Mga Leksyon mula sa Political Film Collectives sa Indie Cinema, Cinemalaya 2008 Talk

by rolandotolentino

imahen mula sa stexposure.org/

artepinas.blogspot.com/2007/12/sa-ngalan-ng-t…

www.dominionpaper.ca/topics/kodao_productions

Mga Leksyon mula sa Political Film Collectives sa Indie Cinema

Papel para sa panel on Promoting Indie Films: Building Audiences for Indie Films

4th Cinemalaya Film Congress of Independent Films

15 July 2008, CCP

May pagka-horror ang pagpasok sa sinehan o venue na pinagpapalabasan ng indie films. Minsan ay nanood ako sa SM Manila, may hinahabol na Chinese film. Nagmamadali akong pumasok sa loob. Iyak ako nang iyak sa batang teacher na nagpupursiging hindi mabawasan ang kanyang bilang ng estudyante. At nang medyo mahimasmasan ako, na-realize kong nag-iisa ako di lamang sa balcony kundi sa buong sine.

Kung hindi lang libre at required sa klase, matumal ang audience sa indie films. Tanging ang niche market ng bakla na may pink peso at artsy na film buff, na mahilig naman sa libre at power ng kakilala at connect, ang deboto o tumatangkilik ng indie films.

Dahil ang indie films ay nagpapahiwatig ng ibang moda ng produksyon—ibang preproduction na mas may diin sa vision at script development na magrerealisa ng bisyon, kasama pa ng ibang kalakaran sa paghahanap ng funding; ibang production process na may reliance sa natural lighting, location shoot, at character actors at non-actors na cast; at ibang postproduction na either stylized na quick cuts o nanggigitatang long take at paglapat ng synch location sound at original music track—nangangailan din ng ibang moda ng resepsyon ang indie films.

Iba ang audience development sa indie films na nasanay na sa high-production value ng Hollywood cinema, ang global na dominant force sa pelikula, at ng komersyalismo ng lokal na industriya ng major studios. Kahit pa ang indie films ang dominant sa film output, hindi pa rin umuubra ang kalakhan ng output ng indie films sa regular na screening venues.

Hindi makakasabay sa partihan ng theater owners at taxation ang indie producer. Hindi rin ito pwede sa non-R-18 restriction ng SM cinema complexes na may hawak ng mayorya ng bilang ng sinehan sa bansa. Ang resulta ay ang screening venues sa CCP, UP at Robinson’s Galleria. Ang positibo rito, at least sa UP Cine Adarna, ay libre sa batas ng censorship ang exhibisyon, na higit na nakakapanghimok sa gay films na mag-premiere rito.

Kung gayon, Metro Manila middle-class intelektwal (o intellectual wanna-be) na phenomenon pa lamang ang audience ng indie films. Kaya rin, marami ang nagpupursiging kundi makapasok sa international film festival market para makubra ang investment sa indie film ay gawing calling card ang ginawang indie film para maka-break-in sa mainstream cinema at advertising.

Kung isasaalang-alang ang orihinaryong imahinaryo ng indie films—ang filmmaker bilang artist—may problema sa paggamit ng pelikula bilang stepping stone para sa higit pang rekognisyon at kita. Ang pelikula mismo ay ang rason sa paglikha ng sining. Sa kasalukuyang punto ng pagkaunlad ng indie films sa bansa, o sa Metro Manila, hindi ka papasok sa indie films para kumita.

Papasok ka rito, una at higit sa lahat, para sa ehersisyo ng freedom of self-expression. At kung gayon, mula sa inaakalang inherikong katangian ng rationale sa indie films, maaring maging batayan sa paglikha ng public ng indie films.

At kung gayon muli, maaring tignan ang political film collective bilang modelo ng pagpapaunlad ng audience para sa indie films. Ang political film collectives ay grupo ng mga sampung katao na lumilikha ng dokumentaryo sa pagmumulat, pagpapakilos at pag-oorganisa ng komunidad para sa politikal na transformasyon.

Sa Metro Manila, nariyan ang Kodao Productions, Tudla at Sipat. Sa Laguna nakabase ang ST (Southern Tagalog) Exposure. Mayroon ding political film collectives sa Ilokos, Bikol, Visayas, at Mindanao.

Ang “self-expression” ay katumbas ng paglikha ng produksyong sumusuri sa politikal at pang-ekonomiyang isyu, at paglalahad ng batayan ng pagkilos laban dito. Protesta ang pangunahing laman ng mga lima hanggang 30-minutong pelikulang produksyon ng mga political film collective.

Sa aking pakikipanayam kay Jewel Maranan ng Tudla, ang kanilang mga pelikula ay naipalabas na sa mga urban poor at unyon ng manggagawa sa Metro Manila: Tondo, Payatas, Balara, North at South Kalookan, Pasig Floodway, at FTI. May anim na pelikula nang nagawa ang Tudla: “Buhay Barya” na tungkol sa P125 workers’ wage increase, “May Isang Sagot” ukol sa mga karanasan ng mga estudyante sa paglahok sa May 1 rally, “Sa Unang Tagpo” ukol sa SONA ng 2004, “Sa Ngalan ng Tubo” ukol sa Hacienda Luisita Massacre, “Huling Sayaw ni Gloria”ukol sa Cha-Cha (Charter Change), at “Banta sa Bayan” ukol sa pagsusuri sa mga isyu ng demolisyon at kahirapan ng mga komunidad sa riles ng tren.

Ang isang public service announcement na ukol sa “kagutuman” (Hunger, 5 minuto) ay ipinalabas sa iba’t ibang familiar na lokasyon may 20 katao. Ginamit ang video para maging tuntunan ng kwentuhan at talakayan sa personal na karanasan sa tumataas na presyo at bumabang supply ng pagkain sa bansa.

Sa isang panayam sa mga taga-Tala sa Bukid area, naging aktibo ang talakayan sa mga pasyente ng Leprosarium. Ang video na “Banta sa Bayan” ay ginawang tuntungan para sa diskusyon sa BASECO sa Tondo, isang lugar ng maralitang komunidad na dumaranas ng demolisyon at kahirapan, kasama pa ang peryodikong internal displacement dulot ng sunog at pagbaha.

Movement -related and political film collectives. Bahagi ang exhibisyon ng pelikula para sa audience development hindi lamang para makilala ang alternatibong uri ng dokumentaryo pelikula kundi sa mismong alternatibong politikan sinisiwalat nito. Lumahok ang Tudla as People’s Caravan, isang travelling education at cultural na showcase, sa iba’t ibang distrito sa Metro Manila.

Sa pamamagitan ng “Sineng Kalye,” naipalabas nila ang kanilang mga pelikula. Naipakilala nila ang audience sa kanilang sistema ng produksyon. Ang kanilang preproduction work ay nilalahukan ng dalawang buwang integrasyon sa komunidad. Ang produksyon ay pagshu-shoot sa lugar. At kasama sa postproduction ang mass criticism na bumabalik sila sa komunidad na kanilang pinagkuhanan ng paksa para ipalabas ang pelikula at kumuha ng kritisismo.

Nirerebisa ang pelikula dulot nito. Kolektibo ang mga desisyon, hindi bilang artist kundi bilang cultural worker o manggagawa sa kultural at ideolohikal na antas ng pagmumulat at pag-oorganisa. Marami rin ka-tie-up ang Tudla sa iba pang progresibong organisasyon.

Aminado ang Tudla na sa pamamagitan ng documentary films, nakakapag-tap-in sila sa appeal ng news magazine format sa telebisyon na tinatangkilik ng kanilang manonood. Nakapagpalabas na rin sila sa maraming basketball courts na may higit sa 100 appreciative na audience.

Ano-ano ang mga aral hinggil sa audience development na nakabatay sa komunidad at unyon ang maisisiwalat ng Tudla sa indie filmmakers?

Una, may purposiveness ang paggawa ng pelikula. Para kanino ang bawat pelikulang ginagawa? Ano ang misyon ng pelikula na lampas sa self-expression ng filmmaker? Ano ang nais mabago sa aktwal na lipunan kaya nga gumagawa ng pelikulang fiksyonal?

Ikalawa, ang paglikha ng publiko ay kailangan ng pag-mass work. Kailangang may inaakala at aktwal na manonood ang indie films na makaka-tap ang filmmaker. Kung iisipin, hindi least common denominator, tulad ng komersyal na pelikula, ang audience ng indie film. Ang audience nito ay hindi lamang bading na pinapaksa ng gay exploitation films o kapwa artist (na madalas ding paksain) sa nagpapataasang ihi ng film style na nagtri-triple sommersault in the air.

Ang audience ay ang pinaghalawang karanasan ng paksa at subject ng pelikula. Kailangang maibalik ito, una sa lahat, sa kanilang binibigyan-representasyon sa pelikula na nakahalaw ang istilo batay sa materyal na realidad ng audience.

Ikatlo, tanggapin na ng indie filmmaker na hindi kikita ang kanyang pelikula sa loob ng bansa. At kung ganito ang premis sa kanyang paggawa ng pelikula, mas magaan ang kanyang pasanin. Self-expression, may social mission, at kung gayon, may nakikitang need at audience na nais maabot para sa pelikula.

Ikaapat, ilapit ang pelikula sa audience. Mag-develop ng libre o socialized na venue para makarating ang indie film sa pulutong na manonood. Ang taktika dati ng mga kompanya ng sabon ay travelling films na nagpapalabas ng sine sa publikong lugar sa probi-probinsya para makapagbenta ng produkto. Gawin itong weekend activity ng filmmakers. Ipalabas ito sa mga lugar na walang lubos na akses sa indie films pero may demand para sa alternatibong kwento ng panlipunang buhay.

Ikalima, maximisahin ang komunidad ng indie filmmakers sa pagpapaunlad ng audience nila. Malaki ang papel ng indie filmmakers sa pagtap sa university audience, kundi man pati ang maralitang komunidad at unyon. Long-term ang effort para sa long-term survival ng indie films.

Hindi naman maitatatwa na pelikula na ang behikulo ng imahinasyon ng kontemporaryong manonood. Espesyal at natatangi pa rin ang panonood ng pelikula, kundi man sa sinehan ay sa plaza, opisina, unyon, klasrum ito ginagawa. Kung walang audience, tunay na nakalutang sa ere itong pinapasok na bagong golden age ng Philippine cinema, kundi man ng unang golden age ng Philippine independent cinema.

At kung magpakaganito, tanging filmmakers at ang kanilang kaibigan, kasama ng kritiko at film festivals, ang artipisyal na nakalikha nito. Isang aberasyon. At sa lumalaking output ng indie films, hindi na nakakasapat ang venue ng Cinemalaya, Cinemaone at UP Cine Adarna.

Ang indie films ay mga pelikulang naghahanap ng audience. At sa kasaysayan ng film movements, ang audience ay pinaunlad mismo ng mga filmmaker, intelektwal at cultural activist. Kung gustong mabago ang mundo—isang cinema na namumutiktik sa maningning na output pero walang audience na nakakapagbayad para tangkilikin ito–kailangang baguhin ang mundo ng mismong filmmaker.

Sa huli, audience ang bubuhay sa indie films. Kung nais sabihing “Mabuhay ang indie films,” kailangang iatas sa sarili na “buhayin ang audience ng indie films.”

Advertisements