Ang Environment ng Gay Cinema, Bulatlat Column

by rolandotolentino

imahen mula sa mykiru.blogspot.com/2008/02/ang-lihim-ni-anto…

www.pep.ph/guide/1977/Acclaimed-indie-film-Da…

www.filipinasoul.com/…/

desert-69.blogspot.com/2008/02/my-latest-dvd-…

Ang Environment ng Gay Cinema

Sa pagpasok ng 2000, nawala ang mga pelikula na sa huling mga 30 taon ay bumuhay sa pelikulang Filipino. Kung sa dami ng bilang ang pag-uusapan, ang mga pelikulang sexy, sa partikulang ang tt (titillating) films, ang huling permutasyon ng bomba film na unang lumabas sa huling bahagi ng dekada 60, ang namayagpag.

Tinatayang pinakamataas sa 60 porsyento ng mga pelikulang lumabas sa panahon bago mag-2000 ay galing sa genreng bomba. Bomba ang tawag sa pelikulang soft-porn, namumutiktik sa heterosexual sex scenes, at karamihan ay misogynist ang pananaw sa objektifikasyon ng bidang babae. Mura ang produksyon ng pelikulang bomba at mas malaki ang tsansang bumalik ang investment, at dagdag na kita.

Gayunpaman, marami sa pelikulang bomba ang bumuo ng lehitimasyon ng “second golden age” ng Philipppine cinema: Pinakamagandang Babae sa Balat ng Lupa, Virgin Forest, Scorpio Nights, Macho Dancer, at Private Show, bilang ilang halimbawa. May dalawang dahilan kung bakit nawala ang genre ng bomba film, at naluwal ang kakaibang supling nito.

Una, ang mas direktang polisiya ng ShoeMart (SM) cinema complexes, na may hawak ng mayorya ng kasalukuyang bilang ng sinehan sa bansa, na magpalabas lamang ng “wholesome family entertainment” na pelikula. Hindi na pwede ang R-18 na pelikula na siyang kinabibilangan ng maraming bomba film. Maipapalabas na lamang ito sa mas limitadong bilang ng sinehan na stand-alone, na mabilisang naglalaho na, at kalabang cinema complexes ng SM.

Ikalawa, ang hindi direktang polisiya ni Gloria Arroyo na magpalabas ng nagmamalinis na imahen ng kanyang rehimen: natural family planning method ang tampok na reproductive health policy, ang rubberstamping (a la Marcos) ng Korte Suprema at Kongreso sa pagkahon ng mga anomalya bilang lehitimong kalakarang pambansa, at sa pelikula at telebisyon, ang mas maigting na sensura sa politika, na sa kauna-unahang pagkakataon ay nagba-ban (X-rating) di lamang ng pelikulang bomba at kalaswaan sa TV, kundi maging ng mga politikal na pelikula.

Hindi naman nawala ang pelikulang bomba. Natransforma ito sa ibang representasyon ng sex at sexualidad. Nanatili na lamang sa laylayan ang heterosexual na pelikulang bomba. Ang pinakahuli ay Torotot (2008) ni Mario J. Delos Reyes na bagamat heterosexual ang diin ay tampok ang queer na mga elemento: mga nagtataksil na babae na pinapatay at kinukulong, mga lalakeng nakakatakas sa krimen at nagspa-spa imbis na mag-beerhouse kapag nastre-stress. Ang namayagag sa kasalukuyang panahon ay ang pagpasok sa era ng gay cinema.

Sa kauna-unahang pagkakataon, stand-alone na ang gay cinema. Nagsimula ito sa investment ng malalaking studios sa gay cinema. Viva ang naglabas ng mga Hot Men series at Provoq, at ang Star Cinema ay ang mga maykayang macho na dokyu. Kahit ang mga ito ay mga instruksyonal na video ukol sa pagkalalake at pagmasahe, ang pangunahing tinarget ng mga video ay ang pink market. Nailangkap ang gay-ness sa pamilihan, sa kapitalismong kinatatampukan ng kanilang “inherikong” katangian: over-achiever, independent, surplus income, spending na nakatuon sa lifestyle, at iba pa.

Sa kalaunan ay naglipana rin ang mga produksyon ng non-studio at quasi-independent production houses. May nakita akong instructional at dokyu video ukol sa macho dancers. Si Chris Pablo ang sustenidong auteur ng unapologetic na gay cinema na hayag ang sexual na pagnanasa. Bawat festival, tulad ng Cinemalaya, ay may “gay” offering. Sa unang Cinemalaya Independent Film Festival, ang nagwagi ang ang coming-of-age na Ang Pagdadalaga ni Maximo Olivares.

Pakantyaw kong tinanong si Francis Pasion, direktor ng Jay sa 2008 Cinemalaya, kung “gay film” ba ang kanyang pelikula, kung ito ba ang gay film para sa festival. Hindi ito natuwa sa tanong ko, binalik niya ang tanong, “Ano ba ang gay film?” At naisip ko kung meron pa ba itong ibang definisyon? Hindi naman ito tulad ng women’s cinema na may liberal na demokratikong panuntunan–“films by women, of women, for women.”

Ang gay film ay mas hayag ang sexualidad ng pagkakaiba. Ginawa para mag-titillate ng gay audience. Ang formula: isang bading, at least isang gwapong lalake, parehong magkaiba ang background, magtatagpo, magtatalik, magkakaproblema, magkakaroon ng kadalasan ay trahedyang resolusyon, at “the end.” Reverse na heterosexual na bomba film. Matingkad ang exploitative na elemento.

Halos makadalawang linggo ay mayroong indie gay film na nagpre-premiere sa Cine Adarna ng UP at pinapalabas sa Robinson’s Galleria. Bagamat ganito, karamihan pa rin ng gay film ay sumusunod pa rin sa ideolohiya ng naunang pelikulang bomba: morality batay sa mannichean dialectics. Pinaparusahan ang bading dahil sa pagiging bading na sabjek, na ang ibig sabihin ay lumabag siya sa paglampas sa pagkakahon sa kanya—ang pagiging hayag ng kanyang sexual na pagnanasa.

Ideolohiya rin ng pisikalidad ng pelikulang bomba ang namamayagpag sa gay cinema. Kung sa pelikulang bomba, ang bombshell na babaeng bida ang ginagahasa, naliligo sa outdoor na banyo, napipilitang magsayaw sa bar, niloloko ng asawa kaya naghahanap ng iba, at iba pa, ang bata at maskuladong lalake sa gay film ang dumadanas nito. Nakasentro ang mga pangyayari sa kanilang magandang katawan na siyang nagiging reseptakulo ng moral na retribution sa klimaktikong bahagi ng pelikula.

Ang sentralidad ng katawan ng bidang lalake sa gay film ang siyang nagtutulak sa obhektifikasyon nito. Karnehan galore, kumbaga, lalo pa ang filter para sa imahen at imahinasyon ng bading na pagkalalake ay sa pamamagitan ng lalakeng aktor na ang identifikasyon, sa labas at maging sa loob ng pelikula, ay heterosexual. Katawan itong sexual—bata at maskulado—at kung gayon, nakapakete sa recognizable na brand, at kung gayon, lantarang identifikasyon at obhektifikasyon sa gay profile ng mismong manonood: maykaya, “Malate gay” na straight-acting, at anti-effeminate na bading na ang identifikasyon ay sinaunang maykapangyarihan (couturier, mama-san sa gay bar) o underclass (parlorista).

Hindi naman ito nakakagulat dahil sa pamamagitan ng heterosexual na maskuladong lalake muling nabibigyan-pribilehiyo ang historikal na katawang entidad sa diskurso ng gay sa bansa. Sa naunang panahon, ang identikasyon ng bading na desire ay sa batang heterosexual na lalake. Sa kasalukuyang panahon, ito ay natransforma sa bata hanggang batang matandang straight at straght-acting na lalake, pero gayunpaman, maskulado o pagkalalake pa rin, kahit hindi lantad at performatibo na lamang ang heterosexualidad.

Mayroon parating disjuncture sa gay film. Una, madalas sa madalang, hindi nagkakatuluyan ang desire sa kanyang objek. Hindi nagkakatuluyan ang desire ng hayagang bading sa heterosexual na lalakeng objek. Ikalawa, ang moral retribution sa pagiging hayagan ng pagnanasa—tulad sa babae sa bomba film—ay lampas-lampasan naman sa panlipunang problema at kondisyong kinasadlakan ng bading sa gay cinema.

Kaya madalas din sa madalang, hindi happy ending ang bading. Ano ang sinasabi nito? Kahit pa tematiko ang gay cinema, nakapaloob pa rin ito sa mas malaking genre, tulad ng genreng bomba, sa melodrama. Kung melodrama ito, babae ang bida, at ang feminine ang balon ng domestiko at panlipunang anxiedad, at kung gayon, ang reafirmasyon ng feminine bilang mas mababa sa patriyarka ang magiging resolusyon ng anxiedad. Na kahit pa straight-acting ang objek ng desire, feminine naman ang ethos na gumagabay sa paglalantad ng diskurso sa melodrama ng gay cinema.

Inaapi dahil bading, pinaparusahan dahil nagiging lantad ang kabandingan. Na sa huli, ang mannichean dialectics ay nagpaparusa sa kalabisan. Ang kabadingan ay kalabisan na dapat ipulisya kaya pinaparusahan. At dahil ang kaparusahan ay lampas-lampasan sa aktwal na filmikong realidad, ang afinidad ng subgenre ng melodrama ng gay cinema ay horror movie.

Sa horror movie, grotesque ang patayan, lalo na ang destruksyon ng pangunahing buhay, ang objek ng horror, kahit pa sa pelikula ay hindi naman sukdulan ang pagkalaho. Na kahit na napalaho, parating may pangamba na nagpapatuloy pa rin ang terror. Deviant kasi ang turing pa rin sa bading sa gay film, at kung ganito, deviance ang pagiging bading at paguring sa gay life-choice.

Ang pagparusa sa bading ay reinforcement ng tama at mali sa lipunan. Kinakahon sa huli ang bading dahil sa una pa man ay hindi lubos na katanggap-tanggap ang kanyang presensya. May pelikulang bading na namamatay ito sa huli, pinapatay, ginagawang self-referensyal na lamang sa di-bading na aktor at pelikula (tulad sa Jay), at iba pa.

Ang tawag sa self at kolektibong hatred at galit sa babae ay misogynist. Ang ginagawa sa gay film ay ilantad ang bawal (pagiging gay), sukdulang pamamayagpagin sa kabuuan ng pelikula, pero sa huling bahagi ay sukdulan ding ikahon. Hindi ba’t misogynista rin ang turing sa gay at gay-ness sa gay film?

Tulad sa bomba film, fino-foreground ang sexualidad ng kabadingan sa gay film. At tulad pa rin sa bomba film, fino-foreclose din ang display ng sexualidad. Ang pagbasa ng radical potential ay sa labisang pamamayagpag ng display ng sexualidad, kaya nga may afinidad ang bomba sa gay film, o sa mas precise, gay cinema ang panibagong permutation at continuum ng bomba film.

Pinupulisya ang gay character sa pamamagitan ng pagkahon sa labis na display ng sexualidad sa usaping internal lamang—domestiko sa heterosexual na pelikula. Pero kahit sa bomba film, dahil nag-trespass ang babae sa ipinagbabawal, hindi na ito makakabalik maging sa lugar na laan sa kanya, ang domestikong espasyo. Sa huli, ang paglabag nila ang siyang magtatakda ng kaparusahang di na sila kailanman makakabalik sa loob.

Sa gay character, sa simula pa lamang ay itinakda na na ni hindi siya angkop sa domestikong espasyo. Walang role model ang lipunan ng mga masasayang relasyon ng bading couple. Masasaya, at ang korolaryo nito, o malulungkot lamang ang mga bading. Kaya ang internal na usapin ng kabadingan ay sinasabing panloob ng indibidwal lamang. Hindi ito mailalabas dahil kapag nagawa ito, naging rasyonal at batayan para ito itatwa—hindi tanggapin sa loob at labas ng sarili.

Ang internalisasyon ng tensyon ng kabadingan ay ugma sa relasyon ng mamamayan kondisyon ng posibilidad kay Arroyo—hindi angkop na ilabas ang indibidwal na anxiedad kaya kailangang ipailanlang ito sa panloob ng indibidwal, humanap ng sariling resolusyong di makakabagabag sa iba, lalo na sa awtoridad, at sa puntong ito, ang establisyimento at rehimen ni Arroyo.

Maaring mamayagpag sa internal na envrironment ang mga nire-repress, pero hindi maaring ibuyanyang sa publikong spero. Kung ibuyanyang, mayroong self-reflexivity na gamit ang filter ng heterosexualidad na pagkalalake, at kung magpakaganito, may tasitong agreement na maeetsapwera ang feminine at maging maskulinisadong bading. Samakatuwid, pwedeng magnasa ng mas magandang buhay pero di pwedeng ilabas sa publikong spero, kailangan nakakawing sa kondisyon ng posibilidad, kung bakit patuloy na makakapamayani si Arroyo imbis na maudlot ang ehersisyo ng kapangyarihan nito.

Self-policing, self-censorship ng creativity, self-censorship ng mga journalist para manatiling buhay, at self-flagellation kahit hindi semana santa. Pwede pero hindi talaga pwede, hindi talaga pwede pero pwedeng ipwede paminsan-minsan, at kung ganito, pwede-pwede na. Kung hindi sasanga ang gay film sa ibang direksyon, isang maniobra lamang ng negosyo at gobyerno, maglalaho ito parang bula gaya ng miminsanang bisibilidad ng heterosexual na bomba film.

Ni ang sariling pink market nito, at ang nakikitang oasis ng overseas gay market na mahilig sa exotikong kabadingan ng Third Worldly-ness, ang hindi na rin makakasapat. Ang politikal na sexualidad ng kabadingan ang daan para makausad lampas sa exploitative na antas ng gay cinema. Politikal, ibig sabihin, transformatibo sa sarili at lipunan. Politikal, ibig sabihin, may pagtanaw sa mas egalitaryong hinaharap lampas sa mismong ibinubuyanyang ng sexualidad at kabadingan.

Advertisements