Jologifikasyon, KPK Column

by rolandotolentino

imahen mula sa mutatedisaw.multiply.com/journal/item/176

Jologifikasyon

Signs of the times. Lahat ay gustong maghubad para sa Blackout fashion show ng Bench, ang “fashion event of the year.” At sino naman itong nag-aaya sa atin na gumamit ng Colgate na parang hirap sa ingles, kontodo sing-along pa sa mga imahen ng young love, sweet love?

Sa Nestea naman, hinihikayat tayo ng liga ng mga Carmen Miranda na matrona na bumili ng tig-sasampung pisong sachet, kontodo production number sa kalye? Sa isang cellphone na pangmahirap, may moral lesson sa maysakit na manggagawa na tumawid ng ilog at umakyat ng bundok para lamang magsabi sa kanyang bisor na hindi siya makakapasok.

Si Gretchen Barreto na partner ni Tonyboy Conjuangco ay nagpakatotoo na sa kanyang uri at showbiz na origin. Parati na lang sumasabog ang mga moral na skandalo kahit pa sa dami ng alahas at damit na sinusuot nito.

Si Borgy Manotoc ay nakikipag-ombagan. Ang Filipinong bading na alta-sosyedad ay inaakusahang tinabla pa ang Australianong may AIDS na partner nito ng halagang US$70,000. Sa pagtitipid ng Ayalang may-ari ng Trinoma Mall, ilang subkontraktwal na manggagawa ang nahulog at namatay sa pinipintahang dingding dahil wala silang harness.

Pejoratibo ang salitang”jologs.” Kung gitnang uri ka, maiirita ka dahil sinasabi na hindi ka nararapat sa inaakala mong “I-belong” na pwesto. Di lamang mababang uri kundi nakakatakot na uri ng kababaan.

Sa isang banda, may panganib (threat) na dala ang jologs sa gitnang uri. Sinasabi ng jologs na hindi stable ang panlipunang posisyon ng gitnang uri. Na parati silang maaring dumulas pababa para makwestyun ang kanilang gitnang uring pangarap.

Sa kabilang banda, ang gitnang uring pangarap ang siyang pinapangarap ng parehong gitnang uri at jologs. Ang sa jologs nga lamang ay mabilisan, at taliwas sa gitnang uring panuntunan na kailangang paghirapan, kailangang kitain, kailangang moral.

Hindi parating moral ang jologs. Sino ang matutuwang manakawan ng pinaghirapang mamahaling cellphone at notebook computer? Nang magtanong ako sa isang klase kung ilan na sa kanila ang nanakawan ng cellphone, lahat kami ay nagtaas ng kamay.

Temporal at intermittent lamang ang posisyon ng gitnang uri sa bansa. Limitado ang kanilang bilang. Tinatayang may 30 porsyento lamang ang gitnang uri sa malakihang mahihirap at limitadong maykaya. Dumagsa lamang ang isang matinding krisis—pagkakasakit, aksidente, repair sa bahay o sasakyan, sabayang pag-enrol ng maraming anak—nababalaho na ang ekonomiyang lagay.

Ang jologs naman ay combo meal ng lumpen proletaryado (mga latak ng lipunan dahil nababayaran kundi man nagkukusa para sa mga iligal na aktibidad) at aktwal na anakpawis na nabili na ng gitnang uring panuntunan kahit pa hindi kaya ng kanilang materyal na kondisyon.

Sa pelikulang “Tirador” (Dante Brillante, 2007), ang komunidad ng lumpen proletaryado ang tinahi sa naratibo ng pagkalugmok sa matinding kahirapan sa syudad. May bungal na ang raket ay mag-shoplift, at nang kumita ay nagpagawa ng pustiso para lamang mahulog sa lababo at humahagulgol na nililimas sa mabahong imburnal.

Ang anak ng snatcher nang mamatay ang ama, ang ginawa sa unang buhos ng abuloy ay isugal sa kalye. Ang isang snatcher na ama, ang kinita ay ipinambili ng shabu imbes na gatas ng kanyang sanggol. Ang mga snatcher, sa partihan ay dinudugasan ang kapwa.

Sa buod pa lamang, walang may gustong magkaroon ng ganitong identidad, mapabilang sa ganitong komunidad. Ang masamang balita ay may walong taon na tayong isinadlak ni Gloria Arroyo sa jologs na predikamento.

Ginawang lubhang makitid ang akses sa mobilidad, na sa huli ang inaanunsyong pag-unlad ay ramdam na lamang nang matagal ng nakakaramdam nito. Habang ang nakararaming maralita at gitnang uri ay nagmimistulang isdang naghihikahos makahinga sa lumiliit at umiinit na sapa.

Sa gitnang uri, ayon na rin sa summa cum laude ng Unibersidad ng Pilipinas sa commencement speech nito, hindi na opsyon mangibang-bayan. Ang pagpipilian na lamang ay ang literal na pangingibang-bayan, tulad ng kapalaran ng overseas contract workers, o virtual na pangingibang-bayan, tulad ng call center agent sa loob ng bansa.

Sa jologs, ang ipinang-iiba ay hindi bayan kundi kapalarang pang-uri. Ibig sabihin, ang instantaneous na kalakaran sa panlipunang mobilidad—snatching, drug dealing, pangdedehado ng kapwa, shoplifting—ay ang kapamaraan para maging kaiba ang jologs para sa pang-estadong panuntunan na maging gitnang uring mamamayan.

Pero itong kapamaraan ng jologs ay mistulang nang kapamaraan ng mga uri sa bansa. Sa rehimen ni Arroyo, pinakamatindi ang bigwas ng neoliberalismo ng deregulasyon sa gasolina, at free-trade na nagdulot ng kapabayaan sa seguridad sa pagkain, lalo na ang bigas, pati na rin ang napakataas na VAT na 12 porsyento ng halaga sa bawat bilihin.

Lahat nang karanasang ito kay Arroyo, sa pangunahin, ay across-the-board. Lahat—mayaman at mahirap, lalake at babae, may trabaho at wala, taga-syudad at taga-probinsya—ay apektado sa pagbaba ng matagal nang mababang kalidad ng buhay.

Pero bakit walang nagbabalikwas?

Ang epektibong nagawa ni Arroyo ay ang turingan ang panlipunang buhay, sa pangunahin at sa simula’t sapul, bilang pang-ekonomikong larangan. Lahat ng desisyon ng gobyerno, negosyo, institusyong edukasyon, media at relihiyon, ay nakabatay sa cost-benefit analysis—ang pinakamurang halaga ng gastos para sa pinakamalaking balik ng kita.

Kaya sa huli, ang epekto nito ay ilagay rin sa indibidwal na mamamayan ang kalakarang magsikap, magpursigi at pagbutihin ang kanyang abang lagay. Nailipat na ng estado ni Arroyo ang responsibilidad mula sa gobyernong sarado sa benefisyo at karapatan—P125 across-the-board increase sa minimum na sahod o P3,000 sa buwanang sahod, kasama ng pagtigil sa abduction at political killings—tungo sa limitadong probisyon ng social commitment ng negosyo—sirang laruan sa toy Christmas drive ng Jollibee, lumang libro sa book drive ng ShoeMart, pagtulong sa nasalanta ng bagyo ng ABS-CBN at GMA Foundations.

At matapos nitong limitadong probisyon ng negosyo, wala nang mapapala ang mamamayan. Ang serbisyo publiko ng gobyerno ay nagmistulang charity work na lamang. Imbes na sistematikong tugunan ang problema sa kalusugan, ang pagdulog ng milyon-milyong maysakit ay sa pamamagitan ng pondo ng congressman, Presidente at ng hawak nitong PCSO (Philippine Charity Sweepstakes Office).

Na pati ang mga nasa kilusang masa at progresibong indibidwal ay nahihikayat na ring lumahok sa charity work na ito. Nagagamit na rin sila para sa operasyonalisasyon nang higit pang jologifikasyon ng kanilang dating ibinabakang uri. Na ang pangunahing proyekto nito ay di lamang pagandahin si Arroyo, hindi gawin itong naabot na tao, kundi gawin itong epektibong presidente sa inepektibong panahon.

Parating ganito ang retorika ng management ng krisis ni Arroyo. Sound ang kanyang mga polisiya, kaya nga hindi raw tayo kasing apektado ng pandaigdigang krisis. Pero walang respite sa pagtaas ng presyo ng gasolina o temporaryong pagtanggal ng VAT nito na tunay na makakapagpabawas ng presyo.

At ang resulta ng survey na nagsasaad na pinaka-unpopular si Arroyo, kasama ng pinakamarami ang nagugutom sa kanyang pagkapangulo (14.5 milyon), di raw matanggap ng mga tao ang masasakit na desisyong kailangang gawin ng Presidente. Para raw sa ikabubuti ng lahat at ikalalakas ng ekonomiya.

Sa Hello, Garci scandal ni Arroyo, humingi ito ng paumanhin, “error in judgment” ang idinahilan. Hindi siya ang nagkamali, kundi ang isang insidente ng pag-iisip at pagkilos. At kung gayon, isolated case. Nanghingi naman ng sorry, bakit hindi patatawarin?

Kung gayon, perfekto pala si Arroyo. Ang di-perfektong pandaigdigang lagay ng langis, bigas, kapital, service industries, finance market, at iba pa ang may salarin kung bakit naghihirap ang nakararami.

Kung bakit ang lahat ay napapakapit sa patalim (na isa namang humanisasyon ng jologs: hindi ang jologs na tao ang may problema, kundi ang marahas na lipunan ang salarin). Ang panahong global at kung paano naapektuhan ang lokal na panahon ang nagdudulot ng pasakit sa mamamayan.

Mahirap sabihing niloloko ni Arroyo ang kanyang sarili dahil mas hibang ang mamamayang hindi nagbabalikwas. Sino ang mas malaking baliw? Ang hibang na pangulo o ang mas hibang na mamamayang kaorkestradong sumasayaw sa kahibangang tugtog ng pangulo?

Sa posisyong panlipunan ng docile na mamamayan, siya man ay nagpapasya batay sa neoliberal na panuntunan. Ano ba ang mapapala niya sa rally at politikal na pagkilos? Ano ba ang mababago nito sa kagyat na ikakaginhawa niya? At dahil nga wala, hindi siya lalahok.

Ang kanyang aatupagin ay ang mga aktibidad na tila may mabilis na balik kahit nga hindi, mabilis napakinabang kahit nga mas ikalulugmok niya ito, mabilis na kabig kahit mas malakas ang dagok. Ang resulta, nirereafirma niya ang saklaw ng rasyonalisasyon ng pagka-pangulo.

Hindi siya ang may problema kundi ang abstraktong paligid, kahit pa siya ang materyal na entidad na nakakaranas ng pagdarahop at karahasan. Na sa kanyang ekonomikong pagsusuri, mas isusugal niya ang kanyang kinabukasan kay Arroyo kaysa sa nakikibakang bayan.

Dalawa ang rekurso ng nakikibakang bayan. Una, paglahok sa arena ng taktikal na ekonomiyang pakikibaka para sa higit pang benefisyo sa mamamayan at sa politikal na pagpapalawak ng hanay. Ang welgang pampaaralan ay dapat makapagdulot ng ekonomikong relief sa pagtaas ng matrikula at iba pang gastusin.

Ang lab fees na binabayaran ay dapat para sa gamit sa labrotoryo. Hindi dapat ipinapasok ang singil sa kuryente, pagbili ng aircon at pagpinta ng dingding sa lab fees. Wala dapat singil para sa hindi labrotoryong kurso. Kaya nga nagbabayad ng tuition fee ay para masakop ang gastos ng slide at LCD projectors, computer at iba pang batayang gamit.

Ikalawa, pagpapalawak ng “menu of services” ng kilusang masa para mahagip ang progresibong sentimiento at matransforma ito sa politikal na protesta. Kung human chain ang magdudulot ng suporta ng administrasyong Katoliko sa paaralan, maaring gawin ito. Kung sa komunidad ay pagkalampag sa walang lamang kaldero, maari rin ito.

Kung volunterismo ang kailangan sa komunidad para malinis ang estero at basura, maari rin ito, tulad ng pagbigay ng relief sa mga nasalanta ng bagyo. Pati na rin ang maagap na pag-take on ng kaso ng mga biktima ng disaster, tulad ng libo-libong pamilya ng mga namatay sa paglubog ng MV Princess of the Stars.

Ang mahalaga sa dalawang opsyon ay ang gamit nito sa politikal na transformasyon. Sa kagyat na kahilingan, ito ay ang pagpapahina kay Arroyo, hanggang sa pagpapatalsik sa kanya. Sa pangmatagalan, ang pagpapaunlad ng egalitaryong estado ng mamamayan.

Ayaw nating maging jologs pero ito na ang karumal-dumal na nagawa sa atin ng rehimeng Arroyo. Lumilingon ang marami sa atin sa kaliwa’t kanan at nag-iisip kung paano makakalamang sa kapwa gayong ang pambansang pangulo na sukdulang nakakalamang sa lahat ay hindi napapansin.

Sa politikal na transformasyon, si Arroyo ay hindi na abstraksyon kundi aktwalisasyon ng estadong karahasan at ang posibilidad din ng egalitaryong kinabukasan.

Advertisements