Kasalukuyang Kathang Filipino, talk at the Bookfair 08

by rolandotolentino

imahen sa www.booktopia.com.ph/2008/04/13/

flickr.com/photos/41894184527@N01/2453942020

uggah.com/…/id_277/title_astig-ka-mr-bob-ong/

Kasalukuyang Kathang Filipino

Sa isang banda, kung tama ang alaala ko, ang ulat ng Social Weather Station (SWS) ay may budget na P100 bawat indibidwal para sa libro. Kung gayon, ang publishing industry sa bansa ay may P8 bilyon na inaasahang sales kada taon. Kaya rin kay rami ang naglalabasang maninipis na libro, at binebenta sa halagang eksaktong P100, tulad ng bestseller phenomenon ni Bob Ong, ang pinakasikat (at pinakamabenta) na manunulat sa henerasyong ito.

Sa kabilang banda, tanging ang Liwayway na lamang ang naiwang pambansang outlet ng kathang Filipino. Nananatiling limitado kundi man sikil pa rin ang outlet para sa paisa-isang akda. Kaya diretso sa folio at libro ang diseminasyon ng kathang Filipino.

Sa aking palagay, ito ang drive ng produksyon ng katha—maikling kwento at nobela—na Filipino. Nais kong banggitin ang ilang kasalukuyang direksyon ng kathang Filipino. Una, ang malawakang produksyon tungo sa akda at panitikang erotika at sexual. Sa isang banda, para itong continuum ng romance novels dahil sa pangunahin, ito rin ang avenue ng pagsulat, publishing at sales: na mula sa romansang puro at dalisay, nagkaroon na ito ng pisikal na saklaw at pangunahing substansyasyon, kahit hindi wagas at tanging pangkamot lamang ang relasyon.

Sa kabilang banda, itong sexual at erotikong diin ay sinisiwalat di lamang ng mga establisyiadong manunulat ng romance novels, pero mas marami rito ay akda ng mga bagong henerasyon ng manunulat, na ang stilo ng sexualidad ay nakahalaw sa makabagong anggas hinggil dito. Kung dati ay hindi pinag-uusapan ang erotisismo, tanging romantisismo lamang ng relasyon ang tampok, sa kasalukuyang panitikan ay ang anggas ay halaw rin sa naudlot na erotika at sexual na relasyon.

Hindi na lamang simpleng romansa tungo sa ideal ng romantisismo kundi erotisismo, na para sa kabataang manunulat, ng masalimuot na anggas hinggil sa erotika at sexual na dimensyon ng pag-ibig. Kung ganito, walang garantiya ng political correctness, na marginal na issue rin naman sa mainstream romance novel mode; pero sa likha ng kabataang henerasyon, hindi sagrado ang erotisismo kahit pa ito ang balon ng kulang sa ideal na pag-ibig na naunang ipinangako ng nauna sa kanila.

Sa akda ni Sarah Bulalacao, “Tayung-tayong utong ang bato ng singsing na suot niya. Nangislap nang mag-abot siya ng bayad at magsabi ng “diyan lang.”

Boses bagong-bugbog.

Nalibugan ako.”

Ang titulo ng akda ay “Nakasakay Ko sa Jeep ang Asawa ng Aking Kalaguyo.” Nawala na ang political correctness ng solidarity-among-women, naging competitive na ang kalikasan ng relasyon. At aminado rin ang akda sa displacement ng kanyang libog—na hindi ito natural na dumadaloy sa kerida, bagkus panakaw lamang. Dinadaot ang pribilehiyong status ng kasal at monogamy, tinatampok ang libog, perversion at domestikong karahasan (dulot ng kasal at monogamy pa).

Namumutiktik ang sariling publikasyon ng mga erotiko at sexual na tula. Ang Dagta: Antolohiya ng Erotika ay may 14 na kabataang manunulat na engaged sa subpanitikang ito. Kuliti, o ang sakit ng namboboso, naman ang titulo ng mga akdang sexual naman ang diin with a twist, nakaugnay sa usaping uri. Ayon sa ikolektibong introduksyon ng limang kwentista, “Ang pagsusulat ay ppakikidigma, at ito ang munti naming kontribusyon sa tunggalian ng uri sa churi.”

Ikalawa, ang stilo ng pagsulat ng kathang Filipino ay tunay na wala na sa pinto ng postmodernismo, nasa loob na ito at namumutiktik na ng putik at iba pang panlabas na bagay ang marmol na sahig ng tahanan ng dakilang panitikan. Ang pangunahing nagdadala nito ay ang aral na kabataang manunulat.

Dulot ito ng mga programa sa malikhaing pagsulat at ang “workshop circuit” na connect the dots na partisipasyon at sosyalisasyon ng batang manunulat sa establisyimento ng panitikan. Nalalaman nila ang tradisyon at ang awtoridad ng naunang order ng panitikan. Ang “slaying the father” trope ay tungo sa inobasyon, kasama ang pagbalahura, sa mga institusyon ng pagsulat ng katha at ng dakilang panitikan.

Sa The El Bimbo Variations ni Adam David, 100 ulit niyang nirework ang linyang “kamukha mo si Paraluman/nang siya’y bata pa” ng kanta na pinaghalawan din ng titulo ng akda. Ang konsepto ng great literature ay hindi sa malayong tradisyon humalaw, kundi sa pop song ng generation defining alternative band. Aral ang mga pinaghalawan, may seksyon pa ng notes sa libro—halaw sa spoonerisms, William Blake, Gertrude Stein, James Joyce, American haiku, koan, snowball, diona, tanaga, at iba pa.

Sa koleksyon ni Khavn na Ultraviolins na play sa Alma Moreno joke hinggil sa violence at violins na pagkaintindi nito, patula at segment ang mga samu’t saring pagbatikos sa ultraviolence sa lipunan, kasama ang seksyon hinggil sa ipis na nakatira sa basura, rapist sa loob ng puso, at sm: mga lamang-isip ng isang maswerteng serial killer at ng mga malas niyang biktima.

Kasama rin sa inobatibong panulatang ito si Eros Atalia. Sa kanyang mga librong Manwal sa Pagpapatiwakal at Peksman Nagsisinungaling Ako, walang galang ang pagbulwak ng anggas, at ang pagbatikos sa lahat ng maliliit at malalaking institusyonal na kalakaran sa lipunan. Mas maangas, nakakatawa, pero anggas pa ring hindi nangangako ng panlipunan transformasyon, dahil nga hindi man lang natitinag ang indibidwal sa lampas ng sariling bulkan.

Ikatlo, hindi na lamang pangunahing publishers ang naglalabas ng libro. Narito ang Kuliti, High Chair (para sa tula), Vixen Books, Youth and Beauty Brigade, at Milflores Publications bilang halimbawa ng alternatibong publikasyon, marketing at promotion ng mga libro. Dagdag pa rito, halos lahat ng campus publication sa tertiary level, ay naglalabas ng taunang literary folio.

Kung gayon, ang nalilikha ng mga trend sa kathang Filipino ay niche audience na mas hardcore sa tinatangkilik na literature: kabataang manunulat na nag-e-experimento, tumatalakay ng bawal na paksa ng erotisismo at sexualidad, fetisyistikong nag-eexperimento sa mga porma, kasama ang dalawang linya ng awit, at kabilang din ang matrons na mahilig magmuni-muni higgil sa aspekto ng kanilang buhay, estudyante sa college na nakakapagbasa ng akda ng kanilang kapwa, high school at college na estudyanteng maigsi ang attention span (tulad ng ng ga libro ni Ong), at iba pa.

Hardcore dahil may kahalintulad na investment sa paksa at porma—experimentasyon man o tradisyonal—ng subpanitikan. At ito rin ang pinupuntirya ng major publishers: erotic literature na pwede ring i-ship sa milyon-milyong OCW market, cookbooks, self-help books, academic books, textbooks, at iba pa.

Walang pangako, kung gayon, ang kathang Filipino kundi mas matinding experimentasyon sa porma ng maikling kwento at nobela (isipin ang dalawang nobelang nanalo pa ng Palanca ni Norman Wilcayco). Mas madilim, mas maangas, mas di nauunawaan, tulad ng kumplikado at mahirap ding maunawaang mundo na ang tawag ay “bansang Pilipinas.”

Advertisements