Queer na Politika at Selebrasyon ng UP Centennial, KPK Column

by rolandotolentino

imahen mula sa http://philmoney.blogspot.com/2008/04/100-peso-banknotes-university-of.html

homepage.mac.com/jdalisay/blog/FJ3650.html

Queer na Politika at Selebrasyon ng UP Centennial

Pageantry o magarbong spectacle ang pangunahing lagusan ng selebrasyon ng UP Centennial. Isang daan taon matapos itatag ang pangunahing unibersidad sa bansa, ang Unibersidad ng Pilipinas ay patuloy pa ring nagtatangkang ireafirma ang kanyang kontribusyon sa akademikong kagalingan at serbisyon sa bansa.

Na nagpapadiin sa tumutunghay sa selebrasyon na kakatwa ang gamit sa queer na politika na tumutukoy sa panlipunang konstruksyon ng katawan, paglaban sa sexual na normativity, at produktibong gamit sa kalabisan (excess) sa pagtatanghal ng kontraryong identidad. Sa kaso ng queer politics, lumalaban ito sa heteronormativity o ang sosyalisasyong panlipunan na sabayang nagtatakda ng pagbibigay-pribilehiyo sa heterosexualidad at nagsasantabi sa iba pang uri ng sexualidad, tulad ng bakla, lesbiana, bisexual at transexuals.

Nagbukas ang pagdiriwang sa isang parada. Magarbong fireworks ang naghudyat ng pagsisimula ng selebrasyon. Matapos ay parang de-kalibreng balang pinaputok isa-isa ang mga aktibidad: centennial lectures (gastos ay P13 milyon), tri-media projection (P12 milyon), centennial concert (P5 milyon), centennial notes (P5 milyon), centennial awards (P2 milyon), centennial literary contest (P2 milyon), audiovisual presentation (P2 milyon), history project (P1.4 milyon), coffee table book (P1.5 milyon), digital film making contest (P.7 milyon), centennial music video (P.7 milyon), centenniall address book (P.5 milyon), centennial glass plates (P5 milyon), centennial song contest (.4 milyon), centennail newletter (P.3 milyon), events poster (P.15 milyon), capital outlay projects (P5 milyon), at administrative expenses (P5 milyon).

Ang suma total ng pagdiriwang ay P147.15 milyon. Kapansin-pansin na ang selebrasyon ay nakaangkla sa paglikha ng temporal na performatibong imahen ng UP. Temporal dahil time-bound na kasalukuyang paggunita sa 100 taong kasaysayan. Marami sa proyekto ay awards sa sarili, produksyon ng panitikan at kasaysayang sentenaryo na nagdadamba sa inaakalang ideal ng UP.

Performatibo rin ito dahil itinatanghal sa concert, literatura at awit ang paggunita. Kakatwa rin na kitsch ang maraming pinopondohan ng selebrasyon: plato, address book, coffee table book, music video at iba pa. At dahil ang bulto ng selebrasyon ay isinasagawa sa isang takdang panahon (ang taon ng sentenaryo), tunay na kalabisan na itong paggunita.

Naglipana sa flagship campus sa Diliman ang paalaala ng sentenaryo. Hindi ito makakaligtaan. Mula sa “UP@100” sa Quezon Hall, sa sandamakmak na tarpaulin na nagkalat mula bukana ng Oval hanggang sa bawat pagbati at anunsyo ay nakaangkla sa selebrasyon ng UP Centennial. Bakit ganito na lamang ang diin na ipaalaala ang sentenaryo?

Ano ang gustong ipaalaala ng UP sa kanyang sarili sa ka-OA-yan ng paggunita? Kung akademikong kagalingan, bakit walang substansyal na proyektong pang-akademiko maaring mabiyayaan ang mga fakulti at mag-aaral? Bakit hindi nadagdagan ang scholarship para sa mag-aaral o egalitaryong pag-angat ng kalagayan ng fakulti conducive para sa kagalingan? Kung ito ay serbisyo sa bansa, bakit puro paggunita sa nakaraan, hindi sa hinaharap?

Na matapos ihinto ang proyektong volunterismo ng Pahinungod, ano pa nga ba ang tunay na serbisyo ng UP sa bansa? Na marami sa kanyang nagsipagtapos ay naging presidente, at sinundad ng landslide ng mga skandalo ng panungurakot bilang presidente, tulad ng kasalukuyang nakaluklok? O naging kabinete na nagpatupad ng higit pang liberalisasyon ng ekonomiya para sa serbisyo ng dayuhang negosyo?

Hindi kaya dahil may kontra-produktibong substansyal na kontribusyon din ang UP sa pagtalikdan sa interes ng sambayanan na maramihan nitong gunigunita ang posibilidad at hindi ng realidad? Na ang ipinagdiriwang, sa isang banda, ay ang mga bagay na nagawa, kahit pa limitado at hindi maximisado sa potensyal ng kanyang papel sa sambayanan. Na matapos nga naman ng 100 taon at bilyon-bilyong resources na in-invest dito ay mayroon naman talaga itong magagawa.

Pero hindi pa rin lubos sa klase ng pagkaunlad ng UP at sa pagmaniobra nito ng higitan pang neoliberalisasyon ng edukasyon sa kolehiyo. Magtataas lang ng matrikula, 300 porsyento pa ang laki? Kokomersyalisahin lang ang lupa nito, call center pa ang itinatayo sa Commonwealth Avenue? Na walo lamang sa 2,500 bagong freshies ngayon schoolyear ang may full scholarship? Na magpapaaproba lang ng bagong Charter, korporatisasyon ang tinungo?

Sa kabilang banda, ang hindi sinasabi ng pagdiriwang ay ang hindi rin nagawa ng UP. At dahil malawakan, malaliman at malakihan pa ang hindi nagagawa ng pangunahing unibersidad ng bansa, labis-labis ang pagdamdana sa (limitadong) nagawa na nito. At kung gayon, ang kalabisan ay nakabatay rin sa pagtatakip ng adminstrasyon sa mga hindi nagawa ng UP.

Kung sa queer na politika, kinikilala ang kakayahan ng indibidwal at sektor na magsiwalat ng kontra-heteronormativity na praxis, ang queer na politika sa UP Centennial ay may normatibong kalakaran. Hindi kontraryo, kundi pagtapik sa sariling balikat ang isinasaalang-alang ng pagdiriwang.

Pagbubuhat sa sariling bangko. Hindi rin kalabisan kung sasabihing arrogance ito ng UP na itanghal ang sarili, sa pagkaaproba ng bagong charter nito sa sentenaryong taon, bilang kaisa-isang “national university.” Na parang ito lang ang may pambansang saklaw na unibersidad at may direktang akses sa gawaing pambansa (nation-building).

Pero gaya na rin ng pagsusuri hinggil sa bagong charter, ang pagiging national university ay mas ugma sa itinatakdang pribatisadong gawain ng UP—bilang magnet ng kita mula sa lupain at ari-arian nito, kasama ng dunong ng kanyang fakulti at estudyante. Sa katunayan, ang presidente ng UP ang kinikilala nang chief executive officer, tulad sa pribado at gobyernong korporasyon.

At sa kauna-unahang pagkakataon, ang sweldo ng presidente ng UP ay maaring lampasan pa nga sa kita ng presidente ng mga higanteng korporasyon. Hindi ba ito panibagong anyo ng kalabisan? Ang kapansin-pansin sa maniobrang tulad nito, kasama ang selebrasyon sa UP Centennial, ay ipakita ang bagong artifice ng UP.

Ang artifice na ito ay walang ugnay sa legacy ng Oblation, ang simbolo ng UP, na ang panawagan sa miyembro ng komunidad ay tumamasa ng biyaya ng kaalaman at karunungan. Na nagsisilbi ang UP sa sinuman at anumang nagpapatibay ng ugnay sa sambayanan.

Para na rin itong artifice ng transgender at transexual na bading. Alam nating bading ito, gaya nang ipinagsisigawan ng kapamaraan ng konstruksyon ng kanyang katawan, bilang pag-aninag sa kanyang pagkatao na kontraryong nilalang sa heterosexualidad. Hindi siya umaasang hindi mapapansin ito, parating may nakausling hibla maging sa pinakamagandang bading, na magpapanatili na ito ay nahulma sa lalakeng biolohikal na pagkatao.

Ang ginagawa ng selebrasyon ng UP Centennial ay normalisasyon ng di na nito ginagawa—ang abdikasyon maging sa mismong aktibistang kasaysayan na nagbago ng karakter ng UP at higher learning simula pa 1960s. Iginagayak ang bonggang kaganyakan ng selebrasyon sa kulang sa bonggang imaterialisasyon ng hindi nito nagawa.

Binobongga para itago ang hindi nagawa. At ang hindi na gagawin. Bongga, di ba? Malinaw sa termino ng sentenaryong pangulo ng UP, si Emerlinda Roman, ang neoliberal turn na isinasagawa ng kanyang administrasyon. Market-driven ang mga programa at rekurso sa paghahanap ng dagdag na pondo.

Ipininta ni Roman ang kanyang sarili sa kanto ng kwarto. At buong giliw naman itong nilalasap ang view mula sa kanto. Tunay ngang may sariling republika ang UP na nakahiwalay sa sambayanan. At gaya ng karanasan sa panonood ng sine, itinatanghal nang maraming nakapaloob sa institusyon (kaiba sa komunidad) ang voluntaryong pakikibaybay sa direksyong tinatahak. Pangako ng mas mataas na sweldo, mas magandang fasilidad, mas mabangong banyo (kung pwede pa nga, tulad ng aircon at marmol na banyo sa De La Salle University), mas mataas na karangalan ang inaasam-asam.

Pero ang kwento ng mga pangako ay napapako. Dagdag na naman sa di magagawa kahit mismong administrasyon ni Roman. Ang rekurso ng susunod na administrasyon ng post-sentenaryo ay higit pang paigtingin ang predikamento ng market. At kung magpakaganito, maging ang Oblation ay maari na ring ibenta. Kung hindi pa nga ito nagagawa.

Ang UP Centennial ay nagbibigay-diin sa branding ng UP. Ang branding ay isang naratibong kayang bumenta nang higit sa aktwal na halaga. Ang Mercedes Benz ay luxury car. Ang Coke ay the real thing. Just do it ang Nike. Love ko ito ang McDonald. Langhap sarap ang Jollibee. Kaya nga willing tayong magbayad nang lampas sa aktwal na halaga dahil napapaniwala tayo sa inilalakong kwento ng mga produkto.

Pinagkakakitaan ng UP Centennial ang nakaraan nito, lalo pa ang aktibistang karanasan substansyal ang ambag sa transformasyong historikal at panlipunan. “Social consciousness” ang pangunahing bentahe kung bakit ang UP ay UP. Kung ito ay “man for others” sa Ateneo University, ang sinisimbolong paglilingkod sa sambayanan ang niche market ng UP graduate.

Kaya naiiba ang substansya ng katawan ng UP graduate na inilalako ngayon ng UP sa bayan, kundi man sa call center nito sa Commonwealth Avenue. Ang panlipunang kamalayan—ang mulat at nakakapagmulat, ang exemplar ng pinakatampok na liberal na edukasyon sa bansa—ang kinaiba ng UP.

Kaya ang Oblation ay tulad na lang ng imahen ni Che Guevarra sa text-generation na nagsusuot nito dahil hip at cool, mukhang rock star, at rock star ang dating nang may t-shirt. Wala nang orihinaryong kahulugan na sinasambit ito. Binura na ng neoliberalismo ng business adminstration at economics na kamalayan at management practice ng administrasyon.

Pero nabebenta ang Oblation: sandamakmak ang t-shirt sa shopping center na may imahen nito, nasa coffee mugs, nabibili rin bilang skulturang tropeo, at kabahagi nga ng lahat ng anunsyong may kinalaman o wala sa UP Centennial. Wala lang, parang dapat naroon kahit wala rito o roon ang winala na nitong kahulugan.

Pomp at pageantry ang inaakda na bisyon ng administrasyon sa UP Centennial. Pinapakita ang naratibo ng edukasyon UP bilang natatangi sa bansa. At nang sa gayon ay higit pang kumita. Ito ang inaakala ng administrasyon. At ang trahedya nito, pinagkakakitaan nito ang nakaraang pamana ng 100 taon na pinagsimulan ng kolonyal na edukasyon at ang transformasyon nito sa pagiging social commentator ng bansa.

Ang radikal na kasaysayan ay kinakaligtaan sa kasalukuyang selebrasyon kahit pa ang radikal na kasaysayan ay isang tampok na defining moment ng UP. Kung isinasalang man, dahil hindi na maitatwa ang historikal: Diliman Commune, ang mga namundok, ang mga naging martir, ang paglahok sa EDSA 2, at ang kasalukuyang partisipasyon sa pagpapatalsik kay Arroyo.

Aksesorya na lamang ang aktibismo, tulad ng Oblation. Nandiyan at hindi naman maaring tanggalin. At kung nandiyan, bakit hindi na lang din pagkakitaan. Nang dinisenyo ang Quezon Hall bilang lagusan mula sa panorama ng University Avenue, in-imagine ito bilang transparent na strukturang pagtatagusan ng sinumang mapadaan sa kanyang poder.

Pero sa nagaganap na selebrasyon at sa bigwas ng implementasyon ng neoliberalismo ni Roman, marami nang itinatago. Naalaala ko para sa isang klase sa Kulturang Popular na gusto kong iakyat ang mga estudyante sa balkonahe para matunghayan nila ang pakiwari ng transparency ng kapangyarihan ay pinagbawalan kaming gawin ito.

Wala naman memo na iniharap. Bawal daw, sabi ng gwardiya. Na hindi ko maintindihan dahil mismong ang liberal na pamantasan ay kumitid na ang kalakaran. Mismong ang akses sa akademikong kagalingan at transparency ng pamumuno ay binura na. Ano ang itinira?

Hindi koinsidental na ang pomp at pageantry ay nakabatay sa image-building. Pagkatapos ng Kodak moment ng mga paputok at 100 hubad na lalake sa Oblation Run, ano ang labi? Higit pang imahen, tulad ng digi film, photo at MTV competitions at coffee table book na tiyak nating hindi natin mabibili at kung gayon ay hindi matatagpuan sa ating mga sala.

Isang daan hubad na lalake, nakamaskara at dinidirektang maglakad sa UP Oval tungo sa Quezon Hall ang naganap noong Hunyo 18. Inagaw ang eksena raw sa pagdiriwang ng UP Centennial. Paano aagawin ang isang imahen kundi ng isang mas malaking imahen.

Ito o/at patuloy na aktibismong pilit na ibinabaon sa pagdambana ng ofisyal na kasaysayan. Sa huling paghuhusga, ang cornerstone ng UP ay kung paano ito tunay na nakakapaglingkod sa sambayanan.

Maligayang kaarawan, Oble at sa mga skolar-guro-kawani ng bayan!


Advertisements