Sinsilyong Ekonomiya sa City Jail, Bulatlat Column

by rolandotolentino

imahen mula sa flickr.com/photos/tednmiki/2272022653/

www.daylife.com/photo/07xv3CccMY4KK

Sinsilyong Ekonomiya sa City Jail

Ang bilin sa amin: huwag magpasok ng cellphone, huwag magdamit ng dilaw at kahel (ang mga kulay ng nasa loob), konsebatibo ring manumit, at higit sa lahat, magdala ng maraming barya. Parang mga alituntunin sa simbahan. Pero hindi ordinaryong lugar ang pupuntahan namin.

Sa City Jail kami, nasa sentro ng downtown pero sa loob ng halos di mapapansing eskinita. Bukana kaagad ng City Jail ang magkakahiwalay na pila para sa lalake, babae at may bata. Sa harap ng pila, ang mga tindahan na nag-aalok ng serbisyo. Sampung piso para mag-iwan ng cellphone. Dalawampung piso para umarkila ng t-shirt, dahil may nagkamali nga sa kasama naming magsuot ng dilaw na t-shirt.

Tigtatlong malalaking tatak ang inilagay ng rubberstamp sa aming magkabilang pulso at loob ng bisig. Ingatan daw hindi matanggal dahil mahirap ang paliwanagan para makaalis. Matapos ay pila naman para makapkapan ng matutulis na bagay at cellphone nga. Mas mabilis makapasok ang pila ng lalake kaysa sa mga babae dahil ang huli ang may dala ng pagkain at gamit ng detenido. Mas matagal ang pag-inspeksyon sa gamit na ito.

May receiving area sa pagpasok ng City Jail. Dito naghahalo ang mga detenido at gwardya. May pila na naman sa terrace ng isang bungalow malapit sa bukana ng pader na magtutuloy sa mga dormitoryo. Magpaparehistro para sa kung saang dahilan. Pumila at pumirma kami ng isa kong kasama kahit hindi alam ang eksaktong dahilan.

Biglang naglaho ang kasama kong pumirma, nauna nang pumasok. Inantay ko ang iba pa naming kasama. At bago kami makumpleto, biglang kasama na ng pumasok ang dahilan ng aming pagdalaw, ang bibisitahing detinidong politikal. Ibinalita na lamang ng pumasok na nang may magtanong kung kanino siya dumadalaw, at sinabi nga niya, kaagad siyang idinirekta sa tao, kapalit ng P20.

Sa bukana pa lamang ng mga dormitoryo, marami na ang nagpaparinig kung mayroon kaming barya. Pero parating may pasakalye ng pagtulong—pagdirekta sa tamang selda at dormitoryo, pagbigay ng tama kundi man makakatulong na informasyon, pagtukoy sa angkop na mapapagtanungan, at iba pa. Madikit ang mga detenido sa di ko mawari, na lalo kong ikinapraning.

Nang makumpleto ang aming grupo ay lumagak na kami sa maikling paglalakad patungo sa kanyang dormitoryo. Marami ang nakatingin kahit pa marami rin naman ang mga bisita, kasama ang di mabibilang na bata at musmos na naglalaro. Para lamang kaming nasa mga eskinita ng komunidad ng maralitang tagalunsod.

Sa canteen kami dumiretso. Ito ang ikalawang palapag ng idinikit na struktura sa isang dormitoryo. Ang silong ay ang receiving area sa dormitoryo. Ang sentrong item dito ay ang collection box. Sa canteen ay dalawa lamang ang tampok na bahagi: ang walang patlang na pag-awit sa karaoke, at ang pagkain sa salaming estante.

Tinanaw namin ang kabuuan ng City Jail. Ang gitna ay ang basketball court na pinalilibutan ng nag-uumapaw na baradong estero. Kaya habang nagba-basketball ang batang lalake, natatagpuan nila ang sarili na nagtatampisaw ang naligaw na bola sa mababaw pero maitim na tubig. Maraming bata ang nangangadulas sa apaw ng estero. Dito rin direktang binabagsak ng maraming dumudura ng plema at bara sa lalamunan.

Habang nakatanaw ang ilan sa amin, nagsimula na ang informal na pagbati, kwentuhan, at pag-aabot ng pasalubong, kasama ang kanya-kanyang pagbigay ng barya. Parang offering. Matutuklasan namin kung bakit napakahalaga ng sinsilyo sa City Jail.

Marami ang walang dalaw kaya walang pantulong sa kalakarang pang-uri at ekonomiya ng City Jail. Sila ang nagtitiyaga sa pagkaing halos hindi makakain. Ang budget para sa isang detenido ay P35 bawat araw, na sa hitsura ng pagkain at kondisyon ng preso ay hindi nakakasapat. “Oras ng rancho” ang katawagan sa oras ng pagkain, dahil parang bakang kinukural ang mga detenidong nag-aantay ng rasyon.

Bawat serbisyo sa labas ng ofisyal na turing sa City Jail ay may kaakibat na halaga. Ang pagkain sa canteen ay may presyong mas mahal pa sa mga cafeteria sa U.P. Mas mahal ang sigarilyo, at mga bagay na mabibili sa mga sari-sari store sa loob ng City Jail.

Ang City Jail ay ginawa para sa 1,000 detenido. Sa pagdalaw namin, ang banggit ay 4,500 ang bilang ng detenido rito. Bawat dormitoryo ay mayroong magkabilaang “condominium” sa pader, mga unit na maayos, by City Jail standards, pero mukhang miniature na barungbarong sa komunidad ng maralitang tagalunsod. Limang libo ang bayad rito, at may lingguhan pang renta.

Ang hindi makakabayad ay natutulog sa sahig. At dahil ang daanan ay ginagamit sa araw, walang matutulugan para sa nakararami kapag di pa oras ng pagtulog. Nasa ilalim ng condominium ang mga saping pantulog ng mas nakararaming preso sa dormitoryo. May isang tv at electric fan sa dormitoryo. At dahil nakakapagluto rin ang mga detenido, lalo na para muling timplahin ang walang lasang rasyon, marami sa kahoy sa kisame ay nabawasan na. Direkta ang yero sa dormitoryo, kaya rin pugon ang pakiramdam sa loob nito. Hindi rin nakakapagtaka kung bakit mabilis ang epidemiko ng pigsa at iba pang nakakahawang sakit.

May ilang bakanteng condominium na may naka-tape na papel na parang “Kausapin si Sarge” ang nakatalaga. May bayad din ang hiwalay na rasyon ng tubig pampaligo. Kundi ay kailangang makisabay sa paliligo at paggamit sa toilet ng daan-daan pang kasama sa takdang oras at sa rasyon ng pangkalahatang tubig.

Ang mga walang pansagip sa sarili, natatagpuan gumagawa ng pinakamababang uri ng trabaho sa City Jail. Sila ang tagalinis ng banyo at iba pang gawain na handa naman silang akuin kapalit ng baryang sweldo. Sila rin ang madaling madikit at malamang, magawang bataan, ng higit na may kaya.

Mula sa poder ng canteen sa ikalawang palapag, matatagpuan na pare-pareho ang mga bahagi ng mga dormitoryo. May lamang canteen o karinderya, at karaoke ang receiving area para sa mga dalaw. May kanya-kanyang sari-sari store. Ibig sabihin, bawat dormitoryo ay mini-ekonomiya sa mas malaking ekonomiya ng City Jail.

Walang patlang ang hulog ng limang pisong barya sa karaoke. Marami rin ang bumibili ng pagkain sa canteen. Na magtataka ka kung saan nanggagaling ang mga baryang ipinapambayad sa mga serbisyo. At heto na nga ang hindi naman sikreto sa lugar.

Natigil lang ang pag-awit sa karaoke nang magbilangan ng detenido sa bawat dormitoryo. Kung hindi ako nagkakamali sa aming napagkwentuhang detenido, apat o limang beses itong ginagawa bawat araw. Malaking sigalot kung may makatakas na preso. Kaya sa City Jail na ito, madalas ang pag-inspeksyon sa bilang ng katawan ng mga detenido.

Nagboluntaryong umawit ang isa naming kasama. Dahil wala siyang limang pisong barya, nanghingi siya sa dinalaw naming detenidong politikal, na patawang nagsabi na sayang naman ang barya. Hindi lang dahil hindi nakakatiyak sa kalidad ng boses ng kasama namin, kundi nga sa magagawa ng barya sa ekonomiya ng City Jail.

Marami sa preso ay kalahating umaasa na maabutan sila ng barya. Ang nagsisilbi ng kape sa canteen ay natuwa ang mga mata nang hindi na hingin ng kasama namin ang kanyang sukli. Wala naman direktang nanghihingi. Lahat ay dumidikit lang. Ang pisikalidad ng pagnanasa—pagdikit ng mababa sa inaakalang mas mataas na tao—ay integral sa ekonomiya ng City Jail.

Sa loob ng preso, ang paggawa ng mababang kalidad ng trabaho at pag-ako ng pabor ng mahihirap na detenido para sa mas maykayang detenido. Sa mga bisita, ang pagboluntaryo ng serbisyo o willingness sa pamamagitan ng pagiging madikit ng walang dalaw na detenido sa dumadalaw. Dumidikit ang mababang uri sa mas mataas na uri ng katawan para sa sinsilyong pasaporte sa partisipasyon sa lokal na ekonomiya ng City Jail.

Siempre ay mas kumplikado ang relasyon batay sa dormitoryong pinagmulan na katumbas din ng gang na kinasasapian, relihiyong kinabibilangan (may maliit na mosque sa tabi ng canteen na nakikipagsalitaan sa speakers ng pagdasal sa loob nito at nagkukumpitensyang karaoke ng mga dormitoryo sa labas nito), at etnisidad at rehiyong pinanggalingan. Ang hindi matatawaran ay ang kapangyarihan ng sinsilyo sa ekonomiyang ito.

Matapos ng dalawang oras na dalaw, nagpaalam na kami sa aming dinalaw. Nagsimula na rin siyang mamudmod ng sinsilyo sa mga taong nangangailangan nito. Ang mga kasamahan ko rin ay nagpasa na rin ng sinsilyo. Parang tagpo sa labas ng simbahan, ang mga matrona ay namumudmod ng barya sa mga paslit na pulubi.

Sa disenfrantsisadong mundo ng detenido, sa lokal na ekonomiya ng City Jail, ang sinsilyo ay pang-araw-araw na hari. Iniisip ko, ano pa kaya kung ang ipinapagalaw ay papel na pera? Pero sa dami ng constitutive community ng bawat detenido, mahirap ang papel na pagalawin. Sinsilyo sa pang-araw-araw na pakikitungo ng detenido sa kapwa, at malamang pati sa mga gwardiya.

Malinaw na pang-indibidwal na salbasyon ang pagkakaroon ng sinsilyo. At may kanya-kanyang kalakaran para makamit ito. May dalaw na magdadala nito, may among magbibigay nito kapalit ng ilang pabor, may baryang sweldo kapalit ng obligayson. Sinilyo para sa silyadong mundo at ekonomiya ng City Jail.

Sa bukana ng City Jail, matagal ang antayan ng lalakeng dumalaw. Ang mga babae ay sa main gate lamang pinalalabas matapos ng ilang sandaling pag-aantay. Doon pala sa ikalawang pila ng pagpapapirma sila nag-iiwan ng ID. Kaya nakuha na nila ang kanilang ID kapag pumila sila palabas. Kami ay inabot ng beinte minutos para makuha ang ID at makalabas.

Habang nag-aantay ay nakita ko ang dalawang palapag na toreng bilog, parang apartment pa nga ang hitsura. Nabubulok pero ang kakatwa ay may takip ang mga salamin nito. Ito ang binabanggit ni Jeremy Bentham na panopticon o ang struktura ng kapangyarihan ng kulungan at estado, na kahit walang nakabantay sa loob nito ay naki-keep-in-check pa rin ang ugali at pag-iisip ng preso na siya ay minamatyagan, at sabjek ng pagparusa at disiplina.

Na kaming dumalaw rin ay gayon ang pakiwari sa sarili. Para rin kaming preso kahit sa dalawang oras, at ang temporal na karanasang ito ay tila nakakasapat para magkaroon ng reverse na pagnanasa—na hindi muling bumalik sa lugar bilang aktwal na preso. Ito ang reverse discourse ng estado, na ang pasagi ng karanasan ay nakakasapat na para ma-keep-in-check ang anumang pagtatangkang mag-trespass labas sa angkop na pagkamamamayan.

Kami man ay trinato na “mala-malang” preso. Madalas ang bulyawan ng mga gwardya ukol sa kurtesiya sa mga kahilingan sa kanila sa oras ng pananghalian, o ang pag-utos na magpatatak sa magkabilang kamay, at kung paano dapat mainspeksyon ang katawan, saan pipila, at iba pa. Ang taas ng boses ng mga may kapangyarihan sa City Jail ay regularisasyon din sa katawan ng dumadalaw rito.

Sa labas ng City Jail, ilang araw matapos ang karanasan, naisip ko ang kahalagahan ng baryang ipinagkakait ko sa nagkakaroling, o pampalimos sa mga paslit, lalo na ang makukulit na nakikipag-emotional blackmail sa salamin ng kotseng naipit sa trafiko. O kung bakit ako ay mayroon ding barya sa maliit na compartment ng kotse, at kung bakit watch-your-car boys lang ang pinaglalaanan ko nito.

Ito na lang ang nalalabing kapangyarihan ng barya. At ang kaakibat nitong indibidwal na ahensyang mamudmod nito batay sa sariling diskresyon. Gayon sa dami ng nagnanais mapamudmuran—sa pang-araw-araw na krisis ng estado sa pangkalahatan, at sa mega-krisis ng mga burukrata kapitalismo ni Gloria Arroyo sa partikular—ang barya sa dumadaming bilang ng nagugutom at naghihikahos, ay nananatiling hari sa pang-araw-araw.

Sa labas ng City Jail, samakatuwid, ang papel na pera ay sakmal ang kapangyarihang makapagparangya sa iilan at makapanghikahos sa nakararami. Anong saya nitong mundo ng bansa natin, ang sinsilyong ekonomiya sa loob at labas ng City Jail!

Advertisements