Indie Cinema bilang Governmentalidad, Bulatlat Column

by rolandotolentino

imahen mula sa www.starmometer.com/…/

www.automatonfilms.com/page1/page1.html

pagodkanaba.blogspot.com/2008/06/bangon-pilip…

www.pcij.org/i-report/2007/

Indie Cinema bilang Governmentalidad

Patay na ang liberal na demokrasya sa bansa. Lalo pa sa edad ng neoliberalismo, ang gobyerno ay hindi na kumikilos para sa interes ng kanyang mamamayan, kundi para sa higit na pagpapadaloy ng kapital at kita ng negosyante. Sa kasalukuyang kalakaran ng estado ni Gloria Arroyo, ang serbisyo-publiko ay isang charity project na lamang.

Ang mga nahahalal ay hindi na mayoryang representatibo ng mamamayan. Marami sa Konggreso at Senado ay “nabili” na ng palitan ng pabor sa naghaharing politikal na partido ni Arroyo. Marami sa Supreme Court ay appointee na ni Arroyo, at siya namang kumakabig sa mga desisyong paborable sa pagkapangulo kundi man sa estado nito. Ang militar ay tunay na politikal na kasangkapan din ni Arroyo para sa kanyang pagpapanatili sa poder.

Ano ang pinapangarap pang maaring maging ganansya sa estado ni Arroyo? Ang mahabang pagpila sa mas mura ngunit durog na bigas ng NFA ng mamamayan araw-araw? Ang mahabang pagpila sa labas ng PCSO para dumulog sa gastusing medikal? Ang pagpila ng apila para sa pondo ng mga institusyon at politiko sa “personal na kitty” sa “casino money” ni Arroyo?

Kailan pa aangat ang interes ng mamamayan kaysa sa pang-uring interes ni Arroyo? Ang mito ng liberal na demokrasya ay ipinapatupad na lamang ng burgis na civil society, tulad ng peryodikong forum ng mga tinagurian nitong exemplars ng governance: Grace Padaca ng Isabela, Ed “Amo” Panlilio ng Pampanga, Jesse Robredo ng Naga City, at Sonia Lorenzo ng San Isidro, Nueva Ecija. Apat sa daan-daang halal na politiko?

Maigting ang diin sa operasyonalisasyon ng governance o aktibo at efisyenteng pamamalakad at pamumuno sa mga opisina ng pamahalaan at ang pangkalahatang kalakarang gobyerno sa iba’t ibang antas. Isa-isa nang nagmamartsa sa Ramon Magsaysay Awards ang exemplars na ito, dalawa na ang nanalo ng Nobel Prize ng Asia. Paano nangyari ang kabalintunaang ito, na ang normal na kalakaran ay ginawang exemptional?

Ano pa kaya ang kalidad ng governance sa kahanay na antas, maging sa antas ng pambansang pamahalaan? Ang maraming mga desisyon din naman ng exemplars ng governance ay nakabatay sa namamayaning cost-benefit analysis, tulad ng neoliberalismo ng pambansang pamahalaan. Ang maraming mga desisyon ay hindi rin aktwal na paborable sa mamamayan per se kundi sa safeguarding ng interes ng estado.

Ang “governance” ay pagpapabuti ng serbisyo-publiko sa hanay ng ordinaryong mamamayan. Ito ay mito dahil wala na sa panorama ng pamamalakad ng gobyerno ang serbisyo-publiko—ito pa nga ay ginagamit na entitlement para wafasin ang kolektibong interes ng mamamayan: tulad ng marahas na demolisyon ng MMDA sa komunidad ng maralitang tagalunsod, pati na ang pag-disperse ng manininda sa sidewalks at sa konfiskasyon at pagbuhos ng gaas sa kanilang paninda, ang pag-demolish sa mga nakatira sa tren para mag-give way sa modernisasyon ng railways, at pati na ang tutok-baril na dispersal ng mga raliyista sa Mendiola at US embassy.

Ang aking proposisyon ay ang paggamit sa governmentalidad (governmentality) bilang alternatibo sa pang-estado (gobyerno, negosyo at pati ang burgis na civil society) na mitolohisasyon ng governance. Ang governmentalidad ay alternatibong asersyon ng pagkamamamayan (kontra-pagkamamamayan ng estado), wala sa purview ng governance kundi sa re-approximasyon ng kontraryo at epektibong pamamalakad mula sa ground level. Mas nakalabas ang isa nitong paa sa diskurso ng governance dahil nga wala na itong inaasahan sa estado para sa ikabubuti—sa panuntunang kanilang itinakda bilang reaksyon, implosion at rebelyon–ng kanilang kolektibong lagay.

Ang karanasan sa kasalukuyang indie cinema ay makakapagbigay-linaw sa ilang isyu ng governmentalidad. Sa “tunay” na diwa ng indie cinema, matutunghayan ang korolaryong alternatibong bisyon ng pamayanan, bansa at pagkamamamayan. Sa pelikulang Tirador (Dante Brillante, 2007), ang pamayanan ng mga “tirador” o tumitira (nagnanakaw, shoplift, snatcher, dumudukot ng cellphone, at iba pa) ng gamit nang may gamit ay binigyan-representasyon sa kwento.

Una, lahat ng alam nating cliché ukol sa subsektor ng lumpen proletaryado ay nakasama sa listahan ng pagbubuo ng kwento: pagmamakaawa kapag nahuli, pag-shoplift maging ng DVD player sa pagitan ng hita, pagbili ng pustisong luho, pagkahulog nito sa kanal, at matagal na drama ng paghahanap nito sa putikan, pagsona ng mga pinaghihinalaang katawan ng criminal, at iba pa. Wala na sa purview ng governance ang pelikula dahil ito nga ay pagsasakdal sa pamamalakad at ginawang pagpapahina sa pamamahala.

Ikalawa, sa pagtatapos ng pelikula sa dokumentaryong estilo sa coverage ng prayer rally ng El Shaddai, na ang maraming kasapi ay kabilang sa kahalintulad na underclass ng mga tauhan, tinampok ang “presidentiables” na tumatanggap ng blessing at tasitong nangangampanya sa bumubulwak na kasapian ng grupong ito. Ang mga tauhan ay patuloy sa kanilang gawain, pati ang sa aktibong pagdanas ng underclass na relihiyosidad ay tinatabla rin. Tunay na wala na sa purview ng inaasam na pagbabago via eleksyon ang inaatupag na pagbibigay-uri at kalidad ng buhay.

Sa public service announcement ng Rights v.2.0, kalipunan ng 15 tig-iisang minuto at kalahating anunsyo hinggil sa paglabag sa karapatang pantao, matutunghayan ang kaiba ring asersyon ng governmentalidad. Sa Luya ni Ging Flores, inihalintulad ang pagbalat at pagpipit sa luya sa pagtortyur at paglabag sa karapatang pantao. Sa Terorista Ka Ano? Ni Ted Edward Ferrera, ang lahat ng stereotype ng pagiging terorista (may balbas, naka-tubao, madungis at di naliligo, may marka sa mukha, nagsusulat sa campus paper, at iba pa) ay farcical na batayan para sa vigilante-military justice na tepokin ang mga katawang may marka ng terorismo.

Ang Bakwet ng Southern Tagalog Exposure ang pinakanakakatindig balahibo para sa akin. Ito ay close-up shot ng batang babaeng umaawit ng isang nursery rhyme hinggil sa internal refugees at evacuation, mga sapilitang paglikas sa tirahan at komunidad ng mamamayan para maputol daw ang suporta sa armadong pakikibaka. Wala na ang innocence o kawalang-muwang na idinidikit ng governance sa mga musmos: lahat ay nababahiran na ng karahasan ng counter-insurgency.

May ibang public service announcement na ginawa ang dokumentaryong kolektibong Tudla, Bigas. Ito ay tumatalakay sa kagutuman, mababa at bumababa pang kalidad ng buhay, pagpila para sa bigas ng NFA, at ang pag-upo ng mamamayan sa isang panlipunang bulkan (social volcano). At tulad ng katangian ng public service announcement, ang limang minutong video na ito ay tuntungan para sa mas higit na talakayan at diskusyon ukol sa isyu ng kasalukuyang buhay.

Sa governmentalidad, may pagsasakdal sa estado. Hindi tulad ng isinasaad ng termino na “utak-gobyerno,” ang sinasaad pa ay ang alternatibong pagtataguyod ng gobyernong mas makakatugon sa mga kondisyon at pangangailangan ng mamamayan. Paano makakapagtaguyod ng alternatibong gobyerno sa kasalukuyang panunupil ng gobyerno para kitlin ang kalidad ng buhay ng mamamayang di na pinagsisilbihan nito?

Paano bumuhay ng gobyerno ng mamamayan sa malawakan at malalimang loob ng gobyernong ang interes ay para sa iilan, at sa iilang interes na ito, itinataguyod ang kontra-mamamayang kalakaran ng pamamahala? Matutunghayan sa indie cinema ang lagusan para sa pagpapadaloy ng governmentalidad: ang pagkakaroon ng isang paa sa loob at isang paa sa labas ng sistema, ang posisyong loob na labas, labas na loob hinggil sa estado.

Hindi pa para itaguyod ang liberal na demokrasya sa estado, dahil mabilis na binubura na ang kalakarang ito ng neoliberalismo at fasismo. Kundi para isaalang-alang ang potensyalidad ng filmikong mamamayan na magsakatuparan ng kolektibong imahinasyon at pag-aakda sa hinaharap. Sa pamamagitan ng indie cinema, ang pagkamamamayan na binubura ng estado ay binibigyan-buhay at representasyon sa kani-kanilang kontexto bilang pagsasakdal sa kalakarang pang-estado, at paghahanda (rehearsal) para sa pagbabalikwas.

At ito rin ang pagbabahagdan sa indie cinema, hindi naman lahat ay may ganitong bisa: ang makapanghimok na itatwa ang indibidwal para sa kolektibong transformasyon. Kasama ng manonood ng indie cinema (peti-burgis, intelektwal, estudyante, maralitang tagalunsod, unyonista at artista), ang afirmasyon at reafirmasyon ng literal at figuratibong rebolusyonaryong tahakin at gawain, para ang bigat ng filmikong realidad na tinutumbok ay magkaroon ng historikal na relief at posibilidad ng panlipunang transformasyon.

Lampas-lampasan ang indie cinema sa indictment kay Arroyo at sa naghaharing uri at sistema sa bansa. Hindi man ito binabanggit o direktang may referensya sa pelikula, ito, tulad sa panahon ng diktaduryang Marcos, ang organizing signifier sa klase ng pagpapahirap at imposibilidad ng pagkamamamayan sa filmikong realidad. At kung gayon, malinaw-linaw ang dapat tahakin para mabago ang ganito sa aktwal na lipunan.

Sa isyu ng governmentalidad, mamamayan ang aakda ng kanilang kolektibong bukas ngayon.

Advertisements