Bula ng Gitnang Uri, Pasintabi Column, Pinoyweekly.com

by rolandotolentino

last_supper_with_street_children-lowres

imahen mula sa www.bosconet.aust.com/bosconetcont.htm

Bula ng Gitnang Uri

Mayroon akong isang nakababagabag na linggo. May nanlalaglag na kaibigan, santambak ang trabaho, hindi makausad sa sariling gawain. Minabuti kong mag-feel good isang gabi, matapos ng ilang oras ng pagkablangko at pagsosolitaryo sa computer, sa isang coffee shop.

May natanaw akong bagong-bukas na spa na nag-aalok ng Thai massage sa risonableng halaga. Nagpamasahe ako. Pebble stone ang hallway sa pagitan ng mg cubicle. Pagkapalit ng panjama ay sinimulan na ang masahe. Relaxing dahil may ambient music na tunay namang magpapa-tune out sa mundo.

Sa tuwing maiisip kong OK na ay bigla namang itutuloy pa ng masahista sa panibagong erya ng katawan. Binubuhat, hinahaltak, mabigat ang diin ng mga kamay pero ang suma-total ay nakakagaan ng pakiramdam. Para akong may bola sa talampakan ko nang matapos ang masahe at naglakad ako palabas sa lobby.

Maaga pa. Inisip kong hindi rin naman ako makakapagtrabaho ay mabuting pang manood ng sine. Sagarin na ang pangangalay ng katawan at utak. Gumawa nang di ordinaryong bagay mula sa routine ng pagtratrabaho sa opisina at coffee shop. Nagbiyahe ako patungo sa Trinoma Mall.

Sa kanto ng Quezon Avenue at BIR Road, may isang malusog na bata, mga grade 4 kung nakakapasok ito, na nagbebenta ng trapo. Tumanghod ito sa bintana ng sasakyan. Kakaiba ang lungkot ng mukha at mata, parang sinserong gustong makapagbenta. Tunay ang binibigkas na “pangbaon lang po, sir.” Sa sandaling nakapagdesisyon na akong bibili, bigla itong nakatawid na ng kalsada. Bitbit ang mga basahan sa isang kamay at inaalalayan ang bag na nakasabit sa katawan, laman ay marami pang basahan.

Naalaala ko ang aking pamangkin. Wala na rito, lumipat na sa Amerika ang kanyang pamilya. Ganito rin ang kanyang mukha at mata nang huli kong madalaw ito. Kahit nakangiti ay may bakas ng lungkot kahit may oras ito sa harap ng computer o sa mga kaedad na kapitbahay na dumadalaw sa kanya. Nagpatuloy akong nagmaneho, at hindi mapagpag ang lungkot ng mukha ng batang nagbebenta ng trapo.

Huminto muli ang sasakyan sa dulo ng Science Road at North Avenue. May naglalarong mga sampung musmos sa island. Pisikal ang laro, mabilis ang takbo sa maliit na lugar. Ginigising ng ilang bata ang nakahilata kalaro. Ayaw nang bumangon. Kalahating minuto itong ginigising pero hindi na ito kumikilos. At nagsimulang umusad ang sasakyan.

Lumingon ako pero sumusunod lamang sa yugyog ng mga bata ang walang urirat na musmos na nakahiga sa island. Nakaramdam ako ng kurot sa aking dibdib. Hindi ako mabahala. Baka inaatake na ang bata. Baka hinimatay o patay na. Pero umuusad na ang kotse, at unti-unti na akong dinadala sa Trinoma mall.

Sa loob ng kotse, gusto kong umiyak sa lungkot ng aking nasaksihan. Anong klaseng lipunan itong ang kanyang mga musmos ay wala sa loob ng kanilang mga tahanan, nagtratrabaho at naglalaro sa gitna ng kalye sa disoras ng gabi? Anong klase itong sarili na walang magawang anumang bagay para sa ikakabuti ng lagay nitong mga bata? Anong klase ng pagdanas ng kalidad ng gitnang uring buhay na wala ring silbi at halaga sa mas abang uri sa lipunan?

Nakarating akong hilo at mabigat ang loob sa mall. Isang oras pa ang sine kaya naglakad ako. Tumungo sa rooftop garden na may hamog na lumalabas sa gawa-gawang bukal. Naglakad ako sa mga tindahan hindi ko na alam kung ano ang tinda. Naglakad akong bitbit ang aking mabigat na bag, na akala ko ay makakapagtrabaho pa ako gaya ng orihinal kong plano.

Pumasok ako sa Figaro, isa pang coffee shop, para mag-ubos ng oras. May nakita akong libreng wi-fi kaya bumili ako ng light iced chocolate at umupo. Ayaw kumunekta ang wi-fi sa aking computer. Kailangan daw P200 ang nabili bago magkaroon ng libreng akses. At inubos ko ang oras sa aking loser mode na natatalo sa solitaryo sa computer.

Sa sine, kontrolado ng CIA ang mundo. Nakakapag-operasyon sila sa Middle East mula sa bahay ng opisyal sa Virginia, na nagpapaihi sa kanyang musmos isang umaga. Ang kanyang kausap sa kabilang panig ng mundo ay natatanaw ng monitors sa main office. May katiwalian man sa simula’t huli ng pelikula, ang buhay ay sagana sa kapangyarihan.

Sa pagtatapos ng sine, at nagmamadaling pag-astang tumayo at umuwi, sa dilim na ng mall at sa pag-iisa sa paglalakad patungo sa basement patungo sa carpark, wala nabago sa bigat at kirot sa aking dibdib. Sa pagsakay sa kotse at pag-uwi sa malayo-layong biyahe, sa manaka-nakang patak ng ulan, lalong pumaloob at lumalim ang tarak sa aking dibdib.

Hindi na kaya ng spa at sine, o ang paghahanap ng siwang sa bigat at sara ng pang-araw-araw na buhay. Iniisip kong iniiyak na lang ng langit ang hindi mailabas sa mata, at dinadaanan na lang ng tulin ng sasakyan ang nagaganap na biyahe sa aking isip.

Mabigat ang tulog ko ng gabing iyon.