Kabilang sa mga naiwanan, Pasintabi Column

by rolandotolentino

imahen mula sa flickr.com/photos/41017710@N00/2551689235/

flickr.com/photos/bikoy/2552508964/

flickr.com/photos/bikoy/2552508964/

Kabilang sa mga naiwanan

May ilang araw nang depressed si Narlo (hindi niya tunay na pangalan). Nakita ko siya sa parangal para sa mga inang Nanay Linda at Connie, dalawang taon matapos dukutin ang kanilang mga anak sa Bulacan.

Nang magwakas ang programa ay binulong niya sa akin na ikalawang taon din nang i-abduct ang kanyang nanay at tatay. At bigla akong napatanga dahil bakit wala siya kanaig sa okasyong ito?

Matapos ay nabalitaan ko na lamang na sa opisina ay mabilis itong magalit sa kahit anong bagay. Nang ilang beses itong aluking kumain, at ilang beses din itong tumanggi, bumulalas ang galit, “Bakit? Sapilitan na ba ang pagkain ngayon?”

Sa isang kwartong nasisinagan ng araw sa hapon, nakatulog pa rin ito. Ayaw na nga raw lumabas ito ng bahay. Gusto na lamang matulog nang matulog.

Naalaala ko rin nang may panahong nagkaproblema ako sa trabaho, ang naging gawi ko ay matulog. Ayaw kong magising dahil bumabalik ang problema. At kahit magising ako, kay daling kumbinsihin ang katawan na muling matulog.

Naimbita ako sa surprise birthday party para kay Narlo. Maaga akong dumating dahil akala ko ay sabay-sabay namin siyang sosorpresahin. Ako ang nasorpresa nang paisa-isang dumating ang mga kaopisina ni Narlo.

Na balak ko na sanang magsungit at iwan ang dalang cake, pero magaan namang kausap ang kanyang mga kaopisina. Nasimulan nang pingasan ang puto sa bilaong dala ng isa pang Nanay.

Siya man ay excited dumalo. Dinala pa ang kanyang anak at apo. Ang kanyang dinukot na anak ay kaarawan din sa araw na iyon. Kasama ng isa pang kaopisina, tatlo silang nagdiriwang ng kaarawan sa linggong iyon.

Nagsalang pa lamang ng uling para ihawin ang tilapia ay nagsimula nang magkaraoke ang ilan. Umiyak na ang Nanay. Kahit ano ang kantahin niya ay nagpapaalaala sa kanyang nawawalang anak.

Dumating si Narlo, kasama ang kanyang kasambahay. Kunwari ay pinakisuyo lang silang magdadala ng pansit para sa nawawalang anak ni Nanay. Ayaw pa nga raw sumama, ayon sa naunang text ng kasambahay. Pero napapayag din ito.

Isa-isa ring nagdatingan ang pagkain. Piniritong tokwa, pasta na may dalawang sauce, gulay, at piniritong manipis na isda. Kahit hindi magkakaterno ay masarap na rin ang lahat dahil gutom at dahil nga nagkasama-sama.

Tulad ng lahat ng karaoke, nauwi sa kantyawan at proteksyunan ng mga awitin. Sa mga awiting “Dancing Queen” ng ABBA, “I Will Survive” ni Gloria Gaynor, pati na ang “Buchikik” ni Yoyoy Villame, may dobleng kahulugan ang bawat awitin.

Kung sa Plaza del Mayo sa Chile ay nagsasayaw na nakapikit at mag-isa ang mga ina ng desaparasido, bitbit ang larawan ng kanilang nawawalang mahal sa buhay, dito sa atin, dinadaan sa pang-araw-araw na gawi sa buhay ang pagproseso sa pagkawala at pag-aantay, ng pag-aasam at paghawak sa pag-asa.

Nakapunta na rin ako sa buwanang aktibidad ng grupo sa Peace Bell sa Quezon

Memorial Circle. Doon ay parang gripo ang buhos ng mga luha. Malikhain ang mga kwento, awit, pelikula at sabayang pagtula. Mabigat ang pasanin sa pag-uwi. Pero nananatiling may pangako.

Sa Sabadong gabi nang mga kaarawan, wala at nandoon ang mga magulang, anak, kaibigan ng mga nawawala, at mga kaopisinang kaniig nila. At sa isang saglit, kundi man sa pinaghalong mga pagkain, ng beer at ice cream, karaoke at sayaw, walang umiyak sa lungkot.

Sa isang saglit, nakangiti si Narlo. Hanggang sa pag-uwi ay malakas ang mga kantyawan sa pamamaalam. At tila may lamig na bumalot sa kanya-kanyang biyahe. Silang natitira, di nakakalimot.

Advertisements