Pagkahibang sa post-sona, ex-sona, Pasintabi Column, Pinoyweeklyonline

by rolandotolentino

imahen mula sa arkibongbayan.com

Pagkahibang sa post-sona, ex-sona

Binasa ko ang state of the nation address ni Gloria Arroyo (SONA) at para itong pelikula. Kung hindi ko inawat ang aking sarili, parang ang ganda nga talaga ng kanyang naipatupad.

Malalamon ang sinumang nagbabasa dahil sa makinang na datos at papuri sa sarili. Wala ang monotonong boses, ang deadpan na mukha, ang pagiging fashion victim.

Sa papel, seryoso siya sa pagkapangulo. Fantastiko ang naipatupad. Lampas sa dalawang milyong hektarya ang naipamahagi sa land reform at ancestral domain claim. Pinakamura ang NFA rice sa Asia. Pinababa niya sa kalahati ang texting, 50 sentimos na lamang. 65 milyong Filipino na ang may health insurance.

Sa aking guni-guning nagtampisaw sa kanyang pamamantasya, gusto ko siyang yakapin. At matapos ng isang segundo, gusto ko siyang bulyawan ng mga mura, at “sinungaling ka!”

Pero inisip ko, hindi sinungaling si Arroyo. Ang pagsisinungaling ay isang pagkakataon lang, hindi kanyang kabuuang termino. Hindi rin pathological liar ito o ipinanganak na sinungaling. Hindi sana siya naluklok sa EDSA 2 ng sambayanan kung sa simula’t sapul ay sinungaling na ito.

Kaya ang aking konklusyon ay kahibangan ito. Megalomia o delusion na fantasya ng kapangyarihan, yaman at henyo, tulad nina Marcos, pero without the edifice. Ang mga Marcos kasi ay sinabayan ng mararangyang bakod at gusali ang pagtatakip sa malawakang kahirapan at pambubusabos sa karapatan.

Si Arroyo ay “simpleng mega.” Hindi megastar, kundi megalomaniac. Ayaw ni Ate Shawie (Sharon Cuneta) niyan. Isang manyakis na ang turing sa sarili ay anak ng diyos. Kaya tulad ng sex maniac, may taliwas na entitlement na mang-abuso ng mahihina at kayang abusuhin.
Ang pangunahing pagtatangkang infrastruktural ni Arroyo ay ang mga kalsada at RORO. Sina Marcos ay ang mga edifice, tulad ng Cultural Center of the Philippines complex at ang monumento ng Apo sa Naguilian Highway sa Baguio. Si Arroyo ay pragmatiko—Macapagal Highway, Subic-Clark Expressway, airport at sea ports.

Na ang tanging lohika ay higit pang maipatagos ang bawat sentro at laylayan ng bansa sa dayuhang kapital. Na tulad ng mikropono sa buong panggabing shift ng call center agent, nakakapang-udyok mapaniwala na nandoon na tayo kahit wala pa, na mabuti ang lagay kahit hindi naman.

Na makakatulong kahit wala namang iniaalok, si Arroyo ay nagbubuga ng mainit na hangin mula sa kanyang malaking ego. Hangin ang loob at labas ng wafer ng ampaw. At ito ang batayan ng pagkahibang ni Arroyo.

Puro hangin ang lumalabas sa bibig. At sa batayang antas ng buhay, wala itong katotohanan. Ramdam ang kahirapan. Naghihikahos ang ordinaryong buhay. Walang kabutihang naidulot ang pagkapangulo ni Arroyo.

Ganito ang “lohika” ng pagkahibang. Kailangang kumbinsihin ang sarili (ang katawan at isip ng hibang) na totoo ang kanyang sinasabi. Kaya walang katapusan ang pagsisinungaling dahil paano mo papaniwalain ang sarili sa mga batayang kasinungalingan, maliban sa katotohan ng pagiging hibang?

At dahil nagdarahop ang kabuuang lagay ng maraming mamamayan, ano ang mas higit nilang paniniwalaan? Na mas lalo silang magdarahop, o kakapit sila sa hanging lumalabas sa bibig ng baliw?

Napapaniwala ang marami dahil hindi sila ang mas malaking baliw—mga baliw na naniniwala sa pangulong baliw. Napapaniwala sila dahil may hawak na kapangyarihang politikal ang pangulong baliw. Malupit ang hagupit ng latigong sabay lumalatay at sumasakal sa mamamayan.

Pero ang sumpa ng kahibangan ng pangulo ay lahat ng sabihin ay post- (natapos na) o ex- (nakalipas na) sa akto pa lamang ng pagsisinungaling nito. Kaya sa nakikinig sa kanya, tune out na kaagad sa baliw.

Walang masasabi ito na mapapaniwala pa ang nakikibakang mamamayan.