Politikal na Pagkilos at Akademya, Bulatlat.com Column

by rolandotolentino

fridakahlo460

imahen mula kay Frida Kahlo, www.guardian.co.uk/artanddesign/artblog?page=16

Politikal na Pagkilos at Akademya

Inabisuhan na ang aking kasamahang guro na hindi siya binigyan ng tenure ng kanyang departamento. Na huwag na siyang pumasok sa kanyang klase hanggang hindi naabisuhang pwede pa. Walang nakasulat na paliwanag para sa mga mabibigat na desisyon at order. Kumpleto naman ang aking kaguro sa requirements for tenure: may publikasyon sa refereed journals, mataas ang evaluation ng mga estudyante sa teaching, at maraming committee work na nilahukan.

Ang tanging masapantaha sa pagtatwa ng tenure sa kanya ay ang kanyang politikal na aktibidad. Aktibista ang kagurong ito, kasapi ng progresibong teachers’ organization. Sa isang dapat ay liberal na stance ng akademya, hindi pwede itong i-factor-in. Nakakahiya para sa unibersidad na may astang social critic. Kaya ang desisyon ay nananatili pribado, nilangkapan pa ng jargon ng executive meeting, privilege information, at confidentiality.

Ang asta ng departamento niya ay sintomatiko sa neoliberal na direksyon ng kasalukuyang akademya.

Nilulusaw ang politikal, gayong OK naman ang tolerance sa iba’t ibang politika, maliban nga lang kung ito ay aktibismo ng Kaliwa, na nakabatay sa kilusang masa at pang-uring pagsusuri ng lipunang Filipino. Ang retorika ng panganib ng Kaliwang politika ay hindi hiwalay sa social regulation ng estado.

Ang kaduda-duda sa pagkilos ay marami sa kanyang departamento ay dating aktibista, o nag-aasta na lamang aktibista. Harping on old glories, ika nga, na may pasakalye parati na “aktibista rin naman kami pa,” “kaya nga ako umalis sa kilusan,” “dapat ang kilusan ay ganito, ganoon…” Ang hindi isinasaalang-alang ng ex-aktibista ay ang prefix na nanunuldok na sa kanilang aktibismo.


Una, wala na sila sa kilusan masa, at ang tangi nilang posisyong panlipunan ay mula sa pedestal ng akademya o publikong intelektwal na may limitadong currency. Ikalawa, ang aktibismo ay tinapalan na ng pagsusuring postmodernismo, pluralidad, multiplisidad ng katotohanan, at libertarianismo; na ibig lamang pakahulugan ay ang pag-appropriate ng kasalukuyang buzz words sa kanlurang akademya dahil nga natatabas na ang publikong intelektwal na posisyon ng guro sa pagpiling kumawala sa aktwal na aktibismo.

Nekropolitika ang isinasaalang-alang ng ganitong intelektwal. Pinipiling patayin at paglamayan ang bangkay ng aktibismo, gawing “exhibit A” sa disyerto ng postmodernong landscape at civil society. At ang reiterasyon ng pagluluksa sa aktibismo ay isinasagawa sa bawat contact point sa klase. Mantra na isaad na patay na ang lumang politikal na aktibismo, mabuhay ang aktibismo ng pang-araw-araw na nagbibigay-hustifikasyon sa pagpili ng indibidual at ang kapangyarihan ng kanyang ahensya.


Kaya ang pagsusuri ay ukol pa sa transformasyon ng identidad batay sa pagtanggap sa neoliberalismo. Nakausap ko ang isa pang kaibigan, sinabi ko sa kanya ang aking obserbasyon hinggil sa nangyari sa aming kaguro, at pagsasanga ng pagligwak sa kaguro sa ipinapatupad na kalakarang neoliberalismo, lalo pa sa akademya. Na ang isinasakatuparan ng neoliberalismo ang ang nekropolitika na pumipili sa pagpatay at pagluksa sa aktibismo gayong hindi maaring bigkasin ang isinagawa. Ang aktibismo ang ngalan na ayaw bigyan-ngalan sa pagliligwak ng kalakarang progresibo sa akademya.

Kaya kinausap lamang ang aming kaguro, hindi isinulat ang batayan ng pagligwak at pag-disbar sa mga klase gayong kahit siya hindi bibigyan ng tenure ay may one-year contract pa siya sa kanyang pagtuturo. Mariin pa ngang binanggit na hindi siya nililigwak dahil sa kanyang politika gayong hindi naman isinaad, kahit pabigkas, kung bakit nga ba siya nililigwak. Bakit ayaw tawaging bangkay ang bangkay?


Ayaw kasing magmukhang reaksyonaryo at kontra-aktibismo, sa hayagan, ang mga hinayupak, kahit pa ito ang aktwal na ginagawa nila, patago at hayagan man. Wala itong puwang sa mismong liberalismo at postmodernismong kanilang sinasambit na kumikilala sa pluralidad ng pagkilos at pagbabalikwas sa pang-araw-araw. Dahil hindi pangkaraniwang pang-araw-araw ang aktibismo. Ang aktibismo ay historikal at panlipunang pagtutuos sa karapatan ng nakararaming dinarambong ng iilan.

At naging full-pledged member ng ruling elite ng bansa ang mga nag-disenfranchised sa aktibismo ng aking kagurong kaibigan. Hindi man sila card-carrying member, nag-gatekeep na sila sa class interest ng ruling class sa bansa. Kahindik-hindik ito maging sa unibersidad na may mayamang kasaysayan ng aktibismo. Mapanganib kaya pinapaslang gayong hindi inililibing dahil mas epektibong senyales ang paglalamay sa bangkay kaysa ang krus sa puntod nito. Naghuhudyat ang bangkay ng kapangyarihang pumaslang at kapangyarihang pigilan ang libing.

Sino ang gustong maging bahagi ng lamay na ito? Makakaisip ng retorikal na paliwanag ang mga fakulti na sumangga sa kanyang tenure, at nag-utos na hindi siya papasukin sa klase. Ang kanyang katawan ay pinaslang bilang guro, gayong hindi naman inilibing sa anumang alaala. “Wait until further notice,” bilang pagsasaad ng kapangyarihang ipanatili lamang siya sa limbo ng walang puwang na aktibismo sa akademya.


Pero piniling pumasok pa rin ng kagurong aktibista. Pinili niya ang buhay sa pakikibaka, at ang klasrum at akademya bilang sityo ng pang-uring tunggalian sa estado. Ang nekropolitika ng kanyang departamento, maging ng akademya sa edad ng neoliberalismo, ay nagtatangkang pumigil sa kanyang aktibismo, ng pakikisangkot at pakikilahok sa panlipunang pagbabago. At nagmistulang zombie ang kanyang kaguro sa departamento—buhay na patay, patay na buhay sa pagpiling pumanig sa pang-uring interes ng estado.

Ang tagumpay ng neoliberalismo ay hindi pa ang conversion ng sistema at institusyong panlipunan tungo sa poder ng negosyo, at ang maigting na proteksyonismo ng estado sa uring interes na ito. Ang tagumpay ng neoliberalismo ay ang apropriasyon sa deadwood sa akademya at ex-aktibistang binigyan ng panibagong reli (relevance) kahit pa ito mapa-temporal lang naman. Sino ang tunay na pinaglalamayang bangkay?

Patay na. Tinuldukan na ng kasaysayan ng pakikisangkot sa mamamayan. Pero muli pa ring nabuhay sa serum ng neoliberalismo ng estado! Anong kay papangit na mannequin ang mga ito? Ang pagtanda ng walang ikinatanda, ang wanna-be attitude na maging kabahagi ng aktwal nakapangyarihan, ang pagtingin sa departamento bilang sariling turf, at ang Donya Victorina mode na nag-aastang may kapangyarihan at reli kahit wala naman maliban sa mga dapat i-negate sa akademya?

Takot na ang akademya sa politikal na pagkilos dahil ito ang nagpapaalaala sa naagnas nilang laman—sila bilang nagtuturo ng preserbatibong kalakaran sa kamatayan ng kapitalismo, at ang necessary project na paslangin at paglamayan ang bangkay ng aktibismo at kilusan tumutiligsa sa mapanupil na kaayusan. At sa ganito, nagpaparami sila ng kauring pinakakapit sa kamatayan, mga liga ng zombie na disipulo ng naagnas na panahon, kahalagahan at ideolohiyang preserbatibo ng lahat ng masama at problema sa bansang ito.

Naalaala ko ang balitang gumagamit ng formalin sa mansanas para di lamang ito kumintab, para manatiling mukhang sariwa kahit naninilaw na ang loob. At sa Judeo-Kristianong paniniwala, ang mansanas ang prutas ng katotohanan. Kung ang katotohanan ay may shelf life lang naman, tulad ng isinasaad ng prutas (ang puno ang mas imahen ng mas matagalan na buhay at karunungan), bakit pinapalampas pa sa aktwal nitong buhay? Preserbatibo ng konserbatismo sa panlipunang pagbabago na gamit ang pambala ng ideolohikal na retorika ng mismong neoliberal na estado!

Maliit lamang ang unibersidad pero pakiwari ko ay sumisikip ito sa mga tao at administrador na tulad ng sa departamento. At least, ang mismong administrasyon ay lantarang ang paglalaway sa dagdag na kita sa pag-asikaso ng kabuhayan showcase para sa sarili nitong preserbasyon, kasama ang pinakamalaking balon ng kita mula sa matrikula ng mag-aaral. Ang kadepartamento ng kaguro ay mas patago ang pananaksak sa aktibismo kahit pa magkahalintulad ang proyekto ng panghihina nila rito.

Hindi nagkamali ang kulturang popular sa imahen ng zombie at vampira, ang nekropolitika ng kanilang literal na buhay kahit pa marami sa figura ay anti-kamatayan sa astang paniningil ng moral at historikal na katarungan para sa kanilang kauri. Mabuti pa ang literaryong vampira, hayok sa dugo ng mapanupil na buhay para mabuhay kada gabi. Mabuti pa ang zombie, kolektibong nanlulusob sa mga taong nagtatago sa mall para komentaryuhan ang konsumerismo at arbitrayong kapangyarihan ng may buhay.

Ang fantasya sa kadepartamento ng kaguro ay masasagi ko ang kamay o balikat ng mga ito. Mahuhulog na lamang, at siempre, tulad ng zombie, ay hindi mamamalayan ang pagkawala ng piraso kahit pa kumikilos ang mga daliri. Sasabihin ko sa kanila, “Excuse me, braso at kamay mo o, nakakalat. Pakitanggal naman, nakaharang sa daan.” O pwede ko ring itapon sa lagoon para manatiling mas karumaldumal ang karumaldumal nang patay. Tapos na ang undas at hindi pa nawawala ang bulak sa kanilang ilong.

Advertisements