Nouveau riche at pagpapangalan sa condos, KPK Column, May 11-17, 2008

by rolandotolentino


imahen mula sa www.arizona4pinoys.com/tips-on-how-to-buy-phi…
allthatblogs.blogspot.com/

Nouveau Riche at Pagpapangalan sa Condos

Construction boom ngayon, kung tutunghayan natin ang nangyayari sa landscape ng Metro Manila. Dalawang klaseng building lamang ang ginagawa. Kundi call center, ito ay condo (pinaigsi sa condominium, o high-rise na apartment type, kumpara sa dalawa o tatlong palapag na townhouse na may sariling lote).

Binabago nito ang landscape ng Metro Manila. Sa kauna-unahang pagkakataon, kapag tumanaw sa di malayong lugar, tulad ng Antipolo o C-5, makikita ang bahagi ng hanay ng nagtataasang building. Ito na raw ang ikalawang henerasyon ng high-rise na building, ang simuladong hudyat na umuunlad na ang Pilipinas.

Ang naunang henerasyon ay ang “Chicago school” na building sa Ayala Avenue, ang financial na distrito ng bansa. Marami sa mga gusali ay dinisenyo ni Leandro Locsin, ang National Artist para sa Architecture na gumagamit ng modernong idioma: konkretong kahon, diretsong mga linya, at sa kaso ng mga naunang building sa Ayala, walang borloloy maliban sa mga pare-parehong bintanang papasukan ng ilaw sa nagtratrabaho sa mga opisina.

Purong komersyo ang efisyenteng espasyo ng mga opisina at mismong gusali kaya hindi inaaksesorya. Pare-parehong grid, konkreto at bintana ang mga harap at tagiliran ng gusali. At dito humalaw ang unang henerasyon din ng condo sa bansa sa Ayala Avenue, tulad ng Gilarme Apartment, at ang sumunod na Pacific Plaza, Twin Towers, at Ritz Tower. Ang Pacific Plaza ay gumamit ng kurbang linya sa harap at likod, at ang Twin Towers ay hindi solidong linya ang gamit sa apat na mga kanto.

Nagpatuloy ang love affair ng arkitekto at building developer sa konkreto at salamin. Ang ikalawang henerasyon ng high-rise ay kundi man lantarang purong salamin ay mas industrialisado ang disenyo—para masiksik ang pinakamaraming bilang ng tenant sa building. Sa ikalawang henerasyon ng condo, may pagkilos rin na bumalik sa parang tahanan na disenyo, may tisa na bubong at matitingkad ang kulay ng building, tulad sa art deco na gusali sa Iloilo City at Avenida sa Manila.

May ikatlong henerasyon na ng arkitektura sa high-rise na gusali at condo. Ito ang paggamit ng salamin at bakal na hindi statiko ang dating kundi sinasabing “architecture in motion.” Hindi na malinaw na apat na kanto ang building, maari na itong maging anim o mas marami pa. Tulad sa kahenerasyon nitong condo at opisina sa Singapore, dahil sa malawakan gamit ng tinintang luntiang salamin, inaasahan na may green rin na paligid dtto para mas mapatingkad ang pagiging earth-friendly ng building o ang pagtatangka na mabalanse ang infrastruktura ng bakal at salamin sa natural na kapaligiran.

Tatlong henerasyon na ang high-rise pero kakatwa na hindi nagbabago ang ethos ng pagpapangalan sa mga condo: kung dati ay Ritz, Pacific Plaza at Twin Towers, ngayon ay hayagan pa ring western-envy ang ipinapangalan. Sa Katipunan Avenue, sa hanay ng exklusibong pamantasan ng Ateneo de Manila University at Miriam College, Burgundy at Prince David, at ang itinatayong Berkeley ng SM Realty. Sa Taft Avenue, sa erya ng De La Salle University, Transpacific Burgundy Tower, W.H. Taft Residences, at The Grand Towers.

Ang Megaworld Corporation, isa sa pinakamalaking real estate developer sa bansa, ay may condos na pinangalanang 8 Forbestown, New Port City, Bellagio III, Forbeswood Parklane, McKinley Hill Garden Villas, Morgan Suites, Stamford Executives, Park Side Villas, Manhattan Garden City, Tuscany Private Estate, Greenbelt Excelsior, Greenbelt Chancellor, Forbeswood Heights, at Presidio at Britanny Bay.

Masyadong matingkad ang pagpataw ng western at western-sounding na pangalan sa condo na maging si Donald Trump, isang bilyonaryong developer at reality TV host, ay nagbantang idedemanda ang Megaworld dahil sa balak nitong pangalanan ang isang proyekto na “Trumps.” Samakatuwid, mismong ang mga developer ang lumilikha ng kultura ng nouveau riche sa mamamayang may akses dito.

Ang nouveau riche ay pejoratibong katawagan sa mga biglang yumaman sa kanilang henerasyon. Ang target ng mall at condo development na pangunahing nagbabago ng pangkalahatang landscape ng syudad, at mga lunan na gustong makapasok sa antas ng pangako ng modernong urbanidad, ay ang walong milyong overseas contract workers (OCW).

Ito ang malawakang platoon na may substansyal na kita at savings na maaring idirekta–matapos ang sariling pagpapakaranasan sa nouveau riche na pamimili ng ginto kung lalakeng OCW sa Saudi Arabia, stuffed toys at appliances kung babaeng entertainer sa Japan, halimbawa, o mga bagay na maaring iprenda kapag nagipit—sa long-term investment.

Pero magtataka tayo, hindi ba, Banini, na bakit hindi lahat ng walong milyong OCWs ay mayroong kondo o sariling tahanan na matatawag? Sinasaad lang nito na hindi pa lubos ang akses nang mas maraming bilang ng OCWs para sa long-term investment. Na ang kita ng marami sa OCWs ay kaya lamang gastusan ang mga pang-araw-araw na pangangailangan ng kanilang pamilya, tulad ng pagkain, damit, edukasyon, at kaunting luho.

Gayunpaman, may mahahagip pa rin na ilan daang libo na makakabili ng condos. Sa Singapore, halimbawa, ang mga Filipino ay kilala bilang maramihang katulong at kakaunti pero substansyal na bilang ng kawani at management sa boom industries. Ang mga Filipinang katulong raw ang nagpapataas ng hierarkiya ng pangangatulong sa Singapore—ang sweldo ng Filipinang katulong ay doble kung ikukumpara sa Indonesian. Gayunpaman, ang pangangatulong ay mababang uri at pasweldong trabaho sa Singapore.

Samantala, ang mga nasa high-end na industriyang OCWs ay mas maraming oportunidad na umangat kundi man lumipat sa ibang bansang mag-aalok ng mas mataas na sweldo. Tunay na ito ang target market ng high-end rin na condo boom sa bansa.

Ang kinakalabasan nito ay ang dalawang uri ng nouveau riche na mentalidad, isa na mas mababa kaysa sa isa. Ang mas mababa ay ang nouveau riche na OCW na nagkakadakumahog magtrabaho at nang makapagpadala sa kanilang mahal sa buhay para sa pang-araw-araw na gastos at peryodikong luho, tulad ng Jollibee party na may kasamang video coverage nang mapanood naman ng absentee na tumustos sa gastos.

Naipapasa ng aktwal na pisikal na pagdurusa ng OCW sa ibang bansa ang karanasang makaangat ang mga mahal sa loob ng bansa. Siya na may astang nakakaangat dahil nangangatulong sa iba at hindi sa loob ng bansa ay mababa naman ang aktwal na pagtingin sa kanyang pinagtratrabahuang bansa. Nakakapag-astang maykaya, kundi man mayaman, ang kanilang kamag-anak kahit hindi sila ang aktwal na nagtrabaho para sa kitang ginagasta.

At ito ang pang-ekonomiko at pangkulturang kapangyarihang pinanghahawakan ng mga pamilya ng nakararaming OCW: umaastang maykaya sa tulong ng finansyal na suporta ng kamiyembrong OCW, umaasta rin dahil sa sarili nilang pangangatawan ay tiyak na agrabiyado sila sa marahas na pwersa ng lipunang Filipinong nagsasarado ng akses sa kanilang aktwal na pag-angat. Tunay na nakasandal sila sa pader na sinusuportahan ng pagpapakasakit ng kanilang kapamilyang OCW.

Ang ikalawa’t mas mataas na nouveau riche ay ang tunay na transnational OCW class na may kapangyarihang mobilidad, di tulad ng mas abang lagay ng nakararaming OCWs. Maari na nga silang hindi bumili ng condo dahil kaya naman nilang manatili sa ibang bansa. Ang milyones na condo kung gayon ay isa nang status symbol.

Bahagi na lamang ang condo ng lifestyle ng nouveau riche, parang isang higanteng laminadong diploma sa sala. Simbolo ito na nakarating (arrived) na ang nakabili ng condo. Gayunman, kung tunay kang kabahagi ng transnational na uri, wala naman talagang pangangailangang magkaroon ng permanenteng base, tulad ng condo, sa Pilipinas?

Tulad ng gintong alahas, stuffed toy at portable appliances na binibili ng mas mababang uri ng OCWs, ang katumbas ng mga ito sa high-end na OCW ay ang condo. Maipreprenda at benta rin kung sakaling magipit, na kaya rin pinapaniwala ang sarili na ang condo ay isang “wise investment.”

Na tunay namang magpapapilit sa akin kapag ako ay nasa lagay nila at tinanong, “Saan ka nakatira?” “Sa Berkeley,” “sa Soho” o “sa Esplanade,” na tila ito ang new world—tulad ng Nueva Caceres, Nueva Ecija at Nueva York—na maaring magsimula ang pioneer gayong sa kasalukuyang estado ng global na mundo, matingkad ang isinasaad na dito kayo nakatira dahil hindi kayo aktwal na makatira sa tunay na lumang mas maunlad na mundo.

Ang ipinapangako ng nouveau riche na kultura ay hindi aktwal na pag-angat kundi ang akses lamang sa simulacrum ng modernong mundo. Hindi nga ba’t ang unit sa kondo ay isang simulacrum na rin—walang permanenteng lupang kasama, titulo at karapatan lamang sa aktwal na unit na binili, na sa pagtanda ng building ay pagyao na rin ng karapatan ng tenant sa unit niya rito.

Ito ang ideal na kopya ng kopya ng global na modernidad. Hala, bili na ng unit!

Advertisements