Pagkawengwang sa Pagpapasko, Pinoyweekly.org Column

by rolandotolentino

3

imahen mula kay Jerson Samson, www.artesdelasfilipinas.com/main/archives.php…

Pagkawengwang sa Pagpapasko

Matagal nang nagsimula ang countdown. Formal ang hudyat, pumasok pa lang ang unang “ber” month, opisyal na ang selebrasyon: nirurungaw na ang nakakapakinig pa sa mall ng christmas carols, paulit-ulit ang tila iisang CD ng umaawit na korong grupo. Tatamlay lang sa undas, pero full
blast na pagkatapos nito.

Ito ang pagkakataong kahit ayaw sumabay, naha-harass pa rin. Lalong lumalaki ang trafiko sa
highway. Mas maraming tao sa kalsada at mall. Mas maraming promo sa mall. Mas maagang ni-release ang kalahati ng 13th month pay at bonus. Ubos na nga bago pa dumating ang buwan ng pasko.

Depolitisado na ang mamamayan ilang buwan lamang bago magpasko. Dalawa ang nagaganap. Una, ang hyper-komersyalisasyon ng pasko ay nagpapatingkad sa afekto ng kasiyahan, at ang internalisasyon nito sa indibidual na antas. Bawal ang nakisamangot, bawal magmaktol, bawal magkasakit, bawal ang walang pera.

Hindi nga ba’t ang panahon ng pasko ang may pinakamaraming nagpapatiwakal kapag
kapaskuhan? Pwersado dahil ang daming pinagbabawal, kahit pa ang mga pinagbabawal ay inako lang naman ng indibidual bilang alituntunin sa kanyang buhay sa naturang panahon. Pinili dahil pinilit ng namamayaning kaayusan, pinili kahit pa hindi naman tinutukan ng baril.

At ito ang estetika ng depolitisasyon. Hindi namamalayan ng indibidual na hindi na siya pumapalag dahil mas malakas ang agos ng pwersa ng pagiging masaya sa pasko kaysa sa aktwal na kondisyong nagbubura sa batayan ng kasiyahan. Paano magsasaya kung iilan lamang ang makakaaktwalisa sa picture-pretty na imahen ng anunsyo ng mga telebisyon channel, ang mataas na uring lifestyle choice sa ads na
ginagawang praktika ng Christian charity ang pakikipagkapwa-tao ng mayaman sa mahirap?

Ikalawa, ang hyper-erasure ng politikal sa mismong larangan ng politika ay naghuhudyat
ng pagamit ng administrasyon ni Gloria Arroyo ng kapaskuhan bilang shield sa mga skandalo at masibong insidente ng korapsyon. Nakapagsalita si Jocelyn Bolante, binura ang koneksyon ni Arroyo sa kontrobersyal na programang namudmod ng P700 milyon sa sektor ng agrikultura.

Sa hearing sa kongreso, sinabi pa raw nito na kasuhan siya kung may ebidensya. Nanghingi ng paumanhin ang Euro general. Sa muling rare na pagkakataon, tila nakakatawa pa si Arroyo sa media-ops.
Ang lahat nito kahit muling tumitingkad ang panunupil sa mamamayan at kilusan.

Muli, sistematiko ang pagkakaso sa mga lider at personalidad ng kilusan. Sa Mindoro, binuhay ang kaso laban sa abugado ng Kilusang Mayo Uno; at marami pang idinawit sa kasong ito. Umaariba muli si Winston Garcia sa pagkaso ng libel sa journalists at sa tagapangulo ng Alliance of Concerned Teachers. Muli, may mga aktibistang pinapatay, o hindi pa rin inilalabas ng militar si James Balao.

Pero patuloy ang protesta. Markado na ang katapusan ng Nobyembre bilang araw ng dakilang anakpawis, Andres Bonifacio, at maging ang araw ng karapatang pantao sa Disyembre 10. Ang mga ito, sa masibong pagdiriwang ng pasko—parties, reunions, shopping, exchange gifts, commercialized na pagmamahal at “tunay” na kahulugan ng pasko—nalulusaw ang pagpalag at pagbabalikwas.

Paano pa magrarali kung lalong ikakabwisit ng mamamayan ang karagdagang trafiko? O ang mismong dapat ay nagrarali ay happy na sa malling at pagdi-Divisoria. Paano gagawing politikal at mapagbantay ang pag-ibig di tulad ng panggigitata sa artifisyal na pag-aarnibal ng negosyo hinggil dito? O kung busy ang ordinaryong mga tao sa paghahanap ng ino-noche buena?

Kaya mapapabati pa rin ang iba ng “Maligayang Pasko” kahit hindi pa aktwal na pasko, at lalong-lalo na, kahit hindi maligaya ang paskong darating. Wala pa ngang nosyon ang mga tao na ikumpara ang kasalukuyang pasko sa mga nakaraan, at tasahin kung alin ang naging mas mabuti. Dahil ang kung gagawin ito, matutunghayan na ang paskong ito ay hindi kaiba sa naunang pasko.

Na ang moda lang naman talaga ay makaraos sa pasko bilang tulad ng iba pang pagpaparaos
mabuhay sa ibang mga araw. Wengwang na ang mga tao, at mahirap na naman ang pagpagan dahil ito nga ang bansang may pinakamahabang pagdiriwang ng kapaskuhan. Unang linggo pa ng Enero ofisyal na matatapos ang kahunghangan sa estado ng pag-iisip.

Walang pangako ang estado ng kawengwangan kundi ang makausad lamang na walang latay sa
yugtong ito. Manlalambot ang tuhod at puso. Lalabnaw ang mga plinano. Maghahabol ng kahulugan sa patapos ng taon. Magbi-binge sa lahat ng ginawang pagdidiyeta. Kaya tila hindi ordinaryong panahon ang pasko kahit kung iisipin, ito naman talaga ang paraan ng pagdanas ng estado sa pang-araw-araw. Mas
maigting nga lang sa panahong ito.

Walang bibitaw sa kawengwangan ng estado.

Advertisements