Panelist Response, Cinemalaya Film Congress

by rolandotolentino

Cinemalaya Film Congress
Theme: Harnessing Technology for Artistic Expression
Panel 2: Assessing Tulad ng Dati, Batad and Rotonda
24 July 2007

Bago pa man maaring sipatin ang lokal na digital na pelikula, kailangan, sa aking palagay, ilagay ito sa mas malaking teknolohikal na kontexto. Ang digital cinema o D-cinema ay sinasabing ikatlong pinakamahalagang tampok na pag-unlad sa pelikula, simula nang maimbento ang celluloid, at dumating ang sound. Ito ay penomenong nagsimula noong 1980s, at nang 1999, ang Star Wars: Episode I, The Phantom Menace ang sinasabing unang pelikula ipinalabas gamit ang digital technology. Ang D-cinema ang all-encompassing na kalakaran sa digital filmmaking—sa ibang mas maunlad na bansa, ito ay tumutukoy sa production (digital capture), post-production (editing, audio recording at digitizing o mastering ng buong pelikula), distribution (pagbeam, sa pamamagitan ng digital technology, ng pelikula sa mga digital movie house, o physical media delivery, network delivery, satellite delivery o digital cinema distributors) at exhibition (digital projection). Sa pamamagitan ng digital na technology, ang mga pelikula ay maaring mapanood at mapalaganap sa computer. Kasama rin sa digital cinema ang digital film restoration o pagbabalik sa orihinal na hitsura at tunog, at pagdigitized ng naunang mga pelikulang naturally prone sa deterioration.

Tunay na napakabilis ng pag-unlad ng teknolohiya ng digital. Magastos din ang kabuuang teknolohiya. Nasaan na tayo? Sa isang banda, nasa laylayan pa rin ang bansa dahil nakatuon pa rin ang D-cinema nito sa content-provider phase. Hindi pa malawakan ang distribusyon at exhibisyon sa malawakan na digital na teknolohiya. Sa kabilang banda, sa pagboom ng aktwal na digital filmmaking, ito na ang may kapantay na status na dominant Philippine cinema. Kung titignan ang bilang ng produksyon nito, maging ang mga pelikulang tampok sa award-giving bodies, ang digital films ang namamayagpag. Kung gayon sa mahalagang usapin ng commercial viability at exhibition (na kailangan pang i-blow up sa 35 mm film) ang lumalabas na kahinaan ng digital film sa bansa.

Paano makakalikha ng artistikong mga pelikula kung ang budget lamang ay kalahating milyong grant mula sa Cinemalaya, at kung limitado pa rin ang pagpapalabasan nito kundi sa CCP, Cine Adarna ng UP at ng isang sinehan sa Robinson’s? Dito kailangang linawin kung ang tunguhin ba ng D-cinema sa bansa ay para sa pagiging national dominant nito, at kung gayon ay kakailanganin ng major shifting ng teknolohiya sa distribution at exhibition, at kahit pa magpakaganito ay hindi pa rin makakapantay sa content ng Hollywood cinema; o para sa D-cinema ba sa Philippine national cinema, ibig sabihin, at ito rin naman ang kinakaya sa ngayon, ang paglikha ng mga akdang pelikula na magbibigay-representasyon sa sinasapantahang pagka-Filipino—mga kwentong hindi kakayaning sambitin ng mainstream cinema na bagamat mahina sa bilang ng produksyon ay namamayagpag naman sa puso ng masang manonood.

Kaya may pagka-mala-mala o hilo ang D-cinema ng bansa, hindi pa lubos na malinaw sa sarili nito ang nais nitong tunguhin. Kung mainstreaming, kailangang mapalaganap ang teknolohiya ng distribution at exhibition, on top ng pag-compete sa Hollywood films. Kung nationalization, kailangang pag-aralan ang mga kwentong pinaghuhugutan ng ethos at substansya ng pagkabansa. Yung una ay entertainment terrain talaga, at itong ikalawa ay interrogative ang purpose. Kung ang papel ng D-cinema ay elaborasyon ng mas malalaking tema at partikular na idioma ng pagkabansa, nakabatay ang pagsisiyasat sa artistry o estetika sa medium specificity ng digital film.

Ang digital film ay hindi celluloid. Hindi ang layunin sa digital film ay gawing film, kundi i-harness ang productive potentials ng limitadong akses sa digital technology. Ang mainstream D-cinema ay nangangarap palitan ang celluloid sa diin nitong makatagpo ng teknolohiyang kasing linaw at lutong ng celluloid. Ang quite specific sa medium ng digital ay ang transformasyon ng imahen sa digital para sa iba pang aspekto ng D-cinema. Ibig sabihin, mas napapadali ng imahen ng digital ang production, post-production, distribution at exhibition ng pelikula. Mas mabilis, mas timely, mas relevant, mas purposive samakatuwid ang digital film, o ng inaasahan dito,

Para itong naunang debate sa pelikula hinggil sa dominant control ng Hollywood cinema sa iba pang panig ng mundo noong 1950s. Kaya naghanap ng alternatibong pamamaraan ng produksyon at distribusyon ng pelikulang direktang tumutuligsa sa Hollywood. Kontra-Hollywood ang mga modernistang pelikula at movements. Ano ang kinokontra o tinutuligsa ng kasalukuyang digital films? Sa Italian neorealism, ang pagkuha ng non-actors, aktwal na setting sa kalsada, long take at ang pagpapatuloy lamang ng buhay bilang pagtatapos sa pelikula. Sa French New Wave, ang jittery camera movements, paggamit din ng natural lighting, mga eksenang parang walang nangyayari at walang mabilis na pinatutunguhan. Sa Japanese New Wave, ang paggamit ng off-screen space, ang mas direktang explorasyon ng sexualidad at artistry. Sa Third World cinema, isang cinema direct na nambubuyanyang sa di-makatarungang realidad. At sa mas recent na New Thai cinema, ang paggamit ng modernistang angst para isaproseso ang hindi maprosesong postmodernong kontemporaryong buhay.

Kung gayon, ang digital film ay dumadaloy din sa modernistang interogasyon ng pelikula. May ibang mundo itong gustong tanawin, at kailangang malinaw sa digital filmmakers natin kung ano ito. Marami sa mga stilong ginagamit sa ating digital films ay halaw sa mga modernistang kilusan sa pelikula, maaring direktang ugnay sa mga pelikula ng iba’t ibang henerasyon nito sa iba’t ibang bansa, o sa paghalaw na rin ng dominant at independent Hollywood cinema sa mga ito, maging ng MTV. Ang pananaw na makabago hinggil sa pagbabago, gamit ang teknolohiya ng digital film, ang siyang magbubunsod ng pagiging malikhain.

Hindi naman neutral term ang artistry, ito ay socially constructed. Maging ang paggamit sa digital technology ay socially poised din, kung ano ang available sa atin, na kalimitin siempre ay hindi pa lubos na pagsabay kung ano ang global standard. Ang example nito ay ang klase ng rekognisyon sa international film festivals sa Filipino digital indie film—poverty themed pa rin, tulad ng legacy nina Brocka at Bernal. Ang pagiging belated sa teknolohiya ay nagsisilbing impetus para paigtingin ang kakulangan sa teknolohiya sa pangkalahatang kasalatan sa bansa. Aesthetics of poverty pa rin sa teknolohiyang may pagka-poverty stricken ang kasalukuyang emplacement ng digital film.

Kung ang digital film ay hindi naman talaga indie mode kaagad, ang operative sa pagsala ng gamit sa teknolohiya ay ang estetika—para saan ito ginagamit? Ano-anong artistic choices ang nakabatay sa teknolohiya at historikal na realidad? Isinasaalang-alang, samakatuwid, ng estetika at teknolohiya sa elaborasyon ng “Filipino” “indie” “digital film.” Sa ganitong panuntunan ko tinitignan ang evalwasyon ng mga pelikulang nakatoka sa panel ngayong hapon.

Ano ang pagka-Filipino, ano ang indie spirit na isinasaad, sa paggamit ng digital film? Ano ang naratibong tinatahi ng mga pelikula? Sa pelikulang Batad, ginamit ang digital technology para i-fastpace ang pang-araw-araw na buhay ng mamamayan dito, kasama ng bidang batang lalakeng naghahangad magkasapatos. May dissolve shots imbes na long shot para pabilisin ang buhay sa turistang lugar, Gayundin, sa kwento ng pag-angkat ng mga bulol at sagradong mga bagay ng gurong ibinebenta ang mga ito sa Baguio. Tila may indie initiative sa ganitong kwento kahit umaalingawngaw ang isang Iranian film na halaw rin sa saga ng paghahanap ng sapatos ng isang musmos. Pero hindi tulad sa Iranian film na malinaw ang class context, sa Batad ay tila hindi nilinaw ang tunggalian ng class at ethnicity, kahit pa ethnic motif naman ang buong pelikula.

Sa Rotonda ay gayon din, ang saga ng laos na journalist sa tila underworld sa Manila ay maaring maganap sa iba pang lugar sa metropolis. Pinakamapangahas ang gamit sa digital technology—pagweave ng documentary footage, self-contained na mundo sa mga bahay at baranggay, at sa interior shots, ang kalinawan ng shots, kahit pa sa gabi—pero parang pwedeng maganap ang karahasan sa kahit saang rotonda at crossing. Kung ganito, ano ang inisyatibang Filipino na isinasaad kung ang mekanismo ng paglalahad ng problema at resolusyon nito ay adaptable naman sa kahit anong bahagi ng mga lugar ng katutubong nakayapak o sex work trade sa Manila? Hindi nalilinaw ng mga pelikula kung bakit inilulugar ang mga ito sa ganitong lugar at hindi sa iba?

Ang artist ang isang figurang tumatampok sa indie digital film. Ang saga ng artist ay kahalintulad ng saga ng indie film maker—may love object na hindi makakamit sa kasalukuyan, nabubuhay sa ideal ng nakaraan. Kadalasan ay talunan ang artist, pero sa Tulad ng Dati, napangibabawan ng artist ang kanyang sariling middle-class artist angst. Teatrikong gumamit ng simbolikong mundo ang pelikula para resolbahin ng tauhang artist ang kanyang nakaraan. Pati ang literal na mundo ay kinakausap niya, nag-o-one for the road sa puntod ng kaibigang napatay. Mula tabularasa, muli niyang isinulat ang nakaaan, at mula sa rekonstitusyon nito, nakapag-move on na siya. Maganda ang premis ng pelikula at malinaw na Filipino ang audience nito na makakagusto sa extended concert scenes. Pero nagtangka ang digital film na maging pelikula, walang matwid na inobasyon sa teknolohiya ng digital film. Kaya nagmukhang maliit na pelikula.

Kung sisipatin ang mga digital film na nagtagumpay (Maximo Olivares, Kubrador, Foster Child, halimbawa), ito ay ang masinop na representasyon ng lugar sa mundo, ang pananaig ng pagkatao sa di makataong lipunan, ang inobatibong gamit ng digital na teknolohiya sa paggawa ng pelikula, ang preferensiya sa long take at open-ended na resolusyon na ang buhay ang magpapatuloy. At ito ang maganda ring epiphany sa indie digital film, hindi kayang masinop na resolbahin ng naratibo ang bigat ng kapaligiran at kung gayon, na magpapatuloy lamang ang buhay pero hindi lubos na tulad ng dati.