Bawal ang mahirap dito, Bulatlat Column

by rolandotolentino

Bawal ang mahirap dito

Graffiti ito sa may harap na bakod ng Faculty Center sa U.P. Ang kumpletong sinulat sa itim na tinta ay “Bawal ang mahirap dito. Mahal ang tuition!” Tamang-tama ang pagkasulat dahil sa panahon ng UPCAT, ang entrance exam sa U.P.

Malaman ang sinasaad ng slogan na ito. Hindi na pangmahirap ang U.P. Na kahit makapasa sila ay hindi naman nila kakayanin ang tuition fee. P300/unit ang pinakamaliit; P1,500/unit ang pinakamalaki. Hindi pa kasama rito ang buhawi ng “other fees,” na halos lahat ng kurso, kahit hindi siyensa at teknolohiya, ay may kaakibat na lab fee.

Kapag sinabing bawal, may sinasabing relasyon na may nagbabawal at may pinagbabawalan. Ang nagbabawal ay ang administrasyon ng U.P. na talamak, lampas pa sa mga pinakamahal na pribadong pamantasan, na nagpapatupad ng neoliberalismo sa edukasyon. Lahat ng bagay, kahit walang kinalaman sa investment, ay pinagbabatayan sa computable na cost-benefit analysis.

Kaya kahit na kontra-rasyonalisasyon (bakit mayroon nito sa loob ng isang pamantasan?) at kontra-liberal arts (may kritikal na kakayahan ba ang trabaho rito?) ang pagtatayo ng sandamakmak na call center buildings sa Commonwealth Avenue, kineri pa rin ito ng administrasyon sa pagnanais na makalikom ng P100 milyon kada taon mula sa Ayala Corporation na umupa nito.

Ang pinagbabawalan ay ang mga may kawalan ng titulong makapag-aral sa U.P. Ito ang mahihirap. Na doble paghihiwalay sa mahihirap sa kampus. Una, ang pagtrato sa mahihirap na walang entitlement sa tertiary education mula sa bagong-silang na “national university” na U.P. Pinapapasan sa kanila ang mataas na halaga ng edukasyon, kasama ang mataas na halaga ng pagtira sa kampus sa mga taga-probinsya.

Ikalawa, ang pagtrato sa mahihirap na wala ring entitlement kung sakaling nakapaloob na sila sa U.P., pati ang mga nakatira sa kampus. Kakaiba ang U.P. dahil mayroon itong komunidad sa loob ng kampus. Sa pagbabago ng ruta ng C-5, ang Palaris na tinitirhan ng maraming bilang ng empleyado, guro at retirado ay mawawala na.

Militante kung magbantay ang SSB, ang militia ng administrasyon, sa mga tao, lalo na sa Academic Oval. May curfew na raw sa loob nito. At pati mga guro ay pinagbabawalan nang tumambay sa lagoon at Sunken Garden lampas alas-dyes ng gabi.

“Ligtas” ang pakiramdam sa kampus dahil nga wala nang tao sa loob nito, matapos ng alas-dyes. Para itong “kapayapaan ng sementeryo” na bibanggit tungkol sa isang fasistang rehimen. Wala nang pumapalag dahil nga lahat ay pinatay na. Ligtas at mapayapa ang kapaligiran dahil ipinagbabawal ang mismong tao rito.

Ang isinasaad din ng slogan ay afiliasyon ng U.P. sa estado. Na tulad ng ipinagbabawal ng estado, walang politikal na karapatan ang walang ekonomiyang lagay na mamamayan. Maliban sa dole-out ni Gloria Arroyo ng P500 sa gumagastos ng murang kuryente o pabigas sa mahihirap pero perfect attendance na mag-aaral, walang sustenidong safety net at disenyo para sa mahihirap.

Tulad ng estado, kanya-kanyang paghahanap ng salbasyon sa U.P. Walang inilatag na safety net dahil mas matimbang ang gastos kaysa sa aktwal na benefisyo nito sa unibersidad. At ang turing nga sa mahihirap ay gagastusan pa, kung sakaling makapasok. Kaya bago sila makapasok, mainam nang magkaroon ng pagpupulisya sa ranggo nito.

Bukid sa slogan na ito, nakapinta rin ang “Tutulan TOFI” (tuition and other fee increases) sa bakod ng Faculty Center, maging sa signboards mula sa Philcoa. Sa College of Law na may tarpaulin sa harap nito ng “100% College of Law,” pinalitan ito ng “1000 TOFI.”

Ang graffiti, siempre, sa punto-de-bista ng administrasyon ay vandalismo o pagyurak sa pribadong pag-aari ng pamantasan. Pero sa walang rekurso sa ofisyal na lagusan ng media, ang graffiti ang media ng paglalahad ng naisantabi. Ang graffiti ay anti-estabilisimento, anti-awtoridad at anti-rehimentasyon.

Kaya tinataguriang vulgar, bastos at pedestriano sa isang banda, at napaka-politikal, hindi angkop na aksyon sa kabilang banda. May reclaiming na ginagawa ang gumagawa ng graffiti, re-claiming dahil hindi naman siya ang lehitimong may-ari nito sa simula pa lamang. Inaako lamang niya na kanya ang isang bagay na ipinagkakait sa kanya.

Kung ganito, pinagsanib ang mob at politikal na mentalidad na sa unang usapin ay ikinawing din naman sa masa. Walang distinksyon ang politisado at hindi politisadong masa. Ang vandalismo—kasama ang pagsulat sa dingding at pinto ng CR (comfort room), maging sa mesa ng mag-aaral—ay ang rekurso ng naisantabi sa mapanupil na kolektibong lagay.

Kaya rin parating sa laylayan ng poder ng kapangyarihan ang mga graffiti. Sa mesa ng mag-aaral, sa banyo, sa nakakubling dingding, sa madilim na lugar, at iba pa. Na ang trespassing na sabjek na nagva-vandalize ay isa naman talagang nang trespassing na nilalang bago pa man siya mag-vandalize. Sa figura ng aktibista o naetsapwera, matagal na silang nasa laylayan.

Lilikha ng hysterical panic ang administrasyon. Tulad na lamang ng reaksyon ng maraming senior na guro sa pagtapon ng putik at itlog kay General Hermogenes Esperon nang ito ay lumabas sa pinagsalitaang kwarto. Biglang naging Mr. Decorum at Ms. Moral Values ang maraming guro.

Na mapapaisip ka kung sino ang kanilang prinoprotektahan? Bakit sila ang parang tinapunan ng putik at itlog? Bakit may transference ng sama ng loob ni Esperon sa mga gurong umako nito? Hindi kaya sina Mr. and Ms. Moral Universe ay Ms. Chu-chu (sipsip) rin pala?

Ang identifikasyon sa nang-aapi bilang inaapi ay kabahagi ng rasyonalisasyon ng naghaharing uri. May nakitang “kawalan” o minus points sa politikal na pagkilos, na maling kinonekta pa sa kilusan. Ani ng isa, “Iyan ba ang gusto ninyong mamuno sa atin kung magtagumpay na?”

At mas matimbang itong kawalan para ang i-indict ay ang kumikilos para sa karapatang pantao. Mas lugi ang U.P. o ang imahen nito sa ginawa ng ilang progresibo. Kaya may usapan pang ipapa-expel raw ang mga ito, kailangan daw mag-sorry dahil inilagay sa hiya ang unibersidad.

Dalawa lang naman talaga ang reaksyon sa graffiti. Una ay ang total na indictment nito mula sa aktwal at representatibo ng naghaharing uri. Masama ito dahil hindi na itinuturing na sagrado ang pribadong pag-aari. Ano ang mararamdaman mo kung nakawin ang iyong cellphone o i-scratch ang iyong kotse?

Ikalawa, mula sa aktwal at representatibo ng mga inaaping mga sektor, ang amusement sa batayang lebel dahil mayroong kontra-rasyonalisasyong isinasaad ang graffiti. Pagbabalikwas ang pangunahing tema nito. At pati na rin ang inter-aktibong katangian ng graffiti.

Sa mesa sa klasrum, kapag nauupo ako habang may estudyanteng nag-uulat, binabasa ko ang mga graffiti. May sagutan pa ukol sa mga isyung hindi lubos na tinatalakay sa unibersidad. Itong kahoy na desk at kongkretong pader ang nagiging rekurso para mabigkas ang kolektibong hinanaing, at kolektibo rin itong mabasa.

Sumusulat ang isang tao ng graffiti dahil naetsapwera siya. At ang tangi niyang makakausap ay ang desk at pader. Pero siya na nagsusulat ay hindi nag-iisa. Nagsusulat siya, may media at espasyo siyang pampubliko. Ang kanyang lagay ay may kaakibat na kolektibong dumadanas din nito. Kaya ang mambabasa at tumutunghay sa graffiti ay may kolektibong posisyon na pinanggalingan. Kaya gets niya kaagad ang sinasabi ng graffiti.

Ang nagustuhan ko sa slogan na “Bawal ang mahihirap” ay ang pagsapol nito sa kasalukuyang pagdanas sa neoliberalismo ng imperialismo. Na imbis na isulat ay “Imperialismo ibagsak,” ang pagtuon ng pansin sa bawal ay pagtukoy sa kolektibong agam-agam at aspirasyon.

Aspirasyon na makapasok ang maraming mahihirap na pumasa sa UPCAT; agam-agam na nakabatay sa moral panic na paano naman “ako” kung makakapasok ang ibang mahihirap? Ang ginagawa ng slogan ay itawag-pansin sa pagbubura ng U.P. sa mahihirap bilang lehitimong kasapi ng pamayanan nito.

Pero sa kabilang banda, kailangan din ng U.P. ang mahihirap bilang paratihang kaiba (other) sa kanyang itinataguyod na gitnang uring subhetibismo. Kung walang jologs, walang pangangailangan sa SSB at iba pang para-militar na aktibidad sa kampus. Kung walang mahihirap, paano magiging exklusibo ang karanasan sa Chocolate Kiss at Cordi Café?

Sa maliit na uniberso ng U.P., kailangan ang pagmimintina sa presence ng mahihirap para maitaguyod ang kalakarang neoliberalismo. Kung walang squatter sa campus, walang dahilan kung bakit hindi mamaximisa ang idle properties para sa sarili nitong interes. Sino ang tunay na dapat makinabang sa mga ari-arian ng U.P.?

Kung walang mahihirap na estudyante, walang patagong kabalitaktakan ang mayayamang estudyante. Sa huli, ang ipinagbabawal ay hindi rin lang mahihirap na tao, kundi ang karanasan sa kahirapan. At ito ang fantasy-ideal ng U.P., na magmukha siyang global university.

Kaya ang kontexto ng pagsulat ay tiyak na makakapagpagalit sa administrasyon na nagpapapinta ng mga lumang buildings sa academic oval. Biro mo, kapipinta pa lang ay vina-vandalize na ng graffiti! Ang pagtingin na pribadong pag-aari ang bagong-pintang bakod ang tampok na rasyonal ng administrasyon.

At dahil ang rasyonalisasyon ay pribadong pag-aari ang bakod, hindi na rin ito nahihiwalay na pagturing na pribadong pag-aari ang U.P. Ang vina-vandalize ay ang U.P. mismo, at ang bagong representasyon na ito ay pribadong pag-aari ng administrasyong humahawak nito.

Sa pamamagitan ng graffiti, pinaluluwag, kahit sa isang maliit na lunan sa isang maliit na panahon (hanggang sa mapintahan muli ang bakod), ang paghawak ng administrasyon. Maging ang rasyonalisasyon nitong sumasakal sa maraming nakapasok at nagigiit ng kanilang pang-uring entitlement ditto.

Sa isang sandali, pati ang administrasyon ay kailangang iutos na burahin ang matagal na nilang minamaniobrang mabura—dobleng erasure kumbaga: ang akto ng pag-gatekeep nila laban sa mahihirap, at ang akto ng pagbura nila ng graffiti na tumatawag pansin dito. Hanggang sa iba pang sandali na muling susulpot ang graffiti sa ibang panahon at espasyo.

Advertisements