diary.blogspot.com

Malaki ang apila ng indictment sa vandalismo. Nakasentro ito, kakatwa, sa konsepto ng pribadong pag-aari. May identifikasyon ang mga naantig ang damdamin na mababang uri sa gitnang uring panuntunan ng pag-aari: pribado ito (kahit pa estado ang may-ari nito), kaya hindi dapat dinudungisan o sinisira kahit pa sa tindi ng damdaming kaakibat ng mas maigting na karahasan: ang karahasan mismo nina Guevarra at Roman na yumurak naman sa orihinaryong karapatan ng mga nagproprotesta—ang karapatang makonsulta at mapakinggan.

Ang vandalismo ay tunay na “writing on the wall,” ang napipilitang lumitaw dahil sa ordinaryong pagkakataon ng estadong kapangyarihan ay binubura sa estetika ng normal at walang dungis (o bahid ng dugo) ng institusyon. Hindi ba’t ang pagtaas ng matrikula ay disenfranchisement ng malaking bilang ng mababang uring mamamayang hindi na makakapasok sa poder ng institusyong ito, at kung gayon, ang posibilidad na makaahon sa historikal na kahirapan?

Kaya ang sinumang nagnanais na maging mukha at representante ng pang-estadong kapangyarihan ay dapat maging handa sa vandalismo. Bumaba si Chancellor Rey Luis Velasco ng UP Los Banos para hamunin na tapunan siya ng paint bag. At tinatupan nga siya, at sa ulat sa balita, nanghingi siya ng paumanhin sa publiko sa inasal ng mga estudyante. Kailangan lang i-google ang pangalan nito at malaman ang mga marami at malalim na akusasyon ng estudyante sa kanyang pamamalakad sa inaakalang kaharian sa paanan ng bundok Makiling.

Hindi na nakakasapat ang protesta lamang, kailangan ng direktang aksyon tungo sa pagpapalitaw ng kontra-diskurso sa estado, lalo na sa mga representante nito sa mga institusyon, espasyo at poder sa pang-araw-araw. Mabuhay ang mga nagproprotestang estudyante, sa pagkilos na naglalantad ng krisis ng institusyon at estado. Sa isang saglit, magbibiyahe silang literal at figuratibong nabahiran ng kulay, slogan, abo at labi ng sidhi ng protesta. Na uuwi sila at babalik kinabukasan na hindi na sigurado sa inaakalang di-matitinag na posisyon.

Unang nailathala sa Pasintabi kolum noong ika-24 ng Marso, 2010, Pinoyweekly.org.

Hindi magiging mabuti ang kasaysayan

Imahen mula sa http://www.archives.jonas.ph

Hindi naman ito usaping personal. Mabuting makitungo si Emerlinda Roman, pangulo ng Unibersidad ng Pilipinas. Makwento ito, at kahit paulit-ulit ang kwento sa iba’t ibang pagkakataon, buhay na buhay pa rin ang kwento. Noong Chancellor pa ito ng UP Diliman, decisive ito kapag may itinanong o hiniling ang unit.

Kaya nakakalungkot isipin na ang sentenaryong pangulo ng UP, ang unang babaeng pangulo nito, ay hindi paborableng huhusgahan ng kasaysayan. Hindi kakatwa na sa dulo ng termino nito bumulwak ang mga isyu, pawang pahiwatig sa kalidad o kawalan nito ng demokratikong governance sa unibersidad.

Dati rati pa nga ay kasama si Roman sa pagtutol sa CPDP (Commonwealth Property Development Plan) ng nauna nang presidente Emil Javier. Gayon naman pala, ang pinakamalaking proyekto ng pribatisasyon, ang UP-Ayalaland Technohub ay maisasakatuparan sa termino ni Roman sa mismong sityo ng CPDP.

Ang walang dangal na pagpataw ng 300 porsyentong pagtaas ng matrikula ay naganap din sa watch ni Roman. Sa isang desisyong itinago sa mga nagproprotestang komunidad, naetsapwera ni Roman ang dakilang misyon ng UP na bigyan ng pinakakalidad na tertiaryong edukasyon ang pinaka-deserving at mahihirap na estudyante.

Dagdag pa sa tiwaling pamamalakad ni Roman, ang malawakang subkontraktuwalisasyon ng mga serbisyo, pagpasok ng unibersidad sa mga kwestiyonableng kasunduan sa pribadong entidad, pagpapalakad ng Board of Regents, ang pinakamataas na policy-making body ng UP, na expired na ang termino ng tatlong Malacanang appointees, at matapos madiskubre ito, nang walang konsultasyon sa kanyang constituency, nirekomendang magkaroon ng full term pa ang mga ito.

Dahil sa sistematikong kawalan ng konsultasyon ni Roman, bumuyanyang ang bigat ng kanyang plano’t aksyon. Tinanggal ang rehente ng mga estudyante, tinanggal ang nahirang nang direktor ng Philippine General Hospital (PGH), inuluklok muli ang Chancellor ng UP Mindanao nang hindi tinutugunan ang mga komento ng Commission ng Audit hinggil sa inagurasyon nito, at iba pa.

Imahen mula sa http://www.convergingideas.wordpress.com

Marami nang presidente ang UP. Marami ang makasaysayang pamumuno dahil sa ginawang Filipinisasyon ng unibersidad at sa termino ni S.P. Lopez, ang demokratikong konsultasyon na nauwi sa pagproprotekta nito sa mga lumahok sa Diliman Commune laban sa militar ni Marcos.

Ang di-demokratikong pamamalakad ni Roman ay sarili niyang kagagawan. Sinasabi niyang maliit na pumpon ng nagproprotesta lamang ang nasa Quezon Hall. Tunay na ngang nasa ivory tower si Roman. Wala na itong interes na makinig, itinatatwa na niya ang radikal na tradisyon ng unibersidad na naghirang sa kanya bilang sentenaryong pangulo.

At hindi ito kataka-taka para sa “reyna ng komersyalisasyon.” Pinindeho ni Roman ang kasaysayan ng UP sa poder ng negosyo at reaksyonaryong estado. Hindi hiwalay ang kinikilos ni Roman sa neoliberalismo at fasismo ni Gloria Arroyo, ang napagtagumpayan niyang i-bypass dahil nakakolekta ng bilang ng boto si Roman mula sa mga rehenteng niluklok ni Arroyo.

Hindi naman pala sila magkaiba. Magkahalintulad ang kanilang bisyon sa isang sitwasyon limitado ang resources at may engrandeng bisyon na maging globally competitive ang kanilang pinaghaharian: papasukin ang negosyo, supilin ang demokratikong proseso, buwagin ang natitirang espasyo ng demokratikong karapatan. Ang resulta ay ang pamamayani ng kultura ng impunity.

Walang takot sa parusa si Roman o si Arroyo, walang remorse sa pinaggagagawa kahit natitiyak na natitinag din ito sa ilang beses na paghiyaw na “Roman resign!” ng mga nagproprotesta. Sino ang hindi? Dagdag pa ito sa kanyang makasaysayang panunungkulan: sentenaryong presidente, unang babaeng pangulo, at unang pinanawagan magbitiw na sa panunungkulan?

Na pati ang fasistang Chancellor ng UP Los Banos ay nahawahan na ng kulturang ito, walang takot na naghahari at nananakot sa kanyang kampus? Pati ang iba pang hinirang ni Roman na maging reservoir ng kapangyarihan niya, kasama na ang midnight appointments ng tatlong rehente ng Malacanang, ay namamayagpag sa kanilang kingdom come.

Tulad ni Arroyo, si Roman ay hindi rin natatakot maparusahan, hindi rin bibitiw sa kapangyarihan, kaya ang kasaysayan ang huhusga sa kanila. At tulad ng mga linya sa puntod, dito nakahimlay ang empire ni Roman, magarang monumento pero mabilis na naaagnas na, tulad ng maraming naghari nang may pag-iimbot, naglilingkod sa makauring interes ng negosyo at gobyerno.

Nabigwasan na ng progresibong kilusan sa unibersidad ang akala ay toreng pinagtitirikan ng kapangyarihan ng empire ni Roman. Mula sa kanyang posisyon, di na lamang alapaap ng sariling kapangyarihan ang natatanaw. Nasira na ang view ng mga graffiti at nagproprotestang komunidad.

Unang nailathala sa Pasintabi kolum noong ika-24 ng Marso, 2010, Pinoyweekly.org.

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.

Join 43 other followers