Disaster, Disaster sa Paglubog ng MV Princess of the Stars, KPK Column

by rolandotolentino

imahen mula sa flickr.com/photos/41735602@N00/2608318118

flickr.com/photos/41735602@N00/2610256277

flickr.com/photos/8197160@N02/491103351/

www.lloydslist.com/…/20017548209.htm

www.pound4pound.com/MannyPacquiao.htm

Disaster, Disaster sa Paglubog ng MV Princess of the Stars

Four strikes na ang Sulpicio Lines. Ang pinakamalaking maritime disaster ay hawak nito—4,341 nasawi sa pagbangga ng MV Dona Paz at MT Vector noong 1987. Ang MV Dona Marilyn ay lumubog isang taon matapos ang naunang trahedya, at 300 ang nasawi. 150 naman ang namatay noong 1998 nang lumubog ang MV Princess of the Orient. Sa tatlong disaster, pinawalang-sala ang Sulpicio Lines.

Nitong Hunyo 22, 2008, mga 700 katao ang tinatayang nasawi o nawawala sa paglubog naman ng MV Princess of the Stars. Kahit parang crown jewels ang turing sa pagpapangalan sa mga barko, mga higanteng kabaon ang katangian at kung magkagayon, ang nagiging kinahihinatnan nito.

Kalakhan ng mga barkong pumapalaot sa dagat ng bansa ay mga refurbished na cargo at fishing vessel. Segunda mano o ukay-ukay, kaya a la chamba ang pagbili at pagtangkilik ng mga ito. At mahaba pa ang listahan ng mga lumubog na barko sa kagyat na kasalukuyan.

MV Cebu City, 1994, 140 nasawi; MV Kimelody Cristy, 1995, 31 nasawi; MV Gretchen I, 1996, 50 nasawi; SuperFerry 14, 2004, 116 nasawi; at MV Princess of the World (Sulpicio Lines din), 2005, nasunog sa dagat. Kung sa maunlad na bansa ay grinound na ang mga barko kada may aksidente hanggang di pa lubos na naiinspeksyon, sa Pilipinas ay para lang domino na isa-isang inaantay natutumba, o sa kaso nito, lumulubog ang mga barko.

Kaya patuloy ang mga gawang-tao na disaster. Patuloy dahil nasa interes ng estado (malaking negosyo at gobyero) na gawing tila natatangi ang pagsulpot ng disaster para lamang sa huli, ito ang magmukhang bida. Sa konklusyon ng “disaster management” o ang pagkakahon ng pagbulwak ng gawang-taong disaster, ang estado (ang mga Go’s at si Gloria Arroyo) ang itatanghal na bida.

Ang gawang-taong disaster ay isang aberasyon, blunder at hindi lang pagkakamali, freak of nature, at pati “God’s will,” gaya nang sinasambit ng management ng Sulpicio Lines. Hindi ordinaryo dahil hindi nga naman araw-araw na lumulubog ang barko at may daan-daang namamatay.

Gawang-tao ito dahil katambal ng pagtitipid sa gastos ang inaasam na maximisasyon ng kita ng negosyo. Kung sino man ang nakasakay na sa barko ay alam na overloading ang kalakaran. Luma na ang mga makina at fasilidad. At pikit-mata at taimtim na nagdarasal na lamang na hindi lumubog ang barko kahit pa walang super-typhoon.

Kasabwat din ang Coast Guard at iba pang ahensya ng gobyerno sa pagtangkilik sa kalakaran ng negosyo. Para hindi malugi sa isang araw na kita, at dahil nga naman signal number 1 pa lamang sa Metro Manila kahit number 2 at 3 na sa ibang bahagi ng bansa, kasama ang patungong Cebu, naglayag pa rin ang naunsyaming MV Princess.

Wala pa rin kahandaan ang gobyerno sa disaster kahit na ilang disaster na ang humahagipis rito taon-taon, at sa okasyong ito, kahit pa ilang barko na ang lumubog sa nakaraan. Maluwag ang alaala ng gobyerno dahil sa panghihikayat sa negosyo na higit pang kumita. Kaya wala itong body bags, light gears sa underwater expedition, manwal sa pag-handle ng mga patay, monitoring system, at iba ang lohistika at sistema sa disaster management.

Wala o karumaldumal na kulang dahil hindi naman ito ang prioridad ng gastusin ng gobyerno. Makitid ang pag-iisip nito na hindi handang maggayak para sa peryodikong kaganapan. At dahil na rin, pwedeng idahilan, force of nature nga kaya hindi naman lubos na nakakapaghanda sa disaster.

At nang lumubog ang barko, tulad ng hinudyat ng mother-of-all-disaster-movies na “Titanic,” mabilis ang kaganapan. Sa pagitan ng lumulubog na barko at dumadagundong na dagat, saan pupunta ang karamihan na galing sa economy class na pasahero? Kaya rin hindi kataka-taka na kalakhan ng mga nasawi ay nanatiling nasa loob ng tumaob na barko.

Na tila hindi rin hiwalay kung paano ginagawang double-dead ang mga nasawi sa post-disaster na yugto ng management: sa pagitan ng nagtuturuang ahensya ng Coast Guard at may-ari ng Sulpicio Lines na humingi ng tawad sa mga pamilya ng nasawi nang hindi pa rin binabago ang linyang kagustuhan ni Lord ang kaganapan, walang kabuhay-buhay na mahihita sa imbestigasyong may nakasulat na ending na.

Nilisan na ni Arroyo ang sityo ng disaster—bago, sa sandali ng pangyayari, at matapos ang disaster. Tumungo na ito sa U.S. para sa pilgrimahe sa papaalis na pangulo ng bansa, at sa malamang na papalit rito. At nang mabalitaan ang kaganapan, video-conferencing ang best effort ni Arroyo.

Na wala ang presidente ay hindi naman aksidental. Ito ay insidental lang naman kung paano pa rin, sa huling pagtutuos, aakdain ng estado ang management at ending na magbubura sa disaster. Sa simula ay makikisisi si Arroyo, higit sa lahat, sa management para sa nangyari. Ang best scenario, may mapapalitan na opisyal. Pero hanggang dito na lamang at maraming salamat po.

Sa paninindigan ni Arroyo, kahit pa may higit na 600 ang tukoy na nasawi sa supertyphoon na Frank, mas kailangan ang kanyang presence sa U.S. Malamang, ito na ang kanyang farewell walk at kailangan matagal ang wave sa publiko. Kakausapin ni Arroyo ang maraming opisyal at negosyante para higit pang maipindeho ang yaman ng bansa.

Una ay maamo ang mukha ni Arroyo sa video conferencing na ginanap ng madaling-araw sa Malacanang. Na ang it’s-a-fake na hitsura ay hindi nakapanghimok ng simpatya kundi dismaya sa simulated na imahen ng pakikiisa. Kaya balik sa tantrum si Arroyo, nilalait ang Coast Guard kung bakit pinayagang bumiyahe na sinisi naman ang PAGASA sa ulat nito.

Kaya walang kasalanang maiakusa sa Sulpicio Lines maliban sa pagkagahamang kumita, na hindi naman krimen kundi kalikasan ng negosyo na siya namang hinihikayat ng gobyerno para sa pagpapaganda ng kanyang pambansang ekonomiyang statistika. Paano mo isasakdal ang Sulpicio Lines sa ikaapat na pagkakataong ito?

Sa disaster management, ang mina-manage ay hindi naman ang naging epekto ng disaster kundi kung paano idi-deflect ng gobyerno ang sisi sa kanyang sarili. Ito ang tagahanap ng consensus sa representatibong kapamilya ng mga nasawi at ng may-ari ng negosyong nagbunsod ng disaster.

Kung titignan pa lamang dito, wala na ang mga nasawi sa konfigurasyon. Ang tanging ina-appease ay ang mga pamilya via ng pamilyang negosyateng may-ari ng barko. Hindi rin pwedeng chakahin ng gobyerno nang todo ang negosyante dahil baka madismaya naman ang iba pang pamilyang negosyante. Maliit lang ang bilang ng kasapi ng burgis kumprador sa bansa. Baka wala nang mag-invest.

Ang bumibida sa disaster management ay si Noli de Castro, bise presidente bilang pagkatagpo ng isang solido at lingering media moment. Si Arroyo ay virtual at surrogate na nagma-manage ng disaster. Ang long-distance teleconferencing ay pagpapadiin sa kanyang pagprioridad sa interes ng U.S. imperialismo kaysa lokal na affairs.

Kaya kawawa naman ang ibang lugar na naapektuhan ng bagyo—Iloilo, Kalibo, mga bahagi ng Mindanao—dahil ang prioridad ng gobyerno ay ang media opportunity na inaalok ng paglubog ng MV Princess. Na tulad ng nakausling bahagi nito sa ibabaw ng dagat, ang imahen ay ang labi ng isang entidad na hindi na maililibing.

O matagal nang patay? Paano ililibing ang isang nakalutang na higanteng kabaong? Paano ililibing ang mga tao sa economy class na matagal nang pinagdamutan ng mismong estadong ngayon ay pinagkakaabalahan ang paghanap sa kanila sa loob ng barko?

At sa mga bangkay na napapadpad sa pampang, ang naisip na rekurso ng lokal na pamahalaan ay ibaon ito kaagad. Mabilisang pagbubura sa mga katawang hindi katanggap-tanggap nang sila ay nabuhay, at maging sa kanilang kamatayan. Anong saklap ng buhay, hindi ba, Kuya Eddie?

Muli ang venue ng solidaridad ng pamilya ng nasawi ay ang mga dingding malapit sa opisina ng Sulpicio Lines. Sa pamamagitan ng litrato, sulat, kandila, bulaklak, at memento, lumikha sila ng memorial. Na tulad sa memorial sa labas ng isa pang trahedya, ang sunog sa Ozone Disco, ang konsolidadong imahen ng buhay ang pantapat sa imahen ng kamatayang dulot ng media.

Pero pampamilya mode ang memorial na ito. Na sa isang banda rin ay kabahagi ng sistematikong pagkakahon sa disaster bilang konsern lamang ng mga pamilya ng nasawi. Ang kanilang pagwawala sa loob at labas ng opisina, ang pagtangis at pagkahimatay ay physiological na anyo ng pagbabalikwas sa isang abstraktong sistema.

Paano lalabanan ang isang entidad na naniniwalang wala silang sala, o ang maysala nga ay si god? At ang imahen ng nagbre-breakdown na pamilya ay paukol sa mob na katangian ng masa. May potensyal na mag-mob, kaya bago dumating sa puntong ito ay kailangan nang iappease.

Ang alok ng negosyante: tig-P200,000 bawat nasawi, libreng pamasahe at hotel sa Cebu habang nag-aantay ng resulta sa paghahanap, at may allowance pa. Habang nag-aantay, naagnas na ang mga katawan, kinain na ng pating at malalaking isda ang nakalutang na bangkay, ibinaon na ang mga napapadpad sa mga isla.

Kaya ang special offer ng Sulpicio Lines ay akma sa self-preservation nito. Huwag po, Lord kahit si Lord ang sinasambit nito. Composed sumagot ang madalang magpakitang opisyales na pamilya ng negosyo. At itong composure ang naghihiwalay sa kanila sa mob mentality ng masang pamilya at ang nade-decompose na katawan ng mga nasawi.

Intact ang negosyo, maging ang gobyerno. Hanggang sa muli, sa susunod na pagputok ng bagong disaster. In the meantime, nandiyan pa ang laban ni Manny Pacquiao sa kanyang pagtatagpo sa dakilang tadhana sa kasaysayan ng boxing. Mas hindi makakahinga ang bansa sa umaga ng Linggo ng laban.

Titigil muli ang buhay ng bansa. Maluluwag ang mga kalsada sa dalawang oras ng laban. Kolektibo ang pagdanas ng inaasahan na namang pagtatagumpay ng underdog (na kahit hindi ito si Pacquiao sa pagkakataong ito, dahil siya Filipino, underdog naman parati ang turing). At pagdating ng katanghalian, lalo pang nabura ang disaster ng MV Princess.

Para na lang character si Pacquiao sa isang computer game. Handang magpagamit sa estado sa pagsalo nito sa kahinaan at kakulangang ikinikilos sa binuburang mga indibidwal na biktima ng disaster. Disaster man sa MV Princess, disaster man sa pagkapangulo ni

Arroyo wala pa ring rekurso sa hustisyang makakamit.

Walang tala na mapapaluhod. Na mismong si Arroyo, Pacquiao at ang U.S. imperialismo ay umaawit na ng nakakapanghalinang muling magpapaidlip sa bayan.

Advertisements