Rolando Tolentino

Category: Pasintabi

Abang Lagay at Pakikibaka

Imahen mula sa http://www.philippinen-reisen.com

Ayon sa kwento ng pasko, natunghayan ng tatlong matatalinong hari ang sabsabang pinagsilangan ni Hesus sa pamamagitan ng pagsunod sa tala. Ang kolektibong pang-araw-araw na buhay ng maraming mamamayan ay nasa abang lagay.

Kaliwa’t kanan ang pagtaas ng presyo ng gasolina at bilihin; walang sapat na kita, marangal na trabaho; walang sariling bahay o lupang sinasaka; walang paggalang sa karapatang pantao; at walang konsepto ng panlipunang hustisya ang estado.

Ang mga mayamang nangurakot, hina-house arrest sa kanilang rest farm at pinalalaya. Ang mga trapong pinagtatangkaang ligwakin sa posisyon, ipinagtatanggol para muling makakapit na parang tuko. Si Gloria Macapagal Arroyo, di hamak na mas mataas ang akusasyong pangungurakot na US$165 bilyon kaysa sa mas matagal na diktaduryang Marcos na $10 bilyon. Nagbiyahe sa Spain ang buong First Family, kasama ng 37 representatibo na walang maisip ang marami kundi bilang pabuya sa pagkaligtas pa rin sa napakaraming sigalot ng pangulo.

Sa isang saglit, namudmod si Arroyo ng tig-P10,000 sa 1.4 milyong manggagawa ng gobyerno. Nakapanghahalina ang gasgas na Christmas carols sa malls. Pati mga kalsada ay may dekorasyong pampasko. Naging pagkabilanggong pamhabambuhay ang sintensya ng OCW sa Kuwait si Marilou Ranario, hindi na siya bibitayin. Nagpakamatay ang batang taga-Davao para lamang akusahan ang kanyang pamilya na hinalay ito. O sa mas naunang panahon, nagtatag si Arroyo ng Melo Commission para imbistigahan ang politikal na pagpaslang, kahit wala pang naisasakdal at naipapakulong mula sa ulat nito.

Imahen mula sa http://www.blackhelios.wordpress.com

Tila ito ang mga tala na nagpapapursigi sa mga mamamayan—ang posibilidad na makakamit ang layunin, makikita ang isang messiah, at maisasalba ang kanilang indibidwal na bagahe. Hindi ba’t pagkatapos ng kwento ay biglang naglaho ang tatlong hari? Ni wala silang nagawa sa masaker na ipinag-utos ni Haring Herod ng mga musmos na lalake, dalawang taon pababa ang edad. Kundi pa sila ginising nang anghel ay napagkanulo nila ang lokasyon ng bagong silang sa hari.

Para itong mga caterpillar sa isang illustrated na librong hindi ko na matandaan ang titulo: na lahat ay nagmamartsa patungo sa tore ng mga uod, at nang magtanong ang bagong sulpot, walang maisagot kung bakit. Lahat ay tumutungo sa kung saan ang lahat ay tumutungo.

Napagtagumpayan ang pagpapalabas kay Elizabeth Principe, na matapos itong tortyurin nang ilang araw ng militar ay napilitang ihayag ang kanilang custody nito. Nakatakas naman sa kanyang military captors si Raymond Manalo para maging saksi sa pasismo ng estado ni Arroyo, kasama ang paglalahad ng maaring worst scenario hinggil sa nawawalng dalawang estudyante ng U.P. Patuloy ang paggunita ng mga kaanak ng mga politikal na pinaslang at dinampot.

Nagbigay-diin ang Gabriela at League of Filipino Students sa unang anibersaryo ng hatol ng pagkasakdal sa rape kay Lance Corporal Daniel Smith sa mismong U.S. Embassy na may custody sa sundalo. Nakadiretso ang mga maralitang tagalunsod ng Kadamay sa Mendiola, matapos nang mahabang panahong bawal may magrali rito. “Oust Gloria” at “Fight for greater state subsidy” ang mga panawagan ng mga nakahubad sa APO run ngayong taon.

Dito sa Japan ay nakakapanlakas ang mga pagkilos para sa pandaigdigang araw ng karapatang pantao. Mayroon sa Tokyo, Nagoya at Kyoto. Nauna na sa Seoul, Korea at mayroon din sa Hong Kong. Kahit pa nanamlay ang marami, naiwang maningning pa rin ang naging buhay at ambag ng pagyao ng mga guro at manunulat na sina Monico Atienza at Rene Villanueva.

Pinagyayaman tayo nitong mga tala. Ginagabayan ang mamamayan ng ibang talang nagpapaasa sa pahugot ng lakas mula sa sarili at kolektibo. Hanggang sa ang mga uod ay hindi na lamang sunod-sunuran sa kanilang tadhana, magkakaroon ng butterfly effect na ang pagkumpas ng mga pakpak nito ay kayang lumikha ng super-typhoon sa karatig-pook. Hindi na aasa sa natatanging boses ng anghel na magdudulot ng indibidwal na katubusan, kundi sa kolektibong tinig ng pakikibaka ng kilusang masa. Hindi na magiging deboto ng mga superstar na may liga ng masang tagasunod.

Kung aba ang kalagayan, bakit hindi mag-aklas?

Ika nga ng isang manunulat, “Hindi kasamaan, hindi kabutihan, tanging pakikibaka lang.” Maaring idagdag, hindi kalakasan, hindi kahinaan, kundi buhay sa pakikibaka.

Unang nailathala sa Pasintabi kolum noong ika-19 ng Disyembre, 2007, Pinoyweekly.org.

Telebiswal na libing ng santa

Imahen mula sa http://www.backpackingphilippines.com

Kaiba ang libing na naganap. Habang ayon sa ulat, tatlong daang libong tao ang sumugod sa lansangang dadaanan ng kabaong na nakahimlay sa ibabaw ng trak, milyon-milyon naman ang nakiisa sa kanilang telebisyon at radyo. Holiday ang araw na ito pero marami ang nagkusa na magpahayag ng interes, kuriosidad at pakikiisa.

Pinaghandaan ang lampas na labindalawang oras na libing.  Ilang camera placement sa loob ng katedral, shots sa lansangan na kuha mula mga helicopter, may interior shot ng pangunahing sasakyang ng pamilya ng yumao.  Ang spectacle ay inilatag ng makabagong teknolohiya at walang pagtitipid na gastos.

Paano ililibing ang santa?  Na siyang nagpagunita sa libing ni Emperor Hirohito, tinaguriang diyos bago pinaluhod at ginawang tao ng Amerikanong mananakop ng postwar Japan.  Distansyado ang emperor sa mamamayan.  Sa katunayan, bawal siyang tignan kapag dumadaan siya sa panahon ng kanyang ofisyal na paghahari.  Matapos ng maniobra ng Amerikanong estado, hindi rin siya lubos na naging malapit sa kanyang kamamamayan.

At nang ikasal ang kasalukuyang emperor sa “ordinaryong” napangasawa nito?  Bawat kibot, hakbang at palit ng damit, bawat ritwal ay natunghayan ng mamamayan sa pamamagitan ng staging ng telebisyon.  Ang domestikong okasyon ng nasa kapangyarihan ay may layong magpalapit sa mamamayan.  Hindi ba’t ganito ang pagkakataon ng orkestrasyon sa kasal nina Prince Charles at Diana?  Ang proposal sa kasal ni Mar kay Korina sa Wowowee?  Maging ang pangungumpisal nina Gloria Arroyo, James Yap at maging si Kris Aquino sa iba’t ibang okasyon sa telebisyon?

Na hindi rin hiwalay sa lingguhang misa sa telebisyon, at paglikha ng telebiswal na debosyon sa tumutunghay.  Kahit pa nag-comeback ang radyo, telebisyon pa rin ang pangunahing daluyan ng pana-panahong imahinaryong makakapagdikit sa bansa.  Na ang rekurso ng marami, tunghayan ito kaysa aktwal na dumalo sa libing, parada, press conference, state of the nation.

At sa ganito pinalitan ng telebisyon ang pelikula sa pagdalumat sa bansa.  Mas napapanahon ang telebisyon, ang pelikula ay lalong naging indirekta sa pagtunghay sa pambansang kaganapan. Na lalo pang pinailanlang sa pagtalakay ng pambansa sa subalternong identidad ng baklitang bunsong kapatid ng machong mga tirador, o komunidad ng tirador at miyembro ng gang, pamilyang nakatira sa lumang sinehang pinaiinugan ng bayarang sex, at iba pa.

Imahen mula sa http://www.aboutmyrecovery.com

Impunto ang coverage ng telebisyon, mas malawak ang abot kaya mas malaki ang impluwensya at agenda-setting.  Na nakapagsasalita pa ang magkakapatid ukol sa kanilang lubos na pasasalamat sa mga liga ng taong nakiisa sa kanilang dalamhati habang inililipat ang katawan ng kanilang ina mula Greenhills patungong Intramuros, at mula katedral patungong himlayan, ay kakaibang twist.  Bakit may interes?
Naging selfless na ba ang pamilya, nagpaubaya na ang buhay ng santa ay lampas na sa kanilang pag-angkin?  Na magkaiba ang lawak at fokus ng coverage ng dalawang higanteng stasyon ay nagdidiin sa isyu ng akses at layon sa inner circle ng pamilya.  At ang intimacy ng kumbersasyon nina Kris at Korina ay iba pa ring usapan.

May mga antas na sakrifisyong isinaalang-alang ang mamamayan.  Walong oras na pumila sa kalaliman ng gabi, naulanan, tumawid ng baha, at nilamig para lamang sa pagkakataong masilip ang santa?  O nangilin, tulad sa Biyernes Santo, at tumunghay sa telebisyon para sa debosyon ng pakikiisa?  Na nagsiwalat ng retorika ng populismo laban sa kaliweteng posisyon sa mga nasa kilusan.

Sa huli, hindi naman ito ang diin ng telebiswal na paglibing, at ang patuloy na di pa umiimpit na pagluluksa.  Sa katunayan, ang after-affect nito ay ang pag-angat ni Noynoy Aquino sa status ng vice presidentiable, kundi man sa hanay ng presidentiable.  Patuloy pa rin ang paggunita sa isa pang santo, sa asasinasyon ni Ninoy Aquino noong Agosto 21.

Ang diin ay ang paglikha ng katanggap-tanggap na mga bayaning kontrapuntal hindi sa mismong naghaharing uri, kundi sa kasalukuyang faksyon ng aktwal na may politikal na kapangyarihan.  Mobilisasyon ang kaganapan ng negosyo, oposisyon at kilusang masa—ang pagrehistro ng presensya sa dakilang araw ng libing.  Ang masa ay nagkusa namang pumunta sa ruta, kundi man makiisa sa telebisyon.

Imahen mula sa http://www.flickr.com/photos/bongmanayon/3808225814/

Ang pagkakaiba ni Ninoy kay Cory ay mas maagang namatay ang una, bago nagkaroon ng higit na ofisyal na kapangyarihang politikal.  Nasubaybayan ng kasaysayan ang taas-babang yugto sa politikal na buhay ni Cory dahil mas matagal itong nabuhay.  At ang rekurso para maibsan ang baba, mapanatili ang taas ay gawin itong santa.  Sa paanan ng santa, inialay ang omnibus na dalamhati at komitment para sa pagpapatuloy ng laban.

Lapida itong umaako sa katawan at pagmamamay-ari sa puntod.  Ginawa na ito kina Rizal at Ninoy.  Aspirasyonal ang dulot nito, sa pana-panahong recall—ng ofisyal na estado–sa kabayanihan ng mga ito.  Kung tunay na nais magpakilos, kailangang ilabas ang labi hindi sa politikang spero gaya ng nangyayari kay Noynoy matapos ang libing, at sa iba pang nagtangka ng mobilisasyon tungo rito (mga politikong may individual na agenda sa pakikiisa sa libing).  Hindi rin sa dilaw na t-shirt at imaheng ni Cory at Ninoy na nakatatak.

Paano aakuin ang moderasyon ng santa sa radikal na kilusan?  Makiisa at mag-move on.  Magpabalik-balik sa lansangan bilang arena ng kolektibong protesta.  Madalas walang telebiswal na coverage.  O kung mayroon man, sa pinakamarahas na proteksyonismo ng estado sa poder nito.  Sa kalaunan ang kilusan din naman ang maglulugar sa santa bilang presidente sa partikular na panahon, at iba pa sa ibang panahon.

Ang masa ang nagluklok kay Cory, naglibing sa kanya.  Ang masa ang magpapalaya sa sambayanan.  Ang kumikilos na masa ang sambayanan.

Unang nailathala sa Pasintabi kolum noong ika-23 ng Agosto, 2009, Pinoyweekly.org.

Sky Garden at daluyan sa kawalan

Imahen mula sa http://www.lockedupmind.blogspot.com

Sky Garden ang pinakamatingkad na inobasyon sa SM North. Para itong nakalutang sa ere, nakatuntong ang buong complex ng restaurants, café, fountain, makukulay at geometrikong artwork, at hardin sa transport hub at parking sa ground level. Ito ang nasa pinabukana ng bagong edifice ng SM North, The Block at Annex.

Daluyan ang Sky Garden ng pedestrian traffic. Bukas ito mula sa pinakaunang struktura ng SM North, lalo na ang restaurant section sa ikalawang palapag nito, mga flyover ni Bayani Fernando, at ng bagong flyover pa-Trinoma Mall, ang pinakakumpetensya nitong SM. Isang di kalawakan, di kakitirang pakurbang pathway ang pinakadaanan dito mula sa iba’t ibang lagusan.

Imahen mula sa http://www.pinayads.com

Kulob ang daanan ng puti’t pakurbang kanvas na itinindig ng bilugang bakal. Sa kaliwa’t kanan ng pathway ang mga bilugan at de kahon (hindi talaga matanggal ang imahinaryo ng kahon ng sapatos ng SM), pero tagusan na salamin. Ang kakatwa siempre ay ang mapagbigay na espasyo para sa hardin. Di nga ba’t lahat ng lunan ng SM ay pinagkakakitaan? Di pa rin ito nagbabago sa naunang struktura ng SM, pinapagitnaan at pinapalibutan pa rin ng mga puwesto ang dapat sana ay daanan.

Ang kaibang disenyo—tunay na hardin sa labas ng mall—tulad sa Trinoma, ay bahagi ng ikalawang henerasyon ng malls na nagsasaad ng kontrol ng negosyo sa natural na paligid. O ang reduksyon ng natural bilang kabahagi ng konkretong paligid, na nagsasaad na higit na panghimok na kumonsumo. Banggit nga ng kaibigang Omeng, halaw kay Zizek, “ecology without nature.”

Banggit naman ng isa pang kaibigang Arnold, ang mismong Sky Garden ay ang paghaltak ng SM sa negosyong maidudulot ng extensyon ng oras ng operasyon. Di nga ba’t ang bagong-yaman, ang 200,000 ahente ng call center, ay binubuo ng kalakhang liga ng kabataang may kaakibat na kita, nangangailangan ng libangan at handang may pagkagastusan para sa sarili at pamilya?

Bombarded ang dumadaan at namamasyal—ang definisyon ng malling pero sa labas na bahagi nito, na bagong teritoryong inookupa na rin ng mga mall developer—ng matingkad na musika sa pathway, musika sa mga restaurants at café, musikang galing sa Mall Dome, ang bagong entertainment venue na marerentahan na rin. Bombarded sila ng amoy ng pagkaing inihahanda sa ihawan at barbeque-han, bombarded sila ng usok at ingay sa EDSA.

Imahen mula sa http://www.flickr.com/photos/reynocum/3686091588/

Pero hindi napapansin ang mga ito. Mas manicured na malalawak na hardin ito kaysa yaong nasa pasong lata na nasa kani-kanilang lote at bahay. High-tech din dahil may fountains at cascading na tubig sa iba’t ibang bahagi nito. Labas-masok ang mga tao sa pathway, gayong ang may kapangyarihang manatili sa pwesto ay ang mga kustomer sa establisyimento.

Sila ang nakakaupo dahil sila ang umorder. At dagdag na kalakaran sa paglikha ng makauring distinksyon, marami sa kanila ay nandoon para tamasain ang libreng wi-fi. May notebooks sila, at sa mga napapadaan, tulad ng malling sa loob, nakikita sila bilang bahagi rin ng itinatanghal na kosmopolitan na nilalang. Nandoon para leisurely na makapagtrabaho, para tunghayan ng ibang kalakhan ay walang pambili ng kosmopolitanismo, at tanging sa pangarap na nakapostura sa hinaharap at dinadanas sa kasalukuyan ang posibilidad na marealisa na sila man ay makakaupo sa akmang lunan sa Sky Garden.

Ito ang bagong beacon on the hill, ang posisyon ng pagtunghay sa hinaharap na aspirasyon. Na tulad ng mga kolonialista at imperialista, ito ang adbentaheng posisyon ng pananakop at kumbersyon, ng pag-angat sa nasa ibaba sa dikta ng global na konsumerismo at kapitalismo, ng panukalang maging labis sa gitna na ang matinding kalabisan ay ang matinding kawalan.

Labas-masok ang lahat ng dumadaan, pedestrian mallers ang nakararami, nakikiraan lamang sa espasyo ng loob at labas ng negosyo, hindi aktwal na nakakatangkilik. At ang iba ay tambay maller, humihinto at nagtre-trespass sa mga establisyimento, tumatambay kahit di naman umoorder. Sa kasalukuyan, sa maraming walang kakayahan, ito ang ilehitimong posisyon na inaalok ng Sky Garden.

Ito ang pangarap ng sa hinaharap, pinagandang sityo ng sangandaan ng labis at kulang, ng lehitimo at ilehitimong aktibidad at pagkatao, ng welcome at good riddance sa malling. Ito ang pangakong hindi maaako sa daloy ng matinding pagkakauri sa pang-araw-araw na karanasan. Ito ang daluyan ng kawalan, na ang labas-masok, pagkonsumo, pangangarap, pagkuha ng Kodak moment ay humahantong sa dili’t iba kundi sa mismong kawalan ng daluyan, ng pagkakahon kaysa pagpapadaloy ng posibilidad.

Unang nailathala sa Pasintabi kolum noong ika-30 ng Agosto, 2009, Pinoyweekly.org.

Anunsyo matapos ang baha

Matapos ang baha, binaha ang mamamayan ng dalawang kakatwang anunsyo mula sa National Disaster Coordinating Center na muli’t muling inaalingawngaw ng mga coverage ng balita: una, kung hindi kinakailangan, huwag gamitin ang sasakyan dahil naantala ang operasyon ng pagtulong at pagligtas; at ikalawa, iwasang gamitin ang cell phone dahil binabara ang frequency waves para sa operasyon.

Maraming antas na taliwas itong anunsyo. Una, para itong chicken-or-egg. Hindi mo naman gagamitin ang sasakyan mo kundi naman kailangan para magtiyak ng pag-uwi ng mga mahal sa buhay, o bumili ng gamot sa botika, at iba pang baha-related na aktibidad. Hindi mo rin naman ilalabas ang sasakyan kung alam mong babahain sa ganitong magnitude.

Bakit hindi alam ng awtoridad ang magnitude ng pagbaha? Bakit walang isinaalang-alang sa mahabang nakaraang panahon na mag-invest nang hindi urong-sulong, a la-tsamba, pamali-mali ang prediksyon ng panahon? Naalaala ko nang nasa Japan ako, o pati sa kasalukuyang nagsu-surf ng panahon sa ibang bansa. Kada oras ay plantsado na ang detalye kung may araw, gaano kainit o kalamig sa labas, kung gaano kalakas o kahina ang ulan. At plantsado na rin ito nang isang linggo.

Sa klase ng infrastruktura ng weather forecasting, pati ang iba pang infrastruktura ng telekomunikasyon, kalsada, flood-control at pamamahala sa pamayanan, namamayagpag ang pangangailangan makapag-text at sa ilan piling pagkakataon, makatawag sa kapwang nais pagbigyan-alam ng kagyat na kalagayan at pakiwari. Natural na sa panahon ng disaster at katastropeo matingkad ang paggamit ng cell phone.

Kung maayos ang infrastruktura ng pamamahala, hindi na kakailanganin pang sabihin na hindi makakauwi ang nagtratrabahong ina dahil wala siyang masakyan pauwi, o 18 oras nang nasa ibabaw ng bubong ang mag-anak na nag-aantay ng pag-una ng pagtaas ng baha o ang pagligtas ng rubber boat, o na karagdagang baha ang mararamdaman dahil maglilikas ng malawak ng tubig ang mga napupunong dams sa Luzon.

Samakatuwid, ang mga anunsyo ay mga anunsyo ng paghahabol sa pagkainutil ng gobyerno sa sarili nitong programa ng disaster management. Lubhang huli at mabagal ang kanilang reaksyon sa paglikas ng mga taong nasalanta ng baha. Kulang-kulang ang gamit, lalo na ng rubber boats, na ang rekurso ng mamamayan ay ang kani-kanilang naitabing salbabida at floaters pang-swimming sa tag-araw.

Anunsyo para lamang masabing may ofisyal na anunsyo, at kung gayon, ofisyal na aktibidad para sa disaster management. Kahit naman, sa nakaraang 24 oras, humupa na ang baha sa maraming lugar at ang mamamayang dating nasa bubong nila ay maari nang lumipat sa mas ligtas na bahay ng kamag-anak o manatili na lamang sa nasalantang bahay.

Kaya ikalawa, ito ay para que pa na pagkakataon. Para saan pa at ginagawa ang mga anunsyo kung ang mga anunsyo ay wala namang halaga na sa buhay ng mga isinasalbang mamamayan o ang mga mamamayang nakapagsalba na sa sarili nilang kaligtasan? Ano pa ang silbi ng anunsyo sa panahon tapos na ang pinakamasahol na bahagi ng pagkasalanta ng baha?

Para na lamang inaakdaan ng gobyerno ang sarili nitong kapasidad na may paglahok man lamang sa pagliligtas ng mamamayan at pamayanan, kahit wala. Ayaw pang tuldukan ng gobyerno ang disaster dahil sa kawalan-lubos na kahandaan sa panahong aktwal na nagaganap ang disaster. Inutil ito, at sa panahon ng post disaster, kaya na rin naman ng maraming mamamayan at grupo na isalba ang kanyang lagay.

Ang anunsyo ay naghuhudyat ng failure ng pamamahala. Laway ang tugon sa panahong mas higit pa sa laway at buhay ang dapat ialok. Kung ikaw ang nasa bubong, kasama ng inyong pamilya, walang magawa kundi umasang huwag naman po sanang mangyari ang maaring mangyari, o naanod ng rumaragasang alon ng ilog, ang hibla ng pag-asang mabuhay ang siya na lamang nananatiling dahilan para tiisin ang peligrosong predikamento.

Unang nailathala sa Pasintabi kolum noong ika-28 ng Setyembre, 2009, Pinoyweekly.org.

Martial law babies

Bago nagkaroon ng Gen X (henerasyong pwede kahit ano), at Gen Y (mas masahol na henerasyon ng kawalan-pinaniniwalaang katotohanan), matapos ang Gen Text (texting generation na naging kabahagi ng promo ng higanteng telecom), nauna ang “martial law babies.”

Ito ang henerasyong akala nang lahat ay sinumpa ng kasaysayan—na nagkaroon ng kamulatan sa panahon ng sapilitang pagdagdag ng taon ng paghahari ni Ferdinand Marcos, na tanging si Marcos o ang immediate na kaanak nito ang matutunghayang presidente sa tanang buhay, na ang kondisyon ng posibilidad at imposibilidad ay nakapasok lamang sa diktadurya ng mag-asawa.

Mantakin mo ang scenario na Gloria Arroyo forever, tapos ay Mike o Mikee ang papalit? At manghihina na lamang dahil sa limitado o kawalan ng pagpipilian, na ang tadhana ay inakda na, kahit moral na di kapahipahintulot ang posibilidad. Kaya “baby” ang turing dahil inaakalang sanggol na pwedeng akdain ang kolektibong hinaharap ng mga ito.

Ifantilization ito, o turing-musmos sa pagtakda na hindi pwedeng lumampas ang musmos sa anino ng kanyang tagapangalaga. Hindi ito katulad ng “baby boomer” na generation sa US, na post-war na henerasyon ng mga batang walang prinoblema dahil sa sustenidong pagtaas ng ekonomiyang lagay na pare-pareho (raw) na nagkaroon ng akses sa tertiaryong edukasyon, kotse, pabahay, pamilya, at white-collar na trabaho.

Pejoratibo ang pagiging “martial law baby” dahil isinanla na ang kinabukasan ng henerasyong ito sa diktadurya ng estado. At ito ang kakatwa dahil marami sa naging bahagi ng henerasyong ito ang hindi rin naman ipinaghele ng diktadurya. Marami ay nagkaroon ng alternatibong kamulatan sa loob ng diktadurya—naging aktibista, namundok, inaresto, sinalvage, napaslang, nangibang-bayan at nagbuo ng united front.

Epoch-defining ang araw ng deklarasyon ng martial law, na siyang referent sa “martial law babies.” Sa araw ng Septyembre 21, 1972, inihiwalay ang henerasyon namulat na, at ang pagpapasan ng higit na opsyon ng pagtanggap na lamang sa fasismo at pambansang pag-unlad ng mga Marcos sa martial law babies.

Kung nagkaroon ng kamulatan bago sa araw ng deklarasyon, hindi na kabahagi ng henerasyon ng martial law babies. Una, hindi na baby kaya sumasama na sa rali at piketlayn. May relatibong autonomiya nang ahensya ang individual. Ikalawa, ito ang henerasyong magbibigay-panuntunan sa kasunod nito, ang mismong martial law babies.

Para sa martial law babies, itong kagyat na naunang henerasyon ang magbibigay opsyon sa sarili nilang predikamento—kung ano ang rekurso, ang ipaghele na nga ng fasismo at kawalan-magawa sa daluyong ng diktadurya, o ang pag-ako ng kontra-politikal na posisyon, makauri at kontra-estado?

Tuwing Setyembre 21, may alingangaw sa hangin para sa akin. Tulad ng okasyon tulad ng todos los santos na ginugunita ang mga nauna nang nawala, o araw ng desaparasidos, o tuwing bagong taon na may introspeksyon sa relasyon ng sarili sa lipunan, inaalaala ko ang aking nakaraan.

Imahen mula sa http://3.bp.blogspot.com at http://26.media.tumblr.com

Grade II ako nang ideklara ang martial law. Dalawang buwang walang pasok. At nang pinapasok na nga, pinagbungkal kami ng lupa, gumawa ng plots ng gulay sa bakanteng lupa sa likod ng klasrum. Pinagdala ng buto para itanim sa programa ng Green Revolution ni Imelda.

Pinapunta sa Heart Center bago ito buksan, pinasukatan ng damit para sa okasyon ng pag-awit sa malakihang children’s choir sa inauguration. Pero sa di ko maalaalang dahilan, laking panghihinayang kong natunghayan sa telebisyon ang pagbubukas, at kung bakit kami ng mga piniling kaklase ay hindi nakasama.

Tatlumpu’t pitong taon matapos ang deklarasyon, para pa rin itong paningas sa kasalukuyang politikal na pagkatao. Kung bakit kahit tila siklikong nanunumbalik ang pwersa ng fasismo, at ang mga figura ng tirano at mandarambong, ay may patuloy pa ring pag-angkla sa isang okasyong nagbigay-definisyon sa kolektibong pagkataong aming henerasyon.

Tumanda na ang martial law babies, at marami ang tumandang may pinagkatandaan.

Unang nailathala sa Pasintabi kolum noong ika-19 ng Setyembre, 2009, Pinoyweekly.org.

Baha at alaala

Lampas nang isang buwan nang bumigwas ang bagyong “Ondoy” at “Pepeng.” At ipinapaalaala ng serialidad ng mga bagyo ang mortalidad ng buhay at alaala. May nakapagsabing walang memorya ang mga Filipino. Paano nga magkakaalaala kung paratihang literal at figuratibong binabaha ang mga objek ng alaala? Inaanod palabas kundi man nilulubog sa baha at putikan para, tulad ng maraming appliances, ay wala nang silbi matapos?

Nag-comeback ang mga Marcoses. Kahit namatay si Cory, ang mga Aquino ay nagpapatuloy sa politika. At ang kontribusyon ni Kris Aquino ay bilang pinakamatagumpay na anak ng pangulo na nagshowbiz. Pumailanlang ang masaker sa hacienda ng kanilang pamilya. Si Joseph Estrada na napatunayang may sala ng pandarambong ay pinawalang-sala ni Gloria Arroyo sa isang political na maniobrang inaakala’y magpapataas sa kanyang popularidad.

At sa serialidad ng mga kaso ng korapsyon ng mga Arroyo, marami sa Kamag-anak, Inc. nito ay nahalal pa rin sa Kongreso. Nanalanta si Ondoy sa Metro Manila at Rizal, si Pepeng sa Northern Luzon. Sa pagitan ng mga namatay at nasalanta, at sa pamimigay ng relief at charity, wala nakaalaala sa a priori na dahilan kung bakit nga ba may malawakang namamatay at nasasalanta sa ordinaryong mga bagyo?

Marami sa mga kaibigang manunulat at skolar ang nasalanta ng baha dulot ni Ondoy. Marami ang nagising na lamang isang umaga na mataas na ang baha, at bago malikas ang dapat malikas, ang unang casualty ay ang kanilang mga libro. Naunang ipatong sa mesa ang ref, ilikas ang mga anak sa ikalawang palapag, at isalba ang computer na naglalaman ng mga obra at tesis.

Kawawa ang isang kaibigan, nakatira sa Roxas District sa pampang ng malaking creek. Palabas ang bukas ng pinto at kinailangan ng tulong mula sa kapamilya sa kabilang unit para mabuksan ito. Nang magawa ito at mailikas ang mga anak sa kabilang unit na may ikalawang palapag, ilang minuto pa lamang ay nilamon na ng nag-uumapaw at rumaragasang baha sa creek. Tatlong computer ang pangunahing biktima ng baha.

Marami rin ang bumalik na lamang sa kanilang bahay matapos ang baha na lahat ay nakababad sa makapal at malapot na putik. Ang panganay kong kapatid na babae, kapayat ay nanakit ang kalamnan dahil sa paglilinis ng putik sa bahay sa Marikina. Ang isang kaibigang guro, dahil wala siya sa bahay, ay natagpuan na lamang na ang isang lata ng pintura ay kumalat sa kanyang mga pader. Ipinapaalaala ang perwisyo ng baha.

Walang gaanong pelikula na nananatili dahil sa humidity na sumisira sa negatibo, kundi man sa madaling pag-apoy ng medium. Hindi pa kasama rito ang carpet bombing ng Manila sa pagtatapos ng World War II. Litrato na nga lang sa may salamin na frame, naninikit at lumalabo sa pagdaloy ng panahon. Ang mga papeles sa panahon ng bagyo, nawawala, nababasa kaya kailangan na naman muling kumuha ng bago.

Mahilig mag-hoard ang Filipino. Hindi uso ang garage sale para periodikong tanggalin ang hindi na ginagamit. Ang pinaglumaang t-shirt at maong, nagiging basahan pa. Ang lumang sapatos, hanggat hindi bumibigay, isinusuot pa rin. Ang nakalakihang damit, naipapama sa kasunod na kapatid. Pati ang luma’t pinaglumaang gamit, naipapamigay lamang sa panahon ng relief operations matapos ang bagyo at iba pang disaster.

Kaya full circle ang bagyo bilang tagapanira ng gamit at objek ng personal at domestikong alaala, pati na rin ang pagpapalit ng pag-aari nito—mula angkop tungo sa henerikong bagay na ipinapamigay sa relief operations, mula sa personal na may halaga tungo sa henerikong pagbasbas sa personal na guilt (kung bakit naligtas at hindi naperwisyo). Na hindi hiwalay sa full circle syndrome sa politika. Kung bakit, gaya nga ng kanta ng Yano, di naman binoboto pero nananalo.

O silang tagapaglikha ng mas malaking pagdanas sa disaster ay muli’t muling naisasalba ng disaster. Na maging sa ekonomiya, na kahit na nasalanta at naperwisyo, ito rin ang pagpapatupad ng pinakamarahas na polisiyang higit pang makakapagpahirap sa mamamayan. Usap-usapan na ang demolisyon sa mga komunidad ng maralitang tagalunsod bilang “dahilan” ng malawakang paglubog sa panahon ng bagyo. O ang higit pang resignasyon ng nakararaming gitnang uri sa napipintong urban renewal matapos ng disaster sa syudad.

Kaya nalilikhang walang alaala ang Filipino dahil ipinagkakait sa kanila ang kumpletong kwento para mapalitan ng ofisyal na kwento ng tra-la-la at “nang unang panahon.” Na sa pag-anod ng kanilang gamit, sa pag-imbentaryo ng mga gamit sa putikang di na mapapakinabangan, hindi niya maipapakat na ang dahilan ng pagkasalanta ay ang mismong politika sa bansa. Personalisado ang kanyang kwento, hindi politikal.

Parang siya lamang ang nakaranas ng baha, at parang di magkakaugnay ang milyon-milyong nasalanta ng mga bagyo gayong parehong milyon-milyon ang pilit na napapag-ugnay ni Arroyo at ang kanyang mga santo’t santa.

Unang nailathala sa Pasintabi kolum noong ika-4 ng Nobyembre, 2009, Pinoyweekly.org.

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.

Join 88 other followers