Malling at Rali, Bulatlat Column

by rolandotolentino

imahen mula sa www.time.com/time/asia/covers/501040223/sy.html

www.flickr.com/photos/legin/476973614/

www.daylife.com/photo/0c9Z92k3bg4A9

www.daylife.com/photo/0ffvberdKF3kW

tonyocruz.com/?p=774

Malling at Rali

Ganito nagsimula ang pagninilay na ito. Banggit ng mga kaibigang Sarah at RC, sa exhibit ng anibersaryo ng SM (ShoeMart), may paulit-ulit na video na naka-play sa mga lobby nito. Kasama sa video ang panayam kay Henry Sy, ang tagapagtatag ng SM. Tinanong siya kung ano ang palagay niya sa mga nagrarali, yung nagproprotesta (at hindi ko na tiyak ang pagpadaloy nitong tanong), kung ito ba ay kabawasan sa kita ng kanyang negosyo, o kung ano ang protesta ay patungkol sa polisiya ng subcontracting ng malaking mayorya ng kanyang manggagawa, at ang pangangamkam ng lupa para sa kanyang mall.

Ang tugon ni Sy ay parang ganito: pabor nga sa kanya ang rali dahil matapos nito ay tumutuloy ang nagrarali sa kanyang malls. Sa isip ni Sy, may padaloy (flow) ang paggrugrupo ng mga tao para sa interes ng kanyang negosyo. Kaya nga kahit liblib na lugar, dinadayo pa rin ito ng mga tao. Mula sa talahiban ng EDSA North, naging mayor na ruta ito. Mula sa bakanteng lote sa reclaimed area, ang Mall of Asia (MOA) ang bagong ikutan ng mga sasakyan sa EDSA.

Tunay na tama ang wika ng karakter ni Kevin Coster sa Field of Dreams (1989) ukol sa isang majestikong plano ng baseball aficionado na nagtayo ng baseball field sa gitna ng kanyang sakahan ng mais, “If you build it, they will come.” At dinayo nga ito ng malapit at malayong komunidad. Kakatwa na bulong lang ang nagsabi nito sa karakter. At dahil sinunod niya ang kanyang panaginip, nagkatotoo ito. Nagkaroon ng lunan ng Amerikanong aktibidad ang pamayanan.

Hindi nga ba’t ang populasyon ng mallers sa Megamall na kalahating milyon araw-araw, at kulang sa isang milyon kapag Sabado’t Linggo ay populasyon na ng malaking syudad? Na ang maller ay may realisasyon ng kanyang pagkamamamayan (citizenship) sa malls ni Sy dahil mas ligtas, mas moderno ang kapaligiran, mas maraming pagpipilian, mas sentral sa kolektibong karanasan rito? Kung gayon, may afinidad ang malling sa rali—pareho itong dinadagsa ng mga tao para sa kolektibong karanasan.

Parang nagrarali rin ang malling dahil may “harmony” ang karanasan ng pagpasok at paglabas, ng kolektibong pagmamartsa kahit hindi magkakakilala, ng pag-takeon ng mallers sa espasyo ng mall, akuin itong parang sa kanila, makaramdam na sila man ay pwedeng magpahayag sa kanilang karanasan sa malling ng citizenship claim bilang bahagi ng pamayanan sa fantasya ni Sy. Politika ng pang-araw-araw ang malling, ang pagdanas sa alternatibong karanasan sa espasyo ng konsumerismo at postmodernismo.

Samantala, ang pagrarali ay politikal na pang-araw-araw na aktibidad, konsolidasyon ng pagtaas ng kamulatan at ng pag-oorganisa para sa kilusang masa. Politikal ito dahil may layon ng panlipunang at historikal na transformasyon. At malamang, totoo rin ang daloy sa fantasya ni Sy. Sa isang rali sa Mayo Uno sa Liwasan Bonifacio, dahil sa init ng araw, natagpuan naming sumasaglit sa SM-Manila para mananghalian sa fastfood nito. At hindi lang kami ang kumbiyenteng gumawa nito mula sa nagrarali. Maraming unyonista at iba pang sektor ang nasa loob rin ng aircon na kainan ni Sy.

Ang fantasya ni Sy ay neoliberal na fantasya ng kawalan ng tunggalian sa uri. Na ang rali ay pwedeng itransforma sa isang pangyayaring hindi na lamang maari kundi tungo na sa higit pang kita. Ang pagplantsa ng kontradiksyon ay pandadaot sa rali, ang pagpapahina ng politikal tungo sa politika ng pang-araw-araw. Na walang pinagkaiba ang rali sa dagsa-dagsang bilang ng mamamayan sa kanyang itinakdang sityo ng pagkamamamayan.

At ito ang praktikal na adbentahe ni Sy laban sa mga mall ng Ayala at Gokongwei. May aktwal na pagpapatupad si Sy na magtatag ng SM sa bawat kalahating oras na biyahe sa Metro Manila. “Integrated” o swak sa karanasang kanyang itinatag ang taktikang bilang at lokasyon ng malls. Sa kanyang arkitektonika nabuo ang malling bilang isang di lamang pang-araw-araw na karanasan kundi isang integrated na karanasan sa pang-araw-araw. Mapapadaan at mapapadaan ang mga mamamayan sa malls ni Sy kada nagbibiyahe sila.

At maging ito ay malamang kontento na si Sy, ang makapagdulot ng awareness sa kanyang malls. Hindi ba’t may mga anunsyo na hinggil sa renobasyon tungo sa pagpapalaki ng malalaki nang mall, tulad sa SM North bilang isa sa tatlong pinakamalaking malls sa Asia? O ang mismong harapan ng kanyang malls ay binabanderitas ng mga higanteng tarpaulin para sa mga produktong matatagpuan sa loob nito? Ang mall ni Sy ay nagiging magnet sa konsumerismo dahil nakakapagpalapit ito ng mga produkto at serbisyong inaakalang tatangkilikin ng mapapadaan at mapapaloob sa karanasang ito.

Sino nga ba ang aayaw o tatanggi sa kumbinyenteng dulot ng karanasan sa malling? Ang ligtas na pagdaan sa espasyo nito tungo sa sakayan, o ang intermittent na kapasidad makagawa ng errands sa loob nito bago at matapos pumasok sa opisina at umuwi sa bahay? O matiwasay na mananghalian dito kapag may rali? Taktikal ang integrasyon ng malling sa pang-araw-araw na pagpapadaloy ng buhay, na maari pa ngang sabihin na malling na ang sentral sa buhay ng maraming mamamayan.

Sabi ng isa pang kaibigan, sa mall na raw tumatambay ang runners para magkita-kita matapos ng kanilang run. May nakapagsabi rin na rito na nag-eehersisyo ang mga matatanda, nagpapalipas ng oras sa paglalakad bilang cardio-vascular na aktibidad. Kaya rin may gym, restaurants, grocery, dentista, facial care, foot spa, health care, sinehan at iba pang negosyo sa loob ng mall—para mahimok tayong dito na lamang kaysa sa iba, ipaloob na lamang sa mall kaysa ipalabas ang daloy ng karanasan sa araw-araw.

Ang hindi sinasabi ni Sy ay ligtas ang mall dahil sa heavy surveillance rito. Sandamakmak ang indibidwal na gwardya. May regular na police patrol, kasama ang mga aso. At ang presensya ng pulis at militar, bitbit ang mga high-powered na baril, ay ang isa pang integrasyon ng pambansang fantasya: ang integrated na karanasan ng militar sa negosyo ni Sy. At malamang, sandamakmak ang surveillance cameras sa mga establisyimento kundi man sa mismong mall.

Kaya sa mall, kahit hindi kay Sy, dinukot si Jonas Burgos, isang aktibista. Na kahit magsisigaw siyang “Aktibista lang po ako” ay hindi ito isinaalang-alang ng mga dumukot sa kanya. Na tila sistematiko ang pagkawala ng witnesses sa okasyon. At kung nagkaganito, epektibong counter-insurgency na mekanismo na rin ang malls. Siyang nangangako ng kaligtasan sa kanyang mamimili ay may kapasidad na ring makapagbigay na rin ng sityo at mekanismo ng counter-insurgency para sa estado.

Ang pag-nega (negation) sa politikal ni Sy ay hindi na ampaw na pananalita na lamang. Ito ang reverse discourse ni Foucault, na sa pamamagitan ng pagtalaga ng espasyo bilang sityo ng konsumerismo at politika ng pang-araw-araw, itinatalaga na rin ito bilang iba pang bagay—ang substansya ng direktang ugnay sa pagka-estado nito. Na ang kapangyarihan ni Sy ay mas di na hiwalay sa interes ng estado. OK ang rali sa labas ng mall dahil kapag pumasok naman sa mall ay wala na ang identidad ng raliyista.

Temporaryong lusaw ang kolektibo ng politikal para umugma sa panananghalian, o pagset sa sityo ng mall bilang tipunan o meeting, at iba pang bagay para sa kilusan. Pero hindi OK sa malls ni Sy ang politikal—hindi nga ba’t ang imahen ng marahas na dispersal ng piket ng nakaunipormeng manggagawa laban sa pulis at security guards ni Sy sa SM-Makati ay nananatiling dokumento ng direktang pagnega sa aktwalidad ng politikal na makapasok sa mall niya?

O ang snake rali sa loob ng SM-North nang mag-piket ang kanyang manggagawa, nagmistulang habulan ng pusa at daga ang manaka-nakang pagkakataong ito? Truck-truck ng militar ang umano ay ipinadala raw ni Erap (Joseph Estrada) para i-disperse ang picket sa loob nito. OK ang rali kay Sy kung ang daloy ay ang negation ng politikal tungo sa politika ng pagiging maller. OK ang rali kung hindi dinadala ang isyu sa loob ng mall.

Nang una akong maglektura hinggil sa malls, sa partikular ang karanasan ni Sy at SM, parating ang idinidiin ay ang subersibong potensyal nito. Limitado lamang ang maaring magawang pagbabalikwas sa mall: pedestrian malling (o dumadaan lamang sa loob ng mall para tumungo sa mga sakayan), window shopping, sityo ng subkultural na formasyon (punkista, hiphop, sex workers, at iba pa), shoplifting, at iba pa. Naalaala nabanggit kong kahit alam naman ang estadong interes ng mall, mismong mga aktibista ay hindi maihihiwalay ang sarili sa happy na karanasan sa mall.

Paano nga naman iisipin ang mall bilang hindi ibang sityo maliban sa kasiyahan ng konsumerismo? Na mayoryang kalakhan ng manggagawa rito ay subcontractual labor na sistematikong maliligwak kada limang buwan? Na malaki ang sexual harassment issue sa mga manggagawang kinakapkapan ng security guards? Na may aksidente at nakawan ding nangyayari sa loob nito? Na mapanupil ito kundi man epektibo ang formasyon ng docile subjects para sa interes ng estado?

Naalaala ko ring nabanggit ko na wala namang magpipiket sa nakikinig. O hindi naman literal na matitibag ng piket ang mall. Walang pagkakataong makapagdala ng maso at tibagin ang mall. O sa pangkalahatan, walang magtatapon ng cellphone nila, hindi na kakain sa fastfood, hindi na magpapa-xerox o manigarilyo, at iba pa. Ang nagawa ng malling ay epektibo tayong na-implicate sa karanasang binabatikos at gustong palitan.

Sa moral na uniberso, sino ang hindi nabahiran ng “dumi” ng malling? At kung magkagayon, sino ang unang moral na tao na pwedeng bumato sa mall? Na parang ang tugon ni Sy ay tugon ng mga bumabati sa fastfood, “Welcome to…” Bagamat welcome ay nagtatalaga rin ng pag-akma ng pag-uugali at pagkilos, ng pagtataya sa karanasan bilang di lampas sa konsumerismo, at ang pagkalusaw ng politikal sa adbentura ng pagtangkilik.

Tama si Sy pero mali rin si Sy. Sino ang sisisihin? Manipis ang reverse discourse dahil sa pagpopolisya at panghihimok para sa substansya ng bagay, ang potensyal para sa iba parating naroroon pa rin. Na ang nilulusaw na politikal ay hindi rin lubos kahit pa in-implicate tayong lahat. Ang malling ay hindi na lamang malling, ang malling ay isang anyo ng kontra-rebolusyonaryo na kalakaran na ang pang-araw-araw na politika ay makamayagpag, at maetsapwera ang politikal na lohika n gating panlipunan at historikal na relasyon sa mall at karanasan.

Kung gayon, ang mall ay mas malinaw na sityo ng magkatunggaling uring interes.

Advertisements