Pagmomotor sa Syudad, bulatlat.com column, Kulturang Popular Kultura

by rolandotolentino

motocrash3

story

imahen mula sa tambayan.1.forumer.com/index.php?showtopic=7372

www.foxnomad.com/…/tl/

mula sa road movie, “Bicycle Diaries,” batay sa diary ni Che Guevarra, ang biyahe sa Latin Amerika ng nakamotor na unang nakapagmulat sa kanya

Pagmomotor sa Syudad

Ito ang bagong pet peeve ng mga may sasakyan, o ang mga gitnang uri. Naha-harass ang gitnang uring nagmamaneho, maging ang kanilang driver o kasamahan sa sasakyan, sa mabilis na pag-swerve ngg mga motor sa kalsada. Parang nagjo-joyride na hindi naman. Yung tipong walang kinatatakutan, humaharurot lang sa pagmamaneho.

Sa isang palabas ng MTV, ang bibliya ng henerasyon ng kabataan, isang babaeng DJ ang nagbibigay ng tips at kuro-kuro ukol sa pagmamaneho sa syudad. Ang matingkad sa kanyang sinasabi ay ang pagmo-moment ukol sa galit sa mga nagmomotor. Tila di lang miminsanang kamuntik na itong mabangga o makabangga ng nagmomotor.

Naalaala ko ang mga kalsada ng Hanaoi, ang motor ang hari ng lansangan. Ito ang demokratikong pribadong sasakyan ng ordinaryong mamamayan. Pinakamabilis at mura na makapunta sa mga lugar. Kaya naman parang rumaragasang agos ang dami at tulin ng nagmomotor sa syudad. Pero may dekorum na sa tumatawid ng kalsada.

Tulad sa atin, kahit saan lang din tumatawid ng maliliit na kalsada ang mga tao. Kaya imbis na ito ang umiwas sa mga motor, ang motor ang umiiwas sa kanya. Mas nakakalito sa nagmomotor ang bigla na lang titigil sa kalsada para magbigay-daan sa nagmomotor o nagmamadaling tumawid ng kalsada para malampasan ang nagmomotor. May siste na ang kalsada at ang relasyon ng nagmomotor at tumatawid.

Sa bansa natin, wala pang konsensual na relasyon sa pagitan ng tumatawid, nagmomotor, at nagmamaneho ng kotse at iba pang sasakyan. Ang konsensus lang ay salot ng kalsada ang nagmomotor. Na para itong may ketong na dapat iwasan, o may tattoo-ng mama sa paglalakad sa gabi, o ang pinagkakautangang Bumbay, dapat iwasan na parang dito nakasalalay ang iyong buhay.

Sa U.S., ang motor ay tinuturing na ordinaryong vehikulo. Hindi ito dapat nagswe-swerve sa linya ng may linya. Dapat ang distansya nito ay parang nagmamaneho ng regular na sasakyan. Sa gitna ng lane ito dumaraan, hindi sa mismong puting linya. At kahit na nakahinto, hindi ito maaring butbutan ng nasa likod niya na tumabi.

Hindi naman talaga napapansin ang mga nagmomotor dati. Kakaunti lang ang bilang nila at hindi parang pulutong ng putakte na iniiwasan ng nagmamaneho. Pero sa nakaraang mga taon, kasabayan na sila sa rush hour na trafiko. Sa umaga, kapag pumapasok ako sa aking pinagtuturuan, bala-balangay silang nasa tagiliran ng Commonwealth. Ganito rin ang eksena sa pag-uwi ko sa gabi.

Sinasaad nito na uring anakpawis ang maraming nagmomotor. Tinitignan ko ang mga kasabayan ko, walang Harley Davidson o spooting na motor na pangporma. Ordinaryo lamang ito. Marami pa nga rito ay kakarag-karag na lamang. Ibig sabihin, tunay na katipiran mode ang rason ng pagdesisyon magmotor, kahit buhay ay nailalagay sa panganib.

Sa klase pa ng infrastruktura ng mga lokasyon ng trabaho, na nagsisiksikan sa industrial belt ang marami, at tahanan, na tumitira sa pinakamura at kumbiyenteng lugar, laking tulong ng motor sa pagdaos ng spero ng buhay. Rumaragsa dahil ito lang ang mas tiyak na makakarating sa napakalayong lugar sa napakaigsing panahon.

Hindi kaya ng combo meal ng tricycle-jeep-MRT ang biyaheng dulot ng pagmomotor, kaya marami ang araw-araw na nakikipagsapalaran ng buhay rito. Kaya madalas, maraming aksidente ang nagmomotor. Hindi pa dahil hindi sila sanay sa kanilang pag-eskiyerda sa kalye kundi dahil hindi sanay ang mga pribadong sasakyan sa kanilang presensya.

Sa kalsada kasi, hindi naman sila tinuturing na regular na sasakyan na may regular na gamit ng lanes at espasyo. Hindi rin naman kasi padaloy ang kalsada na kakayanin ang spacing at pagdidistansya ng mga sasakyan. Sa rush hour, ang tatlong lane ay nagiging lima. At sa panganganak ng lane, dito makikipagsiksikan ang mga nakamotor.

May tatlo nang pagkakataon na nakakita ako ng bangkay na nagmomotor na nakahalumpasay sa kalsada. Isa ay walang helmet sa may airport. Kahit madaling umaga ay trafiko na. Isa ay sa tagiliran ng SM Marikina. At isa ay sa Kamuning, malapit sa kanto ng Kamias. Wala man lamang diyaryo ang nakabuyanyang na mga bangkay. Patay na ang mga katawan dahil iniwan na sa kalsada.

Yung katawan sa Kamias ay luwa ang bituka. At sa college pa lamang kami ng kaibigan kong nakakita, nag-feeling journalist at kumuha ng larawan. At matapos nga ng ilang araw, ipinakita pa sa akin ang mas close-up na kuha nang bangkay na iniwasan kong tignan noong gabi ng aksidente.

Madalas na lalabas na aksidente ang naganap. Na kung mayroon pa ngang may kasalanan, ito ay ang driver ng motor. Walang helmet, nagmamadali, humahurot, bigla kasing lumiko. Ang stereotipo na umaarangkadang walang kontrol na nagmomotor ang imahen ng gitnang uri hinggil rito.

At pati ang taxi driver, driver ng bus at delivery trucks, at pribadong sasakyan ay ooo sa referendum na ito. Ipako ang krus ang mga salarin! Pati ang kahanay na kauri ay sasang-ayon sa pagkabalahura ng kalidad ng pagmamaneho ng mga nakamotor. Pati sila ay umaastang gitnang uri! Ala’y tignan naman sana nila ang kanilang inuupuan, at kung kaninonga ba ang sasakyang kanilang minamaneho!

Ang gitnang uring panuntunan ng karanasan sa nagmomotor ay isang doble-karang posisyon. Sa isang banda, sinasabing pedestriano kundi man kriminal na figura ang substansya ng nagmomotor bilang paghuhusga sa karanasan panlipunan sa abang uri. Sa kabilang banda, nakasalalay sa mga nagmomotor ang napakaraming serbisyong nagpapagaan ng buhay ng gitnang uri.

Hindi nga ba’t pangako ng maraming delivery services, tulad ng fastfood, na libre ang inorder kapag lampas ng 30 minutos ang oras ng delivery? At walang patawad ito, kesehodang alas-tres ng umaga o sa gitna ng rush hour ang order. Kaya nagsho-shortcut ang maraming delivery drivers. Hindi patas na umiikot sa regular U-turn slot ni Bayani Fernando, diretso sa bawat siwang ng gitnang island sa highway.

At lahat ng ito ay para nga makarating ang inorder ng gitnang uri sa kanyang tahanan at opisina sa loob ng trenta minutos. Parang natitiyak na natin kung kanino ang kaltas kapag nga hindi umabot sa impuntong oras, di ba? Yaong nakipagsapalaran na ang delivery driver ng kanyang buhay para maideliver ang inorder ng masungit at kuripot na gitnang uring ayaw man lang ibigay ang sukling barya bilang tip, at sa di inaasahang pagkakataon, kapag hindi umabot, siya pa ang manlilibre sa pagkain nito?

Anong saklap ng buhay nina Christian at Angelo! At ito ang bansang kahit ano na lamang ay pwedeng ipadeliver sa butihing loob ng naka-demotor: mineral water, baterya ng kotse, cakes, barbeque, crispy pata, lobo, gasul, shabu at droga, serbisyo tulad ng tubero at mekaniko, spare parts, at kung ano-ano pa. Kung magpakagayon, ang double standard na turing ng gitnang uri sa nagmomotor ay gayundin sa iba pang mas aba ang posisyong panlipunan: maralitang tagalunsod, anakpawis, street children, namamalimos na katutubo, taong grasa, nagrarali, anti-Arroyo na nagproprotesta, at iba pa.

Dinudusta kapag direktang kinumpronta ang posisyon ng gitnang uri—pineligro ang pribadong buhay, pribadong ari-arian, pribadong pagkatao. At kapag naman napapakinabangan, nagbabago ang ihip ng hangin kung tinuturing na efisyente ang serbisyo, at kung hindi, panibagong pandudusta na naman sa figura ng abang lagay. Nasaan ang katarungan, Lord?

Sa utak ng gitnang uri, sagka ang figura ng abang lagay sa kanyang gitnang uring panuntunan ng buhay. Tinitignan niya ang kalsada bilang para lamang sa kanya, ang mall bilang nilikha para may mapag-ubusan siya ng yaman at panahon, ang restaurant bilang distinktong karanasan para lamang sa katulad niyang uri, ang sine bilang pribadong karanasan ng libangan.

At kapag nakumpronta siya ng batang namamalimos matapos mag-malling o habang kumakain ng quarter-pounder meal sa fastfood, gusto niya lamang paglahuin na parang bula itong kanyang kaiba. Kaya deadma ang kanyang paglalakad bitbit ang kanyang pinamili sa mall, o makakain pa rin niya ang burger at fries na invisible ang paslit at silent mode ang tunog ng katok sa salamin.

Sa isang maikling panayam kay Diether Ocampo ukol yata sa kung kailan siya huling umiyak sa di ko na maalaalang magazin kamakailan lamang, sinabi nitong kapag nakakakita siya ng batang lansangan. At matapos ng maikling introspeksyon, nagpapasalamat nga siya kay Lord dahil sa kalidad ng kanyang mas maganda (ngunit mas makitid) na buhay.

Kung gayon, kailangan ng gitnang uri ang mga figura ng abang lagay para ma-reinforce ang kanilang gitnang uring posisyon. Sa isang banda, sila rin naman ay napapabilis ang tibok ng puso kapag umeentrada sila sa espasyo ng mas nakakaangat na uring karanasan, tulad ng mamahaling tindahan, exclusibong restaurant, lunan na diretso ang inglisan, at iba pa. Wanna-be rin ang gitnang uri sa mas higit na exclusibong karanasan ng mas iilang tunay na anak ng diyos sa lipunang Filipino.

Sa kabilang banda, hindi maaktwalisa ng gitnang uri ang kanyang pribilihiyadong posisyon—kahit angat lang ito ng ilang puntos sa kanyang dinudustang figura—kung wala ang panlipunang posisyong dulot ng figura ng paggawa at higit pa sa kawalan nito. Wala siyang reli (relevance) kung hindi niya dedeadmahin ang mas mababa kaysa sa kanya. Kaya kahit wish-niya lang na mabura sila, wish-niya lang din na manatili ito.

Dahil kung wala nga sila, kung lahat ay gitnang uri na, wala nang magre-reinforce sa kanyang pribilihiyadong posisyon. Pero ito ay wishful thinking lang naman. Hindi naman mauubos sa estadong Filipino, lalo na sa pagkabangkarote at sa pagbabarangkarote ni Gloria Arroyo sa mamamayan. Sino, kung gayon, ang mas doble-kara sa mamamayang di lamang use-me-in-a-sentence kundi use-me-in-an-essay or use-me-in-a-book mode?

Ang hindi pa rin narerealisa ng nagmomotor ay ang kanilang politikal na kapangyarihan para sa kanilang kolektibong kondisyon. Peryodiko silang pinapara ng pulis para hingan ng kung anong identifikasyon at papeles. Peryodiko silang naaksidente. At kapag umuulan, para silang nagsisiksikang kulumpon ng nalulunod na langgam sa ilalim ng pedestrian walk. Kahit pa ang mall ay mayroon ng seksyon para sa kanila sa parking structure ng mall, wala pa ring paggalang sa figura ng basa at nanggigitatang motorista sa loob nito.

Kung magsasama-sama sila, pwede silang magkaroon ng mga politikal na karapatan sa kalsada, mas gawing ligtas ito para sa kanila. At ito ang maaring matutunan ng kilusan sa organisasyon ng tila hindi maoorganisang mga entidad—call center agents, dispatsadora, GROs at macho dancers, anak ng OCWs, at iba pa. Paano oorganisahin ang binubuyanyang lamang ng estado dahil mayroon itong ekonomikong pakinabang?

Paano ang ekonomikong kagalingan ay simula ng pag-aangat ng kamulatan tungo sa politikal na kagalingan ng indibidual, at matapos ng sarili, ang ugnay nito sa nakakaangat na sistematiko ang pandudusta sa kanila sa politikal, ekonomiya at kultural na larangan ng buhay? Paano mag-isip, tulad ng nagmamaneho, na ang nakikita ay hindi lamang ang nasa harap o likod, o magkabilang bahagi ng kalsada, kundi namamapa ang kalsada bilang sityo ng makauring tunggalian?

Ang kaingatan sa pagbabanghay at pagbabalikwas ng mapa ng kalsada, tulad ng nagmomotor, ay araw-araw na politikal na taktika para mabuhay, at mabuhay na may dangal.

Advertisements