Karaoke Koersyon: politikal na protesta sa kulturang popular, Bulatlat Column

by rolandotolentino

imahen mula sa  www.ourawesomeplanet.com/…/2006/02/index.html

Karaoke Koersyon: politikal na protesta sa kulturang popular

May ilang beses kong natagpuan ang sarili sa open forum matapos ng panayam nandadaot sa pagmamaniobra ng estadong nagpapahirap sa nakararami kung ano ang maaring gawin sa nakakadismayang kondisyon ng bansa. Noong una, madalas ay wala akong sagot. Para bang hindi pa nakakasapat na pinaglimian ko na ng panahon ang pagsusuri para maging matalas ang politikal at kultural na komentaryo.

Binanggit pa ng isang skolar na guro, hindi papel ng kritiko na mag-prescribe ng solusyon sa loob ng poder ng estado. May tendensiyang pumurol ang anumang bagay na nais maging solusyon, kayang tapatan ng mas nasa loob ng establisyimento na may valid points ang pagsusuri pero masyadong makitid, kundi man walang halaga, ang preskripsyon sa pagbabago. O maari rin maging suntok sa buwan, magiging band-aid lamang dahil paratihang sistemiko ang antas ng kahilingan sa pagbabago.

Sa kalaunan—ngayong mga panahon—ay nag-iisip na rin ako ng korolaryong metapora at trope ng pagbabalikwas sa texto-kontexto ng kulturang popular na maaring umalingawngaw sa aktwal na lipunan. Na tulad ng metapora, madulas at hindi lamang iisa ang tinutumbok, na ang rosas ay hindi lamang pagsisinta at pag-ibig, pagdurugo rin at katapangan, kahiwagahan at kaginhawaan.

Trope naman ang mga imahen, tulad sa panitikan, na maaring makapagbigay-liwanag at makapagpaliwanag sa mas malaking kahulugan ng mga bagay at aksyon, na ang kayamanan sa loob ng baul na itinapon ni Padre Salvi sa El Filibusterismo, halimbawa, ay ang pagkupkop sa posibilidad ng rebolusyon, ng pagkahinog ng mamamayang yaman ng bansa para sa mas mataas na rebolusyonaryong gawain. Na ang pag-uudlot ng awtor na si Rizal sa rebolusyon ay hindi rin naman pagpanig sa reformismo kundi ang pagkilala ng mas kahandaan at preparasyon para sa rebolusyonaryong gawain.

For better or worse, ang mismong buhay ni Rizal bilang exemplar ng kolonialismong Kastila, at higit pa rito, ang kanyang kamatayan sa kamay ng kaayusang nagbigay-posibilidad sa kanyang natatanging pagkatao ang naghudyat ng hangganan ng reformismo, at mala-kahandaan ng mamamayan para sa rebolusyon. “Mala-” dahil epektibo rin naipasa ang pamunuan ng rebolusyon mula sa ranggo ng anakpawis tungo sa lokal na eletista, ang kung gayon, ang “mala-”kahandaan para sa sariling pagsasabansang kaydaling inudlot ng pasahan ng namumunong kolonialismo, mula sa Kastila tungo sa mas makapangyarihang Amerikano.

In retrospect at hindsight ang pagsusuri ng metapora at trope sa texto ng kulturang popular. Parang sa film class, nakapanood na ang mga estudyante bago pa man sila pumasok sa klase. Alam na nila kung paano manood ng sine kahit walang formal na nagturo nito. Ang inilalahok na lamang ng pagsusuri ay ang bokabularyo ng disiplina, maging ang paraan ng pagbasa—formal at kontextual—sa mga pelikula. Na tulad ng pag-angat ng “kulturang popular” bilang mala-formal na disiplina (may mga klase na ukol rito, ginagamit na ang mga paksa para sa formal na papel, maging sa tesis at disertasyon pero walang mga departamento ng kulturang popular) at kahit magpakaganito, may interdisiplinaryong paraan ng pagbasa at pagsusuri sa mga texto (karanasan) sa kulturang popular.

Nagmo-malling ang mga estudyante; may mga preferensya sa tugtog na pinapakinggan, damit na sinusuot, gupit ng buhok, gimik places, modelo ng cellphones, at iba pa; ito ang henerasyong pinakababad sa kulturang popular sa globa na diin sa mga industriya ng service sector, tulad ng entertainment, fashion, edukasyon, kalusugan, turismo, at iba pa. Sobrang babad na hindi na nia alam ang pagkulunot ng kanilang balat, pagtubo ng fungi at iba pang blemishes na lumilikha ng di perfektong karanasan, at ng amnesia sa anumang pasintabi sa pasakit at pighati.

Sa karaoke, etika ng partisipasyon ang paglahok ng lahat. At least once ay kailangang kumanta dahil hating kapatid naman ang bayad. Kaya whether-you-like-it-or-not, kakanta ka kahit wala kang boses, kahit nga sapilitan kahit pa alam naman ang etikang ito bago pa man pumaloob sa karanasan ng karaoke. Peer pressure gaya ng pagpili sa karaoke bilang bonding mode ng barkada o office mates.

Peer pressure na nga na pinili itong lugar, peer pressure pa rin sa loob ng lugar. At ayaw ni Peer na may nagmamaganda, ayaw kumanta. Maari lamang magmaganda sa tampok na aktibidad sa karaoke, ang pagkanta. Ok kundi man hinihikayat ang pagkulot ng mga nota, pagiging song bird na bine-belt ang lahat ng bahagi ng kanta o parang acoustic music, the-mellow-touch.

Koersibo ang karaoke kahit walang nakatutok na baril. Hindi nakakapanghimok ito ng kontraryong pagkilos sa loob ng kwarto ng karaoke o sa lounge. Kahalintulad ng pag-alinsunod sa kalakaran sa karaoke ang substansya ng politikal na protesta sa kulturang popular. Hanggang guni-guni lamang ito, at maraming salamat po, doktor. Walang ibang magagawa kundi umalinsunod sa kalakaran.

Ang politikal na protesta ay sa antas ng kamalayan lamang—pagkamulat tungo sa mas malaking kontexto ng partisipasyon at resepsyon sa karanasan ng kulturang popular. At kahit magpakaganito, ang protesta ay hindi lubos na nagaganap: wala namang exteriorisasyon ang guni-guni maliban sa pagkibit-balikat, pag-ismid, paglampas lalo sa tono, at iba pa na maaring masapantaha bilang guni-guni o hindi. Malay at paki! Ang nag-aalumpihit ay ang nasa upuan, at sa utak lamang niya nagaganap ang rali. At tunay na wala ngang natigbak kahit isang bloke sa kingdom nina Sy, Gokongwei at Ayala.

Nagaganap ang pangkamalayang protesta dahil sa antas ng edukasyon hinggil sa pagdanas ng kulturang popular. Sa higit na marami, hindi masisilayan ang pagpupula ng silangan dahil nga walang ibang environment na ipinadadama sa mall maliban ang sterile na perfektong pananghaliang panahon sa mala-kahong establisyimentong nakakapanghilo sa aktwal na panahon sa labas ng mall. At sa kamalayang protesta, di lubos ang kasiyahan sa resepsyon sa mall kahit pa ito rin naman ang sentimiento ng sinumang dumaranas sa kulturang popular.

Parating may sabit para muli’t muling tunghayan ang ideal na perfeksyon sa ritualisasyon ng karanasan. May hibla ang sweater ng karanasan na napapansin pero hindi sapat para hugutin ito dahil baka ito ang hiblang makakapagdekonstrak sa karanasan. Kaya nananatiling lantad na hibla kahit nakakubli ito o sapilitang itinatago. Ano ang hiblang natutunghayan para lamang itago mo? Ano ang pinaniniwalaan mong hiblang bumubuo ng iyong panlipunang relasyon sa kasiyahan ng karanasan?

Sa punto ng industriya ng kultura na humuhubog ng mga produkto at serbisyo ng karanasan, ang lahat ay hindi kakatwang ibinabagay tungo sa higit pang explorasyon ng kasiyahan ng gitnang uring karanasang makakapanghimok ng higit pang pagbababad, pagtangkilik at kontraryong kamulatan (tungo sa pinakabagong produkto at serbisyong mabibili para madanas ang gitnang uring panuntunan, at ang kamulatan—literasi sa konsumpsyon—ay uhay na magpapatindi ng pagnanasa sa higit pang konsumpsyon). Na kahit libre ang malling ay hindi pa rin nakakatakas sa kakatwang ritwalisasyon ng konsumpsyon: nalalaman ang bago para mapasa-konsumer ito bago maluma.

Retrospect din ang pagdanas ng mayorya ng mamamayan sa konsumerismo at karanasan. Napag-aralan na ng industriya ng kultura na ang kulay pula ay nakakapagpagutom kaya ito ang kulay ng mga higanteng fastfood, o sadyang nililito ang mga disenyo ng mall para makadanas ng pagkaligaw at nang sa gayon ay mas maraming shops ang mapasadahan at mas malakas ang pagkakataong mag-impulse buying, na ang gitnang seksyon ng shelf sa groseriya ang pinaka-premium na brands dahil ito ang unang matutunghayan ng mamimili bago magkaroon ng ibang mas murang opsyon sa mas di hayag na bahagi ng shelf. Paano magproprotesta kung ang bawat saglit at lunan ng karanasan ay napag-aralan na tungo sa higit na konsumerismo ng gitnang uring buhay at produkto?

Ang politikal ay higit pang mataas na rekisito ng protesta—nanghihimok ito ng transformasyon lampas sa sarili ng indibidual. Na parang oxymoron ang terminong “politikal na protesta sa kulturang popular” dahil paano mo itratransforma ang isang karanasan ang ahensya lamang ay sa indibidual na antas, at magpakaganito, paano mo naman gagawing radikal ang isang bagay na pinuntirya ng industriya ng kultura at ng gobyerno bilang depolisadong karanasan at pagninilalang—ang pagdanas ng langit ng kasiyahan ng gitnang uring fantasya?

Na hindi nga maaring ipolitisa ang kasiyahang ito dahil ito na ang tripleng negation ng karanasan: una, ang supplanting ng manaka-naka at panandaling kasiyahan para sa mas malaking kalakaran ng wika sa pasakit at pighati sa karanasang kahirapan at elitismo, na ang espasyo ng pagtunghay sa karanasan, tulad ng mall at sine, ay tunay na relief sa historikal at panlipunang realidad; ikalawa, ang pagpapalit ng ahensya ng indibidual sa pagdalumat ng karanasan sa estado na tila partnership ang isinasaad gayong wala naman pakialam ang estado kundi ang paglikha ng produktibong docile subject sa mamamayan; at ikatlo, ang replacement ng karanasan sa kulturang popular sa utopia at praxis ng pagrerebolusyon.

Na kahit nga magkaroon ng kritikalidad sa karanasan, ang mismong kolektibidad ng indibidual na dumaranas nito ay mayroon nang self-reflexive na postura sa karanasan: inside out o may kamulatang panlabas sa pagpaloob, at outside in o may kamulatang panloob sa panlabas. Isang paa ay nasa labas ng pinto ng pagdanas gayong ang isa ay nananatiling sa loob.

Sino ang may powers na kayanin ang sukdulang disavowal ng karanasan? Sa bansa, ito na lamang ang mga katutubo at mamamayang namumuhay sa sekluded na espasyong di pa rin nababahiran ng karanasan sa modernidad, o ang mga nagrerebolusyong di nakapasok sa mantra ng gitnang uring fantasya ang pagdanas sa kulturang popular. At kung gayon, may kontraryong kosmopolitanismo ang isinasaad ng di pagdanas sa idioma ng karanasan ng pambansang modernidad.

Ang kontraryong kosmopolitanismo ang nagpapatunghay sa kontra-produktibong kalidad ng kosmopolitanismo ng pambansang modernidad. Ang pambansang modernidad ay nakaangkla sa pagpapadanas ng gitnang uring fantasya bilang kalakaran para maitago ang perpetwasyon ng kahirapan at elitismo, kasama ang korapsyon at siste ng patronahe.

Ang kalidad ng kosmpolitanismo ay tungo sa pagkakaroon ng kawing sa aktwal na may hawak ng kapangyarihang politikal at ekonomiya, at ang pagpapalaganap ng pamamatronahe bilang kalakarang panlipunan. Ang panlipunang kapital (social capital) na nagbibigay-diin sa indibidwal na pag-angat sa pamamagitan ng network ng kakilala ang primaryong kalakaran para sa pagnanasang umeskapo sa kasalukuyang mababang predikamento.

Maghahanap ng patron na makakatulong ang mayoryang nasa ibaba gayong ang mga idolo at politiko ay nangangako lamang ng posibilidad ng pag-angat, hindi ng aktwal na pag-angat. At nakakasapat na ang pangako para sa posibilidad para mamintina ang hegemoniya ng kalakarang kosmopolitanismo.

Ang masamang balita, kung gayon, ay walang kalakarang politikal na protesta sa kulturang popular. Walang matagumpay na consumer group sa bansa, walang nagtagumpay na boykot ng mga produkto at serbisyo ng mapanupil na korporasyong nagmamay-ari nito. Napatay si Ka Fort, ang lider-unyon sa Nestle, pero hindi naging malawakan ang panawagan para boykotin ang mga produkto ng kompanyang nagpapalaganap ng karahasan sa manggagawa at unyon nito.

Nagwelga ang manggagawa ng ShoeMart (SM) at Kowloon Siopao pero hindi napatumba ng panawagang boykot ang mga mapanupil na kalakaran ng mga negosyo. At ito ang napagtagumpayan ng negosyo, ang pagdanas sa produkto at serbisyo bilang materialisasyon ng gitnang uring fantasya. Paano mo iisipin na mapanupil ang kalakarang subcontracting at union busting sa SM gayong invisible naman ang operasyonalisasyon nito sa establisyimento.

Kaya pala wala tayong nagiging kaibigang dispatsadora, barista, crew, at iba pa? Dahil naliligwak na sila bago pa man tayo magkaroon ng pantaong relasyon sa kanila, o hindi rin naman araw-araw ang pagtangkilik sa negosyong pinagtratrabahuan nila.

Sa aking childhood memory ng pasalubong na siopao mula sa Kowloon (kahit mas personal kong naging paborito ngayon ang Ma Mon Luk, na iba pa ring nostalgia sa mas matandang edad), o ang peryodikong pagmalling at ang panonood ng sine at pagpapalipas ng oras sa loob ng mall sa panahong may limang oras na blackout sa bansa, at sa ibang pinalaki ng Disney channel, treat ang panonood ng Disney film o ang pagkain ng kiddie meal na mayroong laruan mula sa pinakabagong pelikula ng Disney, ang pasalubong na mahal na Disney na damit mula sa kamag-anak na nakapagtrabaho sa labas ng bansa—paano magiging exploitatibo at pang-uring kaaway ang negosyong nagpapadaloy ng gitnang uring fantasya?

Ang kontraryong kosmopolitanismo ay di lamang nagpapamulat sa operasyon ng gitnang uring fantasya kundi pagpapapatid sa fantasyang ito, nagbibigay ng alternatibong direksyon sa produktibong fantasy-ideal na sumasaklaw sa kolektibong pagpupursigi para sa kabutihan ng nakararami. Saan mabibili, este, matatagpuan ito?

Ang politikal na protesta ay matatagpuan sa labas ng karanasan ng kulturang popular. Hindi ito reaksyon sa operasyonalisasyon ng kulturang popular, pero kabahagi rin ito. Ang kosmopolitanismo ng politikal na protesta ay pagdadala ng agenda (fantasy-ideal) ng organisadong mamamayan para sa pagpapatupad ng hustisya sosyal, ekonomiyang kagalingan, at politikal na empowerment, mga bagay na wala sa pangunahing purview ng estado.

Hindi rin ito “asersyon” (kung matatawag nga ito) ng kasalukuyang civil society, ang paggigiit sa estado ng karapatan para sa civil na karapatan na nakabatay sa definisyon at kalakaran pa rin ng gitnang uring fantasya ng pagkamamamayan. Ang politikal na protesta, kung gayon, ay matatagpuan sa lansangan, kanayunan, kabundukan, sa mga pabrika, komunidad at paaralan nagsusulong ng kilusang mamamayan.

Hindi ko iniisip na hardline ang ganitong panuntunan ng politikal na protesta. Kung iisipin, walang ibang makakapatid sa gitnang uring fantasya kundi ang literal sa pangunahin at figuratibo sa pangalawang usapin na gawaing rebolusyon, ang pagtatalaga ng utopia ng hustisya sosyal, ekonomiyang kagalingan at politikal na empowerment para sa mamamayan, across-the-board o para sa lahat.

Kung iisipin pa nga, hardline na naporma at nasubstansya ang produktibong docile subject na mamamayan sa pamamagitan ng gitnang uring fantasya. Na gaya ng aking paliwanag, ito ay hindi maitatatwa ng simpleng pagtatatwa lamang dahil sa pananakop ng karanasan sa lahat ng spero ng modernong buhay. Na ang mismong kamalayan ay nakolonisa na rin, at hindi rin makakaranas ng lunan na hubad sa karanasan, hubad sa kasiyahan.

Sa karaoke, dalawa ang isinasaad ng pagbabago ng kulay ng sinusundan titik—ang kapasidad umalinsabay, at ang pag-alinsabay na may lakas o tikas ng paninindigan (tandaan ang karaoke score ay nakabatay din sa lakas ng boses). Maging ang politikal na protesta ay itinalaga na lamang sa praxis ng pang-araw-araw at pagtanggap na nga sa pluralidad ng identidad at subject position. Pinasasabay ang hine-herald na identidad para sa asersyon ng ahensya, hindi ng indibidual kundi ng aspekto ngkanyang pagiging subject.

Ang identity politics ay nakatalaga para bigyan-resonance ang alingawngaw ng sarili na hindi ito lubos na natimpi, kahit pa ang episodikong binibigkas nito ay bahagi na ng script sa pagiging—at hindi kailanman magiging lubos—mamamayan. Nasa domeyn ng kilusang masa ang imahinaryong makakabaklas ng gitnang uring fantasya, nakasalig sa utopia ng pagbibigay-diin sa kontraryong kosmopolitanismong hindi binibigyan-ngalan ng gitnang uring fantasya, ang utopia ng sambayanang nakikibaka para sa tunay na ikakalaya at ikakabuti ng mamamayan nito.

Advertisements