Book of Answers, Kulturang Popular Kultura, bulatlat.com column

by rolandotolentino

parade-spectators

book-of-answers

imahen mula sahttp://pinoycentric.com/2007/09/24/higher-demand-for-philippine-art-in-singapore/

“Parade of Spectators” ni Elmer Borlongan

ma6aba.com/blog/2008/07/the-book-of-answers/

Book of Answers

May isang librong bitbit si Gary sa lamay ng yumaong anak ng mag-asawang kaibigan. Light lang ang mood sa lamay dahil sa pagbubuntis pa lamang ay sinabihan na ang mag-asawa ng doktor na may congenital disorder ang kanilang magiging anak. Hindi ito tatagal. At matapos nga ng ilang buwan, yumao na rin ang mga sakit na naramdaman ng sanggol.

Ang makapal na libro ay may titulong Book of Answers, na ang siste ay hahaplusin ang hardbound cover. Mag-iisip ng tanong na nais matugunan. Tapos ay random na buklat ng pahina. At ito ang tugon sa tanong. Isa lamang ang salita, parirala o pangungusap na laman ng mga pahina. Ang nakakatuwa sa laro ay ang realisasyon na metapisikal lang naman ito. Pero gayon pa man, napapatawa ka sa paneneplang o vote of confidence sa mga nais mabigyan-tugon.

Dahil ginawang requirement na kailangang bigkasin ang tanong, lumilitaw ang mga personal na konsern. “Mabibigyan ba ng tenure si Farah?” At ang sagot ng napiling pahina ay “A year from now, it won’t matter.” “Itutuloy ba ni Gary ang kanyang paglalandi kay Dutch.” At ang tugon ay “Give it all you’ve got.” Kahit ano na ay tinanong, at kahit ano ang sagot ay sinusundot ng tawa. Kahit di kasama ang mag-asawa sa larong ito ay tila gumaan naman ang hangin sa kwarto sa funeraria.

Naisip kong ano nga ba ang ibinubulong na lang natin na aspekto ng buhay sa hangin? Ano ang inaasa na lamang sa masayang resolusyon dulot ng good vibes at think-positive mode? Sa tumitingkad na kumplikasyon ng buhay sa estado ni Gloria Arroyo, ano ang panghihinang hindi sinasabi sa pang-araw-araw na pagsagip sa buhay, maging ang ordinaryo at konsolidadong pakikibaka?

Overdeterminado ang mga sagot sa libro, maging ang mga tanong na inihahain. Kumbaga, wala naman talagang gaanong kalayaan pumili ng itatanong dahil konektado ito sa materialidad ng personal at sektoral na buhay na sinusubtansyahan ng uring karakter. At batay sa karanasan ng mga tugon, kung ilan lang ang pahina, ito rin ang bilang ng opsyon.

At ang mga tugon naman ay mahahati sa lantarang oo, mala-mala, at hindi. Naisip tuloy ng mga naglalaro sa lamay, bakit hindi gumawa ng bading na bersyon ng libro. Na ang mga tugon ay halaw sa vulgar at popular na kultura. Ang ilan sa mga maaring tugon ay: “Neknek mo!” “Asa ka pa.” “Walang himala!” “Blood is thicker than imburnal water.” “G Mas magiging katawa-tawa ang panenemplang.

Yung isa naman ay nagsabi na gawa rin daw ng politikal na bersyon. Ang mga tugon ay: “Tunay, palaban, makabayan!” “Matuto sa aral ng matandang hangal.” “Tutulan, gapiin ang kaaway.” “Ibagsak!” “A people, united shall never be defeated.” “Antayin ang pagpupula ng silangan.” At siempre ang layon nito ay mag-reaffirm sa giting sa pakikibaka. Pero metapisikal na ehersisyo ito, hindi nakapaloob sa diskurso ng dialektikal at historikal na materialismo.

Para kay Jorge Luis Borges, ang pagkakaroon ng arkibo na isang meta-library–laman ang lahat ng librong nalathala, hindi pa para basahin kundi para ibodega lamang ang lahat ng materyales na nalathala–ay isang komentaryo sa propensidad na lumikha ng kaalamang aalikabukin lang naman. Hindi nga ba sa gitnang uri ay mahalagang marka ng status ang pagkakaroon ng book shelf?

May kaibigan akong gustong-gustong umamoy ng pahina ng bagong libro. Magandang pandispley ang hanay-hanay na libro, nagiging marangal ang sulok o kwarto. Pati mga librong ginamit noong elementarya o high school ay hindi itinatapon dahil nga sa dagdag na estetika ng gitnang uring kasiningan.

Ang isa pang sinasaad ng libro ay ang pagdambana sa nakasulat na salita bilang rurok ng produksyon ng kaalaman. Mas mataas sa sentido komon. Lahat naman tayo ay lumaki na ang pag-aaral ay nakasentro sa libro. Naalaala ko noong nasa prep ako, yung aming reading book ay iba sa manual na gamit ng guro. Dahil ang kopya ng guro ay iniwan lang naman sa klasrum, naisip kong kunin ito para alamin kung ano ang mas mataas na kaalamang hawak nito.

Mas makapal ang kanyang libro, at mas marami itong salita. Samantala, ang libro sa reading na hawak namin ay manipis at may malalaki pang larawan. Nang mapansin niyang nawala ang kanyang libro, hindi ako makatingin sa kanya. Pero nagpatuloy pa rin ang aming leksyon, tulad ng iba pang araw.

Ang libro ay may pangakong magluwal na mga tugon. Ang libro ay nangangakong may laman, may hagod, may substansya. At ang pagbabasa ay ang paghabi ng mga pangakong ito. Pero walang pangako na ang tugon ay darating. Ang libro ay nag-aantay, tulad ng pag-aantay ng tugon. Ang tugon ay kaisahan lamang, hindi ang pluralidad nito. Ayaw natin ng maraming posibilidad na mga tugon.

Kahit sa aktwal na buhay, kailangan ng Plan A, B, C…. n. Dahil hindi hawak ng individual ang kanyang buhay, kailangan marami siyang fallback. At mangyayari lamang ito kung marami siyang pagpipilian. Tulad ng mga libro sa shelf ng gitnang uri, paisa-isa lamang ang mga tugon kahit pa sandamakmak ang mga pahina. Iisa lang ang argumento kahit pa kumplikado pa ang mga tanong.

Pero ang pagkakaroon ng opsyon sa buhay ay overdeterminado na rin. Wala naman talaga siyang pagpipilian. Makakapili lamang ang tao kung mayroon siyang pang-uring posisyong nakapanig sa estado. Mas malapit siya sa kusina ng kapangyarihan, mas marami siyang opsyon. Mas maykaya siya, mas maraming pwedeng posibilidad sa buhay. At sa mayoryang mamamayan, wala namang talagang pagpipilian.

At ito ang etika ng pagpili. Sa isang banda, pinipiling mamulat ng tao, at ito ang politikal na kalidad ng kamulatan. Maging ang nang-aaping uri ay politikal na naninindigan sa kanilang kapangyarihan. Sa kabilang banda, pinipili rin naman ng taong hindi mamulat, kahit pa nga labag ito sa kanyang pang-uring interes. Depolitisado ang kinahahantungan ng indibidual. Sa parametro ng ganitong kondisyon, ang etika ay integral sa kapangyarihang makapagmulat laban sa kapangyarihang makapang-api.

At ito ang hindi kailanman sinasabi ng Book of Answers. Tulad sa lipunan, parang may kapangyarihang makapili ang indibidual kahit wala naman talaga. Tulad ni Arroyo, nakabalot sa mito ng indibidual na ahensya ang menu ng tugon, marami kahit iisa lang naman ang sinasabi. Nakabalot sa poetika ang mga tugon kahit pa ang higit na fantasya rito ay ang paniniwala ng indibidual na matuwa sa kanyang lagay imbis na malumbay o makibaka at huwag matakot.

Sa tanong na “Kailangan bang i-oust si Arroyo?”

Alam ng nakikibakang mamamayan ang iisang tugon dito.