Paglalakad sa Commonwealth Avenue, KPK Column

by rolandotolentino

imahen mula sa www.habitat-supplies.biz/contactus.html

www.moveinthecity.com/…/condominiums/?pg=5

www.newsflash.org/2004/02/hl/hl107220.htm

www.pcij.org/blog/?p=1855

lesliebocobo.blogspot.com/

www.daylife.com/photo/0c3S8tIgED7go

Paglalakad sa Commonwealth Avenue

Commonwealth ang pangunahing kalsada sa Quezon City. Tinatayang ang pinakamaraming bilang ng behikular na trafiko ay nandito, lampas pa sa EDSA. At dahil magpakaganito, at sa kawalan ng sistema ng elevated predestrian walks, ito rin ang death highway sa dami ng nasasagasaan araw-araw.

Kakaiba ang pangalang “Commonwealth.” Tunay na legacy ng Amerikanong kolonialismo—nagpapahiwatig ng pag-aaruga sa kolonya ng kanyang amo. Sa mas malaking kabuuan, ang urban planning ng Quezon City bilang kaisa-isang planned city sa bansa ay hango rin sa naunang kolonialismong ito.

Dito dapat itatalaga ang pambansang sibikong sentro ng bansa. Nauna nang naglipatan dito ang NAPOCOR, BIR, Central Bank Printery, at mga spesialisadong hospital (“bopis” nga ang tawag sa Heart, Lung at Kidney Centers).

Kaya rin sa imahinasyon ng naunang city planners, representasyon ng bansa ang pinangarap na kapitolyo. East, West at North Avenues ang pangunahing bumabagtas palabas sa Commonwealth. Nagtataka tuloy ako kung saan sa orihinal na plano ang South Avenue?

Nandito rin sa laylayan ng Commonwealth ang Mindanao at Visayas Avenue. Natunton ko ang Luzon Avenue makalampas ng Tandang Sora. Makipot at tinitirhan ng maralitang tagalunsod ito, kumpara sa dalawang kalsada. Ang naudlot na “Republic Avenue” ay nasa gilid ng tirahan ko sa Mapayapa III.

Baroque city plan ang ininbisyon sa Quezon City. Ang mga maliliit na kalsada ay tutungo sa malalaking kalsada. Ang malalaking kalsada ay tutungo sa pangunahing kalsada ng Commonwealth. At ang Commonwealth ay magpapadaloy sa sentro ng grabidad ng syudad, ang Quezon Memorial Circle.

Kaya traffic prone ang lugar dahil nga hindi simpleng grid system ang disenyo. Sa grid system, kahon ang bloke at dire-diretso ang mga kalsada. Hindi parang sapot ng gagamba, tulad sa baroque planning.

Sa panahon raw ni Bonifacio, mahalaga ang lugar dahil ito ay isang sentro ng aktibidad ng rebolusyon. Sa panahon ng Hapon, ang kasalukuyang pinaglalagyan ng UP ay naging kampo. Sa postwar, naging golf course ang bungad ng campus.

Mura ang karatig-lugar, na sa sweldo raw ng professor sa UP ay makakabili ka ng lote sa karatig-village ng UP, Teacher’s at Sikatuna. Ngayon ay natatadtad na ang mga higanteng lote sa mga bagong-tayong townhouse na milyones ang halaga. Bagamat ang banggit ng mga nag-canvass ay kalahati pa rin ang presyo sa mas kalayuang Congressional Road.

Maging si Gloria Arroyo ay sinasabi raw na ang asawa niya ang dating nagmamay-ari ng lote ng UP. Ang naging silbi ng Quezon City ay low-cost housing (mga Project 2, 3, 4, 6, 7 at 8). At kaya rin nagkakandabuhol-buhol ang mga trafiko at mismong kalsada ay nang maging komersyal area na ang low-cost housing, lumipat sa laylayan ng mga sentro ng syudad ang maralitang tagalunsod.

Bahagi kasi ng low-cost housing ang postwar na plano para sa Manila. Nilalayon maging malapit lamang ang trabaho sa mga pabrika at opisina sa tirahan. At ngayon na nga, wala sa rubric ng relokasyon ang ginagawang demolisyon ng MMDA (Metro Manila Development Authority) dahil tunay na itinatapon lang naman ang squatter sa napakalayong relocation site, kung maililipat man.

Ang nagbunsad ng pag-unlad ng Quezon City ay ang retail shopping. Una sa Cubao na pinagtayuan ng spectatorial leisure (labas sa sabungan) ng Araneta Coliseum. Dito rin naitayo ang unang mall sa bansa, ang Ali Mall na ipinangalan sa world-boxing champion, Muhammed Ali.

Tapos ay ang paghawan ng talahib at komunidad ng maralitang tagalunsod ng ShoeMart North Edsa, na sa kasalukuyang pag-unlad ay kasama na sa sampung pinakamalaking mall sa Asia.

Ang Quezon City ang tinawag ng City Hall na ICT (information communication technology) capital ng bansa. At ito na nga ang tunguhin ng redevelopment ng mayor ng syudad, Sonny Belmonte, ng pagtalaga ng isang malinaw na business district.

Ang centerpiece ng redelopment ay Commonwealth Avenue. Ang mga natitirang bakanteng lote ng UP sa Commonwealth, kasama ng iba pang malalaking lote sa civic center, pati ang mga lote sa magkabilang kalsada ay nilalayon matayuan ng mga bagong building.

Ang impetus ng city development ay call center na negosyo. Pinamunuan ito ng UP na may lima nang call center building sa loteng inupahan ng Ayala Corporation. Nagtayo na rin ng mga gusali ang Convergys sa may St. Peter’s Church (na tunay namang replica ng nasa Roma), at Sykes malapit sa bukana ng EDSA.

Ang pangunahing kliyente sa Commonwealth Avenue ay hindi naman gitnang uri na nakakapagtrabaho sa call center, o mababang gitnang uri na mga empleyado ng pamahalaan. Ang mga negosyong itinatatag sa Commonwealth ay pangmaralitang taga-lunsod.

Ang flagship na negosyo sa kahabaan ng Commonwealth ay ang Ever Gotesco, isang mall chain para sa C-D-E o nakakababang market. Tunay namang jologs ang pantrato sa mallers nito. Mahigpit ang inspeksyon ng guards, mahina ang aircon, sira ang escalators, mahina ang ilaw, at walang bakanteng espasyo dahil sa dami ng pwestong pinagsisiksikan.

At siempre, napakabatayang brands lamang ang matatagpuan sa supermarket. Nang gusto kong bumili ng low-fat milk sa karton, iisa ang ganitong klase sa shelf. Walang virgin coconut oil. Wala ring malalaking oatmeal.

Ito ang front stage area ng Commonwealth. Sa malapit sa tagiliran ay mga gitna at mataas na uri ng village. Nagsisiksikan ang mga masusungit na village na hindi bukas sa publikong trafiko. Pati sa tagiliran ng Ever Gotesco ay nagtangkang magpaka-high-end. May strip mall na mas mamahalin ang establisyimento kaysa sa loob ng mall.

Ang backstage ay ang higit na nagsisiksikang komunidad ng maralitang tagalunsod. Hindi nga ba’t ang Quezon City ang may pinakamalaking populasyon sa Metro Manila? At ito ang bulto ng kanyang populasyon.

Gayong ang mga serbisyong itinatayo ay hindi naman lubos para sa mayorya ng populasyon. Pinakamabibilis ang sasakyan sa kalsadang ito sa labas ng expressway. Saksi ako sa isang tumatakbong pedestriano na pagkatapos makalampas sa akin at dalawa pang kotse sa hanay ay hindi na sinuwerte.

Nakita ko na lamang sa tagiliran ng aking mata na tumilapon na ito sa ere. Hindi para sa tao ang kalsada. Kahit pa nga wala namang sistematikong lokasyon ng elevated pedestrian walk.

Tunay na nagsisiksikan, tulad sa Luzon Avenue na ginawa ko dating pang-iwas sa trafiko sa Commonwealth. Halos abot-kamay na ang mga paninda sa palengke. Parang lahat ng naglalakad sa kalsada (wala naman talagang sidewalk) ay masasagi ng sasakyan.

At ang ganito ang binubura ng MMDA at City Hall sa mismong Commonwealth. Matapos ng matagal na panahon, nawala na rin ang talipapa sa kanto ng mismong Luzon at Commonwealth. Sistematiko ba naman huliin at idemolisa ang mga pwesto, at buhusan ng gaas ang paninda?

May higanteng tarpaulin sa kahabaan ng Commonwealth. Anunsyo nang higit pang pagpapalapad ng kalsada. Nalagyan na ng bicycle at walking lanes ang sidewalks sa may UP, gayong wala pa akong nakikita na may gumagamit na nito.

Ang mga tarpaulin ay may mukha ng tila mag-asawang politiko na nagpapalapad din ng papel sa mga dumadaan sa Commonwealth. Nandoon ang close-up nina Arroyo at ni Bayani Fernando—ang arkitektura ng urban renewal sa maliit na sulok na ito ng bansa.

May Starbucks sa Convergys. May pink at blue na elevated pedestrian walk sa St. Peter’s. May U-turn slot para sa lugar na hindi naman kilala bago dumating ng Ever Gotesco na nagpapakurba ng direksyon ng pagmaneho sa kalsada.

May seksyon na nakakurdon para paradahan ng sasakyang publiko gayong, tulad ng U-turn slots, parating may marka ng malakihang bangga. Kailangan ring maging maingat magmaneho ang mga driver sa Commonwealth. May sariling buhay itong bagong mini-infrastruktura ng pag-unlad at disiplina.

Sa kahabaan ng Commonwealth ang likuan para sa Batasan Pambansa. At sa kanto ng likuang ito ang Centennial Building ng Sandiganbayan. Makalampas ang Commission on Audit. At makalampas dito, sari-saring establisyimento.

Pinakatampok rito ang Commonwealth Market na buhay pa rin ang talipapa sa mismong kalsada. Pakanan muli sa Montalban at Rizal, at maging sa Payatas na may mga kalsadang tadtad ng kabalintunaan—Lupang Pangako, at kung maalaala ko nang tama, Bagong Herusalem.

Papalayo, ang malapit sa amin na Fairview Mall na isa ring paraiso ng jologs. Kasama sa eryang ito ang 24/7 na McDonald’s at Jollibee bilang huling 24/7 na establisyimento sa bukana ng Philcoa at kalagitnaan ng Philcoa.

Pagkatapos ay ang mga bakanteng subdivision na pang-maykaya. Dati itong talahiban at kilala bilang tambakan ng salvaged victims. Ngayon ay dito ako bumibili ng halaman sa dami ng nagsipaglipatang negosyong ganito.

Ang dulo ng Commonwealth ay SM Fairview na tila naging bookend sa kabilang dulo sa EDSA, ang SM North. Na tunay namang I-love-SM mode dahil ito ay isa nang planadong mass rail transit line na pribatisadong inalok ng sosyohan nina Henry Sy, may-ari ng SM, sa gobyerno.

Serbisyo sa pribadong mamamayan ang alok ng kahabaan ng Commonwealth. Pagawaan ng sasakyan, talyer, eskwelahan, pagawaan ng palo-tsinang gamit sa bahay, repair shops, simbahan, palengke, mall strip, travel agent, call center, at iba pa. Ang nawawala ay ang serbisyong publiko ng pamahalaan.

Mahabang patlang din mula sa Quezon City Hall hanggang Sandiganbayan at Kongreso. Pinangupahan na ang pagdudulot ng serbisyo sa mga maliliit at higanteng pribadong negosyo.

At ito ang pang-uring tunggalian sa pang-araw-araw na buhay sa Commonwealth Avenue. Namamatay ang tumatawid sa kalsadang mamamayan. Katatarik ng elevated pedestrian walk para sa may edad at maysakit. Nababangga ang mga may kotseng nagmamadaling makapasok sa opisina at makauwi.

Binubura ang lahat ng bahay at maliliit na negosyo ilang metro mula sa kalsada. Pinalalaki ang kalsada para mas mabilis ang padaloy, lalo na ng pribadong sasakyan. Inaabot ng siyam-siyam ang mga nagtra-tricycle para makauwi sa makikipot at nagsisikipang kalsada sa looban.

Inaabot din ng siyam-siyam ang mga pribadong sasakyan sa pagdaan sa limpak-limpak na humps ng mga pribadong village. Tunay na marahas ang buhay sa Commonwealth. Umaabot sa pang-araw-araw na pagdesisyon kung pipiliin bang mabuhay o mamatay.

Ang pinakamalaking spectacle ng pang-uring tunggalian ay ang taunang nangyayari sa Commonwealth. Dadaan ang kongresista, foreign dignitaries at negosyante sa Commonwealth bago makarating at makinig sa mamumukadkad na kwento ng naabot na langit at bituin ni Arroyo sa kanyang State of the Nation Address (SONA).

At sa labas nito, sa mismong sityo ng pang-araw-araw na pang-uring tunggalian, malamang sa harap ng Ever Gotesco, St. Peter, at Convergys, ang anti-Arroyo na SONA ng kilusang mamamayan. Umaraw o umulan, nirerehistro ang protesta sa “kwentong kutsero” (ay, anti-kutsero ito!) ni Arroyo.

Kung iisipin, hindi ba’t ang bawat kalsada—Mendiola, Ayala at iba pa—ay lunan ng kaganapan ng pang-uring tunggalian? Kung gayon, ang bawat kanto, looban at kalsada ay kailangang maitransforma lampas sa lunan ng pang-araw-araw na pagdanas ng tungalian.

Politikal ang transformasyon hanggang ang mga kalsada, kasama ng espasyo ng kanayunan at kabundukan, ay maging espasyo ng panlipunang protesta. Na hindi na lamang ang mga ito ay kinagisnang sityo ng pamumuhay sa kontradiksyon, kundi aktibong pagprotesta laban sa mapanupil na kontradiksyon ng estado sa kabilang banda, at ng nakikibakang mamamayan sa kabilang banda.

Kanino pumapanig ang mga kalsada at lunan? Maglakad sa Hulyo 28 nang malaman.

Advertisements