Kasiyahan sa Kultural na Imperialismo, Bulatlat Column

by rolandotolentino

imahen mula sa pupuplatter.blogspot.com/

(unang dalawa)

caffeinesparks.blogspot.com/2007/12/bizarre-c…

alexfelipe.com/tag/philippine-american-war/

www.apk2000.dk/netavisen/artikler/global_deba…

Kasiyahan sa Kultural na Imperialismo

Tinuturing na wala nang reli (relevance) o cache ang “kultural na imperialismo.” Paano ka naman masasakop ay malaya naman ang mamamayan at bansa? Paano ba manakop ng utak at kamalayan? Wala namang mind snatchers, di tulad sa pelikulang science fiction. Dahil sa pagbagsak ng Berlin Wall na naghudyat di umano ng pagbagsak din ng sosyalismo, wala nang empire at imperialismo dahil nakakapagbalikwas naman pala ang mamamayan. Pero hindi ito totoo.

Ang mas mabigat at operative term pa rin ay “imperialismo,” at descriptive qualifier ang “kultural.” Ang imperialismo ay ang “pinakamataas na yugto ng kapitalismo” (Lenin) na pumapatungkol sa mas matinding kalakaran tungo sa konsentrasyon ng kapital sa iilang makapangyarihang bansa; at kung gayon, mas matinding anyo ng panunupil at exploitasyon. Ang naunang panahon ng imperialismo ay ang direktang kolonisasyon ng mga “primitibo” at may likas-yaman na mga bansa.

Lalo sa nakaraang ika-20 siglo, matapos makalawang ulit magkipagdigmaan ang mga natitira at umuusbong na kapitalistang mga bansa, naging matindi ang literal na karahasang dinanas ng sangkatauhan. Milyon-milyon ang namatay. Ang teknolohiyang pinaunlad ay tungo sa higit pang militaristikong kapangyarihang proteksyunan ang lumalawak na interes, at pangangailangan sa mas malakihang market.

Sa nakaraang siglo rin pinakamaraming bilang ng mga bansa ang naging independiente. Hindi pa ito, sa pangkalahatan, dahil sa nagbabagong-anyo ng mundo tungo sa higit na egalitarianismo, at paggalang sa karapatang pantao at pambansang soberanya. Ito ay mas pumapatungkol pa sa bagong taktika ng mga imperialistang bansa na hindi naman pala kailangang pisikal at literal ang pananakop.

Na kayang panatilihin ang imperial na relasyon kahit wala na ang naunang empire, kahit nasa postkolonyal na yugto na ang mga dating nasakop at ngayong ay napalaya na mga bansa. Ang politikal kontrol ay ginagawa, para sa Pilipinas halimbawa, sa Washington, D.C., at ang ekonomiyang kontrol ay mula rin dito, at sa mga bangkong ang headquarters ay nasa New York at Paris.

Hindi naman nawawala ang militaristikong pamamayagpag sa imperialismo. Ang huling pinakamatingkad na pamamayagpag ng US ay ang panlulusob nito sa Iraq, isang dating malayang bansa. Sa Pilipinas, parating may paalaala ang US sa sinusuportahan nitong pangulo—mga pinalipad na air fighters nang mag-coup ang RAM kay Cory Aquino, ang pag-endorso ng ambassador ng US kay Gloria Arroyo, at ang pagbabalik at pamamayagpag ng mga US na sundalo sa Visiting Forces Agreement.

Pero ang kakatwa sa kasalukuyang substansya ng imperialismo, sa ground level ng mamamayan, ay ang katambal na kasiyahan ang nadadanas sa kultural na karanasan. Epektibong naisalin ang marahas at opresibong kalikasan ng imperialismo sa idioma ng kasiyahan. At nagawa ito sa pamamagitan ng proliferasyon ng mga komoditi ng industriyang pangkultura.

Hollywood ang namamayagpag na cinema sa buong mundo. At isinasalin nito ang pang-araw-araw na karanasan sa pag-ibig, pagkamuhi, pagkamatay, at pagligtas sa mundo at iba pa, sa hegemonikong kamalayan ng US. Sinasabing “white Anglo-Saxon middle-class male heterosexual” ang lenteng binibigyan-pribilehiyo sa panonood ng sine, at maging sa pagbabasa ng pop novels. Na visceral tayo nakararanas ng pag-ibig pero sa pamamagitan ng sinisiwalat ng karakter na hindi hiwalay sa katauhan ng pangkaraniwan ay puting mayamang bida.

Isipin na lamang ang pagbabago ng panahon at pananaw hinggil sa Hapon. Matapos ng marahas na karanasan sa ikalawang pandaigdigang digmaan—comfort women, pagsampal kapag hindi tumungo ang mga Filipino, sanggol na inihahagis at sinasalo ng bayoneta, at pagwawala ng mga Hapong sundalo nang makubkob na sila sa Manila—ay talaga namang galit at kinamumuhian ng mamamayan ang Hapon. Makakapatay sila ng Hapon kapag nakakita sila, gaya ng banggit ng aking lola.

Flashforward sa nakaraang huling tatlumpung taon. Sa pamamagitan ng ODA (Overseas Development Assistance) ng Japan, naitayo ang maraming infrastruktura ng bansa, kasama ang Philippine-Japanese Friendship Highway, ang kaisa-isang kalsadang bumabaybay mula Luzon hanggang Mindanao; flyover at underpasses; light rail transit; at maging ang isa sa pinakamalaking dam sa Asia, ang San Roque. Package deal nga lang na sila ang magtatakda ng serbisyo, paraan ng paggawa, Hapong kompanyang gagawa, Hapong consultants—na kahit environmental havoc ang mga dam, halimbawa ito pa rin ang kanilang preferred upgrade sa supply ng kuryente dahil ito ang spesyalisasyon ng kanilang mga constuction companies.

Sa nakaraang tatlumpung taon din nagkaroon ng ground level flow ng mga babae sa Japan, entertainers na nakapag-uwi ng mga marka ng makabagong teknolohiya at perang malalapad (kaya nga “lapad” ang tawag dito), at mga konsumeristang produkto. Dagdag pa ang introduksyon ng mga unang anime sa panahon ni Marcos, pinakasikat rito ang Voltes V. Na ang conspiracy theory matapos itong i-ban ni Marcos ng huling bahagi ng 1970 ay nagsipaglakihan na ang henerasyong ito, kaya nang mag-alsa sa EDSA ng 1986 ay happy lang sumali itong dineprive ng diktador ng kabuuang childhood.

Sa UP, may grupong pang-estudyante na Nihonggo-language exchange. Sa weekend, may nag-ko-cosplay o pagbihis (damit, makeup, buhok, at props) na halaw sa animation characters. May periodikong convention na ginagawa ito sa mall. May anime channel din sa cable. Mabenta rin ang anime sa pirated DVD stalls. Hindi naman lubos naidiin ang naunang trauma sa mga Hapon sa mga librong gamit sa paaralan, kaya walang alaala ang sumunod at kasalukuyang henerasyon hinggil dito.

Tanging ang karanasan sa kultural na imperialismo ay salin sa antas ng kasiyahan. At sa kasalukuyang henerasyon, tunguhin ng kultural na imperialismo ang kultural na integrasyon sa bawat yugto ng buhay ng individual (life cycle). Noong bata pa, pinapanood na nila ito, ginagamit na “yaya” ang mga Disney at cartoon channels. Kilala na nila ang mascots ng fastfood outlets bago pa man sila makapagbasa. Marunong na silang mag-play sa computer o pindutin ang DVD player.

Nostalgia ang diin ng konsumpsyon sa kultural na imperialismo. Na sa pag-abot nila ng teenager at young adult, kahit alam na nilang karumal-dumal ang kolesterol at junk food quality ng fastfood, hindi pa rin sila titigil. At bakit naman? Sa tuwing kumakain sila, unconsciously ay nasasambit din ang masasayang alaala na dinadala sila ng magulang at lolo at lola nila sa fastfood at mall.

Minsan ay tinanong ko sa klase kung ano ang kanilang “soul food” o pagkaing nagpapa-relax sa kanila. Di iisa ang sumagot na french fries, na mayroon pang childlike variety ang pagkain nito—isinasawsaw sa ketsup at ice cream, yung iba ay mayonnaise, yung iba ay inuulam. Na sa pagtanda nila at pagiging sariling magulang, ire-reproduce nila ang cycle ng pagnanasa at konsumpsyon. Dadalhin nila ang kanilang mga musmos sa fastfood para madanas ang kasiyahang nadanas nila noong sila ay minsang naging bata.

Nanonood tayo ng sine dahil may personalisadong nostalgia itong nahihimok kahit pa maramihan tayong nanonood. Nakikinig tayo ng musika at may naalaala at nararamdaman tayo. Nagsusuot tayo ng retro na damit, o naninigarilyo at ginugunita ang karanasang naidulot ng seduksyon sa advertising. Hip ang sigarilyo, counter-authority, at rebelyon sa diin ng sterile na pangangalaga sa katawan. Minsan ka lang mabuhay!

At kahit ang mga bagay na napagkaitan ang indibidwal sa kanyang kamusmusan o kabataan, tulad ng laruan, damit, trip to the zoo, at iba pa ay isinasaalang-alang din ng industriyang pangkultura. Ayon sa designer ng Sanrio, ang deprivation ng mga batang walang pambili ng produkto ng Hello Kitty ang siyang batayan kung bakit mabenta pa rin ang kanilang produkto sa matatanda. Napagkaitan ang indibidwal sa isang panahon, at sa panahong may kakayahan na itong bumili, bibili ito with a vengeance.

Kung kasiyahan ang itinatampok, ang alaala ng karanasan sa mas mabigat at malawak na sakop ng pasakit at pighati ang binubura. Hindi hip ang pagiging party pooper o KJ (killjoy). Na kahit na nakaw ang cellphone, baka pa nga may namatay sa pagsanla nito sa stall sa Greenhills, ay may cellphone pa rin na magagamit bilang lunduyan ng kasiyahan, hindi ng anumang alaala ng pasakit at pighati—kung bakit nagpapalit ka ng cellphone, kundi dahil lumang modelo na ito ay dahil nanakaw o naiwala ito.

Ang soft-selling ay nangyayari dahil mas nakakakumbinsi ito ng preferensya at pagpili ng indibidwal. Hindi rin ito hiwalay sa mga ekonomiko at politikal na polisiya mula sa mga gobyerno at malalaking negosyo. Ang imperialistang globalisasyon ang kalakarang nagpapabiyaya sa maraming malls na itinatayo, itinatampok ang mga produkto at serbisyong matatagpuan sa ibang bansa sa isang banda; at ang dahilan kung bakit sampung porsyento ng populasyon ng bansa ay nagtratrabaho sa labas ng bansa, na dahilan pa rin para sa higit na konsumpsyon.

Kaya ang paglaban sa kultural na imperialismo ay hindi lang sa antas ng pang-araw-araw at kamalayan: pedestrian malling at window shopping na hindi pinapakita ang mall developer, wala pang successful na boycott ng mga produkto at serbisyo sa bansa, wala pang nabalikwas na kalakarang pang-estado ang pinakaradikal na term paper na isinubmite sa klase.

Politikal na pagkilos ang katugunan—sa antas ng indibidwal, ang pagtaas ng kamulatan, at pag-ugnay nitong mataas na kamulatan sa kilusang masa tungo sa mobilisasyon at organisasyon. Ang ginawa ng pagtampok sa kasiyahan sa kultural na imperialismo ay gawing pang-araw-araw na lamang ang kalidad ng pagbabalikwas gayong wala namang sistemikong nababago sa sistemang kalakaran.

Ang binubura ng kontemporaryong kultural na pagsusuri ay ang panlipunang politika (social politics) para paboran ang politika ng pang-araw-araw (politics of everyday life). Sa mga pagsusuri ng kulturang popular, lalo na ang urban na kultura, ang diin ay sa mga kalakaran ng pang-araw-araw na pagbabalikwas. Paano maituturing na pagbabalikwas ang mga pagkilos at kaisipan kung ito ay adaptasyon lamang sa namamayaning hegemoniya, tulad sa krisis ng politika at ekonomiya?

Ang pangangailangan sa panlipunang politika ay magtitiyak sa pang-uring pagsusuri sa kultural na imperialismo at ang galamay nito sa kulturang popular. Bago maimapa ang antas ng pagbabalikwas, kailangan munang imapa ang kapangyarihan. At sa pagmapa ng kapangyarihan matutunghayan ang talab at purol ng mga pagbabalikwas sa pang-araw-araw na politika.

Sa bigat nang papasanin ng kultural na imperialismo—kahit pa ang imahen ay ang maligayang tagabuhat at kargador—ay hindi nakakasapat ang pagplantsa ng subersyon sa pang-araw-araw. Kinakailangan ng mas masaklaw na politikal na pagsusuri bilang tunay na kahandaan sa politikal na transformasyon—ang pag-imagine at pagkilos tungo sa mundo sa labas ng imperialismo.

Tungo sa isang kutura na naninilbi sa interes ng sambayanan.

Ang mga puntos dito ay unang prinesenta sa talakayan sa Philippine Collegian. Nagpapasalamat ako sa dayalagong kasama ng mga staff at editor na nagpayaman pa nitong kolumn.

Advertisements