Kapag pinapatay na ng desperadang ina ang kanyang mga naghihirap na anak, Pinoyweeklyonline Column

by rolandotolentino

imahen mula sa www.bohol.ph/article144.html

afp.google.com/article/ALeqM5j4XJ0QHgwRCv3q_P…

Kapag pinapatay na ng desperadang ina ang kanyang mga naghihirap na anak

Headline ito sa Inquirer. Isang ina sa Laguna, hindi mapagkasya ang kinikita ng manggagawa sa konstruksyon na asawa, kumuha ng boteng likidong panlinis ng banyo. Binigyan ng tig-isang kutsarita ang mga anak, matapos ay siya mismo ang uminom ng likido.

Baon pa sa utang ang mag-asawa. Sa coverage sa balita sa TV, nilalangaw na ang mga bangkay. Ang panayam ay nagtampok sa kapitbahay na nagsabing “Di niya dapat ginawa iyon.” Na may paghuhusga sa “mabuting ina” mode ng inang naglagay sa kanyang mga kamay ng kapalaran ng kanyang mga anak.

Sinasabing ang isa sa pinakamasakit para sa magulang ay makitang salat ang kanyang mga anak. Nagugutom, walang gamit sa eskwelahan, tinutukso sa komunidad. Sumagi sa isip ko na ito o tunay na polisiya sa reproductive health—may pagpipilian ang mga magulang, maging ang mga kabataan sa pagtataya sa kanilang kinabukasan. Na kung may mapapagpilian, marami nga siguro ang hindi na magluluwal ng napakaraming anak na mahumuhay lamang sa kasalatan sa mundong ibabaw.

Pero hindi lamang ito ang isyu. Ang isyu rin na matagal nang binabanggit ay ang karumal-dumal na nagawa ng rehimen ni Gloria Arroyo na tumatampok ang pagkilos tungo sa paghihikahos na katapusan ng mga abang lagay ng kanyang mamamayan. Nauna na ang isang batang babae na nagpatiwakal dahil nahihiyang manghingi pambili ng project sa eskuwela sa kanyang amang maliit ang kita.

Dalawang buwan lamang, isang bata ang namatay dahil inulam ang vetsin. Ang dapat pampalasa lamang sa ulam ay naging mismong ulam na. May iba pa palang gamit sa vetsin. Si Mang Pandoy, ang poster boy ng paghihikahos ng naunang rehimen, ay namatay na lamang di makaahon-ahon ang pamilya sa paghihirap.

Ito ang kabilang pisngi ng karahasan sa bansa. Sa isang pisngi, ang sistematikong politikal na pagpaslang at sapilitang pagkawala, pinakamatingkad sa maikling panahon sa lahat ng pagkapangulo sa kasaysayan ng bansa. At ito ngang kabiyak, ang mga taong nagpapatiwakal, kundi man umaakyat ng higanteng billboard o pagdami ng bilang ng taong-grasa sa lansangan, dahil hindi makaagapay sa sustenidong pagkalubog sa kahirapan.

Sa kasaysayan ng mga nagpapatiwakal dahil sa kahirapan, itong kaso ng ina at ng kanyang tatlong anak ang pinakamasahol. Sasabihin ng mga maldito, bakit nakabili ng panlinis sa banyo? Sana ay ipinangbili na lamang ng pagkain. Pero dahil nga nakita ang halaga ng likido kaya nga ito piniling bilhin laban sa iba pang pangangailangan.

Sa aking imahinasyon, walang pagtatangi o pag-iimbot ang naganap. Nakita ng ina na wala na namang makain, tulad ng maraming umagang nagigising ito at walang maipakain sa mga anak. Nahihiya na ito sa kapitbahay, mahaba na ang utang sa tindahan at sa iba pang mga tao. Ayaw nang maging pabigat pa.

Isang araw, tulad lamang ng pangkaraniwang mga araw, nakita niya ang kasalatan ng buhay sa kanyang tahanan. Nakita niya ang botelya sa banyo, at isa-isang sinubuan ang mga anak na hindi naman nagdalawang-isip na inumin ang likido. Isa-isa o malamang, sabay-sabay silang nagkumbulsyon hanggang sa mawalan ng buhay.

Ang kakatwa sa inang ito, ang nagawa ng pagiging desperado sa kahirapan (na parang oxymoron di ba? paano ka magiging desperada kung ang kawalan ng pagpipilian at magagawa dulot ng kahirapan ay isa ng malaking desperasyon) ay bigla niyang nakita ang katotohanan hinggil sa kanilang abang lagay—wala nang magagawa pa, at kaysa araw-araw na magdusa sa kasalatan, bakit patatagalin pa, ano ang laban ng naetsapwera sa sistematikong pag-eestsapwera ng estado?

At biglang bumuhos ang donasyong pagkain sa lamay ng mag-iina. Naalaala ko ang isang South Asian na kwento hinggil sa batang may kapatid na naghihingalo dahil may malubhang sakit. Tinanong niya ang kanyang ina kung mamamatay na ba ito. Laking gulat ng ina, at nagtanong kung bakit nito naitanong. Ang sagot ng bata, dahil bigla silang dadalhan ng pagkain ng kapitbahay.

Ang dulot ng desperasyon sa kahirapan ay ang realisasyon sa katotohanan—wala nang magagawa pa ang naghihirap na kahit sila magpursigi, nananatiling salat; wala nang maasahan pa sa gobyerno; at wala nang ibang paraan para wakasan ang desperasyong ito.

Nagsimula nang lumaganap ang malagim na yugto ng mga inang inilalagay sa mga kamay ang dinustang buhay ng kanyang mga anak.

Advertisements