Review of “Genghis Khan,” for Mov

by rolandotolentino

imahen mula sa lilokpelikula.wordpress.com/…/

jadespagewpg.spaces.live.com/?_c11_BlogPart_B…

Pioneer of Philippine Cinema

Review of Genghis Khan (Manuel Conde, 1950)

Mahalaga ang pelikulang Genghis Khan dahil sa dalawang bagay: una, ito ang pelikulang ginawang solido ang career at sining ni Manuel Conde; at ikalawa, ito ang kauna-unahang pelikulang Filipino na naimbitahan sa isang international film festival, sa 1952 Venice International Film Festival.

Hindi historikal ang pelikula pero kakatwa na naging mahalaga itong pelikula sa kanyang panahon. Bagkus, nagmistulang pusong (trickster) ang karakter na halaw sa kasaysayan: kung paano ito nanalo sa pisikal na paligsahan, kung paano magagapi ang mga kaaway, at iba pa. Pusong dahil katawa-tawa kung paano ang isang underdog na tauhan ay nakakaisa sa sistemang nang-aapi sa kahalintulad niyang lagay.

At maging ang mga account—historikal man o urban legend—ay tumutukoy kay Conde bilang direktor na isang pusong. Ang naunsyaming panghihiram niya ng malalaking kabayo mula sa Philippine Constabulary at paggamit ng mga kabayo sa kalesa ay pinuri ng mga dayuhang kritiko dahil sa awtentiko nitong lapat sa kasaysayan. Dinagdag pa ni Conde na kaya nga raw natagalan ng anim na buwan ang shooting ay dahil sa pangangalap ng mga maliliit na kabayo para sa pelikula.

Ang isa pang matingkad na katangian ng Genghis Khan ay ang kumposisyon ng shots nito, ang cinematography. Metikuloso ang bawat shot, tulad ng pagkarag sa tauhan ng mga nakahuli sa kanya. May crane shot na may mga sanga ng puno habang pamandaling nagpapahinga ang grupo ng nakakabayo at si Genghis Khan na nakatali at halos kinakaladkad. Bawat shot ng eksenang ito pa lamang ay maingat na itinatanghal para sa pelikula.

Sa pamamagitan ng pelikula, si Conde ay naging solido ang kredensyal bilang mayor na direktor ng kanyang panahon. Na kahit nahilig siya sa swashbuckler na mga pelikula ni Robert Taylor, maingat at masinop ang kanyang kumposisyon, at tampok, higit sa lahat, ang tauhan bilang inteligente at smarteng pusong na nilalang.

Sa Japan ay mayroon dalawang uri ng pelikulang namayagpag sa panahon ng 1920s hanggang 1930s: ang jidai-geki (mga historikal na pelikula, kasama ang samurai films), at ang gendai-geki (kontemporaryong pelikula). Si Conde ang naging auteur ng dalawang uri ng pelikula sa kanyang panahon: ang historikal na pelikulang halaw sa kwentong bayan, tulad ng Juan Tamad (1947) at Juan Daldal (1948), at sa komedya at klasikal na nobela (na mas malayang adaptasyon kaysa awtentikong pagkalapat, tulad sa Genghis Khan), tulad ng Prinsipe Paris (1949), Vende Cristo (1948), Siete Infantas de Lara (1950); at mga mga kontemporaryong pelikula ukol sa tradisyon at kaugalian, tulad ng Doon Po sa Amin (1946) at Nabasag ang Banga (1947).

Sa mga limang dekada ng patuloy na paggawa ni Conde ng mga pelikula, pinatunayan niya ang kapasidad ng direktor na umangkop sa mga nagbabagong panahon, kabilang ang desisyon sa huling mga dekada na mas maging mapili sa gagawing pelikula. Siya na umaangkop sa lipunan ay inaangkop din ang panitikan at lipunan sa kanyang pelikula. Ang Genghis Khan ay patunay sa maningning na profesyonal na pagkaunlad ni Conde.

At ito ay naging pioneer sa kanyang panahon: independent ang financing ng marami sa kanyang mga pelikula, independent ang paraan niya ng paggawa ng pelikula (making do, kumbaga, tulad ng paggamit ng mga ilaw ng sasakyan sa night scene), ang direktor bilang scriptwriter-production designer-executive producer-at maging aktor, paghalaw sa tradisyon at lipunan bilang inspirasyon ng paggawa ng pelikula, at maging ang dilemma ng paggawa ng lokal at internasyonal na bersyon ng pelikula (particular sa Genghis Khan)..

Sa huli, hindi na usapin kung awtentiko ba si Genghis Khan sa pelikula ni Conde, ang usapin pa ay kung ang kanyang pelikula ay awtentikong artistiko, maging ang kabuuang katawang-akda niya. Hindi magtatagal si Conde o ang kanyang mga pelikulang tatawanan at kapupulutan pa rin ng lalim kung hindi ito may artistikong integridad.

Advertisements