Kamatayan sa pamamagitan ng paghihirap, Bulatlat Column

by rolandotolentino

imahen mula sa  www.the-reel-mccoy.com/…/BlackHawkDown.html

openswitch.org/category/articles/

www.daylife.com/photo/0bci5EP6v1gXB

www.bayan.ph/index.php?subaction=showfull…

Kamatayan sa pamamagitan ng paghihirap

Sa pelikula, lalo na sa Hollywood at maging sa telebisyon, ang kamatayan ay isang etetisadong karanasan. Pinagaganda ito, nakakamamangha, at parang gusto mong gayahin. Kahit na karumal-dumal ang pagkamatay, nakakapanghalina ang seduksyon ng imahen ng pasakit, pighati, karahasan at kagimbal-gimbal na sandali.

Nais ng manonood na mapapikit ang mata, pero sabay ng akto ay ang sandali na dagli rin niya itong bubuksan. Nais niyang matanto ang kaganapan, hindi man ng kabuuan nito kundi ang mga sala-salanit na sandali ng kamatayan. Sa Dead Poet’s Society, ito ang dramaturgy ng suicide ng isang high school na lalake. Nakahubad sa kwarto, kalagitnaan ng winter, nagputong ng korona ng dahon, at nagpatiwakal.

Sa Black Hawk Down, ito ang sandali na nilulusob na ng mob na Somalians ang naiwang sundalong Amerikano. Tiyak ang kahihinatnan. Habang binubulalat ng sundalo ang kanyang wallet at tinatanaw ang larawan, nakapasok na ang galit na Somalians at handa na siyang saklawin ng baril, bato, bat at kung ano-ano pang maaring maging instrumento ng karumal-dumal na pagpaslang.

Estetisado dahil hindi lang napapaganda, napapahalina ang manonood sa karanasan sa kamatayan, mula sa isang ligtas na pwesto. Wala tayo sa kalungkutan ng isang alienadong kwarto sa tagyelo, o ang giyera ng pakikisangkot ng U.S. sa Somalia. Hindi mo “i-wi-wish ko lang” ang ganitong uri ng kamatayan sa mahal sa buhay. Estetisado dahil kahit ligtas at vicarious ang pwesto nating manonood, may care tayo sa mga tauhang pinapanood.

Nagiging kagimbal-gimbal ang pagdanas sa kamatayan. Ang lohika ng pagpapatiwakal ay naisasambulat sa manonood para kahit saglit ay mag-self-interrogation sa metapisikal na katanungan sa buhay: halaga, pagtutumbas, pagtitimbang, kawastuhan ng buhay, at desisyong kamatayan. O ang napipintong karumal-dumal na kamatayan ng iba na inakong maging kabahagi ng sarili.

Sa Black Hawk Down, ang identifikasyon ay sa mga gwapong artista/tauhang Amerikano. Kahit mina-masaker ang Somalians ay walang close-up shot ang mga ito. Ang suturing ay ang continuity di lamang ng naratibo ng pelikula, kundi maging ng imperialismo ng U.S. At kahit magpakaganito, walang pagtitiwalag dahil nagiging personal na karanasan ang kolektibong pagdanas ng filmikong kamatayan.

Affected tayo, at sa pagiging affected natin, ang substansyang care (pagpapahalaga, pangangalaga, pakikipag-kapwa) sa interbensyong nagpalaot ng militar at sundalong maggandang tignan sa big screen ng U.S. Ang representasyon ay rasyonalisasyon, kahit belated, sa mga historikal at real na akto—kung bakit ang kalakaran sa nakaraan na may patuloy na impact sa kasalukuyan ay nagiging katanggap-tanggap.

Ginagawang implicated ang manonood, na sa unang pagkakataon naman ay voluntaryong piniling tumangkilik ng pelikula. Sa filmikong kamatayan, natutunghayan ng manonood ang mortalidad ng kanyang sariling pagkatao. At dahil siya ay makakalabas pa sa sinehan, di tulad ng mga nangamatay sa pelikula, ang muling pagbagong-silang paratihan matapos siyang manood ng sine.

Ang estetisadong kamatayan ay isang magandang kamatayan. Kaya nga muli’t muli itong isinasabuhay (o isinasamatay) sa paratihang panonood ng sine. May namamatay, mabigat ito, matutunghayan ng manonood ang sarili niya sa kamatayan, pero tulad ng mundo ng pelikula, makakausad muli’t muli ang mundo at ang manonood.

Kaya madalang may mamatay sa pelikula, pwera na lang kung action film ito. Kahit sa pelikula sa bansa, tanging social melodrama at pelikulang bakbakan may katiyakang may mamamatay. Ang kamatayan ay huling alas na ibinabagsak sa naratibo ng pelikula. Sa pelikulang bakbakan, ang kamatayan ng isang sekundaryong karakter ay nagiging impetus para maghanap ng moral na retribusyon ang bidang lalake. Ito ang katumbas sa bidang babae sa melodrama, kung bakit sila nagiging handang bumangon at durugin ang kanilang kaaway.

Sa pelikula ito. Sa tunay na buhay, ang kamatayan, kung hindi naman direktang naapektuhan ay wala namang saysay. Pang-araw-araw na kasi ang kamatayan na hindi na ito kapansin-pansin. Marahas ang lipunang Filipino na ang tendensiyang reaksyon ng indibidwal ay magpadesensitize sa karahasan.

Kaya may pagbaling sa filmikong kamatayan, bilang anyo ng desensitization. At ang desensitization ay kakatwa dahil ang pinipiling maapektuhang kamatayan ay nagsasalin sa patagong metapisikal na isyu na may hayag na ideolohikal na posisyon. Desensitize na ang turing ay may minamanas at binubuhay na bahagi.

Pinamamanas ang relasyon ng karahasan sa labas ng lipunan, ang motibasyong pampelikula na rasyonal kung bakit nagpapakamatay ang mga tauhan. Binubuhay ang sariling fasinasyon sa kamatayan mula sa ligtas na posisyon. Wala namang may terminal cancer na natatagpuan sa loob ng sinehan. Ang puwang ng malalang sakit, pagpapatiwakal, at kamatayan ay sa loob ng pelikula.

Sa natunghayang kamatayan sa loob ng pelikula, nabubura ang ugnay sa labas ng pelikula, naipapaloob sa indibidwalidad at indibidwalismo. Indibidwalidad dahil indibidwal naman ang namamatay, kahit pa masaker ang pinapanood. Indibidwal din ang nagluluksa. Indibidwalismo dahil patungkol sa sarili ang katanungan: bakit tayo affected, bakit may care kahit devil-may-care naman talaga?

Ang panonood ng pelikula ay nagsasalin sa karanasan sa historikal na kamatayan at kahirapan. Wa-care naman, na nagpapatingkad sa afekto ng indibidwalidad at indibidwalismo. Reversong diskurso ng filmikong kamatayan: sa pelikula, afektado dahil napapaluksa ang manonood, at napapatanong sa kahalagahan at valwasyon ng buhay; sa lipunan, hindi afektado sa pang-araw-araw na karahasan at kamatayan dahil hindi napapaluksa at tinimbang bilang kulang ang ordinaryo at walang kalatoy-latoy na kamatayan.

Kaya kahit na zombie ang mamamayan dahil sa matindi at tumitindi pang paghihirap, ang pagpapatiwakal at kamatayan kaakibat at dulot nito ay hindi na kagimbal-gimbal. May reversong korelasyon ang historikal na kamatayan at kahirapan: sa tumitinding karanasan sa kahirapan, mas lalong nagiging detached ang mamamayan, wala nang impact kung 800 ang namatay sa paglubog ng MV Princess of the Stars (ano na nga ba ito?) o libo-libong namatay dahil sa landslide sa Albay dulot ng iligal na logging?

Na kahit epic proportion ang kamatayan dulot ng kahirapan—hindi pa kasama rito ang pang-araw-araw na nangangamatay o ang tunguhin rito ng pang-araw-araw na buhay—ay ang sindak ay may shelf-life lamang. Sa simula lamang ito, at ito ang afinidad sa panonood ng pelikula. Hindi ka naman habambuhay na nababagabag sa filmikong kamatayan. Nagli-linger lang ito at bigla ring naglalaho para bumalik paminsan-minsan sa isang emo (emotional) na sandali.

Di tulad ng indibidwalisasyon ng karanasan sa aktwal na kamatayan ng iba, ang sarili sa pang-araw-araw na kamatayan ay walang trauma. Trauma ang magdudulot ng melancholia o ang mental na estado na hindi mailibing ang namatay, hindi maka-move on. Kung apektado tayo ng aktwal na kamatayan, hindi natin ito maililibing sa ating utak.

Patuloy tayong nagluluksa. At lalabas at lalabas ang sintomas ng trauma na siyang bumabagabag sa atin. Ang nangyayari ay nai-imbibe ang trauma. Kung ano ang hindi mailibing, maihiwalay at makausad ang sarili, nagiging kabahagi ng sarili. Kung ito ay tungkol sa naunsyaming pag-ibig, binabalikan ang mga lugar na pinagtipunan, kung saan makikita ang nawalang objek ng pag-ibig. Kung ito ay tungkol sa mapang-abusong magulang, nagiging ganito rin sa iba, maging sa sariling anak.

Melancholia ang kahirapan dahil parating ipinapaalaala ang malawakan at malaganapang antas nito sa pang-araw-araw na buhay. Ito ang nais takasan ng manonood at mamamayan, ang historikal at tunay na realidad ng lipunan at buhay. Pero parati ka pang matitisod ng karanasan sa kahirapan: may mamamalimos pa rin para sa kinakaing McDonald’s sa kabilang bahagi ng salamin, may paslit na nagwa-watch-your-car o barker sa jeep, may gwardya, janitor at sekretaryang higit na aba ang lagay.

At ang melancholia sa kahirapan ang siya ring kalakaran para mag-overcompensate. Pinagtatakpan ang kahirapan dahil ito ang ubod ng pang-araw-araw at pangmatagalang estado ng buhay. Na ang pagtatakip ay tulad ng konstruksyon ng barong-barong na mansyon. Halata pa rin.

Hindi mailibing dahil buhay na buhay. Ninanais lamang malibing, maging pinagdaanang bahagi ng buhay at lipunan, pero hindi magawa nang lubos. Kaya ang buhay sa kasalukuyang melancholia ay alienated na buhay. Ito ang negosiasyon ng sarili para hind kumprontahin ang kahirapan kahit ito—ang pagtakas dito–ang motibasyon ng mayoryang desisyon sa buhay.

May buhay ba sa kamatayan dulot ng paghihirap? Maging ang zombie ay buhay pa rin kahit kamatayan na ang bumubuhay dito. Hindi naman ito mamamatay pa. Ano ang melancholia ng zombie, mga nilalang na nakalugmok sa kamatayan at paghihirap gayong nabubuhay lamang para araw-araw (o gabi-gabi sa pelikulang horror) na maging buhay na kamatayan?

May ilang panunuri ng pelikulang zombie na nagsasaad ng radikal na potensyal ng zombie na tauhan, bilang kaiba na nakakapagbigay ng agam-agam sa hegemoniya ng buhay na nilalang. Kung ang buhay na nilalang ay naging zombie na tauhan, mayroon pa bang radikal na potensyal ito?

Sa pamamagitan ng pagbabalikwas sa aparato ng kahirapan—ang estado bilang balon ng paghihirap—ang magsasabuhay ng radikal potensyal. Ito ang politikal na may layon pa ng politikal na transformasyon sa lipunan. Kung walang hangad na magbago labas sa sarili, nakabalaho lamang sa melancholia ng kahirapan.

Kung nais mawala ang panlipunang melancholia na ito, kailangang maibalikwas at maitransforma ang pambansang kahirapan, mabago sa pagiging balon ng pagpapahirap tungo sa balon ng politikal na pagbabago. Aktwal ang pagdanas ng pagnanasang politikal. Kinakailangan ng pagbabago ng kamulatan—kasama ang pagbabagong bihis ng melancholia—at pagkilos nang lampas pa sa sariling kapakanan.

Kung sa pamamagitan ng filmikong kamatayan, nabubuhay-namamatay-at muling nabubuhay ang manonood, sa aktwal na kamatayan sa pang-araw-araw na paghihirap, walang pangako ng muling pagkabuhay. Ang pangako—ang utopia kung bakit nagiging zombie ay para lamang may astang buhay sa kamatayan—ng historikal na kamatayan ay di lamang makaantig sa personal na antas, kundi ang transformasyon ng buhay tungo sa tunay na buhay.

Buhay sa pagmumulat sa sarili at nang makapagmulat, buhay na lampas ang pagpapahalaga sa sarili tungo sa kapwang kahanay sa peligro, buhay sa pakikibaka, buhay para mabuhay. Kung ang fasismo ay ang normalisasyon ng spektakularisasyon ng paglabag sa karapatang pantao, ang buhay sa pakikibaka ay ang prologasyon ng mga spektakularisasyon para maipakita na hindi ito dapat normal.

Ang kamatayan na may halaga ay ang pagpapahalaga sa kamatayan at ang buhay na nalustay sa ngalan ng pagtalaga ng kamatayan bilang buhay. Kung gayon, ang buhay na may halaga ay ang nagpapahalaga sa paglaban sa pribilisasyon ng kamatayan bilang buhay. Ito ang sariling utopia na may kabuluhan, hanggang walang antas ng panlipunang katarungang nakakamit, walang buhay sa labas ng kamatayang ito.

Advertisements