Lason at Reporma sa Lupa, KPK Column

by rolandotolentino

pix mula sa www.photoman.co.kr/…/W.EugeneSmith.html

pix mula sa postcardheadlines.wordpress.com/2007/10/16/km189/

Lason at Reporma sa Lupa

May isang kwento tungkol sa lason na mercury na itinapon ng kompanyang Chisso sa Minamata Bay. Dalawampu’t pitong toneladang mercury compound ang kanilang pinakawalan galing sa pabrika mula 1932 hanggang 1968. Ang mga pusang nalason, sa sobrang sakit ng katawan, ay tumatalon sa dagat at nagpapakamatay. Ang mga ibon ay nangangahulog na patay mula sa langit.

Ang inaatake ng mercury ay ang nervous system. Akala ng mga tao ay nababaliw ang mga naghihiyawang biktima ng pagkalason. Humihiyaw pala ang mga nalason dahil sa sakit ng katawan at ulo. Ang mga buto ay masyadong lumutong at madadaling nababali dahil sa pagkalason. Ang mga ina ay nagsisilang ng mga supling na deformado ang mga katawan, lalaking panghabambuhay na kakailanganin ng medikal at pampamilyang atensyon.

Tulad ng panawagang reporma sa lupa ng mga magsasaka sa bansa, mahaba na ang panahong lumipas at wala pa ring tunay na repormang agraryo ang ipinapatupad. Sa ingles, ang idiomatiko ay “adding insult to injury.” Pinagkaitan na ng lupa, ginawang stockholders sa papel lamang ang mga magsasaka sa iba’t ibang land conversion scheme na programa ng gobyerno. Labis ang valuation at korapsyon sa lupa na hindi lubos na mababayaran ng magsasaka ang lupang kanilang aariin. Ito ay kung hindi kaagad nabwelta ng may-ari ang lupain na maging golf course, subdivision, special processing zone, o mall para hindi mapasaklaw sa land reform program.

Ang mga doktor na sumuporta sa mga magsasakang naapektuhan ng Minamata ay diniscredit ng korporasyon. Ang mga nagsampa ng kaso ay hinaras ng hoodlums. Noong 1993, 40 taon matapos ilatag ang kaso, wala pa ring desisyon ang korte sa halaga ng kompensasyon para sa biktima ng Minamata disease. Marami na ang nangamatay pero wala pa ring katarungan na nakakamit.

Ang ganitong skandalong walang sapat na pagsasara ang kwento ng ultra-modernong Japan. Sa Pilipinas, sinasabing may insureksyong nakaugnay sa usaping agraryo ang naganap sa mahabang kasaysayan ng kolonisasyon ng Kastila at Amerikano kada-dalawa’t kalahating taon. Ito naman ang pinakamalaking skandalong hindi masara-sara ng estado.

Kaya ang resulta ay mga panginoong maylupa ang nahahalal sa lehislatura, nagiging miyembro ng kabinete, nagiging negosyante at burgis komprador ng bansa. Paano aasahan ang pagbabago sa ganitong “chicken or egg” na predikamento?

Kung sa Minamata, mamamatay muna ang mga biktima at ang sibilyang nagkaso bago makatamo ng katarungan, sa Pilipinas, paano mo aantaying mamatay ang pinakamaraming bilang ng mamamayan? Hindi na nga inaantay mabawasan ang bilang, minamasaker pa ang mga nag-aaklas na magsasaka.

Labingtatlong magsasaka ang pinaslang at daan-daang iba pa ang nasugatan sa Mendiola Massacre noong Enero 22, 1987. Matindi ang massacre na ito dahil hindi ininda ng pulis at militar ang media na nandoon sa pangyayaring iyon. Lumabas ang mga imahen ng mga walang buhay na binubuhat ng journalists, ng mga daan-daang tsinelas na naiwan sa pagkalas sa martsa, ng mga pulis na gumamit ng baril sa dispersal. Labingpitong magsasaka, kasama ang dalawang bata ang isang babae, ang pinaslang sa Hacienda Luisita Massacre noong 2004.

Lasunin at masaker ang sagot sa mga naghihikahos. Tinutulungan ng media na ietsa-pwera ang naghihikahos. Ano ba ang trabahong inaasam ng mga bida sa teleserye? Si Lupe ay gustong maging sikat na singer, si Marimar ay makapangasawa ng mayaman. Ang paghihikahos na lagay ang nais nilang lampasan, at sa mga manonood nito, ang nais nilang takasan kahit pamandali. Sino ang gustong manood ng sariling refleksyon sa salamin—ang makita ang sarili na naghihikahos at walang indibidwal na katubusan?

Masaker ang sagot dahil nagkaroon ng politikal na ahensya ang komunidad at sektor. Sa kahanay na anakpawis, ang manggagawang unyonisdo, pinapaslang ang lider, binubuwag ang picketlayn, tinatapatan ng dilawing union. Ang magsasakang nagkaisa para sa politikal na layon, minamasaker.

At ito ang hindi nagiging bahagi ng mundo kahit pa pasan nila ang daigdig. Silang nagpapakain ng bansa ay walang makain, walang sariling lupa na masasaka. At dito maigting kung bakit nananatiling mala-pyudal pa rin ang moda ng sistemang produksyon, at ang panlipunang relasyong dulot nito. Wala pang nakukulong dahil sa nagmasaker—nag-utos o pinabayaan ito—ng magsasaka. Paano nangyayari ang gayon?

Paano ang nahahal at namumuno ay kalakhang galing sa maylupang uri? Paano sa kalakhang inieetsapwera ang pinakamalaking sektor ng lipunan maliban sa panahon ng paghimok na bumoto sa uring lalo pang magdidikdik sa kanila? Paano, matapos ng 30 taon ay di lamang hindi pa nakakamit ang katarungan sa biktima ng Mendiola Massacre, nagpapatuloy pa ito sa Hacienda Luisita at iba pang lugar?

Paano ang pinakamalakas na sigaw ng magsasaka ay iniimpit ng estado, pinapaasang tumalon sa dagat, kundi man ay mamatay na lamang nang maibsan ang imahen ng deformidad na katawan at lipunan?

Papaano nga ba?

Advertisements