Pagtakbo at zen, Bulatlat.com Column

by rolandotolentino

jog2

imahen mula sa http://atfnetwork.ning.com/

Pagtakbo at zen

Ngayon lang ako nagkaroon ng sports na tinatangkilik na buhay pa rin, matapos ng lampas isang taon. Noong bata ako, sa slambook ng mga kaklase, wala akong tiyak na masulat sa tanong na “sports and activities.” Sinusulat ko na lang ay badminton kahit ito ay gamit ang family badminton set na nabibili sa affordable na halaga. At tulad ng maraming “sports” na tinatangkilik sa bansa, nilalaro na walang court, uniporme, akmang sapatos at rules. Bara-barabay kumbaga. Kahit mahangin ay naglalaro pa rin sa patag na lugar.

O di kaya ay bowling na unang ipinakilala ng aking mga magulang nang napilitang isama kami sa kanila ring miminsanang pagpunta sa bowling lanes sa Gapan. Di pantay ang sahig, nasasalubsob ang yapak na paa, at baku-bako na ang lanes, pati na rin ang bola. Pero masaya ang gabing iyon, na kahit na nga pauwi kami at ang mga matatanda ay inaantok sa nagsisiksikang biyahe, kaming mga bata ay buhay na buhay pa ring pinagkukwentuhan pa rin ang bagong karanasan.

Nag-gym ako dati at tunay namang matagal magpalaki ng katawan at magpaliit ng tiyan. Pero sa liit ng sweldo sa pinagtuturuan ko, at sa buwanang laki ng kaltas, di ko na kayang magbayad sa gym sa mall. Yung malapit naman na gym sa bahay ay parang hindi naman pangtao dahil yung isa ay nakatutok ang harap sa mainit na araw sa hapon. Yung isa naman ay kakaunti ang gamit, mahal para sa kanyang fasilidad, at napakalakas ng tugtog mula sa makulit na anunsyo sa estasyong FM.

Sa Unibersidad ng Pilipinas ako nagtuturo at ang isang perk ng pagtuturo ay ang mga higanteng akasyang nakalinya sa magkabilang kalsada sa University Oval. Na kahit na nga mausok mula sa humaharurot na sasakyan, na kapag naglinis ka ng ilong ay itim na hibla ang lumalabas, ay OK na rin. Pagtakbo ang naging sports ko. Naisisingit ang kalahati hanggang lampas ng isang oras sa hapon at gabi, bago umuwi sa bahay.

Gusto ko ang pagtakbo dahil di matatanya ang itatakbo hanggang hindi aktwal na tumatakbo. Sa simula, kapag ako ay nakalimang ikot na sa oval, kinabukasan ay kahit isang ikot ay hindi ko matapos. May araw na akala ko ay malakas ako, pero nangangalahati pa lang sa oval ay biglang nananamlay. O araw na nanghihina dahil sa puyat, bigla na lamang makakatakbo ng lampas-lampasan.

Sa kalaunan, ang pagtakbo ay isang dayalektikong aktibidad. Kailangan ng akmang pahinga at diyeta para masustina ang pagtakbo. Nafa-factor in na ang tulog at pahinga, maging kung ano ang kinain, sa kalidad ng pagtakbo. Kaya pati ang mga ito ay nababantayan na rin. Kung hindi nga, disimulado ang kalidad ng pagtakbo. Malakas, mahina, matagal, mabagal, kakarag-karag, may buhos, pero hindi sustenido.

At ang isang paalaala sa pagtakbo, kailangan nga ay patuloy itong ginagawa. Kundi ay babalik na lang parati sa “baby steps” na tila nagsisimula na namang muli. Kung hindi nakatakbo, halimbawa, ng dalawang linggo, tiyak na ang unang takbo ay malaki ang kabawasan sa huling takbo. Kailangan na namang simulan sa batayang lebel hanggang sa umangat sa makataas.

Para itong zen mode, na nakukuha ang perfeksyon ng isang bagay o buhay batay sa masteri ng nito, kabilang ang instrumentalisasyon ng katawan at pisikalidad sa larangan. Kung ako ay isang potter, halimbawa, sa pamamagitan ng araw-araw na pagsasabuhay ng aking sining matatagpuan ang zen na antas ng buhay. Na nagkakaroon ng spiritwal na dimensyon ang pisikal na aktibidad, o gamit ang pisikalidad, ang ritualisasyon ng katawan sa larangan, para maabot ang spiritwalidad.

At hindi ito Judeo-Kristianong karanasan, ang pagpapakasakit sa material na buhay para sa katubusan sa isang kaluwalhatian sa pagyao ng katawan. Hindi rin ito Hollywood na pelikula, na ang lahat ng pagpupursigi ay may pangakong masayang katubusan sa pagtatapos ng panonood. Ito ay simplisidad ng laan o naitakas na panahon para sa pangangalaga sa katawan at sarili, kundi man paghahanap ng balon ng buhay.

Noong bago ako tumatakbo, ang ginagawa ko ay brisk walking sa oval. At nayayakag ako ng aktibidad sa panahon ng pagkakausap sa aking mga demonyo. Yung mga nang-aaway, nambabalasubas sa akin ay parang kinukumpronta ko sa lilim ng akasya. Kaya nakakapagod ang pagkatao, kahit na tila lumalakas ang pangangatawan. Tumataas marahil ang presyon habang nakikipagbalitaktakan sa sariling mga multo.

Sa pagtakbo, sumasagi pa rin ang mga multo pero pwede ko silang sabihang, tumabi muna kayo. Hindi naman para sa kanila ang pagtakbo, hindi rin para sa narsisistikong sarili. Ang pagtakbo ay para sa pagtunghay sa kapasidad ng sarili na unti-unti, at tunay naman dayalektikal lamang ang pag-unlad, na mahigitan ang nauna nang karanasan sa pagtakbo. Hindi tulad ng romansa ng Nike na tatapusin lamang ang gawain kapag tapos na ito, kahit pa hindi na kaya ng katawan, ang pagtakbo ay pag-unawa sa relasyon ng pinagmulan at hangganan.

Na ang hangganan ay isa ring material ngunit natitibag na konstrak. Na maari itong lampasan hindi lamang kung nais, kundi kung nais magpursigi. Na walang darating na pag-unlad kung hindi nga nagpupursiging umunlad. At ang hangganan ay lampas-lampasan sa aking kasalukuyan. Balak ng aking kasamang makatakbo kami ng full marathon, 42 kilometro, in this lifetime. At ang aming kakanyanan ay mga 10 kilometro pa lamang.

Kahit i-push pa namin, 21k lamang ang aming maabot. At ang kasama ko nga ay nakakapag-21k na takbo na. Ang tangi ko lamang rekord ay isang fun run sa unibersidad na 5k. Kaya marami-rami pa akong bigas na kakainin. Pero dahil nga nang una akong tumakbo ng 5k, hingal na hingal na ako, isang taon matapos nito, nakaka-10k na rin naman ako. Kaya may inunlad na ito, at tunay naman ang paglalakbay ng ilang libong milya ay nagsisimula sa isang yapak.

Iyon nga lang, apektado rin ang aking pagtakbo sa pagtaas ng presyo ng gasolina. Kung mahal ang gasolina, mahal din ang gastos kapag pupunta ng kampus para lamang tumakbo. Dumadalang ang aking pagtakbo nang magsimulang mag-ipo-ipo ang presyo ng gasolina. Natatagpuan ko ang sarili na nagski-skipping rope na lamang sa bahay para makuha ang oras na laan sana sa pagtakbo. At ngayon nga, pati ang pagtakbo sa subdivision kong tadtad ng humps ay inaatupag ko na rin.

Sa loob ng isang oras na pagtakbo, na kahit nga minsan ay isang ikot lang sa oval ang katumbas, nababalikwas ang hangganan ng sarili. Natatamo ang pag-usad, at ang paglampas sa pinagmulang kalagayan. May natatagpuang katahimikan sa isang iglap na wala munang halaga ang iba. Na ang sandaling ito ay para sa sariling kapasidad na malampasan ang parametro ng buhay. At may mapayapang iglap na pabaon din ang sandaling ito. Na may katiwasayan ang sarili sa lilim ng akasya.

Advertisements