Lupa, hindi bala, hindi mall (Pasintabi column)

by rolandotolentino

Lupa hindi bala, hindi mall

Kahit pa sa edad ng globalisasyon, kapag ang magsasaka hindi nagtanim, walang kakainin ang bansa. Ito ang paulit-ulit na isinisigaw ng emcee sa rali ng mga magsasaka sa Bustillos. Sa globalisasyon, malls, bulaklak na mums, pinyang idedelata at Cavendish na saging, ang nangingibabaw kaysa sa food security. Sa isang bansang pinaliligiran ng dagat at tubig, kay mahal ng isda, hipon at iba pang lamang-dagat.

Wala raw sariling kakayahan ang bansa para sa bigas, ang pangunahing kinakailangang produktong agrikultural. Kaya mas mura itong angkatin sa ibang bansa, tulad ng Vietnam, Thailand at China na hindi lamang may sariling kakayahang pakainin ang kanyang mamamayan, may labis pa para ibenta sa tulad nating wala.

Tunay na reporma sa lupa ang usapin para matugunan ang batayang problema hinggil sa pagkain, kalayaan at kaunlaran. Hindi ito natugunan ng papatapos na implementasyon ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) na nagdulot ng korporatisasyon bilang opsyon sa mga panginoong maylupa. Ang Hacienda Luisita ang pinakamatingkad na halimbawa ng pandaraot sa buhay at karapatan ng magsasaka at ng kanyang pamilya, pamayanan at kauri sa pinakahuling pambansang alaala.

Marhinal ang tingin sa magsasaka, ang pinakamaraming bilang na pinanggagalingan ng mga Filipino. Sa telebisyon, halimbawa, walang bidang magsasaka, maging anakpawis. Ang ginagawa pa nga sa TV ay gawing sityo ng invisibilidad ang paggawa. Tanging katulong o goons ang may trabaho sa uring anakpawis: katulong na comic relief, goons na bayarang lumpen, handang pumatay at mapatay.

Ang mga bida ay managers at may-ari, kundi man inilalarawan bilang anakpawis pero insidental lamang. Sila ay nagtratrabaho bilang dispatsadora at katulong, kalimitang babae, para matagpuan ang kanilang tunay na pag-ibig. Kung gayon, mahalaga lamang ang kanilang mababang pinaggalingan para matunghayan ang pagiging karapat-dapat o hindi na moral at materyal na maiangat ng tulong ng mataas na uri.

Dahil wala sila sa popular na imahinasyon, ang substansyal na kontribusyon ng magsasaka at anakpawis ay hindi nakikilala. Bagkus, binubura pa nga ito para lusawin ang radikal na posibilidad ng transformasyon: silang pinaghihirap ng ilang siglo para makatamasa ang iilang may lupa ay hindi kinikilala para hindi magkaroon ng muwang sa politikal na potensyal.

Kaya, sila ay inaakalang mob lamang na kailangang disiplinahin, kundi man gamitin ng lehitimong karahasan ng estado. O ang piling pinakamabuti at pinakamasikap sa kanila, bilang exemplaryong iaangat ng estado at alta-sosyedad para mapabilang sa mas malapit na laylayan ng kapangyarihan. Malapit pero hindi nakapaloob. Hindi pinapahintulutan ng estado na sila ay maging lehitimong kabahagi dahil exklusibong historikal na pagmamay-ari ng lupa ang rekisito ng pagiging miyembro ng alta-sosyedad.

Sila ay magiging exemplaryo ng janitor na naging real estate broker, na anak ng manininda na sa pagsisikap ay naging senador, o child star na naging dramatic movie queen, mayor ng Lipa at ngayong gobernador ng Batangas. Takasan man nila ang uring pinagmulan ay hindi lamang sila hindi matatanggap nang lubos ng mas matagal na nakakaangat sa kanila, hindi rin nila lubos na maitatatwa ang naunang uri. Markado na sila, at may tagong ligaya pa rin di lamang sa pagkakamay sa pagkain ng tuyo at kamatis, pati na rin sa pakikiisang usapin ng trabaho at panlipunang katarungan.

Pero maging ang hanay ng anakpawis ay naapektuhan na rin ng popular na media. Binubura na rin ang afiliasyon sa sariling uri. Pinapanaginip ng Jollibee, cell phone at cartoons, pati ng balita tungkol sa eleksyon at suliranin ng bidang magsing-irog sa mga telenobela. Na kahit na nagugutom ay busog naman ang kaluluwa ng pagiging kampanteng mamamayan. Kahit pa ang nakararami ay walang akses, at mas malinaw ang posibilidad ng rebolusyon kaysa animation at malling nang walang pera.

Sa mga biktima ng daan taong paghihikahos at panunupil, sa napakaraming bilang ng politikal na pagpaslang at desaparasidos, sa uring magsasaka, hanggang sa paglaya at tunay na reporma sa lupa, pagpupugay!