Rolando Tolentino

Category: KPK

Indie cinema bilang kultural na kapital, KPK Column, Bulatlat

imahen mula sa flickr.com/photos/hellochris/2435012663/

flickr.com/photos/87118856@N00/2436290348/

www.pep.ph/guide/1945/Raya-Martin-participate…

Indie cinema bilang kultural na kapital

Kung bilang ang pagbabatayan, indie films na ang namamayagpag sa Pilipinas. Sila na ang bumubuo ng bulto ng output taon-taon, nananalo ng awards sa loob at labas ng bansa. Sila ang tinaguriang “shot in the arm” ng naghihingalong industriya ng pelikula.

Kung pagbabatayan ang ikaapat na Cinemalaya ng Hulyo 2008, ang 27,000 nanood sa higit sa 200 indie films ay nagbabadya na mayroon nang deboto, kundi man komunidad, ang indie films. Ito ang tunay na box-office draw sa elitistang persepsyon at katangian ng Cultural Center of the Philippines (CCP).

Ito lamang, maliban sa lingguhang pagtitipon ng El Shaddai, ang nakakapuno sa mga venue sa CCP. Indie films ang lumalabas na tunay na ideal market ng CCP—kabataan, culturati na may interes sa pag-unlad ng lokal na sining, willing tumangkilik, at higit sa lahat, magbayad. Ano pa ang hahanapin ng CCP?

Ang indie films ay nakalikha ng sarili nitong niche community. Niche pa lang ito dahil Metro Manila phenomenon, sa pangkalahatan, ang indie films. Bagamat mayroong pelikula mula sa rehiyon, mas ang itinatampok pa sa kompetisyon sa Cinemalaya ay ang sentrong nag-aaproba ng proyekto ng rehiyon o mga pelikulang may rehiyonal na flavor na pinondohan at nakakapasa sa panlasa ng sentro.

At dahil ang base ng komunidad—ang tumatangkilik—ay mga kabataang culturati na nakakapagbayad (kung gayon, gitnang uri na tulad din ng kasalukuyang audience ng lokal na sineng ang bayad ay P80 hanggang P140 kada tiket), hindi lamang sentrong phenomenon ang indie films, ito ay gitnang uring culturati na kaganapan.

Kung baga sa pagsusuring pang-uri, ito ang pambansang burgesyang may interes sa pag-unlad ng lokal na industriya ng sining, kahit pa nga ito pinopondohan ng media na interes ni Tonyboy Conjuangco, ang patron ng Cinemalaya.

At kung ito ang katumbas ng pambansang burgesya, maliit ang bilang ng tumantangkilik ng indie films. Matapos ng apat na taon ng Cinemalaya, mabibilang ang indie films na nakapasok sa komersyal na venue, ang cinema complex sa malls. Tanging CCP, isang sinehan sa Robinson’s Galleria, at Cine Adarna ng University of the Philippines Film Institute ang may regular na programa ng screening ng indie films.

Ang empasis ng Cinemalaya sa naratibong pelikula ang nagpaunlad ng kasalukuyang “mainstream look” ng indie films. Kalakhan ng sampung pelikula sa kompetisyon ay mayroong diin sa narrative continuity at suture, tulad ng classical Hollywood narrative cinema.

Ang Boses (Ellen Ongkeko Marfil, direktor) ay epektibong nagpaagos ng luha sa manonood, kasama ako. Sino ang hindi maiiyak sa isang inabusong musmos na nakatuklas ng kapangyarihan ng musika ng biolin para makaagapay sa kanyang abang lagay? Na mula sa pagiging walang magawang biktima ng karahasan ng kanyang ama, siya naman ay naging willing na disipulo ng isang demanding na henyo, ngunit may mababang EQ (emotional quotient)?

Nawala na ang jittery movement na gamit ay mumurahing portable video camera. Napalitan na ng stilisadong off framing, panning at tilting movement para mag-simulate ng sinaunang dokumentaryo at new wave look. Sinadya na ang indie look, hindi nanggaling dahil sa indie mode of production.

Ang kinalabasan ay well-polished indie films, o indie films na may mainstream look. Ang tangi na lamang inaabanteng “indie spirit” ay ang paksa—batang inabuso at nakatuklas sa biolin, call center agents na inaanod (o nilulunod?) ng bagong buhay ng sunshine industry, sensualidad ng Ilonggo cuisine, at iba pa.

Wala na ang lingering camera movements ng poverty films at surrealist look na ang artist at manunulat ang pangunahing tauhan. Na-Hollywood-ized na ang indie films, o nagmistulang indie films sa U.S. na nag-aantay ma-pickup ng major studio. Na kaya na lamang indie films ang mga ito ay dahil hindi pa nga naipapalabas—bagamat kahit ngayon pa lang ay nangangarap na—sa komersyal na sinehan.

Sa awardings, nandoon si Mother Lily, ang anti-thesis ng indie films. Hindi nga ba’t si Raya Martin ay gumawa ng pelikulang misogynista at racista ukol sa pagkatupok sa “Mother Lily” character? Ano ang nangyari sa fantasy-ideal ng indie filmmakers na matupok ang Mother Lily-mainstream figure kung ang tunay na Mother Lily ay kabilang sa guest of honor ng pinakatampok na indie film festival sa bansa?

Ang mainstreaming ng indie cinema ay naghuhudyat ng reconciliatory position ng gatekeepers ng indie films—na may content na at kailangan na ng market. Sila na resulta ng pang-aapi ng mainstream cinema ay ngayon nag-aalok ng olive branch. Nakaka-touch, di ba? Pero dahil na rin hindi na nakakasapat ang CCP, Robinson’s at UP bilang venue. Kailangan nang makapasok ang indie films sa sinehan.

Kung gayon, ang kasalukuyang orkestrasyon ng indie films ay tungo sa mainstreaming nito. Naka-check na ang international awards. Muli nang nakapasok sa Cannes Film Festival Competition. Kailangan na lamang may manalo sa isa sa apat na first-tier festivals.

Naka-check na rin ang kabataang culturati—silang mga filmmakers ay ngayon ay audience. Kailangan na ng mas malakihang expansyon ng venue at market ng indie films. At hindi komunidad ng maralitang tagalunsod o unyon ang inaakalang venue nito. Ang oasis ng cinema complex sa tuktok na palapag ng malls.

May retransformasyon ng kultural na kapital ang kaakibat ng mainstreaming ng indie films. Ang dating indie filmmaker ay ngayon ay inaasahang maging astute marketers na rin ng kanyang pelikula. Kahit pa ang payo ng international programmers ay lumikha ng mga pelikulang orihinal, kakaiba at nanggagaling sa lokal na lipunan.

Sa 27,000 na nanood ng ikaapat na Cinemalaya, hindi iilan ang nangangarap maging filmmaker. Na hindi tulad ng writer na maaring gumawa ng akdang ibuburo niya sa pahina ng itinatagong journal, ang indie filmmaker, tulad ng blogger sa internet, ay may ini-imagine na publiko.

Siya na manonood ay umaasang maging manlilikha ng produktong mapapanood. Mayroong kultural na kapital ang indie filmmaker. Ayon nga kay Paolo Villaluna, isang indie filmmaker, “The filmmaker is the new rock star. Everybody wants to be one.”1 Nakakapanghatak ito sa fantasisasyon ng nasa ibaba—ang kabataang culturati na makita ang sarili nilang ideal, at mahigitan ito sa matagalan.

Kahit pa ang indie filmmaker ay naglalayon maging mainstream. Na kung magpakaganito, siya na nag-iisip sa kanyang fantasya na nagsusunog kay Mother Lily ay siya palang nag-aalay ng bulaklak sa paanan nito, at nagpapakintab sa rebulto nito.

Kung magpakaganito, natupok na rin ang indie bilang kultural na kapital. Natransforma na ang kultural na kapital—anti-establisyimentong gamit sa pelikula, kontraryong bisyon sa sining, at pagtatanghal sa direktor bilang artist—at naging social capital na lamang ito.

Nakakaakyat na sa baitang ng mainstream at industriyang pampelikula ang indie filmmaker. Ang nagpakilos na rito ay hindi na dahil siya ay (ex-) indie filmmaker kundi kung sino na ang kanyang nakilala mula sa itaas na kaya ring maghaltak sa kanya sa higit pang panlipunan at pang-uring mobilidad.

Sa aking palagay, matapos ng ikaapat na taon, may krisis na ang indie films. Ang krisis ay sa pagbibigay-diin sa market—hindi pa audience na hindi naman nesesaryong nakakapagbayad—ng indie films. Ano ba yan?! Hindi ba nga nakakapaglakad ay nalulumpo na ang indie cinema.

Ang ginagawang pantawid para sa nilikhang kakulangan ng indie films ay ang pag-market ng pelikula. Kung ganito, pumaloob na ang indie films sa diskurso ng komersyalismo at industriya. Hindi iilan beses kong narinig sa mga nagsalita at filmmakers na “suportahan ninyo (manonood) ang indie films” na ibig sabihin ay bumili ng tiket at manood nito.

Imbis na isipin ang problema ay audience development, ang itinatampok na diskurso ay pag-penetrate sa palengke (market). Nagpapababa ito sa nakamit na kultural na kapital ng indie filmmakers—bilang propeta ng transformatibong sining. Kaya hindi rin kataka-taka na ang kalahating milyong grant mula sa Cinemalaya ay iniisip na kulang pa para makamit ang bisyon.

Nakadikit na rin ang estado sa Cinemalaya. Nandito ang karagdagang pondo at kredit sa Film Development Council of the Philippines (FDCP) at National Commission for Culture and the Arts. Na ang bisyon ng filmmaker ay dumadaan na rin sa kapital, kundi man sa lente na rin, ng estado.

Kaya rin hindi ako nagtataka kung bakit wala na ang legacy ng social realism ni Lino Brocka at modernistang critique ng gitnang uri ni Ishmael Bernal. Nawala na ang politikal na filmmaking sa bokabularyo ng indie filmmakers. Ang piniling idioma ay halaw sa langue ng mainsteam filmmaking.

Tanging ang indie filmmakers na piniling manatili sa laylayan ng laylayan (ang naunang posisyon ng Cinemalaya) ang may nalalabing bisang gamit ng kultural na kapital. Na tila nagsasaad ng sumpa: na kapag piniling maging (tunay na) indie filmmaker, kailangang magpakatotoo sa sarili, na ang sarili ay konektado, sa batayang antas, sa sining, at ang sining ay halaw sa lipunan.

Walang short cut dahil kina-cut short ng mainstreaming ng indie films ang pagpapanatili sa indipendiente at transformatibong sining. Kaya rin hindi kakatwa na CCP ang venue at host ng Cinemalaya dahil tunay na tagapagpadaloy ang institusyong kultural ng estado sa nesesaryong kondisyon ng pangangapital ng estado.

Parang harsh, di ba? Pero alin ang mas harsh: ang kooptasyon ng CCP sa indie films sa direksyong tinungo nito sa paanan ng kapital—may audience pero bawas na ang integridad; may puri pero dulot na ng pagka-pickup nito ng international film festival programmer (kahit pa kinuwestiyun din itong purposiveness ng indie films sa pagiging circuitable sa foreign art market)–o ang kawalan ng market pero may mas angkop sa mas maliitang niche audience na sabayang tumatangkilik at trinatrasforma ng sining?

Dalawang magkausap na representatibo ang boundary markers nitong huli. Sa isang banda, ang figura ni Lav Diaz na nagbukas at nagpanatiling bukas ng panibagong landas para sa indie filmmakers—ang pagtuon ng susing diin sa sining at politika ng pagsasaad nito para sa politikal na transformasyon, hindi man ng politika, kundi ng sining ng politika.

Sa kabilang banda, ang dokumentaryong politikal na film collectives na lumilikha ng indie films (hindi naratibo, hindi feature-length) para sa partikular na sektor ng kilusang masa. Politikal ang panuntunan ng sining at ang sining ay gamit sa politikal na transformasyon.

Ang ipinagkaiba ng nakapaloob sa dalawang marker na ito sa Cinemalaya ay ang politikal na intent sa indie filmmaking. Pinananatili ang politika ng sining at ang gamit ng sining sa politikal na transformasyon sa panuntunan ng mga figura ni Diaz at political film collectives. Nilulusaw na ito sa Cinemalaya.

Kapag mainstream, wala nang gamit ang kultural na kapital. Mismong kapital na ang impetu ng sirkulasyon ng pelikula, filmmaker at indie cinema. Kung gayon, pangangapital na turing ang mainstreaming ng indie filmmaking.

Kaya sa huli, ang tunay na indie filmmaking ay wala na sa kamay ng estado, kahit may aspekto pa rin ng paggamit dito (FDCP, halimbawa, sa pagbibigay ng pondo sa mga natanggap na pelikula sa dayuhang festivals, at siempre, ang pag-claim nito sa produkto bilang kanya na rin). Ang vanguards nito ay ay pagtungo sa pinakamalayong sulok ng estado, kung saan ito mahina at walang lubos na galamay sa pagpapatagos ng pangangapital nito. Kung saan ang tao ay pinakadahop ang kondisyong panlipunan, at kung gayon, pinakahinog para sa pagbabaikwas.

Ang tunay na indie cinema ay ang pagpanig sa tao at bayang mas nakapanig sa interes ng indie filmmakers, at kasangga sa paglaban sa estadong puno’t dulo ng malawakan at malalimang kaapihan nilang lahat. Ang tunay na indie films ay ang lumalaban sa interes ng estado, at nakakiling sa interes ng mamamayan.

Kaninong kwento ang ikinuwento at ikukwento mo? Alin rin kwento ang papaniwalaan at papanigan ng mamamayan?


1 Ulat ng isang grupo sa Film 199 class, UP, 1 Agosto 2008.

Sex and the City at Kung Fu Panda sa Panahong Tulad Nito, KPK Column




imahen mula sa www.counterfeitchic.com/pop_culture/
animationguildblog.blogspot.com/2007/04/at-dr…
filipinocultured.blogspot.com/2008/05/sharon-…
www.helpingyou.ca/nannies.html



Sex and the City at Kung Fu Panda sa Panahong Tulad Nito

Walang ibang panahon. Wala namang substansyal na pagbabago sa pagdaan ng mga panahon. Ang nagbabago lang ay ang mga bagay na nagiging artifact ng panahon—mga bagay na nagpapagunita sa nakaraang lagay ng panahon.

Sa U.S., ang pagpasok ng mga Hollywood blockbusters ay senyales na panahon na ito ng tag-init sa kanila. Ang bulto ng kanilang taunang kita ay nanggaling sa kung ilang pelikula ang lalampas sa US $100 milyon na marka bilang sertipikadong blockbuster.

At sa kaisa-isang paglubog ng barkong “Titanic,” na siyang magtataas sa US $500 milyon ang pinakamalaking kinita ng pelikula, nangangarap ang Hollywood na muli pa itong malampasan. Global ang market ng Hollywood at kasama tayo sa bultong tumatangkilik ng kanyang pelikula.

Humahawi ang lokal na sinehan kapag dumating ang Hollywood blockbuster. Naalaala ko sa nakaraang installment ng “Batman” na nang pumasok ako sa Gateway Mall ay walang ibang sineng mapapanood kundi ito.

At sa kasalukuyang pag-unlad ng saklaw ng Hollywood sa bansa, tanging mga pelikula ng lokal na higanteng studio ang maaring makalaban dito. Kaya rin hindi kataka-taka na ang pinambabato ng Star Cinema ay OCW (overseas contract worker) film, tulad ng “Caregiver,” na pinagbibidahan ng pinakamalalaking artista sa arsenal nito.

Habang ang mamamayan ay natuto nang managinip na kasing laki ng Disneyland at barkong Titanic, ang ipinapalaganap naman ng lokal na studio ay pa-lokal at nasyonal na karanasan ng mga OCW na pelikula na naglalayon makapagrekruta pa ng mas maraming mamamayang mag-o-OCW.

At ito ang global turn ng studio, na kaugnay rin naman ng kanilang telebisyon network na may direksyong maging komoditi sa mga OCW tumatangkilik nito sa labas ng bansa. Una, umaapila sa guilt ang lokal na pelikula sa abject na realidad ng kahirapan sa loob ng bansa na napag-iwanan ng mga mahal sa buhay. Ikalawa, silang OCW na may finansyal na yaman ay nililikha bilang sabayang media bi-product at consumers.

Bi-product dahil hindi naman sila ang ibinebenta kundi ang kanilang karanasan via Sharon Cuneta at Claudine Barreto. Consumer dahil sila rin mismo ang ipinapatangkilik ng komoditing ginawa para sa kanila. Pinapatangkilik ang OCW sa pagnanasang makaugnay sa mahal sa buhay (bayan, bansa, kamag-anak, at kaibigan) na nakabatay sa realidad na hindi makabalik dahil sa kalikasan ng kanilang trabaho.

Na hindi rin naman kakatwa kung bakit ang mga pangunahing channel sa bansa ay brina-brand ang sarili bilang “kapamilya” at “kapuso.” Ipinipirito ng mga ito sa sariling mantika ang mga OCW at ang kanilang mahal sa buhay. At inihahanda rin ang mga wanna-be OCW sa OCW na karanasan—ipinadarama na kung paano ba kahirap maging OCW, kung bakit hindi na ito option, at kung paano dadalhin ang bigat ng ganitong desisyon.

Ang lokal na manonood ay prospective OCW naman talaga. May kita kaya nakakapanood ng sine sa loob ng mall. May kita kaya nakakapagdamit ng maayos para manood ng sine at mag-malling. May kita pero hindi lubos dahil hindi naman regular na nagagawa ang magastos na aktibidad na ito.

Kaya ang rekursong sinasambit ng panonood ng pelikula—lokal man o Hollywood at foreign—ay paghahanda sa mamamayan ng bansa na gawing lehitimo ang karanasan sa libangan. Na ang panonood ng sine ay isang gitnang uring panuntunan. Na ang pirated DVD at player ay simulain lamang pagdanas ng illicit na gitnang uri tungo sa lehitimong pagiging gitnang uri via OCW o ang lokal nitong surrogate, ang call center.

Di nga ba’t ang call center ay pagdanas na rin ng pagtratrabaho sa ibang bansa? Na sa mga aral na twang at virtual space ay araw-araw (o gabi-gabing) nakakapangibang-bayan at pagtratrabaho? Na ang entry point na kita rito ay tulad na rin ng kita ng OCW sa ibang bansa (katumbas ng kita ng DH o domestic helper)?

Nang manood ako ng “Sex and the City” sa Trinoma Mall, ang high-end mall sa kabilang dulo ng Metro Manila, lost lang ako sa pana-panahong kolektibong tumatawa ang manonood. Parang hindi naman natatawa, o sila lang ang natatawa. Pero masaya naming dinanas ang voluntaryong virtual na malayo sa pang-araw-araw na realidad.

At ano ba ang tinunghayan sa sine? Apat na babaeng walang guilt sa kanilang indibidwal na pagnanasang maging maligaya sa kani-kanilang personal (domestiko) na buhay. Apat na mayayamang babae na ang ipinakita lamang ay ang kanilang pagdanas ng libangan dulot ng kanilang trabaho at hindi ang aktwal na pagtratrabaho nila.

Ganito ang kahalintulad na pagtatago ng sine sa mismong paraan kung paano tayo nakapanood ng sine. Hindi ba’t may nagtrabaho kaya tayo nakabili ng tiket? HindiHindi ba’t ang ginagawa natin ay libangan, at kung gayon bakit gusto nating makapanood ng sine ukol sa pagtratrabaho?

Kung gusto nating makapanood ng sine tungkol sa pagtratrabaho, manonood tayo ng OCW na pelikula. Pero hindi ito ang choice natin. Hindi ba’t naggayak tayo sa pagmo-mall at ang suot natin ay aproximasyon ng suot ng mga tauhan sa pelikulang pinapanood natin? Kasama ng tabas ng buhok at make-up, at higit sa lahat, disposisyon sa buhay?

At anong klaseng buhay ito? Guilt-less, na tulad ng O-calories at sugarfree ay hindi naman lubos bilang healthy ang mga opsyon na ito. Na patuloy pa ring magre-release ng insulin ang sistema dahil ito naman ang gawain ng artificial sugar.

Paano magiging guilt-less kung ang mismong sinasakdal ay ang manonood na willing namang magpasakdal sa kasong aksesorya sa pagnanasang makaangat? At maaga ang sosyalisasyon sa ganitong pagnanasa.

Nanood kami ng mga pamangkin kong paslit ng “Kung Fu Panda,” na pati naman ako ay naaliw. Ang konsepto ng pagsasama-sama at panonood nilang magpipinsan ay nakakasapat na para sila maging hyper sa loob ng sine. Ang dami nilang palitan ng tig-iisang linyang hirit.

At maging ang mga paslit sa likuran namin ay gayon din. Nag-uumapaw sa enjoyment sa libangan na sandali. Ang mga realidad sa mga bata at problema sa nakakatanda na kinahaharap ay saglit na naglaho.

Sa “Kung Fu Panda” ang isang pagkataba-tabang hayop ay natuto ng ilang araw lamang para maging savior ng mamamayan sa China. Kahit pa may kapasidad ng distinksyon ang totoo sa hindi ang mga paslit, napuntirya na rin ang kanilang pagkatao sa aspirasyong makaangat.

Mapunta sa ibang lugar maliban sa sariling kinalalagyan. Tunay na bonanza ito ng Hollywood films. Hindi lang nasisimot nila ang kita ng gitnang uring Filipino na sa ngayon ay pangunahing market ng pagtangkilik sa sine. Maging ang aspirasyon at paraan ng pagnanasa ng gitnang uri ay naisama na sa net ng Amerikanong ideolohiya.

Na kahit pa sa China ang mga hayop, tagpuan at kung-fu na istilo, ang mga ito ay nakolonisa na sa adbentura ng ideolohiya ng Amerikanong imperialismo. Na sa manonood ng “Sex in the City,” ang posh-ness ng upper-side New York ay malalim na ring nakaukit sa guni-guni ng gitnang uring manonood nito at nagnanais rin mapabilang, kundi man makita, sa guilt-less na mundong ito.

Na parang hindi nangyari ang 9/11 sa New York, at ang New York ay naging mas malaking U.S., at ang U.S. ay lumawak na sa sinehan sa Trinoma at iba pang cinemplex sa bansa. Nag-uumapay na ang geopolitikal na espasyo ng Amerikanong imperialismo.

Soft-selling ito kaya nakukumbinsi tayo sa napakaraming bagay hinggil sa kanilang dominasyon ng mundo. Ito o i-boykot ang mga produkto nila? Paano mo ibo-boykot ang Hollywood films, ang kanilang palabas sa telebisyon, cable channels, usong damit at tabas ng buhok?

Nang mapanood ko ang dalawang pelikula, hindi lang naman kami nag-iisa sa sinehan. Blockbuster ito. Ano ang sinasabi na ang panonood ng Hollywood na sine ang rekurso ng mga gitnang uri para magkaroon ng relief sa kanilang unti-unting naagnas na pangekonomikong lagay panlipunan?

Sasabihing intelligent comedy at women-in-their-40s liberation ang pelikula, o wholesome family entertainment ito. Ito nga naman o ang saga ng caregiver-via-Sharon Cuneta ang magaganap. Na kung gusto mo ngang magkaroon ng relief, bakit ka manonood ng anumang konektado sa iyong realidad?

Kaya maging ang “Caregiver” na rin ay hiwalay sa historikal at panlipunang realidad. Na nanghihimok ito sa kapwa professional na huwag magsisi, piliin maging caregiver, at idambana ang puting alaga bilang nagpalaya sa kanyang agam-agam, kulang na lang at mismong Philippine Overseas Employment Agency ang nag-produce nito.

Na nakakapanghimok na maging at manatiling OCW ang pelikula ay patungkol pa sa aparato ng mainstream film industry ng estado. At ang estado ni Gloria Arroyo, kahit pa ginigipit ang mga Lopez na may-ari rin ng Star Cinema na nag-produce sa pelikula, ay konektado naman sa Amerikanong imperialismo.

Sa susunod na magbayad ang gitnang uri ng malaking bahagi ng kanyang sweldo para sa tiket sa sine, isipin niyang siya na nagbabayad ay nagtratrabaho para may ipambayad. Siya na nagbabayad ay nagbabayad hindi lamang para manood at makalimot, kundi para bumoto rin sa referendum ng estado at imperialismo.

Malaki ang puwang ng independent filmmaking at political film collectives sa bansa. Ito ay kung matatalakay nila ang ugnayang pang-estado at imperialismo na soft-sell at wholesale na inilalako sa mamayang nagtratrabaho, namimili at pabor na bumoboto.

Mangangailangan din ng ibang paraan ng produksyon at konsumpsyon, distribusyon at iba pang sistemang nakagisnan na sa pagiging nasa laylayan ng Hollywood at imperialismo. Ito ang kailangang akdain sa mga panahong tulad nito.

Walang ibang panahon!

Second-Generation Mall ng Trinoma, KPK Column, 6-12 Abril 2008





imahen mula sa cocomidel.wordpress.com/…/
www.realliving.com.ph/blog/?m=200709

www.flickr.com/…/discuss/72157601895429747/
www.philippinerevolution.net/cgi-bin/ab/text….


Second-Generation Mall ng Trinoma

Hinuhudyat ng Trinoma Mall ang ikalawang henerasyon ng malls sa bansa. Mula sa kahong walang sentro, tumungo na ang pag-unlad sa mas maligoy na kurbang may sentro. At ang sentrong atrium–na natatanaw mula sa lahat ng palapag ng mall–ay paratihang busy sa mga shopping-related na aktibidad: mula sa paghahanap ng pagkakakitaan sa job fairs, at business at franchise expos; tungo sa pagkakagastahang showcase ng appliances at gadgets na mabibiling 12 gives, 0% interest; at hanggang sa mga palabas na sponsored ng damit o CD store na hindi nakakagulat na may outlet din sa mall, maging ng mall tour ng mga artista para sa bagong sine at produktong ineendorso.

Kumpara sa malls ng SM at Robinson na inspired ng kahon ng sapatos—na siya namang unang negosyo ni Henry Sy (pagtitinda ng sapatos, hindi ng kahon ng sapatos), ang pinakamasigasig na nagpalawak ng kulturang mall—ang malls ng Ayala, tulad ng Glorietta at ang pinakabagong mall nila, ang Trinoma ay clover ang disenyo: magkakasalikop ang curvilinear na seksyon na nagtatagpo sa gitnang atrium. Ang Trinoma Mall ang pinakabagong high-end mall di lamang sa Metro Manila kundi na rin sa bansa. Ito ay dinevelop ng Ayala Corporation—na tulad ng kasaysayan ng gamit ng malalaking real estate sa Metro Manila, nanggaling sa pagligwak ng squatters’ community at ang kabuhayan nila sa dating “Divisoria sa EDSA”—at nakabatay ang disenyo sa prototipo ng Glorietta Mall at Greenbelt Mall, mga high-end mall sa Makati. Na ang kasaysayan ng mall development sa bansa ay kasaysayan ng karahasan at demolisyon sa hanay ng maralitang tagalunsod.

“Bulaklak” ang disenyo ng Trinoma Mall, parang baroque architecture o urban planning, curvilinear (kumpara sa mas efisienteng grid ng SM at Robinsons) ang disensyo ng interiors, ang maliliit na aisle ay lalantad sa mas malalaking aisles, at ang lahat ng aisles ay papasok sa sentro, ang atrium na parang town plaza ang gamit—dito nagpapalabas, at nagaganap ang trade exhibitions at job fairs. Ito rin ang lohika ng disenyo ng Quezon City bilang kaisa-isang planadong syudad na ang georapikong sentro ay ang Quezon Memorial Circle.

Kumbinasyon din ang Trinoma Mall ng Greenbelt at Libis dahil ginagamit ang al fresco dining at promenading space. May pocket na outdoor na parke sa tuktok ng mall na terraced na bumababa sa iba pang palapag. Mayroon ding cascading na tubig at fountain areas sa bawat palapag nitong erya ng parke. Sa bamboo grove at modernong pond area sa pinakaitaas na bukas na palapag, may hamog (fog/mist) na lumalabas sa portals para i-simulate ang Baguio o Tagaytay-country feel.

Kaya mas nakakahilong mag-malling sa Glorietta at Trinoma dahil nakakaligtaan kung saan kang seksyong nanggaling at tutungo. Ang SM, maliban sa pinakabago at pinakamalaking Mall of Asia, at sa ilang pagkakahalintulad, ang Robinson malls ay padiretso lang ang direksyon ng magkabaligtad na paroon at paritong mga maller. Para ka ngang nasa loob ng kahon ng sapatos dahil sinadyang lumikha ng pagkalito sa distinksyon ng loob at labas—at ang pribilisasyon ng nasa loob bilang mas ligtas, malinis, kaiga-igayang lunan na lumilipas lang ang natural na panahon—na makakapagtiyak ng pagkawala ng oras, pagbagsak sa mas kaasam-asam na mundo at karanasan sa shopping.

Sa Trinoma Mall, magkakaiba ang sakop ng lebel. Nakakalito ang magkahiwalay na mga parking seksyon, ng pasukan at labasan ng tao. Kailangan ng mental compass para mawari ang direksyon ng EDSA at North Avenue. Sa anumang bagong bukas na mall, paratihang may pagkalito at simulang disaster na nangyayari (pagbagsak ng kisame sa fastfood section, pagbaha ng tubig ulan sa drug store sa basement). Hindi pa siempre kabilang dito ang kasalukuyang konfigurasyon ng kapangyarihang pang-estado, ng terorismo at konsumpsyon: ang pagbomba sa Glorietta 4. Nawawala pa nga dahil hindi pa namapa ng senses ang bagong espasyo, lalo na ang bagong karanasan sa second-generation mall. Pero sa katagalan, sa familiarisasyon at ritualisasyon (regular malling) sa lugar, mawawari na ang direksyon at espasyo.

Ang mismong pangalan ng mall ay isang reimbensyon—“Triangle North of Manila.” Wala naman sa mapa ang pangalan nito, kundi kinuha lang ng public relations para ibenta ang bagong produkto. Bago nga ang disenyo, at para sa akin bukod sa curvilinear na daloy ng shops at flows, ang pinakamatingkad na bago ay ang pagbubura ng distinksyon ng loob at labas. Parke ang pangunahing nadagdag sa second-generation malls, tulad sa naunang Gateway Mall ng mga Areneta sa Cubao. May parke—bamboo groves, cascading na tubig, fountains at pathway bridges, puno sa higanteng paso–sa rooftop na dumadaloy hanggang sa ground floor ang fountain. Maliban sa fake na puno ng niyog at fountains sa Glorietta, walang natural na kalikasan sa naunang mall na ito.

Sinilyado ng Trinoma Mall ang labas (kalikasan) bilang bahagi ng mall na loob nito. Nang sa gayon, mula sa mga lagusan ng kalikasan, matatanaw na tila napakalayo at kakaibang bahagi ng syudad maging ng naunang SM City. Na tulad ng “Go west!” na motibasyon para kolonisahin ng mamamayan ng Eastern States ang Midwest patungong California sa US, tila sinasambit din ito sa posisyong ang Trinoma ang bagong “city on the hill” na tumatanaw sa luma at bagong masasakop na lunan.

Na ang karatig lugar na dapat sanang sibikong sentral sa disenyo ng Quezon City bilang planned civic center ng bansa ay mas paborableng maookupa ng negosyo kaysa serbisyo publiko. “Go west” din ang pakiwari kapag nasa Mall of Asia, lalo na kapag nakatanaw sa Manila Bay, na ang idealismo ng modernidad, tulad ng namamasyal sa karwaheng si Ibarra sa lumang Maynila, ay nakatingin sa Kanluran at ibayong-dagat para sa higit pang global na kosmopolitanismo.

Ang ikalawang inobasyon ng mall ay ang integrasyon ng mga sistema ng transportasyon sa looban nito: MRT, FX, jeep, bus at pribadong sasakyan. Ginagawang hindi mulat na maller ang pedestrian. Dati ay mulat na indibidwal na subersyon itong aktibidad ng mga gustong magpalamig at magpalipat ng gusali tungo sa sakayan. Ngayon ay lahat ay nagiging pedestrian maller, ke gusto o hindi ng indibidwal dahil lahat ay kailangang dumaan sa tagiliran at loob ng Trinoma Mall para makalipat ng sakayan. Hindi ba magical ito, na sapilitan ay hine-hail na ang indibidwal na maging maller kahit hindi naman niya talaga gusto dahil wala naman siyang ibang lugar na paglalakaran maliban sa tagilaran at loob ng mall? Na pati ang subersyon ay ginawa nang konsumpsyon ng espasyo, tulad din kung paano inuugnay para sa pedestrian ang Gateway Mall at Farmer’s Plaza ng MRTs sa EDSA at Aurora?

Kume-cater ang Trinoma Mall sa eastern at northern Metro Manila, pati na rin sa karatig-probinsya ng Bulacan at Pampanga. Sa Trinoma Mall, nabuo na ng Ayala ang nexus ng high-end shopping sa Metro Manila: ang kanilang base sa Makati, ang niche-submarkets sa The Fort: Global City, at ngayon na nga ito. “Trinoma” dahil isinasaad ang pagkabuo ng heograpikal na nexus, tulad ng sinasaad ng mismong “Triangle” na pinapagitnaan ng Luzon, Visayas at Mindanao Avenues; at maging ng North, East at West Avenues. Ito ang bagong sentro ng naunang imahirnaryo ng ugnayan ng mga mayor na grupo ng isla, maging ng gitna ng compass ng lokasyon.

Ang second-generation mall sa Trinoma ang bagong “ground zero” ng mall development sa bansa, na mas may kaugnayan pa sa mga bagong mall sa Singapore na huma-harness sa ambience ng pisikal na lokasyon (tabing-dagat, paanan ng bundok, at iba pa). Ang kritisismo sa mall sa Pilipinas ay pare-pareho naman ang disenyo, pare-pareho rin ang laman. Na maliban sa isa o dalawang shops na galing sa rehiyon ng mall ay wala namang lokal na pagkakaiba ang SM Iloilo sa SM Cagayan de Oro, maging ng Glorietta sa Makati at Cebu.

Ang ginagawa ng Trinoma Mall ay kumilala sa pangkalahatang limitasyon ng malls: maximisasyon ng MRT at lokasyon sa bukana ng northern Metro Manila, kawalan ng luntiang espasyo sa syudad (dahil na rin sa okupasyon ng mga mall sa malalaking lupa), at pati na rin ng daluyan ng tubig. Idinagdag ito pati ang façade sa harap ng West Avenue na may light show, ang bloke ng pader ay nagbabago ng ilaw, tulad sa isang mall sa Orchard Road sa Singapore. Natural at teknolohikal ang inobasyon ng Trinoma Mall na sa pangunahin ay sinisikap ng Mall of Asia na tumbukin din.

Tila sa pagtatayo ng Trinoma Mall, nabuo ang konfigurasyon ay nabuo na: ng sentro at laylayan, ng kaisahan at diversity ng lunan at pook, at ng kaakibat na infrastruktura na mag-uugnay sa lahat ng mga ito. Pribado negosyong pangarap at inisyatiba ang Trinoma Mall, kasama ng pag-uugnay ng C-5 na magdurugtong sa North at South Expressways, ang North EDSA bilang dugtungan ng naunang MRT sa annex na yugto nito patungo sa Monumento, at ang pinakabagong itatayong mass transportation system, ang magdurugtong sa SM Fairview at SM North. Kung gayon, malaking bahagi ng jigsaw puzzle ng intermittent at protracted na pambansang pag-unlad ang napunan ng kabuuan piyesa ng Trinoma Mall.

Ang naging papel ng gobyerno ay administrasyon na lamang ng paper work. Nagpaubaya na ang gobyerno sa pagsandal sa malalaking negosyo para paunlarin ang mahalagang portal na ito sa Metro Manila. Na hindi na lang sa Makati nagsisiksikan ang high-end malls at shopping, ito ay napalawak na maging sa dating talahibang lugar ng North Triangle area. At ang pangarap na ito ay pangarap na nais maisakatuparan para sa pagpapaunlad ng buong bansa.

Ang second-generation na mall ay nagsakatuparan na gawing theme park ang estado ng kontemporaryong buhay: thrill ride (literal sa escalators at elevators, at figuratibo sa pag-akyat sa pinakamamahal na shops at engrandeng pribadong parke), walang admission fee pero may gastos ang bawat kilos, malayang labas-masukan ng boluntaryo at sapilitang mallers. Wala ring protesta at kilusang masa sa mall. Inaakalang killjoy naman ito sa joy ride ng malling. Na ang mall ay walang kasaysayan (wala nang nakakaalala kung ano ang lugar dati bago itinayo ang bago), at ang heograpiya nito ay walang kinalaman sa literal na heograpiya ng pook.

Sa lohika ng administrasyon Arroyo, ang second-generation na neoliberalismo ang ipinapatupad: pag-uubos ng maaring ibentang assets ng pamahalaan, at maging ang territorial rights nga ay kasama na rito; ekonomikong pag-unlad sa iilan; malawakan at guilt-free corruption bilang normal na kalakaran ng estado; repormang agraryong walang gulugod; call center bilang kanyang industrialisasyon; at serbisyo publiko bilang charity work. Na ang ipinapasok na end-game ni Arroyo ay ang mindset ng mallers sa second-generation malls: purong joyride at bawal ang killjoy (matalo ay pikon).

Kaya ito ay hamog lamang, tulad ng lumalabas sa portals sa daluyan ng tubig sa bamboo grove sa pinakaitaas na labas na bahagi ng Trinoma Mall. Tila kamangha-mangha na nadoon ang tubig sa lupa, hindi siya bumabagsak tulad ng ulan, kundi ay lumulutang-lutang sa era ng lupa. Hanggang sa ito ay maglaho, at muling palitan ng bagong ihip na simoy ng tubig sa makina. Nandoon at wala.

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.

Join 96 other followers