Iisa pa lamang at Camp, Kulturang Popular Kultura Column, Bulatlat.com

by rolandotolentino

iisa-pa-lamang

imahen mula sa zangcaesar.com/?attachment_id=270

Iisa pa lamang at camp

Buzz ito sa blog ngayon, kung gaano ka-witty at ka-OA (overacting) ang telenobelang Iisa Pa Lamang. Hodge-podge ang ensemble: dating magka-loveteam (Diether at Claudine), dating ka-loveteam ang kapatid (Gabby at Claudine), expe (experimental) loveteam (Diether at Angelica), at indie film love team (Cherry Pie at Joel Torre). Ang tinutunghayan ng gitnang uri at intelektwal na manonood ay ang campiness ng teleserye: kung paano ang OA ay tila punchline na pinakaantay kada eksena at episode, kung paano ang punchline ay isang fantasya ng comeback sa tunay na buhay, at kung paano ang tunay na buhay ay dahop sa rekursong tulad ng fantasya.

Sa blog ni zangcaesar.com, heto ang ilang palitan ng dialog at bitchiness:

Scarlet: Anak ako. Dugo’t laman.

Catherine: Anak ka lang. Asawa nya ko. Lahat ng pag-aari ni Martin, pag-aari ko na ngayon.

Scarlet: You’re just a golddigger in red. Damn you.

Catherine: Same to you, anak. Same to you.

* * *

Scarlet: Magsu-swimming ka lang eh nakapa-diamonds ka pa?

Catherine: Of course, diamonds are forever. Like me.

* * *

Isadora: Ang ganda-ganda mo ngayon, Katherine. Sarap mong patayin!

* * *

Catherine: Anak ka nga talaga ni Isadora, nakuha mo lahat sa kanya. Matapobre, mayabang, at higit sa lahat, bastos!

Sophia: Don’t you dare say bad things about my mother. Kumpara sa yo, anghel ang ina ko!

Catherine: Anghel na may sungay!

Sophia: Oo, may sungay. Para suwagin ka! Para mauna ka sa impierno!

Catherine: Hmm. Matagal-tagal na kayong inaantay doon. In fact, balita ko, si Satanas mismo ang sasalubong sa inyong mag-ina!

Ang camp ay nababalot ng artifice, nakikita ang tistis kaysa sa perfeksyon ng saplot. Nagiging fluid ang relasyong pangkapangyarihan, at ang resulta ay carnivalesque laughter, tulad ng isinasaad ng lingwistang si Mikhail Bahktin. Sa isang temporal na saglit, nababaligtad ang relasyong pangkapangyarihan, tulad ng mahirap at mayaman, at naibubuyanyang ang konstruksyon ng aktwal at historikal na kapangyarihan. Sa isang saglit, napapagtawanan ng mababa ang mataas.

Ang problema sa gamit ng camp ng Iisa Pa Lamang ay gawing katawa-tawa ang lahat ng kaibahang nagreresulta sa relasyong pangkapangyarihan. Babae ang madalas na nagpapalitan ng bitchiness, na imbes na gawing politikal na komentaryo ang sinasambit na sweet-and-sour na linya ay ginagawa lang itong maanghang na alitan ng babae sa kapwa babae. Reafirmasyon itong telenobelang camp ng ganid at competitive na babae para sa romantikong pag-ibig ng Prince Charming, at ang pinag-aagawang yaman ng pamilya. Ginagamit ng mga babae ang mga katawan para magkarelasyon, mapakasal, at makapamilya ang lalakeng representatibo ng pangkaligayahang obhektibo.

Walang carnivalesque laughter, at ang tanging lutong ng tawa ay ang pag-aantay sa alam naman na parating, at peryodiko ngang dumarating. Hindi rin ito punchline na siyang susuma sa daloy ng pangyayari, kundi serialisasyon ng pambabaeng pagnanasa na makalampas sa kanyang kabaro, gawing tuntungan ang katawan para sa higit na kultural (pangalan ng lalake) at ekonomiko (via pag-aasawa) na capital, gamit ang katawa-tawang representasyon sa babae at pagkababae.

Heto pa ang ilan pang dialog mula sa zangcaesar.com:

Isadora: Bakit mo ko sinampal? Biyenan mo ko!

Scarlet: Di lahat ng biyenan, pinagbibigyan. Di lahat ng biyenan, pinapatulan. Para yan sa biyenang bakulaw, tulad mo!

* * *

Scarlet: Look who’s here, my favorite stepmother. Ang dating golddigger in red,isa na ngayong merry widow in black. Kung sabagay, mas bagay sa yo ang itim, kakulay ng budhi mo!

Catherine: Bakit ka nga ba nakaputi? Para pagtakpan ang mas maitim moong budhi?

* * *

Scarlet: Tapos ka na sa golddigger in red. Tapos ka na sa merry widow in black. Ngayon, baka pwede ka nang dirty mistress in dirty brown.

* * *

Scarlet: Luluhod ka sa harapan ko at magmamakaawa ka na tatanggapin kita ulit.

Miguel: Kumain ka, gutom lang yan!

* * *

Scarlet: Walanghiya ka!

Catherine: Mas walanghiya ka!

Scarlet: Home-wrecker!

Catherine: Adulteress!

Scarlet: Black widow!

Catherine: Slut!

Scarlet: Social climber!

Catherine: Desperate housewife from hell!

Golddigger, bitch, demonyo, loka-loka ang mga babae. Ang kakatwa rito, kung babasahin lang ang mga dialog, parang iisang tinig lang ang nagsasalita. At ito rin ang problematiko sa balon ng tinig na pinagmumulan ng iba’t ibang karakter: na binubura ang kaibahan, at ang nirerehistro ay ang kaisahan. Ito ang camp bilang be-all and end-all ng laro. Pati ang tinig ng lalake ay nanggagaling rin sa isang boses na ito.

At ito ang ideolohikal na projection ng telenobelang camp: bading ang orihinaryo ng lahat ng camp at ginagamit ito para bigyan-definisyon (porma, laman, kalidad at substansya) ang babae at pagkababae, maging ang fantasya ng ideal ng lalake at pagkalalake. Ang substansasyon ay problematiko dahil nagmimistulan itong appropriation ng female desire ng mga bading na tunay namang invisible, kundi man stereotipikal sa telebisyon at media. At kung gayon, ang paggamit ng katawan ng babae at lalake ay bilang lunduyan ng isang partikular na bading na pagnanasa.

Ang bading na on the verge of a nervous breakdown ang partikular na tinig na ito. Kaya parating hysterikal, nakikipagbatbatan, nakikipagtarayan, nagko-compromise, naghihiganti, at pinupulot ang ego sa pusalian. Mataas ang anxiedad ng bading na ito, likha na rin ng kanyang invisibilidad sa media, gayong nakaugnay pa rin sa stereotipiko ng mismong media sa kanya: katawa-tawa, user, over-the-top, mataroosh (mataray), na blinu-blur ang distinksyon ng tunay at telebiswal na imahen ng bading na ito. “Parang” may aktwal naman tayong kakilalang bading na ganito, o mas masahol, “lahat ng bading ay ganyan naman talaga.”

Kung sa unang panahon sa pelikula, ang camp ay pamayagpagin nina Joey Gosiengfiao at Elwood Perez, at ginamit pa nga ang ganitong gay camp para sa lehitimasyon ng politikal na kapangyarihan (kasama sa entourage ng “Blue Ladies” ni Imelda Marcos ang platoon ng couturier, stylist, events organizer, at iba pa na pawang mga bading), ang kasalukuyang camp ay walang major improvement sa naunang kasaysayan nito. Kung sa unang panahon, ang camp ay nagmula sa Ricky Belmonte at Alma Moreno jokes na ukol sa katangahan ng nouveau riche, at pumalaot pa sa “loud young woman” sa comedy films nina Nida Blanca at Maricel Soriano, ang kasalukuyang camp ay pagsasanib ng pag-atake sa kultural na kapital: gustong maging “we-belong” intellectually nina Ricky at Alma, at ang pagnanasang maging lalake ng mga tomboying na sina Nida at Maricel. Ang campiness nina (Mother) Rita Gomez at Celia Rodriguez, mga high society, ang pinaghahalawan ng telenobelang camp.

Ang kasalukuyang atake ng telenobelang camp ay ang ekonomiyang kontradiksyon sa hanay ng mayayamang o nag-aastang mayayamang babae. Na ang resulta ng negasyon sa negasyon ay gawing isang positibo ang sukdulang yaman bilang batayan ng kapangyarihan sa kapwa babae. OK maging mayaman dahil makakapandaot ka ng kabaro, ang sinasaad ng telenobela. At tulad naman ng inaasahan sa genre ng romantikong melodrama, ang pinag-aawayan lang naman talaga ay ang atensyon at pag-ibig ng lalake. Dito papasok, a bit, ang moral na kabutihan ng babae, ang magpapaigpaw sa isa laban sa maraming nakakapanghatak sa moral na nararapat na babae.

Narito pa ang ibang dialog mula sa parehong blogsite:

Scarlet: Ikaw ba, totoong nagdadalamhati ka? Kasi napansin ko, kaya mong magbiro. Kaya lang ang corny mo. Anyway, gusto ko lang malaman o na lahat nang to, hindi to permanente. Lahat ng iyan, babawiin ko yan sa yo!

Catherine: Sige, maglaro tayo, agawan ng yaman. Pero kung ako sa yo, kakabahan ako. Kasi, ako, sanay sa hirap. Eh, ikaw?

* * *

Isadora: Gusto mo ikaw ang itali ko? Pa-sweet-sweet ka pa diyan, ganid ka rin pala!

Catherine: Ang bigat naman ng salitang yon, Isadora. Pero totoo, oo, ganid ako! At gusto ko, ni singko, walang matira sa yo. Kay makinig ka na, Isadora dahil uubusin ko ang lupang tinatapakan mo!

* * *

Catherine: Pagod ako. Huwang kang loloko-loko. Baka gusto mong ihampaas ko tong bag kong mas mahal pa sa yo!

Isadora: Sabagay, ako rin eh, pagod makipaghampasan. Next time, OK? In fairness ah, ang ganda ng damit o. Pahiram minsan, ha?

* * *

Catherine: Pakisabi sa bisita mo, ayoko nang nangangamoy basura ang bahay ko.

* * *

Isadora: Oh, aren’t you excited to see me?

Scarlet: Excited? Alam mo bang mas excited pa akong agpunta sa dentista at magpa-root anal kesa makaharap ka?

Isadora: Ikaw naman, nagapaka-funny. Kung ang lahat ng bulok na ngipin ay kasing ganda ko, o di wala nang bibili ng toothpaste. I’m so witty.

Catherine: Ano ba talaga ang pakay mo? I’m sure hindi naan angkapakanan ng dental industry ang pinunta mo dito, bi da? Business? Monkey business?

Isadora:Oo, at napakadisenteng moneky business. Politics.

Tanging itong huli ang may edgy na kalidad sa parody dahil may irony sa pagpapantay ng di magkakapantay na mga isyu: business: monkey business: politics. At mayroong disjuncture na nagaganap dahil may transisyon tungo sa pagtutumbas ng negosyo at politika. Kumpara sa pagtatangkang maging swabe sa iba at nakararaming dialog, iisa ang rehistro, iisa ang tinig na sumisikil sa irony. Tunghayan na lamang ang dami ng exclamation point sa dialog. Parang nakikipagsindakan parati ang mga karakter na babae. At kung pare-pareho ang sindak, hindi na ito nakakasindak. Tumatawa ang manonood na walang self-reflexivity sa wit kahit binabanggit pa ito sa mismong dialog.

Heto ang huli kong installment ng dialog mula muli sa blogsite:

Scarlet: Same to you, anak remember? Pareho na tayong nasasadlak ngayon. Damn you, damn me. Karma’s a bitch, ans so are we.

* * *

Miguel: Tignan mo nga naman. Lagi o kasing sinasabing, “Karma’s a bitch!” Haha… Yan tuloy, na karma ka na, na-knockout bitch ka pa! Haha.

* * *

Isadora: Dumi ka lang sa lupang kinatatayuan mo.

Lola Aura: Hetong duming ito balang araw ang syang makakapuwing sa iyo.

Isadora: Eh di magshe-shades ako.

* * *

Catherine: Di nyo ba nababalitaan ang good news? Ako ang nakabili ng major stocks ng Dela Rhea Company. Kaya kung ako sa yo, sasanayin ko na ang sarili ko na tawagin akong ma’am! Sya nga pala, gusto ko tuwing papasok ako sa office, gusto ko ipagtimpla mo ako ng kape. Yung black, veeeerrrry black. Simpait ng buhay na ipalalasap ko sa yo!

Scarlet: Go to hell… go to hell… go to hell!!!

Catherine: I’ll see you there! Hahahaha.

Hindi orihinal ang panggogoya ng Iisa Pa Lamang, kahit pa komiko ang epekto ng deadpan delivery ng lines. Precisely kaya ito comic ay dahil ang kapantayan ay sa rehistro ng aktwal na pagsasambit ng linya at ang konteksto na hindi ito nagaganap sa pang-araw-araw na buhay. Tunay na reafirmasyon ng plebisito sa fantasmagorya kay Gloria Arroyo: na seryosong pagsambit sa nakatatawang bigkas ng datos at estado ng pag-unlad ng bansa. Ang isinasaad ay kung paano naitatago ng pangde-deadma ang tunay na kapaitan ng kaganapang pambansa, na ang pinakamarahas na kondisyon ng di pag-akibat ay panunumbas sa panlalaglag sa mayoryang mamamayan. Hindi na nakakatawa ito.

Wazak! Wazak!

Advertisements