Isang Linggo ng umaga, dalawang buhay sa pakikibaka, Pinoy Weekly Online Column

by rolandotolentino

imahen mula sa flickr.com/photos/33919362@N00/35783513

www.geocities.com/pi_sigma/files/debate_tour.htm

www.visayandailystar.com/…/30/index.htm

Isang Linggo ng umaga, dalawang buhay sa pakikibaka

Tempting ang alok ni Trina. Nag-aya itong pumunta ng Tagaytay, kasama ng kanyang mga kaklaseng Singaporean. Siya ang bahala sa sasakyan. Sabado ng tanghali ay nag-aya naman si Judy, dalawang aktibidad kinabukasan.

Sabado ng gabi nang magdesisyon akong sumama kay Judy. Tinext ko si Trina, nagpaumanhin. Medyo nahuli ako ng gising ng Linggo kaya nagmamadaling nag-amusalan at naligo. Hilo ako kapag Linggo ng umaga. Sanay ang katawan na humihilata hanggang sa mataas na ang araw. Tutal Linggo naman, araw ng pahinga.

Alas-nuwebe medya nang makarating kami sa Bantayog ng Mga Bayani sa kanto ng Quezon Avenue at EDSA. Gusto ko ang lugar na ito. Mataimtim ang nakahilerang punong nagsilakihahan na, at ang bakanteng lote ng damo na sinasarhan ng itim na marmol. Ito ang memorial ng mga martir ng martial law.

May korona na ng bulaklak sa gitna ng memorial. Ika-110 taong kaarawan ni Lorenzo “Ka Tanny” Tanada. Kilala siya bilang “grand old man of Philippine politics” gayong mas kilala siya bilang isang pangunahing figura sa parliamento ng lansangan.

Sa auditorium na may 72 upuan ang formal na parangal ng Bayan. Ipinaliwanag ng taga-Bantayog ang bilang ng silya, katugma sa taong idineklara ang martial law na ayon rito, ang “darkest days of Philippine history.” Naisip ko ang kasalukuyang lagay ng political killings at abduction, pero hanggang thought-balloon lang ito.

Naalaala ko rin ang aking moment kay Ka Tanny. Sa isang pagtitipon noong nasa La Salle pa ako, pinarangalan si Ka Pepe Diokno sa dating Philippine Plaza Hotel. Tapos na ang seremonya at ipinakilala ako ng presidente ng unibersidad kay Ka Tanny. Tinanong ako ng matanda kung ako raw ba ay student leader. Nag-nervous laughter ang presidente.

Nang maging associate editor ako ng aming yearbook, itinulak namin na ialay ang dokumento ng aming batch sa dalawang pangunahing La Sallistang makabayan. Kami naman ang henerasyon na lumabas na martial law babies at grumadweyt sa People Power.

Sa audiovisual presentation sa parangal, marami ang namugto ang mga mata sa tapang ng matanda, kahit naka-wheelchair, na maguna sa protesta laban sa Batasan Election ni Marcos, pati laban sa Bataan Nuclear Power Plant, at pandaraya ni Marcos sa snap polls. Ang shining moment ni Ka Tanny ay ang pagkilala ng kanyang anak na senador Bobby Tanada bilang aninong gumabay sa anti-bases ng U.S.

Matanda pero may pinagkatandaan. Nandoon siya sa kanyang anak, at apo na si Erin Tanada, kasabayan kong lumaki bilang martial law baby. Pati sa mga apo sa tuhod at talampakan ni Ka Tanny. Nandoon siya sa mga aktibistang kabilang sa henerasyon ng anti-Marcos, at ngayon ay anti-Gloria.

Dumiretso kami sa City Jail para dalawin si Randy Echanis, opisyal ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas at ngayon ay kinasuhan ng krimen ng pulis.. Siksikan ang bilangguan. Old Bilibid ito at nandoon pa rin ang lumang dormitoryo. Mas lalong naging luma, siksikan sa 4,500 na bilanggo.

Sa gitna ng walang sawang karaoke at bilis ng kilos ng mga taong kumakain sa canteen ng dorm ni Ka Randy, naisingit ang mga kwento niya sa kanyang pagkaaresto sa Negros, paglipad sa Cebu, at pagtapon sa City Jail. Kilala si Ka Randy sa kulungan. May paggalang sa kanyang pagiging detinidong politikal.

Unang pagkakataon kong nakilala si Ka Randy, di tulad ng mga kasama kong may mahaba nang kasaysayan ng pagkilos kasama siya. Mainit ang pagtanggap niya sa akin at sa aming grupo. Nahiya nga kami at tanging pananghalian, dalawang libro, at baryang ipamumudmod niya sa kapwa naka-detain ang nadala namin.

May ilang ulit nang naaresto si Ka Randy. Pero kahit magkagayon, may lungkot sa kanyang mukha. Sumagi ang alaala kay Ka Crispin Beltran na minsan ding nadalaw sa Heart Center. Makwento kahit malungkot ang sirkumstansya ng pagkukuwentuhan, pero may tapang. May tuwa na nakita ang luma at bagong kasamahan.

At nang si Lisa ang nagkaroon ng pagkakataong umawit, pinili nito ang “Pangarap na Bituin.” Ilang sulok ng upa, may kubling nalulumbay/Mga sanay sa isang kahig, isang tukang pamumuhay/Isang lingon sa langit, nais magbagong-buhay/Sa ating mga palad nakasalalay ang ating bukas.

“May meaning pala ang kanta!” nakangiting suma ni Ka Randy. Nang magpaalam na kami sa kanya, inihatid niya kami sa bukana ng pasukan ng bisita. Tinapik ko siya sa balikat, mariin ang kamay niya sa amin. Nang medyo magkalayo na kami, tinaas ko ang aking kamay para magpaalam. Nakita ko siyang nagtaas-kamao, at pati ako ay napataas-kamao na rin.

Ganito ang tahimik na unawaan sa hanay ng kasama. Na kahit nakakulong o nasa labas, kahit dumadagundong ang mga boses na nakikipaghabulan sa karaoke at kay init ng biyahe pauwi, may mga sinasabi ang eksaktong sandali.

Tinuldukan ng pagyao ni Ka Tanny ang anti-diktaduryang pakikibaka. Naging abstraksyon para sa maraming nanamlay ang sumunod na anti-estadong pakikibaka. At ang mga tulad ni Ka Randy, na kahit nakakulong, ang buhay na diwa ng pang-uring pakikibaka na ito.

Advertisements