CONTEND May 1 Statement

by rolandotolentino

ARAW NG PAGGAWA, ARAW NG PAGLABAN
May 1, 2007


Walang pasok kapag Mayo Uno, ngunit para sa mga manggagawa ito ay hindi araw ng pahinga kundi araw ng paggunita at paglaban.

Iminarka sa kasaysayan ang petsang ito ng malawakang welga ng mahigit na 190,000 manggagawa sa Hay Square Market, Chicago noong 1886. May 200 manggagawa ang nasawi nang walang habas na magpaputok ang mga pulis para paalisin ang mga welgista. Ang dahilan ng welga: hindi pagpapatupad ng umiiral na batas na walong oras ng trabaho, pagwasak ng unyon, at pagtatanggal sa trabaho sa mga lider ng unyon. Sa kasalukuyan, hindi mahirap makita ang pagpapatuloy ng busabos na kalagayan ng mga manggagawa sa harap ng tumitinding asulto ng neoliberal na globalisasyon.

Sa pagsapi ng Pilipinas sa World Trade Organization (WTO), tuluyang niyakap ng pamahalaan ang todo-todong liberalisasyon sa kalakalan, industriya at serbisyo bilang pagsunod na sa mga preskripsyon ng World Bank-International Monetary Fund (WB-IMF). Hindi ito humantong sa pagpapabuti ng ekonomiya ng bansa, at lalo pang nagsadlak sa mga manggagawa sa kahirapan at dehumanisadong kalagayan.

Ayon sa National Wages and Productivity Commision, kailangan ng P721 bawat araw ng isang pamilyang may anim na miyembro. Malayung-malayo sa minimum wage na P350. Taong 1999 pa nang pangunahan ng Kilusang Mayo Uno (KMU) ang panawagan para sa umentong P125 sa sahod. Naihapag man bilang House Bill 345 sa kongreso, sinasagkaan naman ito ng mga pulitiko sa pagsasabing “malulugi” ang mga negosyante. Pinabubulaanan ito ng ginawang pag-aaral sa mga dayuhan kumpanya at maging ng maliliit na negosyante. Sa kaso pa lamang ng mga dayuhang korporasyon, lumilitaw na $3 ang tinutubo ng mga ito sa isang taon sa bawat $1 pinuhunan nila dito.

Ang pagpapanatili sa limos na sahod ay nagiging posible sa pagpapalaganap ng kawalan ng kasiguruhan sa paggawa, kasabay ng pagbabawal sa pag-uunyon. Saklaw ng istratehiya ng flexibilisasyon ang kontraktwalisasyon na ginagamit upang sagkaan ang pagiging regular ng istatus ng manggagawa, at kung gayon ay ang pagtatanggal sa kanya ng karapatan sa pagtanggap ng minimum wage at mga benepisyo. Kabilang rin dito ang “multi-tasking” upang lalong makatipid ang employer at ang pagpapatupad ng “flexi-time” na nagiging daan para hindi na magbayad ng overtime pay.

Sa paghahangad ng “industrial peace, ”handang suportahan ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang “no union policy” ng mga kapitalista, at gamitin ang AJ o “assumption of jurisdiction” para pigilan ang pagwewelga ng mga manggagawa. Ang “industrial peace” ay euphemismo lamang ng “union-busting” para sa pagtiyak ng mura at siil na paggawa. Target din ng sistematikong pulitikal na pamamaslang ang sektor ng manggagawa. Mula 2001, 76 nang manggagawa at lider-manggagawa ang pinaslang sa pag-aakalang ang kaya nitong kitilin ang pagbalikwas na kung susuriin ay iniaanak

din ng pananatili ng mga opresibong kondisyon.



Ngayong panahon na naman ng eleksyon, nahaharap ang mamamayang Pilipino sa isang mahalagang pagpili. Bagamat alam nating mahirap nang umasa sa mga pulitko, na kadalasa’y sariling interes lamang ang isinusulong; at alam na rin natin na sa praktika, ang sambayanan din, sa pangunguna ng uring manggagawa, ang tumitinndig para sa ating mga mithiin, mahalaga pa ring maging mapanuri at mapagbantay sa mga panahong ito. Huwag nating bigyan ng puwang sa gobyerno ang mga pulitikong sagad-sagarang kumokontra sa interes ng mga manggagawa. Dapat nating alamin kung ano ang tindig ng isang kandidato hinggil sa pag-uunyon, sa panawagang pagtaas ng sahod, sa maka-dayuhang polisya ng gobyerno sa paggawa na dumudulo sa murang sahod at mala-impyernong kundisyon sa paggawa. Atin ding tandaan na marami nang lider-manggagawa at unyonista ang pinaslang sa ilalim ng rehimeng Arroyo. Kung kaya’t mahalagang mabatid ang tindig ng ating mga kandidato hinggil sa tumitinding pampultikang pamamaslang.

Suportahan natin ang mga kandidatong may malinaw na tindig laban sa GATT-WTO na nagbibigay ng pagkakataon upang todo-todong tawaran ng mga dayuhang korporasyon ang mura nang paggawa ng mga manggagawa. Ang lider magnggagawa na si Representative Crispin “Ka Bel” Beltran ng ANAKPAWIS party list ay mahigit isang taon nang nakakulong dahil sa kanyang militanteng pagtataguyod ng mga karapatan ng manggagawa. Siya, kasama ni Representative Satur Ocampo ng BAYAN MUNA ay kasalukuyang nahaharap sa mga kasong wala namang batayan, at malinaw na panggigipit lamang ng rehimeng Arroyo sa mga progresibong lider na tumitindig para sa sambayanan. Ngayon, higit sa alinmang panahon, kinakailangan nating tumindig para sa mga kasama nating naninindigan.

Ang kasaysayan ng Mayo Uno at ng kilusang manggagawa sa bansa ay rekord ng nagbabanggaang interes ng kapital at paggawa, at ng higit na pangangalaga ng estado sa interes ng una. Ipinapaalala ng araw na ito ang pawis, dugo, at buhay na ibinuwis para sa pakikibaka para sa mas maayos na kondisyon sa paggawa. At higit na nagiging mahalaga ang araw na ito dahil sa ating patuloy na paninindigan laban sa mapagsamantala at mapang-aping sistema.

Kung kaya’t ang Mayo Uno ay hindi araw ng pagpapahinga, kundi araw ng paggunita at paglaban. Hindi lang para sa mga manggagawa, kundi sa lahat ng binubusabos ng umiiral na sistema. Dahil dumarami ang mga dahilan para magkaisa at magmartsa sa lansangan – hindi lang para sa nakabubuhay na sahod, kundi para sa mas makataong lipunan.



PALAYAIN SI KA BEL ! PATALSIKIN SI GLORIA!

LABANAN ANG PULITIKANG PAMAMASLANG SA URING MANGGAGAWA!

URING MANGGAGAWA, HUKBONG MAPAGPALAYA!

Advertisements