Nakawan ng Pribadong Pag-aari at Gitnang Uri, Pinoyweekly.org Column

by rolandotolentino

24d32a3b

imahen kay Jeffrey Navarro sa fruitofthegloom.multiply.com/photos/album/6/1…

Nakawan ng Pribadong Pag-aari at Gitnang Uri

Umuwi ako ng hatinggabi kamailan lang. Sa di ko maipaliwanag, hindi ko kaagad mabuksan ang maliit na gate. Wala ring ilaw sa bukanang pinto ng bahay. Nakarinig ako ng tunog ng chime kahit walang hangin. At ang galasgas ng tila hayop sa halaman, inakala kong pusang nakapasok sa loob ng bahay.

Tulad ng mga gabi, uminom ako ng dalawang kutsarang VCO (virgin coconut oil) at dalawang kapsula ng Vitamin C, at tumungo na ako sa kwarto sa itaas. Tulad ng mga gabi, mabilis kong sinara ang pinto, handa ng maghilamos at magpalit ng pantulog. Pero di tulad ng gabi, natagpuan ko ang ilang gamit sa loob ng kwarto na magulo ang ayos. Nawawala ang ilang laman ng container sa may TV, at paling ang mga painting sa ibabaw ng kinalalagyan.

Hindi ko na natiis, hiniyaw ko ang pangalan ng katiwala. Kundi man nakaligtaang magligpit, may hindi awtorisadong paghahalungkat sa kwarto. Imumustra ko na ang kaguluhan ng ilang gamit nang biglang may sumulpot sa ilalim ng kama. Napasukan kami sa loob ng bahay.

Napatakbo palabas ng kwarto ang kasambahay. Natagpuan ko ang sarili kong nakikipagtitigan sa taong nakahubad, nakatitig rin sa akin. Sa labas ng kwarto ay inutusan ko ang katiwala na kunin ang yantok sa kanyang kwarto, pati na rin kutsilyo. Sa pagkaripas ko sa hagdan, tumawag ako ng numero ng guardhouse. Madali kong pinakiusapan ang nakausap na tumungo kaagad sa bahay.

Ilang minuto pa ay nakapasok na ang gwardya. Sinabihan kong nasa tagiliran ng sahig ng kama ang magnanakaw. Bigla na lang nabuo sa isipan ko ang akmang identidad ng tao sa sahig. Ilang saglit pa ay binababa na nila ang lalake, nakasuot na ng tshirt at tila emo ang buhok. Sinabihan ako ng gwardya na antabayanan ko na lang ang sasakyan ng baranggay.

Umakyat kami ng katiwala, tinignan kung ano ang nangawala. Bukod sa mga ilang lalagyan na naglaho ang lamang abibot—rosaryong galing sa Vatican, medalyon, napigtas na beads, isang asul na antigong necklage mula sa Ifugao, at iba pang bracelets na bigay—wala akong natagpuang tunay na mahalagang nawala.

Sa baranggay ay kinuha ang mga pangalan namin, kasama ang guard na nakahuli. Sinabihan kaming dalawa na bumalik kinabukasan para sa inquest. At kinulong ang magnanakaw sa selda, sabay upak ng isang detenido.

Hindi ako nakatulog kaagad. Tinignan ko muna ang bawat sulok ng bahay na maaring pagtaguan pa ng tao: ilalim ng hagdan, ilalim ng kama, shower area ng banyo, sulok ng mga mwebles, at iba pa. Pasilip-silip akong muli sa ilalim ng kama, at sa bintana ng kwartong nakadungaw sa bubong ng kusina, ang pinagpasukan ng magnanakaw.

Kinaumagahan ay sinundo ko ang off-duty na guard at tumungo kami sa presinto. Pinatignan sa amin ang statement. Kinorek namin ang spelling ng aming pangalan. Dahil raw wala namang halaga ang nakuha, “attempted robbery” lang daw ang pwede. Sabi ko ay mayroon namang halaga, at pinasabi sa pulis ang mga item at kanilang halaga. Naging “robbery” ang kaso.

Parang kalahating oras kami ng guard na nag-aantay. Mabagal mag-computer ang pulis, mas mabagal ang dot-matrix na printer. Nang matapos ay tumungo kami sa selda. Pinosasan ang magnanakaw, kasama ng isa pang may kaso ng cellphone snatching. Magkakasama kami ng pulis, akusado, guard at ang nanakawan ng cellphone na nagsisiksikan sa kotse ko para tumungo sa City Hall.

Nakipagkwentuhan ako sa babaeng nanakawan ng cellphone ng alas-tres ng umagang iyon. Call center agent pala siya. Nanlaban siya kaya nahuli ang bumutas sa kanyang shorts para dakmain ang cellphone. Pero hindi na gumagana ang cellphone niya. Malaki ang kanyang paghihinayang dahil siya raw ang gumastos rito.

Dumating kami sa City Hall, umibis sila habang ako ay naghanap pa ng parking. Sa fourth floor ng Hall of Justice, natagpuan ko ang sarili na kasunod ng pulis. Nagpaxerox ito, bumili ng kendi at ako ang pinagbayad. Yung mga nakaposas—wala pa ring tsinelas man lang ang magnanakaw sa bahay—ay pinasunod sa inquest. Sa fiskal, isa-isang mabilis na dininig ang mga kaso.

Pag dating sa akin, tinanong kami ng magnanakaw kung magkakilala ba kami. Tinanong din kami kung magkarelasyon ba kami. Bakla ang lalaking natagpuan sa sahig sa kama sa kwarto ko. Nauna pa ang lalake na tumanggi sa sinabi ng fiskal. Tig-100,000 piso ang bail para sa robbery at cellphone snatching. Labinglimang araw pa ang unang hearing daw. Mabubulok ang mga inaresto sa isang kwartong kasing laki lang ng opisina ko, magkakasama ang mga 20 pang detenido.

Sa paghatid sa mga inaresto at pulis pabalik sa presinto, naalaala ko ang tanong ng fiskal sa inaakusahang nagnakaw ng cellphone, “Binugbog ka ba?” Bago makasagot ang nakaposas ay sinalo na kaagad ng pulis, “Nagkagulo lang po.” Maraming tuyong dugo ang nakaposas, “Sinaksak po ako niya,” sabay turo sa babae. Pero hindi na ito pinahalagahan.

Ibinaba ko ang babae sa kanto ng Congressional at Mindanao. Bumalik kami ang natira sa presinto. Mahaba ang gabi at umaga ng eksena ng nakawan. Pareho kami ng sentimiento ng call center agent. Paglabag ito sa aming pinaghirapang pag-aari. At habang pabalik ako sa akin talagang pupuntahan, naisip kong ang aming asersyon ng pagiging gitnang uri ang siyang yumuyurak sa mas mababa sa amin.

Na kahit walang kalatoy-latoy ang proseso, at ang infrastruktura ng katarungan, maging ang pulisya, sa amin pa rin pala ito nakakiling. At mas lalo akong nalungkot sa kinasadlakan ko, lampas pa sa eksena sa horror film nang matagpuan ko ang katawan ng lalakeng nakapasok sa loob ng kwarto ko.

Ang kwarto ko, ang buhay ko, ang predikamento ko, metapisikal ang pagkakulong sa gitnang uri. Ang mga inarestong tao, naging magnanakaw na, nakakulong na. Hindi pinagsalita, at kahit magsalita, ayaw rin namang pakinggan. Kasing lagkit ng putik sa kotseng nabasa ng mabilisang ulan at dumaan sa makikitid na kalsada ng kapuranggot na lugar sa syudad ang pakiramdam ko.

Advertisements