Homecoming, pinoyweekly.org Column

by rolandotolentino

dsc01528

dsc01529

Homecoming

Isang Sabado, tatlo kaming magkaibigang pumunta sa Malabon para mamili sa Japanese surplus na bodega, at mananghalian. Loyalist ng Malabon itong host namin. Nakapag-UP man at nakapagturo sa UP-Baguio na, parati itong bumabalik-balik sa kanyang kinalakihang lugar. Sa kanyang bahagi ng Malabon, malapit sa Catmon, tila wala kami sa Maynila.

Una ay ang kanyang lumang bahay ay tulad ng bahay ng lola ko sa General Tinio, Nueva Ecija. Dalawang palapag, at ang una ay silong. Walang nakatira dahil alam naman natin ang track record ng Malabon sa baha. Hindi na usapin ang baha, ang tanong na lamang ay ang lalim ng baha.

Ang ikalawang palapag naman ay purong kahoy. Mula sahig hanggang poste. At tunay na gitnang uring bersyon ng bahay na bato. Maaliwalis ang paligid dahil nakabukas ang mga bintana. May ukit na tagusang bentenilya pa ang bawat kwarto para ang hangin ay mahusay na umikot sa bahay. Hindi halos kailangan ng bentilador dahil kahit tanghaling tapat ay maaliwalas ang hangin sa paligid. At walang kailangan na ilaw. Natural lighting ang tumatagos sa buong bahay.

Mabilis lamang ang paghanap ng bargain sa Japanese surplus. Naghahanap ako ng maliit na mesa at platera. Na sa aking karanasan sa Japan, kahit maliit ang kabinet ay kayang ipagsiksikan ng mga gamit sa hapag kainan. Masinop pa ang pagbubukas at sara ng mga pinto ng platera. May nakita pa akong lumang tatami flooring na kahit hindi maayos ang lagay ay pwede pang tumagal ng ilang taon. May Japanese na silya pa na walang paa, pasok sa tatami mats.

At marami ring bisikletang galing sa Japan siempre na ibinebenta. Naalaala ko ang bisikletang ito dahil Abril lang ng bumalik ako. Ang laking tulong ng basket sa harap nito sa groseriya at tiangge. Ito rin ang bisikletang otomatiko ang ilaw sa gabi kapag ibinaba ang kable sa gulong. Habang pumipihit ang gulong ay kaya nitong pailawin ang bumbilya sa gabi. May tatlong kambyo pa ang maraming bisikleta sa Japan.

Sa pananghalian sa lumang bahay sa makitid na kalsada, ang tipikal na pagkaing Malabon ang isinilbi. Ang talaba ay murang nabibili sa palengke, at sinabi ng aming host na mahihiya pa nga kapag nahuling kumakain ng talaba dahil ito ang pinakamurang almusal. Si Farah naman ay dagdag pa, dahil siya man ay lumaki sa gawing ito ng Maynila, na wala siyang problema sa pagkain ng talaba kahit almusalan. Sanay na ang kanyang tiyan.

May inadobong kabayo, maliliit na piraso, halos tapa na, may litid na mas malambot sa baka. May ulo ng talkitok na sinabawan sa miso. At may kinilaw na tanguige na hinaluan ng tadtad ng inihaw na baboy. Tunay na marangya itong pananghaliang lalo pang pinasagana ang gutom ng tig-isang bote ng beer. Nag-uumapaw rin sa halakhak sa pagkantyaw kay Chi-Choy, ang aming host, ng sarili nitong nanay.

Bumalik kami sa kanilang sala na tanaw ang kumakaliwang kalsada. Dumating ang folk singer na tiyuhin ni Chi-Choy, na-stroke kaya di mabuka at magamit ang isang kamay. Nakisama sa aming grupo habang nakikibahagi ng kanyang kwento bilang una sa alon ng migranteng manggagawa sa Japan. Dumating ang tindera ng biko, at napabili rin kami. Dagdag pa sa inorder na bibingka at puto bungbong mula sa kilalang pwesto sa ibang bahagi ng Malabon.

Banggit ni Chi-Choy, ganito ang buhay niya kapag natengga siya sa bahay. Dinadala ng manininda ang merienda. At ni hindi siya makapagbasa dahil nga mula sa bintana, tanaw siya ng mga kakilala’t gustong makipagkwentuhan sa kanya. Hindi ko sila masisisi. Tunay na kawili-wili ang maaliwalas na loob at labas ng sala para sa mahahabang kwentuhan.

Maya-maya pa’y nagkaayaan namang tumungo sa Obando, mga sampung minuto lang raw ang layo mula sa tinutuluyan namin sa Malabon. Dito naman pinalaki si Farah ng kanyang lolo at lola. Alam ni Chi-Choy kahit pa nakalimutan na ni Farah itong bahagi. Magkabilaang sasakyan lang ang kasya sa kalsada. Kay rami pang sidecar na pangunahing transportasyon sa bahaging ito. Tig-bente mil ang bawat sidecar. Mataas at stainless na apatang pasaherong binibisikleta lang. Mataas at stainless dahil nga bahain ang lugar na ito.

Pumarada kami sa simbahan ng Obando. Dumiretso si Farah sa tagiliran ng simbahan. May misa sa loob. Sa mismong likod pala ng simbahan ang sementeryo, at gustong dalawin ni Farah ang mga nagpalaki sa kanya. Kay raming “Bagamundo” na apelido sa mga lapida. Tinutukso namin si Farah na mayaman pala ang angkan nila dahil dito ito nakaburol. Nag-moment na lamang si Farah nang makita niyang ang kanyang Lolo Naldo ay patay na pala. Ito ang nagpalaki sa kanya. Bago lamang ang puntod, may itim na imahen pa sa lapida.

Pati rito ay nag-picture taking kami. Sa panahon ng digicam, tunay na documented itong homecoming. Dumaan kami sa pantalan para bumili ng dagdag na talabang manamis-namis pa kaninang nilamon ng grupo. Maputik ang tumpok sa loob ng paso, pero mura. Itinuro sa amin ni Chi-Choy ang isang isla na mayroon daw sariling pamamalakad ng alternatibong gobyerno. At dahil this deserves a Kodak shot, kinunan din kami na may view ng isla.

Sa pagbabalik, dumaan kami sa Ogog Lugawan, bahagi rin ng magkakambal na childhood memory nina Farah at Chi-Choy. Tunay na deadly ang lugaw na kundi tuwalya ay utak ng baka ang sahog. Pero masarap, at nagkantiyawan kaming mag-ingat sa pagtulog dahil tunay na kolesterol na langit ang aming buong araw na pagkain. Nagdagdagan pa ng kwento ukol sa aming hiwa-hiwalay na gabi: pare-pareho ang panaginip, mga bakang walang utak, mga talabang korong ginagawang castanet, tiyaking igalaw ang mga daliri sa paa, tiyaking walang bibitaw. At parang sa amin lang ang pwesto ni Ogog.

Gabi na nang maghiwa-hiwalay kami. Anibersaryo ng Karapatan pero naipagpalit namin ito sa pagpunta sa Malabon at Obando ng kamusmusan nina Chi-Choy at Farah. Sa mahabang magaang araw na ito, kahit nililigwak ang karapatang politikal at ekonomiko ni Farah sa UP, naipatabi ang mga ito sa alaala ng sariling paglaki sa binabahang lugar na makikitid ang kalsada. Na sa pagkain ng talabang sinawsaw sa suka, ng utak na sahog ng lugaw, ng biko at puto bungbong, mapapangiti kami sa mahimbing na pagtulog.

Bukas na ang pagyurak ng sistema sa aming dangal. Ngayon, sa gabing ito, ang pag-uwi nila sa kanilang kamusmusan, at kami na kasama sa kanilang biyahe.

Advertisements