Rolando Tolentino

Month: February, 2012

Samakalawa (The Day After Tomorrow)

Magiging historikal na araw ang Setyembre 26, 2009. Ito ang araw na lumubog ang Metro Manila at karatig-lugar. Ang araw na pinagmistulang lawa ng tubig at putik ang Marikina at Quezon City. Ito ang pinakamasahol na pagbaha ng kapitolyong rehiyon sa naalaalang kasaysayan.

Text nga ng isang kaibigang guro mula sa Ateneo ukol sa isang kagurong nakatira sa Ateneo-ville sa Marikina City, para na raw itong The Day After Tomorrow (2004), ang disaster na pelikulang Hollywood ukol sa mabilisang pagkasira ng environment ng mundo. Umakyat ang tubig sa subdibisyon ng mga guro ng Ateneo. At dahil wala siyang ikalawang palapag, tinanaw na lamang niya ang mabilisang paglubog at pagkain ng mga kanyang bahay at gamit ng nag-uumapaw na tubig.

“The great equalizer” daw ang baha dahil kahit mahirap at mayaman, sikat at di ordinaryo ay apektado nito. Walang pinipili, walang kinikilingan, walang kinakampihan, na para na itong tagline ng balita sa gabi ng GMA 7. Ang dalagang artistang si Christine Reyes ay simula pa lamang tanghali ay nasa bubong na ng bahay ng Provident Village, na sa pagkakataong ito ay hindi napaghandaan ng pangalan ng subdibisyon ang dumating na sakuna.

Hindi naman tulad ng malling na patas lang ang laban ng mahirap at mayaman sa karanasan ng konsumeristang kasiyahan sa pang-araw-araw, ang pagbaha, bagamat patas na pagdanas ng pagdurusa’t pagpapakasakit, ay hindi naman dinadanas sa pang-araw-araw. Dahil sa mismong korapsyon ng pambansang pamunuan, nagiging exceptional ang pagdanas ng pagsalanta ng pinakamalaking baha sa kasaysayan.

Ayon nga kay Rep. Teofisto Guingona III, ang paggamit ni Gloria Arroyo ng P800 milyon para sa kanyang biyahe mula sa contingency fund ay pagbawas sa kapasidad ng gobyerno sa sigalot na dulot ng malawakang pagbaha. Hindi nga ba’t sinasabing pipito lang ang rubber boat ng Marikina City, isa sa nakaranas ng pinakamarahas na epekto ng pagbaha? Ang buong National Disaster Coordinating Council (NDCC) ay mayroon lamang daw 13 rubber boats. Kung hindi sinalat ang pera, maaring nakabili, ayon sa lider-kabataan na si Vencer Crisostomo, ng 1,600 na rescue boats ang gobyerno para sa disaster relief operations nito.

Imahen mula sa http://images.gmanews.tv/video_thumbnails/2010a/2011a/12//qrt_121911_5.jpg

Lubhang napakatagal at napakabagal ng pagtugon ng gobyerno sa naganap na disaster. Ang pinapatingkad ay kung paano si Arroyo ay naging biktima ng mismong pagbaha, nang hindi na makaraan ang sinasakyan nitong army truck, nag-MRT na lamang at naglakad sa baha para lamang makarating sa opisina ng NDCC. Samantala, ang mga ulat ng mga field reporters ng magkaribal na ABS-CBN at GMA 7 ay ang malawakang miserableng kondisyon ng mga naapektuhan ng baha.

Mayroong nag-uulat mula sa kasagsagan ng baha sa Montalban o sa North Expressway. Mayroong nakasakay sa dump truck para lamang mabisita ang iba pang lugar na naapektuhan ng baha sa Rizal area. Mayroong hindi pa nakakarating sa kani-kanilang pamilya, dumudulog sa mga coverage na sana ay makarating na ang rescue operation sa kanilang naperwisyong pamilya.

Ito ang pagkondisyon ng media sa disaster—na parang patas lamang ang lahat sa pagdanas nito, media practioner man o hindi. Kung gayon, tayong lahat ay biktima ng pagbaha. Wala na namang may kasalanan nito. Walang preparasyong tunay na makakapaghanda sa magnitude ng disaster na tulad nito.

Pero hindi ba’t matingkad naman ang givens ng disaster sa bansa? Una, ang Pilipinas ang pinaka-disaster proned na bansa sa buong mundo. Nasa gitna tayo ng fire belt ng mga bulkan, pinakamaraming bilang ng bagyo kada taon, maraming lindol, at hindi pa rito binibilang ang man-made disaster, tulad ng landslide dahil sa iligal na pagtrotroso, pati ang chemical spills mula sa liberalized na industriya ng mining? Hindi pa rin kasama rito ang isa sa pinakamariing insidente ng korapsyon sa buong mundo.

Ikalawa, hindi raw tantyado ang buhos ng ulan dahil kulang ng mas sofistikadong radar system. Bakit hindi bumili, kundi man mag-invest? Bakit ang prioridad ay ang foreign trips ni Arroyo, pati na ang pagkain nito sa mamahaling restaurant sa New York City at Washington, D.C.? Ano ang interes ng mismong pamahalaan na di pangalagaan ang defensibong pagtatanggol sa kagalingan ng mamamayan nito?

Eh kung hindi bumaha at bumagyo, sayang naman ang gamit at pondong ginasta! Kaya parating reaktibo ang reaksyon ng gobyerno, dahil lalo na kung ito ay gawa ng kalikasan, wala naman direktang masisi dito, di ba? Si Ondoy ba ay taong pwedeng pagbunturan ng galit? Si Arroyo ba ang may gustong bumaha si Ondoy?

Higit sa lahat, sa pamamagitan ng pamumuno sa disaster, napapamunuan ang bansa. Naitataguyod ng ofisyal na disaster management ang kagalingan ng pamunuan at gobyerno. Kahit papaano ay mayroong mabibiyayaan sa pagtulong ng ahensya ng gobyerno. Hindi nga ba’t ito ang sentrong paksa at tematiko ng komersyal ni Gilbert Teodoro para higit siyang makilala ng bobotong publiko?

At kung ito naman ay man-made disaster, mas simple ang reaksyon ng gobyerno, at kalkulado na ito. Sa paglubog ng Super Ferry, halimbawa, o sa mga bagong skandalo ng korapsyon, ang ginagawa lang naman ay manahimik si Arroyo, ipaako sa kanyang spokesperson ang pagsagot, malinaw na putulin ang chain of command na hindi umabot hanggang presidente, at mag-antay ng mas malaking disaster. At this is it na nga!

Dahil nga tayo ay bansang pinalilibutan at pinaiilaliman ng natural na disaster, mauuna pang matabunan—at madalas, literal ito—ng gumuguhong putik at torso, o lumulubog na barko ang inaasahang mas maraming bilang ng mamamayan nang mailipat ang pansin kaysa sa pagkahon ng alingasngas ng gawang-taong disaster, ngayon ay mas kilala bilang gawang-Arroyong disaster.

Ewan ko ba naman, lahat ng salatin ni Arroyo, nagiging bundok ng skandalong basura na mas malaki pa kaysa sa nahuli nitong kinasangkutan. At ito ang afinidad ng natural at gawang-Arroyong disaster: ginagamit ng huli ang una para pagtakpan ang sarili nitong kalabisan, mula sa sariling paglulustay o pagkimkim ng pera hanggang sa kalabisan ng kasalatang pabayaan ang kahandaan ng bansa sa mga disaster, pati na ang pagbawas ng kahirapan at ang karagdagang pasakit sa mamamayan, ng malawakang korapsyon.

Kaya ang itatampok ay ang bayanihan, na ang atas ng panahon ng disaster ay pakikipagtulungan at pakikipagkapwa-tao. Ito ang ethos ng telethon, ang kumbersyon ng regular na palabas sa sistematikong pagdulog sa taong may ginhawa para magbigay ng kanyang labis sa taong walang ginhawa. At hindi rin kakatwa na si Kris Aquino ang sentrong figura ng ABS-CBN para sa operasyong ito.

Sa pamamagitan ng ikonikong status ni Aquino, na ang showbiz ay behikulo ng politisasyon ng estado nito, at ang showbizifikasyon ng politika ang nagdulot ng naturalisasyon ng politika sa antas ng ordinaryo’t pang-araw-araw, ang kanyang lupon ng kapwa artista ay mapapa-donate ng panahon at salapi, mapapahimok sa kanilang sponsors at endorsements na mag-donate hindi para makatulong sa kapwa kundi para maging publiko ang pagtulong sa kapwa.

At ito ang politika ng pilantropiya sa panahon ng post-disaster, ginagawang charity work ang rekurso ng pakikipagkapwa-tao. Na ang pagwaksi sa gawain ng gobyerno ay sinasalo ng orkestrasyon ng malalaking negosyo, na sa huli ay sabwatang makakapagpanatili ng sanktidad ng estado poder. Tulad ng orkestrasyon ng mga ito para sa pambansang eleksyon, sa pagdiriwang ng pasko at semana santa, ng konsumerismo ng three-day holiday at tag-init, ang indirektang pag-uusap ang siyang nakakapagpanatili sa estadong di man matitinag ng pinakamalakas na bagyo o insidente ng skandalo.

Ilang araw lamang, huhupa na ang baha, malilinis na ang kalsada, babalik ang trafiko, magiging normal na naman ang buhay. Na parang hindi normal sa panahon nitong pagbaha gayong pinakamatingkad nga ang pagdanas ng kapangyarihan ng estado sa mamamayan nito—sa araw at gabi ng walang palyang malakas na ulan, narerealisa ng mamamayan ang kanyang abang lagay, at handa siyang tumanggap ng tulong, kundi man, mula sa bubong ng kanyang bahay, umasa habang basa at giniginaw na darating pa rin ang tulong.

Nainternalisa ng apektadong mamamayan ang kapangyarihan ng politika ng pilantropiya. Umaasa kahit hindi naman darating ang tulong. Para lang siyang nakabili ng tiket sa sweepstakes o sa lotto, na sa pamamagitan sa pag-asa, ang aspirasyon na gaganda ang kanyang kinabukasan ay nakakasapat na sa pag-invest sa tiket at sa posibilidad na darating nga ang pinakakaasam na tulong. Hindi na siya magagalit, dahil bago pa man siya sumunggab sa kapabayaan ng awtoridad, nainternalisa na niyang umasa at magpaubaya na lamang sa paghupa ng baha.

Sa mga oras na siya’y nasa kanyang bubong o inaanod ng rumaragasang ilog, tumatawid sa tumataas at mapuputik na baha, umaasang mailigtas ang kanyang sarili at pamilya, nagninilay-nilay na siya, at ang kapabayaan ng estado ay nagiging sariling kapabayaan. At kapag dumating ang pagligtas, tulad ng pagsuong ng speed boat ni Richard Gutierrez para iligtas si Reyes at ang kanyang pamilya sa kanilang bubong, may kumpiyansa siya, kahit hindi siya ang aktwal na nailigtas, na ang sistema ay gumagana pa rin.

Tunay na propetikong nalinis ng baha ang kabulukan ng sistema.

Unang nailathala sa Kulturang Popular Kultura kolum noong ika-28 ng Septyembre, 2009, Bulatlat.com.

Anunsyo matapos ang baha

Matapos ang baha, binaha ang mamamayan ng dalawang kakatwang anunsyo mula sa National Disaster Coordinating Center na muli’t muling inaalingawngaw ng mga coverage ng balita: una, kung hindi kinakailangan, huwag gamitin ang sasakyan dahil naantala ang operasyon ng pagtulong at pagligtas; at ikalawa, iwasang gamitin ang cell phone dahil binabara ang frequency waves para sa operasyon.

Maraming antas na taliwas itong anunsyo. Una, para itong chicken-or-egg. Hindi mo naman gagamitin ang sasakyan mo kundi naman kailangan para magtiyak ng pag-uwi ng mga mahal sa buhay, o bumili ng gamot sa botika, at iba pang baha-related na aktibidad. Hindi mo rin naman ilalabas ang sasakyan kung alam mong babahain sa ganitong magnitude.

Bakit hindi alam ng awtoridad ang magnitude ng pagbaha? Bakit walang isinaalang-alang sa mahabang nakaraang panahon na mag-invest nang hindi urong-sulong, a la-tsamba, pamali-mali ang prediksyon ng panahon? Naalaala ko nang nasa Japan ako, o pati sa kasalukuyang nagsu-surf ng panahon sa ibang bansa. Kada oras ay plantsado na ang detalye kung may araw, gaano kainit o kalamig sa labas, kung gaano kalakas o kahina ang ulan. At plantsado na rin ito nang isang linggo.

Sa klase ng infrastruktura ng weather forecasting, pati ang iba pang infrastruktura ng telekomunikasyon, kalsada, flood-control at pamamahala sa pamayanan, namamayagpag ang pangangailangan makapag-text at sa ilan piling pagkakataon, makatawag sa kapwang nais pagbigyan-alam ng kagyat na kalagayan at pakiwari. Natural na sa panahon ng disaster at katastropeo matingkad ang paggamit ng cell phone.

Kung maayos ang infrastruktura ng pamamahala, hindi na kakailanganin pang sabihin na hindi makakauwi ang nagtratrabahong ina dahil wala siyang masakyan pauwi, o 18 oras nang nasa ibabaw ng bubong ang mag-anak na nag-aantay ng pag-una ng pagtaas ng baha o ang pagligtas ng rubber boat, o na karagdagang baha ang mararamdaman dahil maglilikas ng malawak ng tubig ang mga napupunong dams sa Luzon.

Samakatuwid, ang mga anunsyo ay mga anunsyo ng paghahabol sa pagkainutil ng gobyerno sa sarili nitong programa ng disaster management. Lubhang huli at mabagal ang kanilang reaksyon sa paglikas ng mga taong nasalanta ng baha. Kulang-kulang ang gamit, lalo na ng rubber boats, na ang rekurso ng mamamayan ay ang kani-kanilang naitabing salbabida at floaters pang-swimming sa tag-araw.

Anunsyo para lamang masabing may ofisyal na anunsyo, at kung gayon, ofisyal na aktibidad para sa disaster management. Kahit naman, sa nakaraang 24 oras, humupa na ang baha sa maraming lugar at ang mamamayang dating nasa bubong nila ay maari nang lumipat sa mas ligtas na bahay ng kamag-anak o manatili na lamang sa nasalantang bahay.

Kaya ikalawa, ito ay para que pa na pagkakataon. Para saan pa at ginagawa ang mga anunsyo kung ang mga anunsyo ay wala namang halaga na sa buhay ng mga isinasalbang mamamayan o ang mga mamamayang nakapagsalba na sa sarili nilang kaligtasan? Ano pa ang silbi ng anunsyo sa panahon tapos na ang pinakamasahol na bahagi ng pagkasalanta ng baha?

Para na lamang inaakdaan ng gobyerno ang sarili nitong kapasidad na may paglahok man lamang sa pagliligtas ng mamamayan at pamayanan, kahit wala. Ayaw pang tuldukan ng gobyerno ang disaster dahil sa kawalan-lubos na kahandaan sa panahong aktwal na nagaganap ang disaster. Inutil ito, at sa panahon ng post disaster, kaya na rin naman ng maraming mamamayan at grupo na isalba ang kanyang lagay.

Ang anunsyo ay naghuhudyat ng failure ng pamamahala. Laway ang tugon sa panahong mas higit pa sa laway at buhay ang dapat ialok. Kung ikaw ang nasa bubong, kasama ng inyong pamilya, walang magawa kundi umasang huwag naman po sanang mangyari ang maaring mangyari, o naanod ng rumaragasang alon ng ilog, ang hibla ng pag-asang mabuhay ang siya na lamang nananatiling dahilan para tiisin ang peligrosong predikamento.

Unang nailathala sa Pasintabi kolum noong ika-28 ng Setyembre, 2009, Pinoyweekly.org.

World peace

“World peace” ang karaniwang sagot sa interview portion sa beauty pageants, kung ano ang wini-wish ng aspirant. World peace dahil labas ito kahilingan para sa sarili lamang. World peace bilang ideal na ang mga bansa, tao, politikal at ekonomiyang sistema ay nagkakaisa. Hindi masamang pangarap, pero hindi nga ba?

Nang mag-concert si Madonna sa break ng Super Bowl, ang campiness ng kanyang performance ay higit na pinatingkad nang lumabas sa higanteng screen sa flooring ng stage ang “World Peace” at “Vogue.” Vogue (bilang brand ng high-fashion magazine, sayaw ng mga bading na lalong pinasikat ng singer sa kanyang dance tune na may kahalintulad na titulo, at bilang uso’t fashionable) ang world peace: sosyal, lumabas na sa domeyn ng beauty pageants, uso, napapanahon, isa na ring brand.

Ang peace logo ay ang tatlong sticks na pinagdugtong sa sentro at nasa loob ng bilog. Ito ay familiar na disenyo sa T-shirts at campaigns. Ang peace sign ay ang V sa kanang kamay (V for victory). At ito naman ay naging familiar na pose, na unang nakita sa mga kabataang Hapong babae na ang peace sign ay nakatutok sa mga mata. Double-peace pa nga dahil sabay itong ginagawa ng magkabilang kamay.

Ang “world peace” ay hango sa pacifist na ideal na anti-war at anti-violence, na sa pamamagitan ng isang wish, ang kinabukasan ay magniningning at ang mga kontradiksyon ay naalmirol at naplantsa na.

Unang binigkas sa modernong panahon ang pacifism ni Emile Arnaud, at ang naging mga figura nito ay sina Mahatma Gandhi at Martin Luther King, Jr. Ang quintessential na pahayag hinggil dito ay ang sinambit ni Rodney King, isang African American na binugbog ng mga pulis, at nang matapos ibigay ang hatol ay nangyari ang Los Angeles Riots noong 1992, “Can we all get along?”

Binugbog na, pero world peace pa rin ang utopia. Nakaligtaan ni King ang racial at class na impediment sa riots, at ang kinahinatnan tungo sa mas ibayong konserbatismo ng estado. Na hindi naman hiwalay sa stereotipo ng beauty contestant na all-form minimum-content na pagkanilalang, na ipapaliwanag ang konsepto ng world peace ay hindi nito lubos na kakayanin, magiging dahilan ng higit na stammer, long pauses, at repetitibong “ah” at “you know…”

Tunay na “Miss Congeniality” dahil nga alam ng contestant na mas malaki ang tsansa niya sa chuwariwap na award na ito kaysa maputungan ng korona. Kaya kinakarir ang pakikipagkaibigan at pagiging secretary-general sa international beauty pageants bilang analog ng United Nations.

Ang world peace ay pagbubura sa tunay na kaganapan, sa mga kontradiksyong historikal at panlipunan. Ang world peace ay deklarasyong “enough is enough” sa parehong naganap na sistemang kaapihang nagdulot ng matinding karahasan sa mayorya, at sa makatarungang karahasang tunay na makakatugon sa hinaharap. Complicit ang proyekto ng world peace sa pagmimintina ng estado poder.

Ito rin ay imahinasyon ng “new world order,” kung saan ang mundo ay ginagabayan ng utopia ng kapayapaan. Walang world peace noon at sa kasalukuyan, kaya ang artikulasyon nito ay sa utopia ng hinaharap, na kailanman ay hindi mangyayari sa inaakalang pamamaraan, na gigising na lamang ang lahat na may pandaigdigang kapayapaan na.

Kaya ang level ng komprehensyon at apresiasyon sa world peace ay sa antas lamang ng camp o exaherasyong maaring tumukoy sa posibilidad ng konstruksyon ng kontraryong ideal bilang dekonstruksyon ng awtoritarianismo. World peace bilang sagot sa beauty pageants o retorikal na tagline sa mini-concert na lipsynching Madonna, pero lampas dito, wala itong pwersa.

Angkop ang sinabi ni Marx noon pa man, “The meaning of peace is the absence of opposition to socialism.”

Unang nailathala sa Lokusyonaryo ng Kulturang Popular kolum noong ika-27 ng Pebrero, 2012, Bulatlat.com.

Sinematograpiya ng politikal na komentaryo

Tala sa Maynila sa Kuko ng Liwanag at Orapronobis

Kung nabuhay si Lino Brocka, siya ay 73 anyos na. Ang dalawa niyang pelikula ang sinasabing nagbukas at nagsara ng “second golden age” ng pelikulang Filipino. Ang Maynila sa Kuko ng Liwanag (1975) ay 37 na taon na, at ang Orapronobis (1989) ay 23 na taon. Malamang ang tanda ng kanyang dalawang pelikula ang demographics ng kasalukuyang edad ng mga indie cinema director.

Natatangi ang dalawang pelikula ni Brocka dahil dito mahinuha kung paano siya naging kritikal sa lipunan at kasaysayang ininugan ng panahon at espasyo ng kanyang pelikula. Si Brocka ay tinaguriang pinakapolitikal na direktor ng kanyang panahon, isang reputasyon na malamang ay hanggang sa kasalukuyan ay nababagay.

Ang pasok ng opening credits sa Maynila ay nilahukan ng black-and-white documentary scenes ng isang umaga sa Escolta-Chinatown area: kalesa, estero, pagbubukas ng tindahan, paglilinis ng kalsada, pagdura, at iba pa. Ang eksena matapos, ang pagsisimula ng kwento, ay ang pagtukoy kay Julio (Bembol Roco) at ang assemblage ng politikal na slogans (Makibaka, KM, manggagawa). Dito nagsimulang magkaroon ng kulay ang pelikula.

Ang lokasyon ng kontraryong pagkatao ay minapa ni Brocka: isang probinsyanong naghahanap ng redempsyon sa syudad, at ang radikal na sabjek sa pamamagitan ng kilusang masa. Wala sa nobela (1968) ni Edgardo M. Reyes ang politikal na sabjektibismo dahil alinsunod ang struktura ng nobela sa isang klasikal na tradisyon ng isang butihing bayani na ang tanging kahinaan ay naging totoo sa sarili (ang magmahal, ipaglaban at ipagpatayan ito).

Dahil sa deklarasyon ng batas militar ni Marcos noong 1972, hindi pa lubos ang pagsasapubliko ng pakikipagtunggali sa diktadurya ng sinambit ni Brocka ang radikal na posibilidad. Uulitin ang komparison ni Brocka sa pagwawakas ng pelikula. Namaalam at naghabilin si Julio sa kanyang kaibigan, at sa paghihiwalay ay bumaybay ito sa rali na inawit pa ang “Internasyonal,” na iligal noong panahon. Ang gabi ay madilim ding magwawakas ng patayin ni Julio ang inakalang salarin ng pagkamatay ng kanyang sinta.

Hahabulin si Julio ng mga ordinaryong mamamayang lalake hanggang sa makoral ito sa eskinita. Sa isa sa pinakamakapangyarihan na ending sa pelikulang Filipino, si Julio ay mangangamba sa kanyang buhay habang ang mga lalake ay isa-isa nang dumadampot ng maaring ipagpatay sa kanya. Distorted ang aligagang mukha ni Julio, slow motion, at matapos ay kagyat na tinapos at isinunod ang anino ng kanyang sinta.

Ang politikal na komentaryo ni Brocka ay ang karahasang dulot ng mapanupil na kaayusan ng estado na ang abang nilalang ay lalong nalulugmok sa higit na abang kondisyon. Na kung mayroon lamang pulisyang mapupuntahan, hindi na sana si Julio ang naghanap ng sintang nabiktima ng white slavery, o naimbistigahan ng pulisya ang anomalya sa pagkamatay nito.

Pero kay Brocka, lalo na sa ilalim ng batas militar, walang tsansang umunlad at magkaroon ng redemsyon ang mayoryang mamamayan. At ang gabi ay magiging umaga, na tulad ng pagbubukas na eksena ng pelikula, ay tila nagka-amnesia sa mga katiwalian, isang panibagong-anyo ng mukha’t substansya ng estado.

Ang pasok naman ng eksena sa Orapronobis ay ang fiksyonalisasyon ng pagpaslang ng vigilante groups kay Fr. Tulio Favali sa Cotabato. Matapos ng pagkabaril sa kanya, ang opening credits ay nasa backdrop ng documentary footage ng EDSA 1: operasyon ng militar, helicopter shot ng people power, malu-luhang gitnang uri at relihiyosong nakikipagbatbatan at nananalangin, at iba pa.

Sa pelikula ay compendium ng mga aktwal na katiwalian sa karapatang pantao sa panahon nina Marcos at Cory Aquino. Sa pagwawakas ng pelikula, si Esper (Gina Alajar) ay dinala sa safehouse ng vigilante, ginahasa ni lider nito. Nanlaban ang anak ni Esper at binaril ng lider. Naghiganti ang babae at nabaril ito, kasama ng iba pang dinukot na kanayon.

Ang dati nitong asawa (Phillip Salvador) ay nasa labas ng guhong simbahang pinagtapunan ng mga pinaslang. May panayam sa ofisyal ng militar habang ang lalake ay niyakap ang kanyang anak kay Esper at dahan-dahang nagtungo sa loob ng simbahan. Tunog lata ang payak na mga ingay sa loob ng simbahan habang tahimik at long take na nagluluksa ang lalake.

Ang huling eksena ay sa kwarto sa bahay ng lalake, tanaw ang mag-ina. Tutungo ito sa kwarto, tatawag sa telepono at ibibigay ang kanyang koda na naghuhudyat ng muling paglahok sa kilusang andergrawnd. Malinaw ang politikal na mensahe at ang failure ng bagong pamahalaang sinasambit sa pelikula (Aquino) na maging kaiba kay Marcos, kahit pa si Brocka ay naging komisyoner sa Konstitusyong binuo ni Aquino.

Itong wakas naman ang pinakamatapang na indictment sa estado sa pelikulang Filipino, na wala ang katubusan sa reformismo sa sistema kundi sa paglulunsad at pagpapatibay ng armadong kilusan. Kaya nananatiling makabuluhan si Brocka at ang kanyang politikal na sangay ng filmmaking: dahil nananatiling matalas na politikal na komentaryo noon, ngayon at sa hinaharap ang kanyang pelikula.

Unang nailathala sa Lipunan+Kasaysayan+Pagkatao kolum noong ika-26 ng Pebrero, 2012, Pinoyweekly.org.

Martial law babies

Bago nagkaroon ng Gen X (henerasyong pwede kahit ano), at Gen Y (mas masahol na henerasyon ng kawalan-pinaniniwalaang katotohanan), matapos ang Gen Text (texting generation na naging kabahagi ng promo ng higanteng telecom), nauna ang “martial law babies.”

Ito ang henerasyong akala nang lahat ay sinumpa ng kasaysayan—na nagkaroon ng kamulatan sa panahon ng sapilitang pagdagdag ng taon ng paghahari ni Ferdinand Marcos, na tanging si Marcos o ang immediate na kaanak nito ang matutunghayang presidente sa tanang buhay, na ang kondisyon ng posibilidad at imposibilidad ay nakapasok lamang sa diktadurya ng mag-asawa.

Mantakin mo ang scenario na Gloria Arroyo forever, tapos ay Mike o Mikee ang papalit? At manghihina na lamang dahil sa limitado o kawalan ng pagpipilian, na ang tadhana ay inakda na, kahit moral na di kapahipahintulot ang posibilidad. Kaya “baby” ang turing dahil inaakalang sanggol na pwedeng akdain ang kolektibong hinaharap ng mga ito.

Ifantilization ito, o turing-musmos sa pagtakda na hindi pwedeng lumampas ang musmos sa anino ng kanyang tagapangalaga. Hindi ito katulad ng “baby boomer” na generation sa US, na post-war na henerasyon ng mga batang walang prinoblema dahil sa sustenidong pagtaas ng ekonomiyang lagay na pare-pareho (raw) na nagkaroon ng akses sa tertiaryong edukasyon, kotse, pabahay, pamilya, at white-collar na trabaho.

Pejoratibo ang pagiging “martial law baby” dahil isinanla na ang kinabukasan ng henerasyong ito sa diktadurya ng estado. At ito ang kakatwa dahil marami sa naging bahagi ng henerasyong ito ang hindi rin naman ipinaghele ng diktadurya. Marami ay nagkaroon ng alternatibong kamulatan sa loob ng diktadurya—naging aktibista, namundok, inaresto, sinalvage, napaslang, nangibang-bayan at nagbuo ng united front.

Epoch-defining ang araw ng deklarasyon ng martial law, na siyang referent sa “martial law babies.” Sa araw ng Septyembre 21, 1972, inihiwalay ang henerasyon namulat na, at ang pagpapasan ng higit na opsyon ng pagtanggap na lamang sa fasismo at pambansang pag-unlad ng mga Marcos sa martial law babies.

Kung nagkaroon ng kamulatan bago sa araw ng deklarasyon, hindi na kabahagi ng henerasyon ng martial law babies. Una, hindi na baby kaya sumasama na sa rali at piketlayn. May relatibong autonomiya nang ahensya ang individual. Ikalawa, ito ang henerasyong magbibigay-panuntunan sa kasunod nito, ang mismong martial law babies.

Para sa martial law babies, itong kagyat na naunang henerasyon ang magbibigay opsyon sa sarili nilang predikamento—kung ano ang rekurso, ang ipaghele na nga ng fasismo at kawalan-magawa sa daluyong ng diktadurya, o ang pag-ako ng kontra-politikal na posisyon, makauri at kontra-estado?

Tuwing Setyembre 21, may alingangaw sa hangin para sa akin. Tulad ng okasyon tulad ng todos los santos na ginugunita ang mga nauna nang nawala, o araw ng desaparasidos, o tuwing bagong taon na may introspeksyon sa relasyon ng sarili sa lipunan, inaalaala ko ang aking nakaraan.

Imahen mula sa http://3.bp.blogspot.com at http://26.media.tumblr.com

Grade II ako nang ideklara ang martial law. Dalawang buwang walang pasok. At nang pinapasok na nga, pinagbungkal kami ng lupa, gumawa ng plots ng gulay sa bakanteng lupa sa likod ng klasrum. Pinagdala ng buto para itanim sa programa ng Green Revolution ni Imelda.

Pinapunta sa Heart Center bago ito buksan, pinasukatan ng damit para sa okasyon ng pag-awit sa malakihang children’s choir sa inauguration. Pero sa di ko maalaalang dahilan, laking panghihinayang kong natunghayan sa telebisyon ang pagbubukas, at kung bakit kami ng mga piniling kaklase ay hindi nakasama.

Tatlumpu’t pitong taon matapos ang deklarasyon, para pa rin itong paningas sa kasalukuyang politikal na pagkatao. Kung bakit kahit tila siklikong nanunumbalik ang pwersa ng fasismo, at ang mga figura ng tirano at mandarambong, ay may patuloy pa ring pag-angkla sa isang okasyong nagbigay-definisyon sa kolektibong pagkataong aming henerasyon.

Tumanda na ang martial law babies, at marami ang tumandang may pinagkatandaan.

Unang nailathala sa Pasintabi kolum noong ika-19 ng Setyembre, 2009, Pinoyweekly.org.

Baha at alaala

Lampas nang isang buwan nang bumigwas ang bagyong “Ondoy” at “Pepeng.” At ipinapaalaala ng serialidad ng mga bagyo ang mortalidad ng buhay at alaala. May nakapagsabing walang memorya ang mga Filipino. Paano nga magkakaalaala kung paratihang literal at figuratibong binabaha ang mga objek ng alaala? Inaanod palabas kundi man nilulubog sa baha at putikan para, tulad ng maraming appliances, ay wala nang silbi matapos?

Nag-comeback ang mga Marcoses. Kahit namatay si Cory, ang mga Aquino ay nagpapatuloy sa politika. At ang kontribusyon ni Kris Aquino ay bilang pinakamatagumpay na anak ng pangulo na nagshowbiz. Pumailanlang ang masaker sa hacienda ng kanilang pamilya. Si Joseph Estrada na napatunayang may sala ng pandarambong ay pinawalang-sala ni Gloria Arroyo sa isang political na maniobrang inaakala’y magpapataas sa kanyang popularidad.

At sa serialidad ng mga kaso ng korapsyon ng mga Arroyo, marami sa Kamag-anak, Inc. nito ay nahalal pa rin sa Kongreso. Nanalanta si Ondoy sa Metro Manila at Rizal, si Pepeng sa Northern Luzon. Sa pagitan ng mga namatay at nasalanta, at sa pamimigay ng relief at charity, wala nakaalaala sa a priori na dahilan kung bakit nga ba may malawakang namamatay at nasasalanta sa ordinaryong mga bagyo?

Marami sa mga kaibigang manunulat at skolar ang nasalanta ng baha dulot ni Ondoy. Marami ang nagising na lamang isang umaga na mataas na ang baha, at bago malikas ang dapat malikas, ang unang casualty ay ang kanilang mga libro. Naunang ipatong sa mesa ang ref, ilikas ang mga anak sa ikalawang palapag, at isalba ang computer na naglalaman ng mga obra at tesis.

Kawawa ang isang kaibigan, nakatira sa Roxas District sa pampang ng malaking creek. Palabas ang bukas ng pinto at kinailangan ng tulong mula sa kapamilya sa kabilang unit para mabuksan ito. Nang magawa ito at mailikas ang mga anak sa kabilang unit na may ikalawang palapag, ilang minuto pa lamang ay nilamon na ng nag-uumapaw at rumaragasang baha sa creek. Tatlong computer ang pangunahing biktima ng baha.

Marami rin ang bumalik na lamang sa kanilang bahay matapos ang baha na lahat ay nakababad sa makapal at malapot na putik. Ang panganay kong kapatid na babae, kapayat ay nanakit ang kalamnan dahil sa paglilinis ng putik sa bahay sa Marikina. Ang isang kaibigang guro, dahil wala siya sa bahay, ay natagpuan na lamang na ang isang lata ng pintura ay kumalat sa kanyang mga pader. Ipinapaalaala ang perwisyo ng baha.

Walang gaanong pelikula na nananatili dahil sa humidity na sumisira sa negatibo, kundi man sa madaling pag-apoy ng medium. Hindi pa kasama rito ang carpet bombing ng Manila sa pagtatapos ng World War II. Litrato na nga lang sa may salamin na frame, naninikit at lumalabo sa pagdaloy ng panahon. Ang mga papeles sa panahon ng bagyo, nawawala, nababasa kaya kailangan na naman muling kumuha ng bago.

Mahilig mag-hoard ang Filipino. Hindi uso ang garage sale para periodikong tanggalin ang hindi na ginagamit. Ang pinaglumaang t-shirt at maong, nagiging basahan pa. Ang lumang sapatos, hanggat hindi bumibigay, isinusuot pa rin. Ang nakalakihang damit, naipapama sa kasunod na kapatid. Pati ang luma’t pinaglumaang gamit, naipapamigay lamang sa panahon ng relief operations matapos ang bagyo at iba pang disaster.

Kaya full circle ang bagyo bilang tagapanira ng gamit at objek ng personal at domestikong alaala, pati na rin ang pagpapalit ng pag-aari nito—mula angkop tungo sa henerikong bagay na ipinapamigay sa relief operations, mula sa personal na may halaga tungo sa henerikong pagbasbas sa personal na guilt (kung bakit naligtas at hindi naperwisyo). Na hindi hiwalay sa full circle syndrome sa politika. Kung bakit, gaya nga ng kanta ng Yano, di naman binoboto pero nananalo.

O silang tagapaglikha ng mas malaking pagdanas sa disaster ay muli’t muling naisasalba ng disaster. Na maging sa ekonomiya, na kahit na nasalanta at naperwisyo, ito rin ang pagpapatupad ng pinakamarahas na polisiyang higit pang makakapagpahirap sa mamamayan. Usap-usapan na ang demolisyon sa mga komunidad ng maralitang tagalunsod bilang “dahilan” ng malawakang paglubog sa panahon ng bagyo. O ang higit pang resignasyon ng nakararaming gitnang uri sa napipintong urban renewal matapos ng disaster sa syudad.

Kaya nalilikhang walang alaala ang Filipino dahil ipinagkakait sa kanila ang kumpletong kwento para mapalitan ng ofisyal na kwento ng tra-la-la at “nang unang panahon.” Na sa pag-anod ng kanilang gamit, sa pag-imbentaryo ng mga gamit sa putikang di na mapapakinabangan, hindi niya maipapakat na ang dahilan ng pagkasalanta ay ang mismong politika sa bansa. Personalisado ang kanyang kwento, hindi politikal.

Parang siya lamang ang nakaranas ng baha, at parang di magkakaugnay ang milyon-milyong nasalanta ng mga bagyo gayong parehong milyon-milyon ang pilit na napapag-ugnay ni Arroyo at ang kanyang mga santo’t santa.

Unang nailathala sa Pasintabi kolum noong ika-4 ng Nobyembre, 2009, Pinoyweekly.org.

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.

Join 43 other followers