Rolando Tolentino

Tag: kahirapan

Kahirapan at Kulturang Popular, Bulatlat Column

imahen mula sa www.kibaka.org/Homepage/WalangPagasa.htm

www.geocities.com/glaiza_pacaldo/mgahalimbawa.htm

www.itchywings.com/

www.seasite.niu.edu/…/Paniniwala/writing.htm

Kahirapan at Kulturang Popular

Mataas ang antas ng kahirapan sa bansa. Sa konserbatibong tantya, 35.5 porsyento ng pamilyang Filipino noong 1994 ay hindi lamang mahirap kundi nasa abang kahirapan. 47 porsyento ng pamilya sa probinsya ay mahirap. Kung sa populasyon naman ang titignan, 40.6 porsyento ng bilang ng mamamayan ay naghihirap simula pa 1994. Mataas na 53.1 porsyento ay nasa kanayunan.

Ang pinakamayaman na 20 porsyento ng mamamayan ay may hawak ng 52.3 porsyento ng kita ng bansa. Samantala, ang pinakamahirap na 20 porysento ay may hawak lamang ng 5.4 porsyento ng kita ng bansa. Ang kita ng pamilya ay napupunta sa pagkain (37 porsyento), damit at sapatos (3 porsyento), gaas at kuryente (11 porysento), gamot (1 porsyento), edukasyon (14 porysento), at pamasahe at komunikasyon (1 porsyento).

Mas mataas pa ang ginagasta ng pamilya sa Indonesia para sa gamut at pangangalaga sa maysakit (5 porsyento). Ang 20 porsyentong pinakamataas na kumita sa Pilipinas ay may sweldong 14 beses ang laki (P502.1 bilyon) sa 20 porsyentong pinakamababang ang kita (P35.8 bilyon). Ang pinagsamang kita ng 80 porsyento ng mga pamilya ay 44 porsyento lamang ang parte sa kabuuang kita, at ang pinakamataas na 10 porsyento ay may hawak ng 39.3 porsyento ng kabuuang kita.

Kung nawengwang kayo sa pagbabasa ng mga statistika, huwag mabahala. Hindi kayo nag-iisa. Ang epekto ng statistika ay masifikasyon ng mismong masa at ng kanilang kolektibong lagay sa matinding kahirapan. Ang epekto, kahit pa sabihin, mayorya ng populasyon at pamilya ay dumaranas ng kahirapan at matinding kahirapan, ay desensitisisasyon na may dalawang subepekto: sa tumutunghay, ng invisibilidad ng karanasan sa kahirapan; sa nasa lagay ng kahirapan, ng pagkamanas sa matinding pagdanas ng karanasan sa pang-araw-araw. Wala ng epekto, perfekto na—para sa estado—ang epekto.

At itong pagkawala ng epekto ay may sabayang tinutungo: una, ang naturalisasyon sa kamalayan at lipunan ng malawakang kahirapan bilang normal, kundi man, standard ng pang-araw-araw na buhay na nais maibsan, kundi man pagpantasyahang takasan; at ikalawa, ang universalisasyon ng gitnang uring fantasya na nagsasangtabi sa historikal na pagdanas sa kahirapan para sa mantra ng buhay na nagnanais maging kabahagi at mamintina ang pagiging “gitnang uri.”

At ito ang afinidad ng kulturang popular sa kahirapan, ang muling pagtatatag ng gitnang uring fetishismo na magpapasuka sa mababang uring pinagmulan. Fetishismo ito dahil walang panahong mapapatid ang fantasya at tunay (real) na ugnay ng utak (psyche) ng indibidwal sa artifice na isinusuot at magpapatungo sa kanya sa gitnang uring fantasya. Pag nasimulan ang paggamit ng cellphone, halimbawa, kahit pa nabuhay naman sa isang panahong wala ito, hindi na niya ito bibitawan bilang kabahagi ng marka ng gitnang uri sa kanyang pangangatawan.

Ang tinutungo ng fetishismo ng gitnang uri ay ang neoliberal na direksyon ng kasalukuyang kapitalismo. Pribatisado sa antas ng indibidwal ang pagkilos tungo sa gitnang uring panuntunan kahit pa sistematiko ang koersibong paggaganyak sa buong lipunan. Ang resulta, isang mala-liberal na demokratikong formasyon sa kultura: tila pare-pareho ang asta, suot, pagtangkilik at pakikitungo sa loob ng mall, halimbawa, gayong matingkad pa rin ang distinksyon ng uri sa gamit at aksesibilidad sa espasyo nito.

Kung iisipin, ang mga karanasan sa kulturang popular ang pangunahing daluyan ng pribatisasyon ng pagnanasa ng pagiging bahagi sa gitnang uri, at ang pagmimintina, kahit hindi pa nga naabot, hanggang abot-tanaw abot-kamay lamang (at exakto ito dahil kailangang magkaroon ng tila aksesibilidad ang mababang uri para talikuran nila ang kanilang pang-uring interes), ng gitnang uring fantasya. Ito ang fantasya na kahit hindi pa nga nakakamit ay nagtitiyak na ng interes ng naghaharing uri.

Sa panonood ng sine, ang tinutunghayan ay isang mass na produkto ipinapakalat ng media. Marami ang nakaupo sa silya sa madilim na sinehan. Iisa ang direksyon ng pag-upo at nag-aantay ang lahat sa pagdilim na mabilisang maggaganyak sa mundo ng fantasya ng pinakakaasam na karanasan sa pelikula. At mula sa likuran ng manonood, ang ilaw na magdadala ng mga kumikilos na higanteng imahen. Ang pagdanas sa lahat ay mas malaki sa sarili: higanteng mga mukha ng pogi at naggagandahang artista, pati ang kinang ng mga mata at luha ay natutunghayan; higanteng mga suso, mga matitikas na abs; mga higanteng imahen laban sa naglahong kolektibidad ng manonood na hindi man lamang naalaala kung sino ang kasama nila sa panonood ng sine.

Ang pelikula ay mass media, pero ang naratibo nito, kahit pa sa pagiging pangmalawakang mamimili, ay dinaranas mag-isa sa kakatwa at makapangyarihang paraan. Individuated ang pagdanas ng pelikula. Mayroon itong nata-tap sa utak ng indibidwal na manonood mula pa sa pagkamusmos hanggang pagkabata at pagkatanda nito. Sa pamamagitan ng lente ng pelikula, nagno-nostalgia trip ang indibidwal sa sarili nitong nakaraan bilang pagproseso sa mga agam-agam ng kasalukuyan.

Tulad ng daydream, free association ang lahat ng bagay pero ang hindi naman kakatwa, ang indibidwal pa rin ang bida sa sarili nitong pagpapantasya. Bakit naman hindi? Libre lang naman ito, at ang indibidwal ang absentee direktor sa paggawa niya ng kanyang panaginip. Sino pa ang gagawing bida? Siya na direktor at bida ay para ring Barbra Streisand o Kidlat Tahimik production—siya rin ang cinematographer, scriptwriter, production designer, supporting actor, technician, at iba pa, o siya ang lahat-lahat sa kanyang pelikula.

Sa mundo ng fantasya, ang indibidwal ay may tasitong kapangyarihan. Hindi ito ladlad dahil sa aktwal na lipunan, wala siyang kapangyarihan. Na kahit ang ahensyang inaakala niyang mayroon siya sa indibidwal man lamang na antas ay kay dali at kay bilis na kayang kuhanin sa kanya ng aktwal na may hawak ng kapangyarihan. Ang tanging lunan ng kanyang paglaya at pagdanas ng kalayaan ay sa kanyang utak.

Pero hindi rin naman purong paglaya ito dahil pinananatili rin ng mismong agam-agam ng kanyang kakulangan o kalabisan sa pagdanas sa kahirapan ang mismong kondisyon sa kanyang utak para mamantasya. Ang agam-agam ang impetu sa paglaya; at ang paglaya ay nagaganap mismo sa kondisyon ng agam-agam. Kung iisipin natin, parang ang preso ito, na ang materialidad ng kondisyon ng kanyang selda at kulungan ay ang impetus para mamantasya siya ukol sa pagdanas ng kalayaan. Anong romantikong ligaya nga ang hindi maikulong ang utak kahit pa ang utak ay nasa loob ng materialidad ng kulungan?

Mababaliw naman ang preso kapag hindi siya namantasya ng kaiba sa kanyang material na lagay, ang idealismo ng humanistikong indibidwal na umaasam-asam na maging malaya ang sarili. Hindi rin siya mamamantasya ng sado-masokismo—ng aktwal na kadena at paghagupit ng latigo—dahil ang mismong material na lagay at kapasidad mamantasya ay nakapaloob na sa isang sado-masokistang relasyon. Siya na alipin ay nagiging masayang alipin sa kanyang fantasya, o dili kaya’y masayang amo, pero mapagkaanuman ang papel sa laro (role-play) ay parating masaya lang. Kahit ang pagpapahirap—lalo na sa isang sado-masokismo—ay parating isinasaalang-alang sa ngalan ng kasiyahan.

Masayang “alipin” ba ang maller na jologs? O ang reversal, masaya bang maglakad ang taga-Ateneo o taga-Forbes Park sa Payatas at Tondo? Ang kahirapan—aktwal na ipinanganakan at kinasadlakan, o tinungo sa outreach program o kinilala bilang daluyan ng Christian charity—ay ang kondisyon ng pagkaalipin. Epistemelohikal na pagkaalipin dahil minamangmang ang indibidwal ng pagdanas ng kahirapan sa literal na karahasan sa pagdanas nito (kasama ang sistematikong etsapwera-sisasyon ng naghaharing uri, at ang voluntaryong pagtitimpi at represyon ng indibidwal na kabahagi ng kahirapan).

Walang karanasan sa pagkaalipin dulot ng kahirapan ang hindi marahas. Sino ba ang gustong maging mahirap? Hindi naman ito pinili, tulad ng maraming kultural na kategorya (lahi, etnisidad, sex, relihiyon, uri, at kasarian), ang pagiging mahirap ay kinapanganakan ng indibidwal sa kondisyon ng kanyang bansa sa edad ng imperialistang globalisasyon. Ang tangi ngang lunan ng kanyang pag-igpaw sa matinding sistematisasyon ng estado sa kahirapan na burahin at mamuhay ng normal na tila wala ito kahit narito ito, o narito ito para mabili at magamit sa politika na isa pang katiyakan ng pagkabura ng kahirapan, ay ang utak ng indibidwal.

Hindi man nag-uusap, silang naghihirap ay dumadanas ng kaligayahan sa utak sa pagdanas ng kahirapan. May ginto sa basura, kahit sa utak lang ito at hindi sa aktwal na bundok ng basurang minimina araw-araw ng libo-libong mangangalakay. Maging ang mayamang napadpad sa Payatas, Tondo at maging sa mas maliliit na sityo ng maralitang tagalunsod sa estero, pader ng subdibisyon at iba pa, ay nagpapakaalipin sa kahirapan. Umaasta silang mangmang o may kamangmangan, dumadanas din ng karahasan sa pagiging mayamang napadpad bilang turista at tagapamudmod ng charity project sa komunidad ng mahihirap.

Magpapakapagod din sila sa paggawa ng tutuluyang bahay sa proyektong Gawad Kalinga, magbibigay ng pag-aaral hinggil sa diyos at Katolisismo bilang outreach ng kanilang Religion Clubs, mamumudmod ng relief goods kahit wala namang bagyo. Ang kasiyahan naman nila ay sa aktwal na pagpasok sa karanasang kaiba sa kanilang material na mundo: ang pagiging alipin dahil sa pang-uring posisyon na sila ang amo. Maging ang paglalakad sa kalsada sa labas ng kanilang pribadong eskwelahan o subdibisyon, sa laylayan ng mall centers, ay pag-aastang mababa sa aktwal na mataas nilang pang-uring lagay.

Kaya sila ang biktima ng cellphone snatching, at ang permutasyon nito sa notebook snatching. Habang sila ay nagtra-tralalala sa kanilang paglalakad, nakakaligtaang sila ay nasa poder ng mas malawakang pagdanas ng kahirapan—wala sa loob ng santwaryong alok ng kanilang sari-sariling poder—nilalapastangan ng lumpeng indibidwal ang kanilang pribadong pag-aari at ang kanilang pribadong pagdanas ng aktwal na pagkatao.

At magiging laman na naman ito ng urban legend at balita hinggil sa persepsyon sa mababang uri at sa kahirapan, batayan para sa mas higit pang sistematisasyon ng etsapwerasisasyon ng mga ito. Sa pelikula, ang gitnang uring panuntunan ang natutungyahan kahit pa ang kwento ay ukol sa kahirapan. Sa mall, ang gitnang uring panuntunan ang nagsasaad ng indibidwal na pagprepreso at pamamayagpag sa mga sityo at bituka ng konsumeristang espasyo. Sa cellphone, ang gitnang uring panuntunan ang isinasaad kaagad ng modelo, stilo, paraan ng pagsagot at paggamit nito.

At sa likod ng lahat ng pamamantasya sa gitnang uring panuntunan, ang figura ni Gloria Arroyo bilang invisible na kamay na lalong naghihigpit sa taling sumasakal sa mahihirap. Na sa pagsagap ng nakaw na hangin, makakaligtaan ng naghihirap ang kanilang material na estado sa kahirapan. Siya na may responsibilidad na aktwal na palayain ang naghihirap na mamamayan ay hindi niya ginagawa sa labas ng retorikang ampaw. Bakit nga naman niya gagawin? Ang maging mahirap ng nakararami ay pagiging makapangyarihan ng iilan.

Ano ang fantasya mo?

Kapag pinapatay na ng desperadang ina ang kanyang mga naghihirap na anak, Pinoyweeklyonline Column

imahen mula sa www.bohol.ph/article144.html

afp.google.com/article/ALeqM5j4XJ0QHgwRCv3q_P…

Kapag pinapatay na ng desperadang ina ang kanyang mga naghihirap na anak

Headline ito sa Inquirer. Isang ina sa Laguna, hindi mapagkasya ang kinikita ng manggagawa sa konstruksyon na asawa, kumuha ng boteng likidong panlinis ng banyo. Binigyan ng tig-isang kutsarita ang mga anak, matapos ay siya mismo ang uminom ng likido.

Baon pa sa utang ang mag-asawa. Sa coverage sa balita sa TV, nilalangaw na ang mga bangkay. Ang panayam ay nagtampok sa kapitbahay na nagsabing “Di niya dapat ginawa iyon.” Na may paghuhusga sa “mabuting ina” mode ng inang naglagay sa kanyang mga kamay ng kapalaran ng kanyang mga anak.

Sinasabing ang isa sa pinakamasakit para sa magulang ay makitang salat ang kanyang mga anak. Nagugutom, walang gamit sa eskwelahan, tinutukso sa komunidad. Sumagi sa isip ko na ito o tunay na polisiya sa reproductive health—may pagpipilian ang mga magulang, maging ang mga kabataan sa pagtataya sa kanilang kinabukasan. Na kung may mapapagpilian, marami nga siguro ang hindi na magluluwal ng napakaraming anak na mahumuhay lamang sa kasalatan sa mundong ibabaw.

Pero hindi lamang ito ang isyu. Ang isyu rin na matagal nang binabanggit ay ang karumal-dumal na nagawa ng rehimen ni Gloria Arroyo na tumatampok ang pagkilos tungo sa paghihikahos na katapusan ng mga abang lagay ng kanyang mamamayan. Nauna na ang isang batang babae na nagpatiwakal dahil nahihiyang manghingi pambili ng project sa eskuwela sa kanyang amang maliit ang kita.

Dalawang buwan lamang, isang bata ang namatay dahil inulam ang vetsin. Ang dapat pampalasa lamang sa ulam ay naging mismong ulam na. May iba pa palang gamit sa vetsin. Si Mang Pandoy, ang poster boy ng paghihikahos ng naunang rehimen, ay namatay na lamang di makaahon-ahon ang pamilya sa paghihirap.

Ito ang kabilang pisngi ng karahasan sa bansa. Sa isang pisngi, ang sistematikong politikal na pagpaslang at sapilitang pagkawala, pinakamatingkad sa maikling panahon sa lahat ng pagkapangulo sa kasaysayan ng bansa. At ito ngang kabiyak, ang mga taong nagpapatiwakal, kundi man umaakyat ng higanteng billboard o pagdami ng bilang ng taong-grasa sa lansangan, dahil hindi makaagapay sa sustenidong pagkalubog sa kahirapan.

Sa kasaysayan ng mga nagpapatiwakal dahil sa kahirapan, itong kaso ng ina at ng kanyang tatlong anak ang pinakamasahol. Sasabihin ng mga maldito, bakit nakabili ng panlinis sa banyo? Sana ay ipinangbili na lamang ng pagkain. Pero dahil nga nakita ang halaga ng likido kaya nga ito piniling bilhin laban sa iba pang pangangailangan.

Sa aking imahinasyon, walang pagtatangi o pag-iimbot ang naganap. Nakita ng ina na wala na namang makain, tulad ng maraming umagang nagigising ito at walang maipakain sa mga anak. Nahihiya na ito sa kapitbahay, mahaba na ang utang sa tindahan at sa iba pang mga tao. Ayaw nang maging pabigat pa.

Isang araw, tulad lamang ng pangkaraniwang mga araw, nakita niya ang kasalatan ng buhay sa kanyang tahanan. Nakita niya ang botelya sa banyo, at isa-isang sinubuan ang mga anak na hindi naman nagdalawang-isip na inumin ang likido. Isa-isa o malamang, sabay-sabay silang nagkumbulsyon hanggang sa mawalan ng buhay.

Ang kakatwa sa inang ito, ang nagawa ng pagiging desperado sa kahirapan (na parang oxymoron di ba? paano ka magiging desperada kung ang kawalan ng pagpipilian at magagawa dulot ng kahirapan ay isa ng malaking desperasyon) ay bigla niyang nakita ang katotohanan hinggil sa kanilang abang lagay—wala nang magagawa pa, at kaysa araw-araw na magdusa sa kasalatan, bakit patatagalin pa, ano ang laban ng naetsapwera sa sistematikong pag-eestsapwera ng estado?

At biglang bumuhos ang donasyong pagkain sa lamay ng mag-iina. Naalaala ko ang isang South Asian na kwento hinggil sa batang may kapatid na naghihingalo dahil may malubhang sakit. Tinanong niya ang kanyang ina kung mamamatay na ba ito. Laking gulat ng ina, at nagtanong kung bakit nito naitanong. Ang sagot ng bata, dahil bigla silang dadalhan ng pagkain ng kapitbahay.

Ang dulot ng desperasyon sa kahirapan ay ang realisasyon sa katotohanan—wala nang magagawa pa ang naghihirap na kahit sila magpursigi, nananatiling salat; wala nang maasahan pa sa gobyerno; at wala nang ibang paraan para wakasan ang desperasyong ito.

Nagsimula nang lumaganap ang malagim na yugto ng mga inang inilalagay sa mga kamay ang dinustang buhay ng kanyang mga anak.

Kamatayan sa pamamagitan ng paghihirap, Bulatlat Column

imahen mula sa  www.the-reel-mccoy.com/…/BlackHawkDown.html

openswitch.org/category/articles/

www.daylife.com/photo/0bci5EP6v1gXB

www.bayan.ph/index.php?subaction=showfull…

Kamatayan sa pamamagitan ng paghihirap

Sa pelikula, lalo na sa Hollywood at maging sa telebisyon, ang kamatayan ay isang etetisadong karanasan. Pinagaganda ito, nakakamamangha, at parang gusto mong gayahin. Kahit na karumal-dumal ang pagkamatay, nakakapanghalina ang seduksyon ng imahen ng pasakit, pighati, karahasan at kagimbal-gimbal na sandali.

Nais ng manonood na mapapikit ang mata, pero sabay ng akto ay ang sandali na dagli rin niya itong bubuksan. Nais niyang matanto ang kaganapan, hindi man ng kabuuan nito kundi ang mga sala-salanit na sandali ng kamatayan. Sa Dead Poet’s Society, ito ang dramaturgy ng suicide ng isang high school na lalake. Nakahubad sa kwarto, kalagitnaan ng winter, nagputong ng korona ng dahon, at nagpatiwakal.

Sa Black Hawk Down, ito ang sandali na nilulusob na ng mob na Somalians ang naiwang sundalong Amerikano. Tiyak ang kahihinatnan. Habang binubulalat ng sundalo ang kanyang wallet at tinatanaw ang larawan, nakapasok na ang galit na Somalians at handa na siyang saklawin ng baril, bato, bat at kung ano-ano pang maaring maging instrumento ng karumal-dumal na pagpaslang.

Estetisado dahil hindi lang napapaganda, napapahalina ang manonood sa karanasan sa kamatayan, mula sa isang ligtas na pwesto. Wala tayo sa kalungkutan ng isang alienadong kwarto sa tagyelo, o ang giyera ng pakikisangkot ng U.S. sa Somalia. Hindi mo “i-wi-wish ko lang” ang ganitong uri ng kamatayan sa mahal sa buhay. Estetisado dahil kahit ligtas at vicarious ang pwesto nating manonood, may care tayo sa mga tauhang pinapanood.

Nagiging kagimbal-gimbal ang pagdanas sa kamatayan. Ang lohika ng pagpapatiwakal ay naisasambulat sa manonood para kahit saglit ay mag-self-interrogation sa metapisikal na katanungan sa buhay: halaga, pagtutumbas, pagtitimbang, kawastuhan ng buhay, at desisyong kamatayan. O ang napipintong karumal-dumal na kamatayan ng iba na inakong maging kabahagi ng sarili.

Sa Black Hawk Down, ang identifikasyon ay sa mga gwapong artista/tauhang Amerikano. Kahit mina-masaker ang Somalians ay walang close-up shot ang mga ito. Ang suturing ay ang continuity di lamang ng naratibo ng pelikula, kundi maging ng imperialismo ng U.S. At kahit magpakaganito, walang pagtitiwalag dahil nagiging personal na karanasan ang kolektibong pagdanas ng filmikong kamatayan.

Affected tayo, at sa pagiging affected natin, ang substansyang care (pagpapahalaga, pangangalaga, pakikipag-kapwa) sa interbensyong nagpalaot ng militar at sundalong maggandang tignan sa big screen ng U.S. Ang representasyon ay rasyonalisasyon, kahit belated, sa mga historikal at real na akto—kung bakit ang kalakaran sa nakaraan na may patuloy na impact sa kasalukuyan ay nagiging katanggap-tanggap.

Ginagawang implicated ang manonood, na sa unang pagkakataon naman ay voluntaryong piniling tumangkilik ng pelikula. Sa filmikong kamatayan, natutunghayan ng manonood ang mortalidad ng kanyang sariling pagkatao. At dahil siya ay makakalabas pa sa sinehan, di tulad ng mga nangamatay sa pelikula, ang muling pagbagong-silang paratihan matapos siyang manood ng sine.

Ang estetisadong kamatayan ay isang magandang kamatayan. Kaya nga muli’t muli itong isinasabuhay (o isinasamatay) sa paratihang panonood ng sine. May namamatay, mabigat ito, matutunghayan ng manonood ang sarili niya sa kamatayan, pero tulad ng mundo ng pelikula, makakausad muli’t muli ang mundo at ang manonood.

Kaya madalang may mamatay sa pelikula, pwera na lang kung action film ito. Kahit sa pelikula sa bansa, tanging social melodrama at pelikulang bakbakan may katiyakang may mamamatay. Ang kamatayan ay huling alas na ibinabagsak sa naratibo ng pelikula. Sa pelikulang bakbakan, ang kamatayan ng isang sekundaryong karakter ay nagiging impetus para maghanap ng moral na retribusyon ang bidang lalake. Ito ang katumbas sa bidang babae sa melodrama, kung bakit sila nagiging handang bumangon at durugin ang kanilang kaaway.

Sa pelikula ito. Sa tunay na buhay, ang kamatayan, kung hindi naman direktang naapektuhan ay wala namang saysay. Pang-araw-araw na kasi ang kamatayan na hindi na ito kapansin-pansin. Marahas ang lipunang Filipino na ang tendensiyang reaksyon ng indibidwal ay magpadesensitize sa karahasan.

Kaya may pagbaling sa filmikong kamatayan, bilang anyo ng desensitization. At ang desensitization ay kakatwa dahil ang pinipiling maapektuhang kamatayan ay nagsasalin sa patagong metapisikal na isyu na may hayag na ideolohikal na posisyon. Desensitize na ang turing ay may minamanas at binubuhay na bahagi.

Pinamamanas ang relasyon ng karahasan sa labas ng lipunan, ang motibasyong pampelikula na rasyonal kung bakit nagpapakamatay ang mga tauhan. Binubuhay ang sariling fasinasyon sa kamatayan mula sa ligtas na posisyon. Wala namang may terminal cancer na natatagpuan sa loob ng sinehan. Ang puwang ng malalang sakit, pagpapatiwakal, at kamatayan ay sa loob ng pelikula.

Sa natunghayang kamatayan sa loob ng pelikula, nabubura ang ugnay sa labas ng pelikula, naipapaloob sa indibidwalidad at indibidwalismo. Indibidwalidad dahil indibidwal naman ang namamatay, kahit pa masaker ang pinapanood. Indibidwal din ang nagluluksa. Indibidwalismo dahil patungkol sa sarili ang katanungan: bakit tayo affected, bakit may care kahit devil-may-care naman talaga?

Ang panonood ng pelikula ay nagsasalin sa karanasan sa historikal na kamatayan at kahirapan. Wa-care naman, na nagpapatingkad sa afekto ng indibidwalidad at indibidwalismo. Reversong diskurso ng filmikong kamatayan: sa pelikula, afektado dahil napapaluksa ang manonood, at napapatanong sa kahalagahan at valwasyon ng buhay; sa lipunan, hindi afektado sa pang-araw-araw na karahasan at kamatayan dahil hindi napapaluksa at tinimbang bilang kulang ang ordinaryo at walang kalatoy-latoy na kamatayan.

Kaya kahit na zombie ang mamamayan dahil sa matindi at tumitindi pang paghihirap, ang pagpapatiwakal at kamatayan kaakibat at dulot nito ay hindi na kagimbal-gimbal. May reversong korelasyon ang historikal na kamatayan at kahirapan: sa tumitinding karanasan sa kahirapan, mas lalong nagiging detached ang mamamayan, wala nang impact kung 800 ang namatay sa paglubog ng MV Princess of the Stars (ano na nga ba ito?) o libo-libong namatay dahil sa landslide sa Albay dulot ng iligal na logging?

Na kahit epic proportion ang kamatayan dulot ng kahirapan—hindi pa kasama rito ang pang-araw-araw na nangangamatay o ang tunguhin rito ng pang-araw-araw na buhay—ay ang sindak ay may shelf-life lamang. Sa simula lamang ito, at ito ang afinidad sa panonood ng pelikula. Hindi ka naman habambuhay na nababagabag sa filmikong kamatayan. Nagli-linger lang ito at bigla ring naglalaho para bumalik paminsan-minsan sa isang emo (emotional) na sandali.

Di tulad ng indibidwalisasyon ng karanasan sa aktwal na kamatayan ng iba, ang sarili sa pang-araw-araw na kamatayan ay walang trauma. Trauma ang magdudulot ng melancholia o ang mental na estado na hindi mailibing ang namatay, hindi maka-move on. Kung apektado tayo ng aktwal na kamatayan, hindi natin ito maililibing sa ating utak.

Patuloy tayong nagluluksa. At lalabas at lalabas ang sintomas ng trauma na siyang bumabagabag sa atin. Ang nangyayari ay nai-imbibe ang trauma. Kung ano ang hindi mailibing, maihiwalay at makausad ang sarili, nagiging kabahagi ng sarili. Kung ito ay tungkol sa naunsyaming pag-ibig, binabalikan ang mga lugar na pinagtipunan, kung saan makikita ang nawalang objek ng pag-ibig. Kung ito ay tungkol sa mapang-abusong magulang, nagiging ganito rin sa iba, maging sa sariling anak.

Melancholia ang kahirapan dahil parating ipinapaalaala ang malawakan at malaganapang antas nito sa pang-araw-araw na buhay. Ito ang nais takasan ng manonood at mamamayan, ang historikal at tunay na realidad ng lipunan at buhay. Pero parati ka pang matitisod ng karanasan sa kahirapan: may mamamalimos pa rin para sa kinakaing McDonald’s sa kabilang bahagi ng salamin, may paslit na nagwa-watch-your-car o barker sa jeep, may gwardya, janitor at sekretaryang higit na aba ang lagay.

At ang melancholia sa kahirapan ang siya ring kalakaran para mag-overcompensate. Pinagtatakpan ang kahirapan dahil ito ang ubod ng pang-araw-araw at pangmatagalang estado ng buhay. Na ang pagtatakip ay tulad ng konstruksyon ng barong-barong na mansyon. Halata pa rin.

Hindi mailibing dahil buhay na buhay. Ninanais lamang malibing, maging pinagdaanang bahagi ng buhay at lipunan, pero hindi magawa nang lubos. Kaya ang buhay sa kasalukuyang melancholia ay alienated na buhay. Ito ang negosiasyon ng sarili para hind kumprontahin ang kahirapan kahit ito—ang pagtakas dito–ang motibasyon ng mayoryang desisyon sa buhay.

May buhay ba sa kamatayan dulot ng paghihirap? Maging ang zombie ay buhay pa rin kahit kamatayan na ang bumubuhay dito. Hindi naman ito mamamatay pa. Ano ang melancholia ng zombie, mga nilalang na nakalugmok sa kamatayan at paghihirap gayong nabubuhay lamang para araw-araw (o gabi-gabi sa pelikulang horror) na maging buhay na kamatayan?

May ilang panunuri ng pelikulang zombie na nagsasaad ng radikal na potensyal ng zombie na tauhan, bilang kaiba na nakakapagbigay ng agam-agam sa hegemoniya ng buhay na nilalang. Kung ang buhay na nilalang ay naging zombie na tauhan, mayroon pa bang radikal na potensyal ito?

Sa pamamagitan ng pagbabalikwas sa aparato ng kahirapan—ang estado bilang balon ng paghihirap—ang magsasabuhay ng radikal potensyal. Ito ang politikal na may layon pa ng politikal na transformasyon sa lipunan. Kung walang hangad na magbago labas sa sarili, nakabalaho lamang sa melancholia ng kahirapan.

Kung nais mawala ang panlipunang melancholia na ito, kailangang maibalikwas at maitransforma ang pambansang kahirapan, mabago sa pagiging balon ng pagpapahirap tungo sa balon ng politikal na pagbabago. Aktwal ang pagdanas ng pagnanasang politikal. Kinakailangan ng pagbabago ng kamulatan—kasama ang pagbabagong bihis ng melancholia—at pagkilos nang lampas pa sa sariling kapakanan.

Kung sa pamamagitan ng filmikong kamatayan, nabubuhay-namamatay-at muling nabubuhay ang manonood, sa aktwal na kamatayan sa pang-araw-araw na paghihirap, walang pangako ng muling pagkabuhay. Ang pangako—ang utopia kung bakit nagiging zombie ay para lamang may astang buhay sa kamatayan—ng historikal na kamatayan ay di lamang makaantig sa personal na antas, kundi ang transformasyon ng buhay tungo sa tunay na buhay.

Buhay sa pagmumulat sa sarili at nang makapagmulat, buhay na lampas ang pagpapahalaga sa sarili tungo sa kapwang kahanay sa peligro, buhay sa pakikibaka, buhay para mabuhay. Kung ang fasismo ay ang normalisasyon ng spektakularisasyon ng paglabag sa karapatang pantao, ang buhay sa pakikibaka ay ang prologasyon ng mga spektakularisasyon para maipakita na hindi ito dapat normal.

Ang kamatayan na may halaga ay ang pagpapahalaga sa kamatayan at ang buhay na nalustay sa ngalan ng pagtalaga ng kamatayan bilang buhay. Kung gayon, ang buhay na may halaga ay ang nagpapahalaga sa paglaban sa pribilisasyon ng kamatayan bilang buhay. Ito ang sariling utopia na may kabuluhan, hanggang walang antas ng panlipunang katarungang nakakamit, walang buhay sa labas ng kamatayang ito.

Bawal ang mahirap dito, Bulatlat Column

Bawal ang mahirap dito

Graffiti ito sa may harap na bakod ng Faculty Center sa U.P. Ang kumpletong sinulat sa itim na tinta ay “Bawal ang mahirap dito. Mahal ang tuition!” Tamang-tama ang pagkasulat dahil sa panahon ng UPCAT, ang entrance exam sa U.P.

Malaman ang sinasaad ng slogan na ito. Hindi na pangmahirap ang U.P. Na kahit makapasa sila ay hindi naman nila kakayanin ang tuition fee. P300/unit ang pinakamaliit; P1,500/unit ang pinakamalaki. Hindi pa kasama rito ang buhawi ng “other fees,” na halos lahat ng kurso, kahit hindi siyensa at teknolohiya, ay may kaakibat na lab fee.

Kapag sinabing bawal, may sinasabing relasyon na may nagbabawal at may pinagbabawalan. Ang nagbabawal ay ang administrasyon ng U.P. na talamak, lampas pa sa mga pinakamahal na pribadong pamantasan, na nagpapatupad ng neoliberalismo sa edukasyon. Lahat ng bagay, kahit walang kinalaman sa investment, ay pinagbabatayan sa computable na cost-benefit analysis.

Kaya kahit na kontra-rasyonalisasyon (bakit mayroon nito sa loob ng isang pamantasan?) at kontra-liberal arts (may kritikal na kakayahan ba ang trabaho rito?) ang pagtatayo ng sandamakmak na call center buildings sa Commonwealth Avenue, kineri pa rin ito ng administrasyon sa pagnanais na makalikom ng P100 milyon kada taon mula sa Ayala Corporation na umupa nito.

Ang pinagbabawalan ay ang mga may kawalan ng titulong makapag-aral sa U.P. Ito ang mahihirap. Na doble paghihiwalay sa mahihirap sa kampus. Una, ang pagtrato sa mahihirap na walang entitlement sa tertiary education mula sa bagong-silang na “national university” na U.P. Pinapapasan sa kanila ang mataas na halaga ng edukasyon, kasama ang mataas na halaga ng pagtira sa kampus sa mga taga-probinsya.

Ikalawa, ang pagtrato sa mahihirap na wala ring entitlement kung sakaling nakapaloob na sila sa U.P., pati ang mga nakatira sa kampus. Kakaiba ang U.P. dahil mayroon itong komunidad sa loob ng kampus. Sa pagbabago ng ruta ng C-5, ang Palaris na tinitirhan ng maraming bilang ng empleyado, guro at retirado ay mawawala na.

Militante kung magbantay ang SSB, ang militia ng administrasyon, sa mga tao, lalo na sa Academic Oval. May curfew na raw sa loob nito. At pati mga guro ay pinagbabawalan nang tumambay sa lagoon at Sunken Garden lampas alas-dyes ng gabi.

“Ligtas” ang pakiramdam sa kampus dahil nga wala nang tao sa loob nito, matapos ng alas-dyes. Para itong “kapayapaan ng sementeryo” na bibanggit tungkol sa isang fasistang rehimen. Wala nang pumapalag dahil nga lahat ay pinatay na. Ligtas at mapayapa ang kapaligiran dahil ipinagbabawal ang mismong tao rito.

Ang isinasaad din ng slogan ay afiliasyon ng U.P. sa estado. Na tulad ng ipinagbabawal ng estado, walang politikal na karapatan ang walang ekonomiyang lagay na mamamayan. Maliban sa dole-out ni Gloria Arroyo ng P500 sa gumagastos ng murang kuryente o pabigas sa mahihirap pero perfect attendance na mag-aaral, walang sustenidong safety net at disenyo para sa mahihirap.

Tulad ng estado, kanya-kanyang paghahanap ng salbasyon sa U.P. Walang inilatag na safety net dahil mas matimbang ang gastos kaysa sa aktwal na benefisyo nito sa unibersidad. At ang turing nga sa mahihirap ay gagastusan pa, kung sakaling makapasok. Kaya bago sila makapasok, mainam nang magkaroon ng pagpupulisya sa ranggo nito.

Bukid sa slogan na ito, nakapinta rin ang “Tutulan TOFI” (tuition and other fee increases) sa bakod ng Faculty Center, maging sa signboards mula sa Philcoa. Sa College of Law na may tarpaulin sa harap nito ng “100% College of Law,” pinalitan ito ng “1000 TOFI.”

Ang graffiti, siempre, sa punto-de-bista ng administrasyon ay vandalismo o pagyurak sa pribadong pag-aari ng pamantasan. Pero sa walang rekurso sa ofisyal na lagusan ng media, ang graffiti ang media ng paglalahad ng naisantabi. Ang graffiti ay anti-estabilisimento, anti-awtoridad at anti-rehimentasyon.

Kaya tinataguriang vulgar, bastos at pedestriano sa isang banda, at napaka-politikal, hindi angkop na aksyon sa kabilang banda. May reclaiming na ginagawa ang gumagawa ng graffiti, re-claiming dahil hindi naman siya ang lehitimong may-ari nito sa simula pa lamang. Inaako lamang niya na kanya ang isang bagay na ipinagkakait sa kanya.

Kung ganito, pinagsanib ang mob at politikal na mentalidad na sa unang usapin ay ikinawing din naman sa masa. Walang distinksyon ang politisado at hindi politisadong masa. Ang vandalismo—kasama ang pagsulat sa dingding at pinto ng CR (comfort room), maging sa mesa ng mag-aaral—ay ang rekurso ng naisantabi sa mapanupil na kolektibong lagay.

Kaya rin parating sa laylayan ng poder ng kapangyarihan ang mga graffiti. Sa mesa ng mag-aaral, sa banyo, sa nakakubling dingding, sa madilim na lugar, at iba pa. Na ang trespassing na sabjek na nagva-vandalize ay isa naman talagang nang trespassing na nilalang bago pa man siya mag-vandalize. Sa figura ng aktibista o naetsapwera, matagal na silang nasa laylayan.

Lilikha ng hysterical panic ang administrasyon. Tulad na lamang ng reaksyon ng maraming senior na guro sa pagtapon ng putik at itlog kay General Hermogenes Esperon nang ito ay lumabas sa pinagsalitaang kwarto. Biglang naging Mr. Decorum at Ms. Moral Values ang maraming guro.

Na mapapaisip ka kung sino ang kanilang prinoprotektahan? Bakit sila ang parang tinapunan ng putik at itlog? Bakit may transference ng sama ng loob ni Esperon sa mga gurong umako nito? Hindi kaya sina Mr. and Ms. Moral Universe ay Ms. Chu-chu (sipsip) rin pala?

Ang identifikasyon sa nang-aapi bilang inaapi ay kabahagi ng rasyonalisasyon ng naghaharing uri. May nakitang “kawalan” o minus points sa politikal na pagkilos, na maling kinonekta pa sa kilusan. Ani ng isa, “Iyan ba ang gusto ninyong mamuno sa atin kung magtagumpay na?”

At mas matimbang itong kawalan para ang i-indict ay ang kumikilos para sa karapatang pantao. Mas lugi ang U.P. o ang imahen nito sa ginawa ng ilang progresibo. Kaya may usapan pang ipapa-expel raw ang mga ito, kailangan daw mag-sorry dahil inilagay sa hiya ang unibersidad.

Dalawa lang naman talaga ang reaksyon sa graffiti. Una ay ang total na indictment nito mula sa aktwal at representatibo ng naghaharing uri. Masama ito dahil hindi na itinuturing na sagrado ang pribadong pag-aari. Ano ang mararamdaman mo kung nakawin ang iyong cellphone o i-scratch ang iyong kotse?

Ikalawa, mula sa aktwal at representatibo ng mga inaaping mga sektor, ang amusement sa batayang lebel dahil mayroong kontra-rasyonalisasyong isinasaad ang graffiti. Pagbabalikwas ang pangunahing tema nito. At pati na rin ang inter-aktibong katangian ng graffiti.

Sa mesa sa klasrum, kapag nauupo ako habang may estudyanteng nag-uulat, binabasa ko ang mga graffiti. May sagutan pa ukol sa mga isyung hindi lubos na tinatalakay sa unibersidad. Itong kahoy na desk at kongkretong pader ang nagiging rekurso para mabigkas ang kolektibong hinanaing, at kolektibo rin itong mabasa.

Sumusulat ang isang tao ng graffiti dahil naetsapwera siya. At ang tangi niyang makakausap ay ang desk at pader. Pero siya na nagsusulat ay hindi nag-iisa. Nagsusulat siya, may media at espasyo siyang pampubliko. Ang kanyang lagay ay may kaakibat na kolektibong dumadanas din nito. Kaya ang mambabasa at tumutunghay sa graffiti ay may kolektibong posisyon na pinanggalingan. Kaya gets niya kaagad ang sinasabi ng graffiti.

Ang nagustuhan ko sa slogan na “Bawal ang mahihirap” ay ang pagsapol nito sa kasalukuyang pagdanas sa neoliberalismo ng imperialismo. Na imbis na isulat ay “Imperialismo ibagsak,” ang pagtuon ng pansin sa bawal ay pagtukoy sa kolektibong agam-agam at aspirasyon.

Aspirasyon na makapasok ang maraming mahihirap na pumasa sa UPCAT; agam-agam na nakabatay sa moral panic na paano naman “ako” kung makakapasok ang ibang mahihirap? Ang ginagawa ng slogan ay itawag-pansin sa pagbubura ng U.P. sa mahihirap bilang lehitimong kasapi ng pamayanan nito.

Pero sa kabilang banda, kailangan din ng U.P. ang mahihirap bilang paratihang kaiba (other) sa kanyang itinataguyod na gitnang uring subhetibismo. Kung walang jologs, walang pangangailangan sa SSB at iba pang para-militar na aktibidad sa kampus. Kung walang mahihirap, paano magiging exklusibo ang karanasan sa Chocolate Kiss at Cordi Café?

Sa maliit na uniberso ng U.P., kailangan ang pagmimintina sa presence ng mahihirap para maitaguyod ang kalakarang neoliberalismo. Kung walang squatter sa campus, walang dahilan kung bakit hindi mamaximisa ang idle properties para sa sarili nitong interes. Sino ang tunay na dapat makinabang sa mga ari-arian ng U.P.?

Kung walang mahihirap na estudyante, walang patagong kabalitaktakan ang mayayamang estudyante. Sa huli, ang ipinagbabawal ay hindi rin lang mahihirap na tao, kundi ang karanasan sa kahirapan. At ito ang fantasy-ideal ng U.P., na magmukha siyang global university.

Kaya ang kontexto ng pagsulat ay tiyak na makakapagpagalit sa administrasyon na nagpapapinta ng mga lumang buildings sa academic oval. Biro mo, kapipinta pa lang ay vina-vandalize na ng graffiti! Ang pagtingin na pribadong pag-aari ang bagong-pintang bakod ang tampok na rasyonal ng administrasyon.

At dahil ang rasyonalisasyon ay pribadong pag-aari ang bakod, hindi na rin ito nahihiwalay na pagturing na pribadong pag-aari ang U.P. Ang vina-vandalize ay ang U.P. mismo, at ang bagong representasyon na ito ay pribadong pag-aari ng administrasyong humahawak nito.

Sa pamamagitan ng graffiti, pinaluluwag, kahit sa isang maliit na lunan sa isang maliit na panahon (hanggang sa mapintahan muli ang bakod), ang paghawak ng administrasyon. Maging ang rasyonalisasyon nitong sumasakal sa maraming nakapasok at nagigiit ng kanilang pang-uring entitlement ditto.

Sa isang sandali, pati ang administrasyon ay kailangang iutos na burahin ang matagal na nilang minamaniobrang mabura—dobleng erasure kumbaga: ang akto ng pag-gatekeep nila laban sa mahihirap, at ang akto ng pagbura nila ng graffiti na tumatawag pansin dito. Hanggang sa iba pang sandali na muling susulpot ang graffiti sa ibang panahon at espasyo.

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.

Join 103 other followers