Category Archives: Uncategorized

Picture 147

Picture 146

Angkinin ang Pagbabago!
Talumpati sa SONA 2009

Sino sa atin ang gusto ng tunay na pagbabago?

Walang pagbabago kung 70% ng mamamayan–mas marami ang ayaw na—ang di na naniniwala kay Arroyo.

Walang pagbabago kung ikasiyam nang inuulit-ulit ang dispalsipikadong talumpati sa Konggreso, na parang ang tatanga nating lahat.

Walang pagbabago kung may tulad ng labingtatlong taong Marinela na nagpapatiwakal, nagbigti kaysa humingi ng pam-project sa eskwelahan sa amang kakakurampot lang ang kita.

Walang pagbabago kung may tulad pa rin ni Melissa Roxas, dinampot, tinortyur, pinakawalan ng militar, pero pinagbibintangan pa rin na mga NPA ang may kagagawan.

Walang pagbabago kung ang bagong panahon sa bansa ay di na tag-ulan o tag-araw kundi ang klima ng taggutom o climate of hunger, na isang beses na lamang nakakakain ang mga pamilya sa bawat araw.

Walang pagbabago hanggang nananatili si Arroyo sa kapangyarihan.

Mamamayan ang mapagpasya, bayan ang huhusga. Kailangang matiyak na mawala si Arroyo sa susunod na taon.

May pagbabago dahil may tulad ni Melissa Roxas na kahit may ligalig, handang harapin ang mga nagpahirap sa kanya sa detensyon, at ipaglaban ang kanyang karapatan at iba pang nabiktima ang kanilang karapatang pantao.

May pagbabago dahil may tulad ng mga unyonista ng Triumph International na ipapasara ang pabrika sa Taguig, na patuloy na ipinaglalaban ang kanilang mga karapatan.

May pagbabago dahil nandito tayo ngayon taon-taon, daan-daang kumilos para sa tunay na SONA ng bayan.

Angkinin natin ang pagbabago. Karapatan nating baguhin ang opisyal at gobyerno tungo sa tunay na maglilingkod sa interes ng mamamayan. Kailangan nating itatag ang pagbabagong aakda ng kinabukasang ikakabuti ng lahat: reporma sa lupa, edukasyon, trabaho, katarungan, pambansang industrialisasyon, makabayang kultura.

Sa natitirang 345 araw ni Arroyo, tiyakin natin na siya at ang kanyang mga alipores ay mawala. Itatag ang goberyno ng mamamayan. Itatag natin ang ating pambansang kinabukasan.

imahen mula sa Arkibongbayan.org

IMG_9095

frombulalatsona21

Let’s do this!

May mga one-liner na binabanggit sa sarili sa angkop na pagkakataon. Tuwing dadalo ako sa pagkilos, ito ang nasasambit ko. Sa pagkakataon ng paghahanda para sa SONA ni Arroyo, sa pagtiyak na ito ang kanyang magiging huli, kahit pa kasagsagan ng init, sumama ako sa walk sa University Oval.

Mula sa Masscom, patungo at pabalik ng Quezon Hall ang ruta. Maalinsangan ang oras ng alas-kwatro, pero mainit din ang damdaming nais iparating. Bawat kolehiyo ay huminto ang martsa, inaantay ng iba pang pumuwesto na sa sunduan.

May maiksing programa sa bawat kolehiyong tinapatan. Hanggang sa magkabuhol ang trafik. Inisip ko, ito ang mga pagkakataong sinisisi ng mga nakasakay ang raliyista kung bakit sila natatagalan sa biyahe. At malamang, sasabihin pa na kaya nga sila hindi sumasama sa rali. Rali nang rali, nakakaperwisyo naman ng kapwa.

Ang di pa pinauupong student regent, kagagaling lang sa sakin, pero walang maliw sa pag-ariba sa mikropono. Dumating ang mga guro sa Science. Hanggang sa kasagsagan, may 200 estudyante, kawani, guro at komunidad na nasa harap ng Quezon Hall.

Nagprograma rito kahit mainit pa rin. Mataas ang energy level ng mga nagtalumpati. Pati ang grupong gamelan, naghubad pa ng mga sapin sa paa para makapagtanghal. Yung isang performer ay buong siglang nagsayaw sa mainit na espalto.

May klase ako kaya hindi na nakasama sa martsa at noise barrage sa Philcoa. Ilang beses din kasing nakansela ang klase dahil sa bagyo at isang paggagawad na di kaagad natapos. Pakutyang tanong ng isang kaguro, “Bakit ka pa kasi magtuturo?” Nagkibit-balikat na lamang ako. Hindi naman lahat sa klase ay makakaunawa, at di ko rin sila mahahaltak na sumama sa pagkilos.

Maliit man sa tinarget, di matatawaran ang ganitong pagkilos. Ito ang panahon ng lokal na pagkilos, kung ano ang kakayanin pero paratihang tinatangkang palawakin, mas higit pang paigtingin. Mabuti na ito, kaysa manahimik na lamang sa tabi. Isipin na wala nang mabuting nagagawa ang pagsama sa rali.

Oo, marami na rin kahit sa UP ang naniniwala sa ganito. At ang temper sa pagkilos ay hindi lang naman monopolyo ng isang unibersidad. Mabuti pa nga sa UP, may ganitong kilusan at aktibistang nagpapaalaala sa kapwa na “Hoy, sandali lang. Skolar pa rin kayo ng bayan kahit na komersyal na matrikula ninyo!”

Ang bawat pagkilos ay pag-usad sa daloy ng kasaysayan. Mahalaga ang pagkilos dahil dito nakokonsolida ang pagtaas ng kamulatan—kung bakit lampas ito sa antas ng individual, kung bakit may mas malaking sektor at kilusang masa na kinabibilangan ng higit pang lakas. Ito ang nakakapukaw ng damdamin, para higit pang mag-organisa at magpakilos ng kapwa.

Walang ibang rekurso ang mamamayan kundi sa politikal. Ang politikal ang substansya ng transformasyong pang-individual, kolektibo at panlipunan. Kung walang politikal na kamulatan—lampas sa sarili, may kaisahan sa kolektibong adhikain, kumikilos at nagpapakilos—walang magaganap na pagbabago. Tanging ang sarili ang maisasalba sa metapisikal na antas lamang.

Parang pagsisimba, akto ng pagmo-malling, o panonood ng sine. Tanging ang sarili ang naitatakas sa historikal na lagay, kahit pamandalian. Ang posibilidad ng kolektibong pag-ahon ay inaantala ng pagnanais ng sariling redemsyon. Nakakatrafik, sagabal, lalong di magpapasok ng kapital ang investors… Isumbat ang diskurso ng estado na parang mini-Arroyo kung umasta na ang individual.

Kaninong interes ang dadalahin ng tao, kumilos o hindi ito? Sino ang pinapanigan? Tandaan na ang hindi pagpanig at pagkilos ay isa na ring paraan ng pagpanig at pagkilos, pabor sa namamayaning kaayusan ito. Kaninong SONA ang pinanigan? SONA ba ni Arroyo sa poder ng mismong kapangyarihang politikal, o ang SONA ng mamamayan, sa espasyo ng lansangan?

Ang nakaupo sa pader ng gitna, lalamunin ng magkabilaan.

imahen mula sa Arkibongbayan.org

IMG_8372

IMG_9402

SONA-ta ng Linlangan

Ang sonata ay isang musical form na matingkad ang harmonic at tematikong organisasyon: may simula, pag-unlad at sintesis. Doble ang katingkaran ng oranisasyon nito, kung isasama pa ang pagkumpas ng orkestra, o ang orkestrasyon (operasyonalisasyon) ng sonata.

Kaya ang taunang State of the Nation Address (SONA), lalo na sa yugto ni Gloria Arroyo, ay masasabing isang sonata, dobleng orkestrasyon ng linlangan ng estado sa mamamayan nito. Una, walang masamang balita ang inaanunsyo sa SONA, tanging maniningning na nagawa, ginagawa, at gagawin ng presidente at kanyang kabinete. At kung magpakaganito, walang failure na masasaisip sa sinumang nanunungkulan.

Ang tanging babanggitin na disclosure ay ang paisa-isang problemang di naman kayang solusyunan—mga balakid na nanggagaling sa inepektibong lumang sistemang nais ngang lunsaran ng minumungkahing pagbabago at pag-unlad ng nanunungkulan. Tagumpay-pay-pay! ang aalingangaw sa SONA sa Batasan Pambansa. Di nga ba’t paratihan ang pagbilang at pagbanggit sa ilang beses na pagkaistorbo (kunwari pa raw!) sa daloy ng talumpati ni Arroyo ng masibong palakpapakan (ng pala?) ng tagapakinig nito.

Ikalawa, ang inobasyon ni Arroyo sa naunang mga presidenteng nagbigay ng kanilang SONA ay ang paggamit nito ng high-tech multi-media presentation: powerpoints, news clips, animation, slide show, at iba pa. Nagmimistulang circus sa dami ng jina-juggle ni Arroyo bilang ring master ng palabas. Sa kanyang masteri ng teleprompter o ang pagbasa ng talumpati na nagmimistulang parang saulado niya ang mga bahagi nito, siya ang henyo ng pambansang pag-unlad—kung paano tayo aabante mula sa krisis at abang lagay, tungo sa lupang pangako (kasama ang Constituent Assembly na magdaragdag ng anim na taon sa kanyang panunungkulan!).

Isang maningning na SONA-ta ng linlangan! Hindi man lang pagsisinungaling ito dahil sa lohikang tinutumbok ng taunang talumpati, napapagdikit ang tama at mali para kahit mali ay maging tama, at ang maling tama ay maging katotohanan. Ang pwersa na ang mali ay nagiging katotohanan ang afekto ng politikal na kapangyarihan: naipapasa bilang normal at unibersal ang kasinungalingan ng pambansang lagay sa pamamagitan ng pagtanto sa orkestrasyon ng SONA bilang ofisyal na pambansang script.

Ito ang kwentong nais ipapaniwala ng ritwal ng taunang SONA. Ito ang primordial na naratibo ng pagkabansa—ang ofisyal bilang hulmahan ng susunod pang pagsisinungaling, na sa kalaunan ay nagiging pagsasabansa sa pamamagitan ng paglilinlang. Ground zero kumbaga ang SONA ng orkestrasyon, manipulasyon, kontrol, at dominasyon ng estado sa mamamayan nito. Na sa maraming postmodernista, ang ganitong pagsusuri sa estado ay hindi matwid, hindi naman hunghang ang mamamayan para simpleng tanggapin ito.

Sino ang mas hunghang? ang mamamayang walang pagpipilian kundi ang sumunod sa social script ng ofisyal na bansa, o ang kritiko sa ivory tower na akala ay bubuti pa ang lagay ng mamamayan—dahil siya mismo ay mabuti naman ang lagay kumpara sa mamamayang kanyang ina-agenda—kahit hindi? Sino ang tunay na baliw sa pag-unawa ng pambansang lagay na taunang inaakda ng SONA?

Hindi pa ba nakakasapat ang urban legend sa ginawang poster child ng kahirapan na nais matulungan ng SONA ng mga pambansang administrasyon? Si Felipe Natanio, mas kilala bilang Mang Pandoy, ay ginamit ni Fidel Ramos bilang mukha ng kahirapan. Nabubuhay na sadlak sa matinding kahirapan, binigyan ng talk show “Ang Pandayan ni Mang Pandoy” at kumita ng P2,000 bawat episode sa tatlong taon nitong paglabas sa walang nanonood na Channel 4, ang channel ng gobyerno?

Marami rin siyang nakamit na limos mula sa iba pang politiko. Ginawa siyang consultant ni Jose de Venecia, Jr., at nakakuha rin ng pondo mula sa pamahalaan ng Quezon City. Binigyan din siya ng bahay, pero naibenta niya ito. Nang hindi bumuti ang kanyang mga binuksan na negosyo, napilitan itong magtrabaho muli bilang tindero ng gulay at hardinero para mabuhay ang kanyang walong anak. Namatay si Mang Pandoy noong 28 Agosto 2008 sa TB, at kinailangan muling dumulog sa DSWD para mailibing ito.

Anong uri ng buhay itong umaasa na lamang sa limos ng nanunungkulan? At kahit pa maging “it” boy si Mang Pandoy, hindi pa rin nakakasapat ang tulong (limos) ng gobyerno. Hindi sistematiko ang tugon sa isang malawakang sistemikong problema ng kahirapan. Kaya ang tugon ay charity work. Paano ang milyon-milyong mamamayang di naging poster child, tulad ni Mang Pandoy at ang tatlong taga-Payatas na bangkang batang dumulog kay Arroyo?

Sa unang SONA ni Arroyo, iniharap niya sa publiko ang tatlong magkakapatid na nagsulat ng kanilang mga pangarap na trabaho para sa magulang, edukasyon para sa sarili, at lupa para sa pamilya sa papel na ginawang bangka, ipinaanod sa estero, at sa mahika ng kathang imahinasyon, tumuloy sa Malacanan at nabasa ni Arroyo. Kaagad na ibinigay ni Arroyo ang mga kahilingan, at ngayon nga ay may kalahating milyong pondo na ang nagagamit para pag-aralin ang mga ito.

Ang kawanggawa-mode na tugon sa malawakang kahirapan ay naperfekto mula sa aral sa trahedya ni Mang Pandoy, at sa tasitong tagumpay ng pagtulong sa pamilya ng mga bata sa Payatas. Hindi nga ba’t sa jumpstarting ng pambansang ekonomiya ni Arroyo sa edad ng global at politikal na krisis nito, namudmod ito ng P500 sa mga pamilyang hindi makalampas sa itinakdang halaga ang kanilang bill ng Meralco? O ang pamumudmod na murang bigas—na binabantayan ng armadong militar—sa hanay ng milyon-milyong mamamayang limitado ang pera para sa pagkain?

Paano nangyari ang ganitong pambansang lagay na umaasa na lamang para mabuhay sa pagsasanla ng kolektibong pangarap ng pag-unlad sa individualisadong akses sa kakilalang politiko? Ang sinasabing pinakatampok na kasalanan ni Joseph Estrada sa bayan ay ang paglako nito sa pangarap ng bayan bilang katumbas ng pangarap niya: na siya ang katawan ng pangarap ng pag-unlad. Kaya nang lumabis ang siga nitong pagma-manage sa bansa bilang kanyang sariling teritoryo, nag-aklas ang mamamayang ninakawan ng kanilang pangarap. Anong kataksilan!

Walang pangako si Arroyo na siya ang kakatawan sa pangarap ng mamamayan. Nasadlak siyang maging pangulo nang mapatalsik si Estrada, at matapos nito, kinarir niya ang paghawak sa kapangyarihan. Sa panahon ng mga krisis sa kanyang administrasyon, kasama ng serye ng korapsyon at pagsisinungaling, nagiging invisible president ito. Hindi nakikita.

Business-as-usual ang kanyang dharma sa panunungkulan. Parang wala lang, walang nangyari kaya walang paliwanag. At tanging sa SONA ito hindi magpapaliwanag kundi kakatha ng pambansang kwento nais ipaniwala sa bayan. Na kahit na maraming akusasyon at batayan ng pagkalaglag niya sa kapangyarihan, siya pa rin ang best option ng bayan sa taong darating, at kung papangarapin ni Arroyo, tulad ni Marcos, hanggang magpakailanman.

Noong lumalaki kami sa panahon ng diktaduyang Marcos, parating panakot sa amin ay si Marcos lang ang makikilala naming pangulo. Tila may katotohanan ito sa edad ng mga henerasyong lumaki at nagkamalay sa panahon ng rehimeng Arroyo. At ang complacency at pasibong asta na wala nang magagawa ang nagmumulto sa amin at sa kasalukuyang henerasyon. Panahon na para magsaya, forgets na ang problema, huwag na magpa-cry-cry, kaya join na lang kayo, let’s all have a good time.

Ang extra-challenge sa amin na napagtagumpayan ng henerasyon ko ay ang pagpapatalsik kay Marcos. At sa sumunod na henerasyon, ang kay Estrada. Ang extra-challenge sa kasalukuyang henerasyon ay kundi man mapatalsik, tiyaking ito na ang huling SONA at SONA-ta ng linlangan ni Arroyo.

Picture 159

Picture 236

Lohika ng Rali

Naitatanong ko sa mga estudyante kung nakadalo na ba sila ng rali. At parati pa rin akong nagugulat na mangilan-ngilan lamang ang magtataas ng kamay para magsabing nakadalo na sila. Iniisip kong ang rali ang isa sa mga check-activity sa UP, kundi man sa buhay-kolehiyo.

Hindi ba’t ito ang exemplaryong aktibidad bilang patunay ng liberal na edukasyon sa kolehiyo’t unibersidad? Kaya nagtatagumpay ang reaksyonaryong edukasyon sa kapasidad nitong ipaloob ang introspeksyon—pumukaw sa sariling pagkatao at individualismo, o gawing personal na justifikasyon ang postmodernismo, pluralidad ng identidad at subject-position para sa individual na proyekto.

Kung papaloob ito, nakokompartamentalisa ng reaskyonaryong edukasyon ang kaalaman sa individualismo lamang. At sa akin, given na ito sa tertiaryong edukasyon. Ano pa ang aasahan kundi sa pangkalahatan, ang kamulatan ay yaong bite-size lamang, madaling nguyain, lunukin at matunawan na kaalaman—mga hindi nakakayanig ng estado poder?

Kaya iniisip kong nandito ang puwang ng aktibismo sa sektor ng edukasyon: ang kapasidad ng politikal na proyekto na mailabas ang panloob na pagpapailanlang ng kaalaman, mailabas ang kaalaman para maging giya sa mapagpalayang pagkilos. Kung hindi inaasahan ang politikal na pagkilos kahit pa sa pinakaliberal na sityo ng tertiaryong edukasyon, ang politikal ay iaasa sa aktibismong peripheral sa mismong tertiaryong edukasyon.

At ang temporal na formasyon ng aktibismo ay ang rali. Ito ang pagpukaw sa damdamin ng mga tao, mag-isip at mapaisip na kumilos sa lambas ng kanilang comfort zone, makiisa sa kolektibong kahalintulad kundi man mas maigting ang lagay sa estadong karahasan at kahirapan. Sa pamamagitan ng mob (mobilisasyon), naisasabuhay ang pag-aaral sa teorya at praktika ng pagkilos at pag-oorganisa.

May kaayusan ang mob, taliwas sa “mob mentality” o ang insureksyonaryong katangian ng mga abang nagkakaisa at nakakapaghasik ng sporadiko at spontanyong paghihiganti sa umaapi, kalakhan ay simbolo lamang ng umaapi (tindahan at katawan ng Tsino bilang representatibo ng lahat ng nagpapahirap na dayuhan sa bansa, halimbawa). Ang mob ay nagsisiwalat ng alternatibong formasyon ng potensyal ng kasalukuyang aktibismo tungo sa hinaharap nito.

Sa mob, nauuna ang mass leaders, sila ang literal na nagdadala ng tarpauling nagbabandera ng call ng pagkilos. Matagal na pinanday ng pagkilos at pag-aaral, pag-oorganisa ang marami sa mga lider. Sila ang mga mukha ng kanilang sektor at ang isyung dinadala ng mga sektor. Sa likod nito ay ang flags ng mga organisasyong kasapi sa rali. Ipinapakilala ng mga nagkakaisang hanay ng bandera ang nagkakaisang hanay ng mga sektoral na organisasyon.

Compo (composite) unit ang madalas ay nasa likuran ng mass leaders. Sila ang mga tagapagtanggol sa mga lider, kung sakaling may maganap na gulo at dispersal. Sila ang pumapaharap sa mob kung sakaling di magkasundo ang negosasyon, lalo na kapag nagsimula nang i-disperse ang mob. Samakatuwid, sila ang nagbibigay-proteksyon sa mga lider, at ang haharap sa mga pulis sa pagkakataon ng dispersal ng mob.

Sa martsa, bawat organisasyon ay nakapaloob sa mga sektor. Kung ito ay pagkilos para sa Mayo Uno, ang bulto ng mob ay ang mga manggagawa, at natural na sila ang nasa unahan ng martsa. Sesegundahan sila ng mga iba pang kaisang sektor: magbubukid, kababaihan, youth, teachers, government employees, health, science, at iba pa. Maayos ang formasyon ng bawat organisasyon at sektor, na magtitiyak nang maayos na formasyon ng mob.

“Buddy-system” ang karaniwang tawag sa sistemang seguridad sa loob ng mob. Ibig sabihin nito, ang bawat kalahok ay may katuwang. Sila ang magtitiyak ng kabutihan at kagalingan ng bawat isa sa loob ng mob. Magkasama sila sa paggawa ng errands (tulad ng pamumudmod ng statement, pagkuha ng donasyon, pagpinta ng calls, at iba pa), sa talakayan, sa pagkakapit-bisig.

Gusto ko ang konsepto ng kapit-bisig. Nagaganap ito kapag malapit na, kundi man nasa poder na nang paggaganapan ng rali. Nagkakapit-bisig bilang literal at figuratibong pagpapakita ng nagkakaisang lakas ng mga kalahok sa rali. Pumupostura ang formasyon na handa ito sa anuman, maging sa dispersal. Parang kadenang di mapuputol ang formasyon kapag nagkapit-bisig.

Natatangi si dakilang filmmaker na si Lino Brocka dahil sa inkorporasyon ng rali sa marami niyang mga pelikula. Sa pelikulang Maynila Sa Kuko ng Liwanag (1975), dinagdagan ni Brocka ng pagpipilian ni Julio Madiaga. Nakabatay ang pelikula sa nobela ni Edgardo Reyes, na seryalisado sa Liwayway mula 1966 hanggang 1967. Sa nobela, walang pagtukoy sa rali bilang representasyon ng kolektibong opsyon sa predikamento ni Julio, at sa kanyang sistemikong pagkasadlak sa syudad.

Dalawa ang inobasyon ni Brocka sa pelikulang ginawa halos isang dekada nang unang lumabas ang nobela sa pahina ng magazin. Una, binakla ni Brocka ang isang modalidad ng pag-angat ni Julio. Sa nobela, hindi pumasok sa massage parlor si Julio. Sa pelikula, nag-sideline si Julio. At sino nga namang piyon ang hindi gagamitin ang sariling katawan, lalo na kung may hitsura katulad ni Julio, para sa sexual-kapalit-ay-pera na temporaryong pag-angat?

Nakatanggap si Brocka ng paglalait mula sa iba pang kasapi ng Agos Sa Disyerto na pakiwari ay binaboy ang obra ni Reyes. At ikalawa, ipinasok ni Brocka ang isang pang modalidad ng pag-angat: ang pagsali sa rali. Naglalakad si Julio sa eksena, walang misyon sa araw na iyon kundi mag-isip at nagawi siya sa kahabaan ng Recto. Tumanghod siya sa nagmamartsang raliyista, at binati siya ng isang kakilala.

Kung tama ang alaala ko, nagkumustahan sila, at para pa nga yatang inaya ng kakilala si Julio. Pero kumukulo na si Julio, kamamatay lang ni Ligaya. Pinatay ni Ah-tek si Ligaya at nag-iisip siya ng paghihiganti. Bawat kabanata ng nobela ni Reyes ay ang unti-unting paglubog ni Julio sa kumunoy ng syudad, hanggang sa huling kabanata, tunay na siyang nilamon ng syudad. Ni kukong laki ay walang nakitang liwanag si Julio.

Binigyan ni Brocka ng liwanag si Julio, kahit hindi nito napansin. At ito ang historisasyon ng individual na kaganapan sa panahon ng diktadurya ni Marcos—na ang rekurso ay hindi ang lumpen na paghihiganti na uulit-ulitin ni Brocka sa Jaguar at Bona. Ang rekursong isinawalat niya, kahit katiting man, ang rali at pagkilos ay magiging lagusan ng sukdulang pagpili sa isa sa mga huling obra ni Brocka, ang Orapronobis.

Dito sa pelikula, ang rali ay hindi na nakakasapat para sa antas ng pang-estadong karahasan at pagpapahirap. Ang pipiliin ng tauhan ay ang pagpapatuloy niyang pagkilos sa kilusang andergrawnd, matapos nang mahabang pagproproseso ng mga panlipunang kaganapan, pati ang pagbibigay ng pag-asa sa rehimeng Aquino.

Matagal nang patay si Brocka, at nakaratay naman si Aquino. Patuloy pa rin ang fasismo at sistemikong pagpapahirap ng estado ni Gloria Arroyo. Tulad ni Marcos, at ang iba pang nagtangkang maghari magpakailanman, nagbabadya si Arroyo nang panibagong pag-aakda sa konstitusyon para magtagal pa ito sa kapangyarihan. At kahit simple ang kahilingan para matinag ito—ang dagdag na bilang ng pinakamaraming katawan sa kanyang dapat ay huling SONA—wala pa rin ito sa bokabularyo ng maraming nagkikibit-balikat na lamang o umaasang iba ang gumawa ng laban para sa lahat.

Ang lohika ng rali ay ang ehersisyo ng pakikibaka sa tagumpay. Sa rali, pakiramdam ko ay para na rin tayong nagtagumpay, malaki man ang bilang o hindi. Nagkakaisang-hanay ang mga individual at sektor, nabubuo ang alternatibong formasyon ng mamamayan laban sa panunupil ng estado. Sa pagkakapit-bisig, dama ko ang pakiwaring tagumpay: hindi man sa aktwal, sa sandali ng kaisahan, na pwede ngang magtagumpay kung patuloy ang paghayo’t pagpaparami.

At ito ang lohika ng rali, kung bakit sa SONA ay lalabas ako ng opisina at unibersidad, tulad ng marami pang iba sa kanilang mga bukid, pabrika, tahanan, at pamayanan, para irehistro ko ang pagtutol sa isang mapanupil na estado, para matiyak, sa pagkakataong ito, na hindi na muling maghari ang dapat ay matigil na ang paghahari. At sa ilang saglit, madadama ko ang kaisahang magbabadya ng pakiwari ng tagumpay sa mas matagal na hinaharap.

imahen mula sa www.moscowfilmfestival.ru/eng/31/films/31079/

2079

Xeroxing ng Manila

May intra-subgenre ang “city films.” Maaring pumaloob sa social melodrama (Maynila sa Kuko ng Liwanag, ang kinikilalang opening film ng second golden age, ni Lino Brocka), komedi (Tisoy ni Ishmael Bernal), aksyon (Gangland ni Peque Gallaga), at iba pa. Mahalaga ang hitsura ng syudad sa pagsusubstansya ng pelikulang ang pangunahing ethos ay ang dialektika ng kalabisan at kakulangan ng Manila bilang pangunahing sentro ng bansa.

Pangunahin kaya pangunahin din sa problema, gayong salat pa rin sa tampok na marka ng global na modernidad. Ang afinidad ng city films ng Third World, tulad ng City of God (Brazil) at Tribu (Pilipinas) ay ang formasyon ng isang axis ng alternatibong modernidad—kung saan ang panlipunang kahirapan at karahasan ay magkasalikop na dinadanas ng pinakaaba sa mga abang mamamayan ng syudad. Binabandera ang alternatibong kosmopolitanismo, kung saan ang pambansang batas at kaayusan ay hindi lubos na nakakatagos.

Manila (2009) ang titulo ng back-to-back na pelikula nina Raya Martin at Adolfo Alix, Jr., ilan sa mga pinakaprolifikong filmmakers ng kasalukuyang Philippine indie cinema. At ito ang isa pang pelikulang nagtatangkang i-xerox ang ethos ng city film, gayong malinaw rin ang orihinal na kopya na pinaghahalawan nito.

Ang kay Martin ay ang take-off sa umaga ng karakter na lalaki sa City After Dark/Manila After Dark (1980) ni Bernal. Ni-reyd ang tinatangkilik na sauna ng dating William Martinez na karakter (naging taxi driver sa bersyon ni Martin), ngayon ay isinabuhay ni Piolo Pascual, ang producer ng xerox copy. Isang araw lamang ang unang bahagi, ang paghahanap ng tauhan sa kanyang sariling paglubog at pagka-solve, sa pagbatak ng shabu kinagabihan.

Sa segment ni Alix, muling isinapelikula ang kanyang bersyon ng Jaguar (1979) ni Brocka. Isang gabi lang ang segment na ito. Wanna-be bosing ang karakter ni Piolo, isang bodyguard ng batang politiko. Sa pagtatanggol sa kanyang amo, at ang parusa sa pagnanais makaangat nang lampas sa itinakdang antas panlipunan, nakapatay siya ng karibal ng amo. Pinabayaan siyang mag-isa ng kanyang amo. Nagpaalam siya sa kanyang ina (Anita Linda noon at ngayon).

Tumungo sa kakilala (Mengie Cobarubias, ang gumanap ding dating amo sa orihinal) sa tambakan ng basura. Sa sona na ginanap sa lugar, tumakas ang tauhan. Nahuli sa tuktok ng basura. At ito ang inobasyon ng bersyon ni Alix—sinalvage ang tauhan. Nakulong ito sa orihinal na parang hayop, pinagsindi-patay ang lighter na bigay ng amo.

Magduda sa anumang pelikula na nakatago sa “homage” o “remake,” lalo na ng mga klasikong akda. Hindi lubos na nagtagumpay si Carlitos Siguion Reyna sa kanyang adaptasyon ng mga klasikal na nobela sa exotikong lokal na tagpuan. Ang pinakarumal-dumal dito ay ang total remake ng parehong shots ng Psycho ni Gus Van Sant mula sa orihinal na klasiko ni Alfred Hitchcock. Sa bansa, ang sukdulang problematikong remake ay ang mga remake ng klasikal na gawa ni Celso Ad Castillo na siya mismo ang nag-remake.

Hindi magandang hudyat din ito sa napakabatang Philippine indie cinema. Nauubusan na ng kwento ang kasalukuyang henerasyon ng filmmakers na kailangan na nitong manghiram sa naunang mga pelikula—mga kanonikal at nananatiling cutting-edge pa rin. Saan nanggagaling ang confidence ng mga batang filmmaker? Nag-aalumpihit marahil sa kanilang libingan ang matataray na direktor na sina Bernal at Brocka.

Nananatiling cutting-edge ang mga pelikula nila dahil sa dalawang historikal na dialog na ginawa ng mga ito: una, ang kapasidad ng kanilang pelikula na magbigay komentaryo sa historikal na panahon na pinagmulan ng kanilang mga obra, ang diktadurya ni Marcos (at hindi ito reproduceable); at ikalawa, dahil grounded sa kasaysayan ang kanilang akda, at dahil hindi naman lubhang naglaho ang mga isyung kanilang piniling talakayin, operasyonal pa rin ang lohika ng sining sa kasalukuyan.

At ito kakulangan ng pelikulang sumi-xerox sa Manila. Ano ba ang piniling talakayin, maliban sa link sa nakaraang obra? Ano ang kanilang komentaryo sa kasalukuyan, na tanging sa kasalukuyang kaayusan lamang maaring mangyari ang nangyari sa pelikula? Kaya ang hitsura ng syudad sa Manila ay backdrop lamang ng mga nakita na natin.

Disjointed ang fragments ng tagpuan—ang binabalik-balikang eye-candy ng kahirapan at moderno, ang Escolta; ang bagong red-light districts sa EDSA Pasay at Quezon Avenue; ang Smoky Mountain na na-reproduce na rin sa marami pang sityo sa Mega-Metropolitan Manila; at iba pa—kaya walang spesipikong sityo ng pag-unlad, humanisasyon at dehumanisasyon ng tao at kolektibo. Ethos ng generikong tao mula sa ethos ng ginawa ring generikong Manila ang kinalabasan ng pelikula. Purong sinematiko kaya nakabitiw sa potensyal na makapagbigay ng matalas na panlipunang komentaryo.

Prettified na kahirapan, gaya ng sabi ni Pascual sa pagpapakilala sa kanyang pelikula, para makita ang “the other side naman of Manila” kahit pa itong other side ang tunay at malawakang mukha ng syudad. Ang hindi rin akma sa pelikula ay ang mismong artista nito, na taling-tali sa star system ng studio o industrial mode of production. Hindi mapagpag ni Pascual, kahit pintahan at pakintabin pa ng uling ang kanyang mukha sa Jaguar segment na hindi maging mukha ng industriyang tinataliwas ng Philippine independent cinema.

Nawala ang grit nina Bernal at Brocka, nalabi ang museum art piece na social realism sa pelikulang Manila. At dahil nagkaganito, lutang ang pelikula sa pangangailangan ng pambansang cinema kina Bernal at Brocka. Ang inaako ay ang stilo, hindi ang substansya kung bakit mga 30 taon na ang nakakaraan, ang orihinal ay nananatiling abante sa politika ng kasalukuyang xerox.

Picture 164

Picture 025

Saga ni Sarah

Walang nagsabi kay Sarah na aabutin ng siyam-siyam ang kanyang pagiging permanente sa pagtuturo. Pumapatak nang isang taon at kalahati ang proseso, at wala pang katiyakan kung kailan ito bababa. O kung aalukin o tatanggihan ang kanyang aplikasyon.

Ito ang tinatawag na interregnum ni Antonio Gramsci, na ang kanyang paliwanag ay hindi pa namamatay ang luma gayong hindi pa isinisilang ang bagong kaayusan. Mala-mala, kumbaga, na tulad ng mga palaisipan, wala rito, wala roon; o hindi tao, hindi hayop…

Na kung iisipin naman, lahat ng karanasan ay dinadanas sa yugto ng interregnum. Walang lubusang apropriasyon o subersyon sa kasalukuyang kaayusan, gayong hindi rin naman lahat ay negosiasyon. Tanging sa lilim ng akademya ang mga radikal na kaisipan nagkakaroon ng ugat at sanga, dahil may pangako ang akademya ng ideolohikal na tunggalian—dahil sa lebel lang naman ng idea ito maaring umusbong, umunlad, magbunga at magmaterialisa.

At ito ang pangunahing “krimen” na ipinadanas kay Sarah: na tanggalin ang kondisyon ng posibilidad sa ideolohiya sa akademya. Matapos niyang mamuhay at ituring ang akademya bilang tahanan ng sampung taon, at hanggang sa mga araw na ito ay wala pa ring formal na pagpapaabot ng kadahilanan ng pagtanggi sa tenure, kundi man kung bakit hindi pa ito ipinagkakaloob, ay inibsan na ang kontraryong kamalayan sa poder na ito.

Hindi lamang halos ipinid na ang pinto ng akademya kay Sarah. Ang nauna nang ipinid ay ang pag-asa sa kontraryong kaisipan at pagkilos na maaring tanggapin ng postura ng UP, ang tinatawag na exemplaryo ng liberalismo sa tertiaryong edukasyon. Akademya na ang isinasarang pinto dahil kung i-deny ang tenure ni Sarah, wala itong malilipatang ibang kapantay na karanasang UP.

Hindi nga ba’t tatlo o apat lang naman ang institusyon ng higher learning, mali man, na binibigyan-turing ng lipunang Filipino? Ang alingasngas ng kawalan ng tenure kay Sarah ay hahabol sa anumang unibersidad na pag-aapplyan nito. Sino ang gustong kumuha ng professor na kahit akademikong kwalipikado ay may tanong sa di akademikong gawain nito, kahit hindi naman dapat?

Malapit ang turing ko kay Sarah. Ko-editor kami sa pinakapaborito kong librong nalathala, Akademics Against Political Killings. Na kahit tadtad ng typo ay hindi pa rin matatawaran ang napapanahong interbensyon ng progresibong kaguruan sa di pa ring tumutumal na politikal na pagpaslang at abduction sa mga aktibista. Si Sarah ang isa sa pinakaorihinal na manunulat at kritikong panlipunan na natunghayan ko.

Kasama ko siyang natuto sa running. Ang aming itinakdang petsa ng pagkatuto ay ang unang fun run, 5K sa UP noong Agosto 2007. Pareho kaming halos mamamatay bago pa man matapos ang takbong ito. Ngayon ay minamani na lang namin ang 5K. At dumadalas ang pagsasama namin, kabilang ang iba pang guro, sa mga fun run. Tunay na isa itong sanktuwaryong aktibidad. Na kahit mabigat ang pasanin sa trabaho, o sa kanyang kaso, ang nagigipitang bato sa interregnum, ay nariyan ang running, umambon man o umaraw.

Na bago magmukhang parangal at letter of recommendation itong kolumn, nais ko na lamang banggitin ang isang aspekto ng buhay. May mga taong dumarating sa buhay, may mga taong nawawala, lumiliban at bumabalik kahit paminsan-minsan, o permanenteng lumiliban. Ibang bagay pa kung bakit sila pinatutuloy o sa gate lamang kinakausap, o iniiwasan na parang walang tao sa bahay. Na ang katok o door bell ay kasing tindi ng antisipasyon kung ano ang dapat gawin, kaya ang madalas piliing gawin ay wala na lamang gawin.

Si Sarah ay dumating at tila hindi na aalis sa buhay ng maraming tao. Hindi naman sa pag-aangkin dahil si Sarah pa ang huling taong gustong magpaangkin bilang karelasyon, katuwang, kasama at kaibigan. At madalas nga ay nababalitaan ko na lamang, tulad ng ibang pang maimbentong rason ng di pagsulpot o pag-text back, na mayroon itong reunion sa mga kaklase niya noong high school, college, at pati grade school.

Hindi bumibitaw si Sarah, kaya hindi rin ako bibitaw. At ang iba pa niyang kasama. Sa edad ng interregnum, sa pinakalakas na kalabog ng isinasarang pinto o pinakatago—at kung gayon, pinakamalalim—na latay sa kalamnan, ang saga ng tenure at katarungan ni Sarah ay saga ng lahat ng guro at manggagawa sa edukasyon sa papakitid na siwang ng liberalismo sa edukasyon. Kung bakit tayo nandito at wala sa ibang lugar. Kung bakit ito ang pinili nating arena para makipagtunggali.

Picture 155

Picture 154

Politika ng Pag-asa

Ang tawag ng kaibigang Vlad dito ay “life’s little surprises” nang minsan makatanggap ng Penshoppe wallet mula sa kanyang magulang sa gabi ng kanyang graduation sa masteral. Hindi inaasahan, pero dumarating. At di tulad ng masamang balita, ang sorpresa ay tinatanggap nang walang pag-iimbot.

Parang napakaswerteng nilalang ni Vlad. Na kahit sa thought-balloon ko, ang wallet ay simbolo ng payback time ng isang graduate sa kanyang magulang, o ang inaasahang kontribusyon sa pagmimintina ng gastusin sa bahay, paniningil na ang wallet na aguinaldo ay siya ring wallet na paghuhugutan ng bagong obligasyon, ay wala marahil epekto kay Vlad.

At ito ang mga sorpresa ng buhay: naka-uno sa klase, naging college o university scholar ng isang semestre, nakahanap ng nakatiklop na P500 na akala’y matagal nang nawala, sinagot nang sinusuyo sa di inaasahang panahon, natunghayan ang pinakamalaki at pinapulang sunset sa harapan ng University Avenue, nakatatlong ikot sa oval nang hindi nalulumpo, o naranasan ang paghahabulan ng ambon at paglagas ng tuyong dahon ng mga punong acacia.

Marami sa mga sorpresa ng buhay ay hindi naman talaga sorpresa. Variation sa tema lamang ng identidad sa mabuting turing na buhay ang nagaganap na sorpresa: pabuya sa pagiging mabuting anak, mag-aaral, magulang, kapatid, tiyahin, at mamamayan. Ito ang mga sorpresang ikinatutuwa. Wala namang nagugulat sa balik-kabig ng mga bagay, tulad ng higit pang pang-aapi ng kontrabida sa bida sa telenovella, ang pagsaboy ng red wine ni Cherrie Gil kay Sharon Cuneta, o pagkuha ng bidang babae sa puso ng bidang lalake.

Inaasahan ang huli sa roleta ng kapalaran. Paano magiging bida ang bida kung walang nang-aaping kontrabida? Paano magiging matagumpay ang pag-angat kung walang humahaltak sa kasalukuyan? Wazak ang buhay kapag hindi ito nakabatay sa gulong ng buhay. Halimbawa, hindi mo nais patayin ang bumasted sa iyo, o ipakulam ito, o lalo pang suyuin hanggang sa Rodriguez dumpsite na lamang pupulutin ang sariling ego?

Kapag naman nanggaling ang biyaya sa estado poder, ito ay pinapadaan sa ritwal ng pag-aaginaldo, pagkakaareglo, pagkakasundo, o sa madaling salita, “gifting.” Na parang biyaya mula sa langit ang akto ng pagbibigay ng may kapangyarihan sa wala, kahit sa liberal na demokrasya ay nararapat lang naman bilang tungkulin ng may katungkulan?

Utang-na-loob na kabahagi ng mitos ng feudalismo o pamamatronahe, na siya ring behikulo ng korapsyon at ang pagtagos nito sa pang-araw-araw. Ang obligasyon sa serbisyo publiko ay nagiging kalakaran sa sistema ng pag-aaginaldo. O kung hindi, iaasa sa mga foundation ng negosyo para gawin ang dapat ay sistemikong ginagawa. Kaya rin kalkulado ang politika ng pag-asa sa ganitong pagkakataon dahil pinapaasa sa politika ang mamamayan bilang kanilang katubusan.

Kahit pa ang politikang ito ay bastardisasyon ng legal at legalistikong gawi, tulad ng Constituent Assembly (Con Ass) bilang perpetwasyon ng elitistang kaayusan sa bansa—na ang may kapangyarihan ay nagnanais manatili sa kanilang poder lampas-lampasan sa dapat nilang ipaglagi. Sila na may kapangyarihan ay kinakasangkapan ang mismong kapangyarihan para di lamang ipagpatuloy ang paghahari ng kaayusan, kundi para ipagpatuloy ang kanilang paghahari (period).

Gifting din ang turing ng mga amo sa kanilang katulong, mapa-dayuhan ito o sa pambansang saklaw. Bibigyan ng di na uso pero maayos pa, di na ginagamit na gamit, pinaglumaan at pinagsawaan, yung mga bagay na hindi ikakasama ng loob ng namimigay. Inaakalang ang lahat ng sobrang gamit ng amo ay biyayang galing sa langit para sa mga katulong.

Pero sinasabing mapanlimi rin ang panlasa, kahit pa katulong pa ang turing dito. Pinagtatawanan ang mga lumang regalo, itinatapong patago sa basurahan, o inuuwi sa kanilang sariling mga bahay kapag bakasyon para ipamigay sa ibang mas mababa ang turing na posisyong panlipunan. Walang masama sa aksyon ng amo at ng katulong. At natitiyak nito ang turing sa aksyon bilang nakabatay sa Christian charity at middle-class decency.

At kung gayon, ang pag-aaginaldo ay nakabatay rin sa guilt. Alam ng amo na mali sa pangkalahatan ang kanyang ginagawa—ang arkilahin ang lakas-paggawa ng mababang uri, lalo pa ang galing sa Third World na babae sa napakamurang halaga para sa napakabigat na trabaho. Pero mababa ang turing sa babaeng katulong, pati na sa mismong trabaho. Hindi rin nauubusan ng pila sa nagnanais mag-apply na maging katulong.

Sa maraming okasyon, magpapasalamat ang katulong. Maari pa nga niyang pagbutihin ang kanyang trabaho, kundi man gumawa pa ng trabaho, lampas-lampasan sa inaasahan. Pero ang guilt ng katulong ay nakabatay sa kolektibong lagay ng kanyang pamilya at mahal sa buhay. Ginagawa niya ang dapat at matwid sa kanyang bahagi ng Christian charity at middle-class decency. Tumatanaw siya nang mas higit na utang na loob sa kanyang amo at patron.

Ang politikal na pag-asa ay nakabatay sa politikal na negosasyon sa sistematikong anxiedad. Sa headline ng Bulatlat ng nakaraang linggo, isinasaad ang patuloy na paghahanap ng politikal na katugunan sa mga malalaking problemang panlipunan: Massive Transport Strike Set on Monday; Groups Denounce Oil Firms’ ‘Greed’, Students Across the Philippines Walk Out of Classes to Protest Cha-Cha, Gay Love and Faith: In Search of a Non-Discriminating Church, Benguet Dads Support Anti-Nuke Resolution, Busol Folks Protest Displacement, at Local oil-bearing plant: An Alternative for Cooking, Lighting Fuel.

At dahil hindi naman simpleng papayag lamang ang naghaharing uri sa kagustuhan ng kanyang mga pinaghaharian, ang negosasyon ay nagsisiwalat ng politika ng pagtutol. Tinututulan ang mapang-abusong relasyong panlipunan at pangkapangyarihan. Mula sa bentaheng posisyong ito lamang makakamit ang anumang pagtataya ng mababang uri sa poder ng aktwal na politika at ekonomiyang kapangyarihan.

Hindi ito tulad ng fandom, na isa pang uri ng pamamatronahe. Kahit pa may makabuluhang nakikita ang fans sa kanilang idolo, nagagawa lamang ito sa pamamagitan ng idolisasyong nakabatay sa kapital—ang pagtangkilik ay nangangahulugan ng paggastos, mas malaki ang gastos, mas malaki ang pruweba ng pagtangkilik at idolatry. Mas maraming imahen ng idolo, mas nababawasan ang abstraksyon sa fandom. Nagiging taong mas kilala pa ng fans kaysa sa mismong idolo ang sarili nitong pagkatao.

At sa estado, nababawasan ang abstraksyon nito sa pamamagitan ng “gifting.” Ginagawang personalisado ang turing sa bag ng relief goods kahit pa hindi naman ito ang layon ng may kapangyarihan. Ang kanyang layon ay tangkilikin ang relasyong pangkapangyarihan, at ang kapangyarihan ng nasa taas laban sa nasa ibaba, at ang akto ng pagtanggap ng nasa ibaba na ituring ang nasa itaas bilang kanyang patron. Samakatuwid, ang sistema ng pamamamatronahe bilang daluyan ng politika at ekonomiyang kapangyarihan ang sinisiwalat ng politika ng pag-asa.

Aasa ang nasa ibaba na baka mayroon pang ibang darating, kahit wala. Aasa naman ang nasa itaas na nabili at nakuha na niya ang kumpiyansa, boto at pagkatao ng nasa ibaba. Kung gayon, nadaragdagan ang pakong ibinabaon ng may kapangyarihan sa kabaon ng wala. Kaya ang kontraryong rehistro rito ay nanggagaling sa hanay ng organisadong mamamayan: ang politikal na pagkilos bilang pagpapalit ng terms of negotiation ng pag-asa.

Una, umaasa ang mamamayan sa sarili nitong pagkadisadbentahe, at sa sarili nitong lakas na itransforma ang relasyon, mula sa pagkadisadbentahe tungo sa di katanggap-tanggap na relasyon sa pagkadisadbentahe. Ikalawa, ang politika ay ibinubuyanyang bilang walang natural na adbentahe sa kanyang mababang estado, at ang rekurso niya ay sa transformasyon ng politikang ginagamit na panghikayat sa kanyang pagkatao tungo sa politikal na mamamayang pang-estado, tungo sa sariling politisisasyong nakabatay sa kanyang makauring kalagayan.

At dito bubukas, hindi ang langit o ang wallet ng patron, kundi ang sariling paglaya ng indibidwal sa kanyang kolektibong lagay na ipinalalagay lamang ng politika sa rekurso ng estado. Ang politikal ang pagtunghay sa paglaya ng kolektibong pagkatao. Kaya matagal, at tila walang relief na kagyat na makakamit. Na taliwas sa instant gratifikasyon na isinisiwalat ng pagtangkilik sa kulturang popular—lalo na sa kontak ng pribadong kapital sa publikong layon ng libangan.
Pero ito o ang pagnganga, pagtingala sa langit o pagtungo sa lupa?

Picture 142

Picture 176

Toxic

Si Raul Gonzalez, kampeon ni Gloria Arroyo. Binabalandra ang sariling kabalbalan para akuin ang pintirya kay Arroyo. Sa taon-taong pagtatanggol sa di naman katanggol-tanggol, nagprodyus ang katawan ng toxins. Pinatay ang kidney. Hindi man lang tuminag. Naghanap ng ka-match hindi mula sa pamilya kundi sa kanyang household. Ang driver ang nagboluntaryong ialay ang isang kidney sa ngalan ng buhay ng amo.

Ilang araw matapos ang operasyon, balik na naman si Gonzalez sa kanyang poder. Patuloy pa rin sa masindhing pagtatanggol sa di naman katanggol-tanggol. Hanggang sa isang araw, bigla siyang tinanggal ng Malacanang, ginawang adviser na lamang.

Sa wari ko, sumagi man lang kaya sa isip ni Gonzalez, “Ilang taon ang buhay na inalay ko, mismong buhay ay iprenenda ko sa ngalan ni Arroyo.” Nagduda man lamang kaya siya sa paninilbihan sa paanan ng kanyang amo habang sa tuwing tumatayo at naglalakad siyang gumegewang-gewang, napapairi kapag nakikita ang malaking hiwa sa katawan?

Hinding-hindi.

~ ~ ~

Napapatid ang pagbabasa ni Melissa Roxas ng may kung anong pumipigil sa kanyang lalamunan. In-adbuct, tinortyur, pinaamin, tinakot na papatayin. Sa Los Angeles, kung saan binabasa ni Melissa ang kanyang testimonya, ilang libo ang layo sa pinagdukutan at pinagtortyur sa kanya, hindi maitago ng postura ni Melissa ang bigat na alaalang araw-araw at gabi-gabing nagmumulto sa kanya.

“Handa ka na bang mamatay?” paulit-ulit na binabanggit ng kanyang interrogator. Tuwing may dumadambi kayang yapos o kamay sa kanyang mukha, diin sa kanyang balikat, yakap sa kanyang katawan, bigla kaya siyang bumibitaw, lumalayo at magtataka sa sariling reaksyon?

Sa online na paglalahad ng testimonya, sa libo-libong kaisang saksi sa pandarambong ng rehimeng Arroyo, toxic man ang pakiramdam ni Melissa, napapaigtad man ang kanyang lalamunan at sikmura sa paggunita ng mga alaala, may tapang pa ring tinapos ang kanyang binabasa. Sa kanyang akala, ito na ang pinakamahabang akda na kanyang binigkas sa tanang kanyang buhay. Iniisip niyang kailanman ay hindi siya titiklop, na kahit namumuhay na may takot pa rin, ilang libo man ang layo, hindi man niya nakikita ang kanyang kinakausap, sa isip kaya niya, nandiyan sila, silang kasama ko at nagpanatiling nais mabuhay sa napakahabang oras ng pagtortyur sa kanya.

~ ~ ~

Kumalat ang tsismis na nagpa-boob job pala si Arroyo. Matagal na raw itong naganap. At sa panahong ang simpatya ng bayan ay na kay Katrina Halili, ang sex video nitong tinunghayan ng libo-libong may akses internet at DVD player ay tumunghay rito. Iba ang walang muwang na hitsura ng artista habang nakikipag-sex kay Hayden Kho.

Na ibang-iba sa mukha niyang umiiyak sa bawat opisinang dinudulugan hanggang sa iyak ay naging tapang na lumaban. Tinatawanan na nga niya ang kanyang sarili. Charge it to experience, isip kaya ni Katrina. Hindi siya sumang-ayon na i-video ang pribadong akto, lalong hindi na ikalat ito sa internet.
Ang silicone-boob job ni Arroyo, ang artifisyal na nagpalaki at nagpatindig sa kanyang hinaharap ay unti-unti na ring bumigay sa batas ng grabidad. Unti-unti nang nakakahabol ang edad, at sana ay pati ang krimen kayang natatakasan pa sa kasalukuyan.

~ ~ ~

Wala pa ring tenure si Professor Sarah Raymundo isang taon at kalahati matapos itong mag-apply. Dead-ma ang kanyang departamento kung bakit hindi siya pinepermanente sa trabaho kahit pa nakamit naman niya ang mga rekisito ng tenure.

Kaya takbo nang takbo si Sarah. Hindi nito tinatakasan ang kanyang problema. Takbo siya nang takbo nang hind imaging toxic. Toxic kasi ang parati sa kanyang pagkausap ng ofisyales ng departamento para paliwanagan nang kung ano-ano, maliban sa kung bakit siya hindi binibigyan ng tenure.

Kaya basta hindi malakas ang ulan, takbo nang takbo si Sarah. At marami ang nakapansin ng di lamang pumapayat na pangangatawan ni Sarah, pati ang pagiging fit nito. Na hindi ba ito ang sinasabing best revenge sa mga taong nang-etsapwera sa iyo? Sila na nahabol na ng edad at mga sakit, ang unti-unting pagkaagnas ng mga hitsura at dumaraming nararamdamang masama sa katawan, at si Sarah, na walang load ngayong semestre, na takbo lang nang takbo kapag hindi nagpupulong at nagrarali.

Picture 138

Picture 146

Kamatayan sa Kulturang Popular

Sunod-sunod silang tumutumba. Ito ang isang bersyon ng tiempo muerto, o ang patay na panahon. Nauna kong narinig ang gamit ng “tiempo muerto” sa kalakaran ng paggawa ng sakadas, ang pana-panahong manggagawa sa bukid. Bukod sa pakyawan ang bayad, sa panahon lamang sila ng tagtanim at tag-ani may kabuhayan. Mas mahaba ang panahon ng paghihikahos kaysa sa isang kahig, isang tuka.

Ang imahen ng mga sakadang nangangamatay o ang kanilang mga anak na wala nang makain, naglolobohan ang tiyan, halos kalansay na ang pangangatawan, ang nilalaman ng pahayagan. Sosyalistang realismo ang representasyon—ang abang lagay ng historikal na walang kapangyarihan, at ang paniningil sa sistemang nagdulot ng sistematikong pambubusabos sa mga nilalang.

Napaawit si Freddie Aguilar ukol sa mga bata sa Negros. Nagkaroon ng guni-guni ang ilang elitistang nabagabag ng mga imahen na magpa-We are the World concert para sa mga biktima ng malawakang malnutrisyon at paghihirap. Ang konsyerto ang naging paradigm ng pagtulong ng maykaya sa wala: ang antigin ang guilt sa pamamagitan ng pilantropong akto ng pagbibigay ng sobrang salapi para sa kagyat na causa.

Kaya nang tumumal ang imahen ng buto’t balat na mga musmos, nang medyo gumaan ang buhay sa isla ng Negros matapos bumagsak ang industriya ng asukal, natransforma, at best, ang pilantropong proyekto sa livelihood programs: paggawa ng handicrafts, sweets, delicacies, at iba pang bagay na mamahaling maibebenta sa fair trade market at kamalayan. Kahit na malawakan pa rin ang paghihirap sa Negros at sa iba pang lugar sa bansa, nawala na ang imahen ng pambubusabos at ang kagyat na pangangailangang tumulong ng maykaya.

Nang mamatay si Ninoy Aquino, malay ang kanyang pamilya na irepresenta ang kanyang bangkay bilang martir na inaalay sa paanan ng sambayanan. Maraming litrato ang kanyang ina at asawa na halos niyayapos ng palad ang sugatang bangkay nito. At nang ilibing nga ito, natalo pa ang libing para kay Mahatma Gandhi, naging pinakamalaki at pinakamatagal na pagdadala ng bangkay sa hantungan nito.

Ang kamatayan ni Ninoy ay isang estetisadong kamatayan. Tunay na “the Filipino is worth dying for.” Na siya ring ethos ng branded t-shirts na may paghalaw sa kamartiran ni Ninoy: bumibili ang parokyano ng t-shirt at tulad ng kay Che Guevarra na isa ring ikonikong imahen ng aktwal na pagkapaslang nito sa CIA operative, nabubura ng konsumerismo ang ugnayan ng kamatayan at pagtangkilik sa brand.

Noong Hunyo 2009, namatay ang King of Pop na si Michael Jackson, at ang isa sa television series na Charlie’s Angels si Farah Fawcett. Biglaan ang kay Jackson kahit pa unti-unti na itong nirerepresenta ng media bilang pagbagsak mula sa kanyang maningning na estado ng kasikatan noong 1980s. Ang kay Fawcett naman ay inaasahan na, matapos ng mahabang paglaban sa kanyang kanser.

Edad medyang gitnang uri ang pangunahing naapektuhan ng dalawang pagkamatay. Kailangan ay nabuhay ng 1980s para maging lubos ang apresiasyon sa dalawang bituin ng US. Parehong bahagi ng kulturang popular ang dalawa: isang lumaktaw sa race barriers para tangilikin ng nasa labas ng kanyang lahi, magkaroon ng global na rekognisyon; at isang ang buhok at ngiti haggang tenga ang nakapagbenta ng pinakamalaking bilang ng posters sa kasaysayan.

Sa unang linggo ng Hulyo, dalawang kamatayan naman mula sa politikal na larangan ang nabalitaan, kalakhan sa internet. Una ay si Ka Wilson Baldonaza, Secretary-General ng Kilusang Mayo Uno (KMU), butihing organisador at edukador sa kilusang paggawa ang napabalitang nagkasakit at matapos ay yumao noong 30 Hunyo. Ang ikalawa ay ang singer at gurong si Susan Fernandez ay pumanaw ng 2 Hulyo.

Pareho silang nagsimulang maging prominente sa kanilang larangan noong 1980s. At patuloy silang yumabong sa kanilang mga larangan hanggang sa araw ng kanilang pagyao. Politikal ang kaibahan ng kamatayan nina Ka Wilson at Susan kina Jackson at Fawcett. Hindi sila produkto ng konsumerismong nagpasikat kina Jackson at Fawcett.

Ang ugnayan nila sa mga batayang sektor at kababaihan ang siyang nagpatingkad ng kanilang papel sa buhay. Direkta ang pakikisangkot ni Ka Wilson sa kilusang paggawa—bilang manggagawa sa Mabuhay Textile hanggang sa pagiging pangkalahatang kalihim niya ng KMU. Si Susan naman ay mahaba rin ang kasaysayan ng pakikisangkot sa kilusang kababaihan, kultural at kaguruan. Ilang beses namin siyang nahilingang umawit sa book launching ng CONTEND at ACT, at parati siyang magiliw kahit pa libro lang ang talent fee.

Ang kamatayan ay isinasaad sa kulturang popular bilang hantungan ng inaakalang anyo ng kamartiran. Nagdusa para at dahil sa kanilang sining sina Jackson at Fawcett, at ang kamatayan ang kanilang natural na rekurso sa pagkadambana sa magkaibang ikonograpikong status ng pagkabituin. Maganda pa rin ang representasyonal na kamatayan kahit na sa aktwal ay siempre, masakit itong pagkalagot ng huling hininga.

Hindi nga ba’t si Fawcett ay gumawa pa ng dokumentaryo hinggil sa kanyang paglaban sa sakit na kumuha ng kanyang buhay? Mataas ang ratings nito, at nagplano pa ng sequel. Ang kamatayan naman ni Jackson ay tila inaasahan sa kanyang roller coaster na buhay—exentriko, nakakabighani, paligoy-ligoy kahit pa papalubog na. Na sa kapitalistang kalakaran, para na ring patay at walang reli (relevance) ang mga biglang naghirap na nilalang.

Kailangan ay may kapital na rekuperasyon na magaganap: si Mickey Rourke matapos maging down-and-out na machong bida ay nanumbalik bilang kinikilalang artista; si Whitney Houston ay nawala lang naman sa pagkanta hindi sa mas malaking kita ng pagproprodyus; si Britney Spears ay nagrehab, nag-apila sa korte at umakting na mabuting ina, kaya pinatawad ng kanyang fans at nakapag-world concert tour pa; at sana nga ay nakasama sa listahan na ito ang nabangkaroteng si Jackson.

Kung hindi, ay consigned na lamang sa reality television ang mga talunan at nag-aabang ng comeback. Para itong kamatayan na nasa freezer lamang na variety. Inaamag na pero hindi pa lubos na nabubulok, kaya hindi pa itinatapon. Ang kamatayan sa kulturang popular ay kamatayang mabilisan at may timing. Kaya kawawa rin si Fawcett dahil naging matagalan ang kanyang pag-aabang, at ang timing ay kaagad pang naisantabi ng mas kagyat at prominenteng pagkamatay ni Jackson.

At kapag pinag-uusapan sa ganitong bagay—ang kaangkupan at halaga ng kamatayan—tila gustong maduwal. Pero ganito naman talaga ang paninimbang sa konsumeristang kapitalismo, na ang halaga ng buhay ay nakabatay sa sirkulasyon ng nauna at after-life na buhay sa poder ng kapital—batay sa kapasidad nitong muli’t muling kumita.

Ito ang pinagkaiba ng kamatayan sa kapital at sa pakikibaka. Sa kapital, lantaran ang pagkapakat ng buhay, bangkay, kamatayan at resureksyon sa kapasidad nitong makapag-attract muli’t muli ng kita. Ang kaningningan ng buhay ay tinutumbasan ng karangyaan at individual na pagkasagip sa katiyakan ng kapital—maari itong masaid, dumami, mawala, matalo. Naging objek ng kapital ang katawan.

Sa pakikibaka, ang pangako ay ang realisasyon ng pagkatao. Itong pagkatao ay hindi tali sa narsisistikong proyekto ng individualismo at individualidad, kundi sa relasyonal na antas ng individual sa kapwa. Nilulusaw ng pakikibaka ang relasyon ng objektifikasyon ng mga tao at ng relasyon sa kapwa at kapital. Pinapatunghay na kahit said sa kapital, mayaman naman sa mga bagay na may substansya sa buhay: nabuhay na di para lamang sa sarili, nabuhay na binuhay ang kapwa, na nakipagkapwa para bigyan-buhay ang sarili.

Ito ang aral sa post-1980s na mamamayan, lalo na ng kabataang ni hindi man lang pinag-alagwa ng EDSA 2, o Con Ass nitong huling mga taon. Na ang buhay na nagma-matter ay ang buhay na may pagtatangkang materialisasyon para sa kapwa at sambayanan. Ang kamatayan sa kulturang popular ay disimuladong politika, ang simulakrum ng ahensya ng individualidad na kaya nitong angkinin ang mundo para sa sarili at kagyat na familya at kaibigan.

Ang kamatayan sa politikal na larangan ay ang realisasyon ng potensyal na maging tao nang lampas pa sarili.

Mabuhay sina Ka Wilson at Susan!

imahen mula sa http://www.arkibongbayan.org/

0906 melissa finals 2

Panonood ng Video Conference

Sa aking pag-alaala, ngayon pa lang ako nakatunghay sa bagong anyo ng protesta. Ito ang video conference sa internet–ang press conference ni Melissa Roxas, ang Filipina Amerikanang in-abduct kasama ng dalawa pang katao, kinulong, tinortyur, pinagbintangan na siya si Maita, taga-Canada, at pinakawalan. Heto ang link sa Arkibong Bayan: http://www.arkibongbayan.org/2009/2009-06-June28-melissaroxaspresscon/melissapresscon.htm#video.

Emosyonal ang pagbasa ni Melissa ng kanyang pahayag. May kumalat nang testimonya ito sa internet. Tunay na makabagbag damdamin. Sabi nga ng Kat, isang guro sa UP, sobrang ganda at ayos ng pagkakasulat na maari itong gamitin sa kanyang pagtuturo. Malinaw ang pagbabalik-alaala sa naganap sa kanya, lalong malinaw ang kawalan-hustisya kay Melissa at kanyang kasamahan.

Ang kanyang testimonya sa internet—nakasulat at binabasa, may audio at video footage—ay bagong paraan ng pagrehistro ng protesta sa lalo pang tumitinding human rights violation ni Gloria Arroyo. Hindi na lamang accountable si Arroyo bilang Commander in Chief ng militar, kundi mismong mga kamay niya ay may bahid na rin ng dugo at tinta ng pagmamalabis sa batayang karapatang pantao ng mamamayan.

Hindi nga ba’t si Jovito Palparan ay naging heneral sa kanyang termino, at ngayon ay kongresman ng partylist na tiyak na alyado rin kay Arroyo? Hindi nga ba’t ang mga sundalong pinaghihinalaang dumukot kay Jonas Burgos ay na-promote na rin? At ang militar ay patuloy na tumatamasa ng malalaking taunang budget, promosyon para sa mga retiradong heneral sa foreign service, pati na pagtaas ng sweldo sa SSL-3? Ipinagpapatuloy ni Arroyo ang politisasyon ng militar bilang tagapagtaguyod ng pansariling interes at ng interes ng kanyang faksyon ng naghaharing uri.

Mabigat ang pakikinig sa umiiyak na tinig ni Melissa. Parating napuputol ang kanyang binabasa, sumisinghot sa sipon sa ilong, para lang siyang biktima ng gahasa sa korte: muling ipinapaalaala ang kanyang insidente. Pero di tulad ng biktima sa korte, tunay na ahensya ng individual ang iginigiit na tinig ni Melissa.

Siyang pinitpit ng estado ni Arroyo, muling nagsasalita, lumalaban at nakikibaka imbes na natural na rekurso ng mga biktima at kanilang pamilya—ang manahimik, magsawalang-kibo, manamlay, at sisihin ang kanilang sarili. Mayroon din nito, pero ang mas matingkad ay ang kapasidad ng isang kasama na itransforma ang takot at pananalig sa tapang at paninindigan.

Mahirap ang video conferencing. Naalaala ko ang aking sariling pag-teleconference. Ang hirap bumuo ng pangungusap, argumento at paliwanag. Mahirap tantyahin ang kausap dahil wala nga sa harap. At sa daan-daang nakinig kay Melissa, hindi pagkalito ang kanilang nararamdaman kundi reafirmasyon kung bakit kahit sa pinakamatinding pagpapahirap sa pakikibaka, kinakailangan pa ring magpatuloy, lalong paigtingin ang pakikibaka.

Tinanong si Melissa ng kanyang taga-usig, “Handa ka na bang mamatay?” At ito ang isinasaalang-alang ng lahat ng kumikilos sa pagpapalaya ng bayan. Sa katunayan, parang package deal na ito kapag piniling mag-organisa at magmulat ng kapwa. Pero ang hindi naman isinasaalang-alang ay lahat naman tayo ay mamamatay.

Maaring piliin mamamatay na may takot. O mabuhay nang may pangamba at kinatatakutan. Di ba parang buhay na patay na itong kawalan-kalidad ng pamumuhay? O harapin ang takot, at itransforma ito sa tapang, at lumaban?

Sa pagbabasa ni Melissa ng kanyang pahayag, muli niyang ginunita ang kanyang mga bangungot. At malinaw sa kanya, na ang kanyang pahayag at paggunita ay nagpapanatili sa posibilidad na makamit ang katarungan para sa kanyang sarili at sa napakarami pang biktima ng paglabag sa karapatan pantao ni Arroyo.

Maalab—long-distance at virtual, tunay at sa diwa ng pagkilos ng mga kasama saan man naroroon—na pakikiisa sa iyo, Melissa!