Sky Garden at daluyan sa kawalan

by rolandotolentino

Imahen mula sa http://www.lockedupmind.blogspot.com

Sky Garden ang pinakamatingkad na inobasyon sa SM North. Para itong nakalutang sa ere, nakatuntong ang buong complex ng restaurants, café, fountain, makukulay at geometrikong artwork, at hardin sa transport hub at parking sa ground level. Ito ang nasa pinabukana ng bagong edifice ng SM North, The Block at Annex.

Daluyan ang Sky Garden ng pedestrian traffic. Bukas ito mula sa pinakaunang struktura ng SM North, lalo na ang restaurant section sa ikalawang palapag nito, mga flyover ni Bayani Fernando, at ng bagong flyover pa-Trinoma Mall, ang pinakakumpetensya nitong SM. Isang di kalawakan, di kakitirang pakurbang pathway ang pinakadaanan dito mula sa iba’t ibang lagusan.

Imahen mula sa http://www.pinayads.com

Kulob ang daanan ng puti’t pakurbang kanvas na itinindig ng bilugang bakal. Sa kaliwa’t kanan ng pathway ang mga bilugan at de kahon (hindi talaga matanggal ang imahinaryo ng kahon ng sapatos ng SM), pero tagusan na salamin. Ang kakatwa siempre ay ang mapagbigay na espasyo para sa hardin. Di nga ba’t lahat ng lunan ng SM ay pinagkakakitaan? Di pa rin ito nagbabago sa naunang struktura ng SM, pinapagitnaan at pinapalibutan pa rin ng mga puwesto ang dapat sana ay daanan.

Ang kaibang disenyo—tunay na hardin sa labas ng mall—tulad sa Trinoma, ay bahagi ng ikalawang henerasyon ng malls na nagsasaad ng kontrol ng negosyo sa natural na paligid. O ang reduksyon ng natural bilang kabahagi ng konkretong paligid, na nagsasaad na higit na panghimok na kumonsumo. Banggit nga ng kaibigang Omeng, halaw kay Zizek, “ecology without nature.”

Banggit naman ng isa pang kaibigang Arnold, ang mismong Sky Garden ay ang paghaltak ng SM sa negosyong maidudulot ng extensyon ng oras ng operasyon. Di nga ba’t ang bagong-yaman, ang 200,000 ahente ng call center, ay binubuo ng kalakhang liga ng kabataang may kaakibat na kita, nangangailangan ng libangan at handang may pagkagastusan para sa sarili at pamilya?

Bombarded ang dumadaan at namamasyal—ang definisyon ng malling pero sa labas na bahagi nito, na bagong teritoryong inookupa na rin ng mga mall developer—ng matingkad na musika sa pathway, musika sa mga restaurants at café, musikang galing sa Mall Dome, ang bagong entertainment venue na marerentahan na rin. Bombarded sila ng amoy ng pagkaing inihahanda sa ihawan at barbeque-han, bombarded sila ng usok at ingay sa EDSA.

Imahen mula sa http://www.flickr.com/photos/reynocum/3686091588/

Pero hindi napapansin ang mga ito. Mas manicured na malalawak na hardin ito kaysa yaong nasa pasong lata na nasa kani-kanilang lote at bahay. High-tech din dahil may fountains at cascading na tubig sa iba’t ibang bahagi nito. Labas-masok ang mga tao sa pathway, gayong ang may kapangyarihang manatili sa pwesto ay ang mga kustomer sa establisyimento.

Sila ang nakakaupo dahil sila ang umorder. At dagdag na kalakaran sa paglikha ng makauring distinksyon, marami sa kanila ay nandoon para tamasain ang libreng wi-fi. May notebooks sila, at sa mga napapadaan, tulad ng malling sa loob, nakikita sila bilang bahagi rin ng itinatanghal na kosmopolitan na nilalang. Nandoon para leisurely na makapagtrabaho, para tunghayan ng ibang kalakhan ay walang pambili ng kosmopolitanismo, at tanging sa pangarap na nakapostura sa hinaharap at dinadanas sa kasalukuyan ang posibilidad na marealisa na sila man ay makakaupo sa akmang lunan sa Sky Garden.

Ito ang bagong beacon on the hill, ang posisyon ng pagtunghay sa hinaharap na aspirasyon. Na tulad ng mga kolonialista at imperialista, ito ang adbentaheng posisyon ng pananakop at kumbersyon, ng pag-angat sa nasa ibaba sa dikta ng global na konsumerismo at kapitalismo, ng panukalang maging labis sa gitna na ang matinding kalabisan ay ang matinding kawalan.

Labas-masok ang lahat ng dumadaan, pedestrian mallers ang nakararami, nakikiraan lamang sa espasyo ng loob at labas ng negosyo, hindi aktwal na nakakatangkilik. At ang iba ay tambay maller, humihinto at nagtre-trespass sa mga establisyimento, tumatambay kahit di naman umoorder. Sa kasalukuyan, sa maraming walang kakayahan, ito ang ilehitimong posisyon na inaalok ng Sky Garden.

Ito ang pangarap ng sa hinaharap, pinagandang sityo ng sangandaan ng labis at kulang, ng lehitimo at ilehitimong aktibidad at pagkatao, ng welcome at good riddance sa malling. Ito ang pangakong hindi maaako sa daloy ng matinding pagkakauri sa pang-araw-araw na karanasan. Ito ang daluyan ng kawalan, na ang labas-masok, pagkonsumo, pangangarap, pagkuha ng Kodak moment ay humahantong sa dili’t iba kundi sa mismong kawalan ng daluyan, ng pagkakahon kaysa pagpapadaloy ng posibilidad.

Unang nailathala sa Pasintabi kolum noong ika-30 ng Agosto, 2009, Pinoyweekly.org.