Happy thoughts, happy thoughts! pinoyweekly.org column, Pasintabi

by rolandotolentino

picture-382

Happy thoughts, happy thoughts!

Ano ang ibinubulong mo sa iyong sarili kapag ikaw ay nastre-stress out?

Lalo ngayong magpapasko, na ang laki ng expekstasyon na maging masaya at manggitata sa gitnang uring panuntunan ng “maligayang pasko-” mode, tiyak na mataas ang anxiedad ng mga tao. Kahit pa nga ang ganitong mudra (mode) ay hinihikayat ng negosyo at gobyerno, wala nang espasyo at panahon sa labas ng nakakapanghindik-balahibong “pinakamahabang selebrasyon ng kapaskuhan sa buong mundo!”

Ang mga imahen ng komersyal sa telebisyon, display sa mall outlets, pag-iilaw at dekorasyon ng bawat kasambahay, walang katapusang Christmas parties ang nagsisiwalat ng family bonding, pagmamahal na pinakasukdulang birtud, kaisahan ng bansa, Kristianong charity, at iba pang saccharine na uri ng karanasan. Artifisyal pero wala nang puwang sa labas ng orocan-tupperware (kaplastikan) na mode ng pasko.

Sa maikling pelikula ni John Torres, “Happy thoughts, happy thoughts…” ang kanyang sinasambit sa stressful na paghihiwalay sa kanyang syota. Ang trahedya, dahil nga siya ay filmmaker, ay na-capture niya ang mga sandali ng kanilang (staged?) romantic love sa video. Kaya paulit-ulit ang reproduksyon ng stress, at ang imposibilidad ng pagkakahon (containment) nito.

At ang ganitong mudra ang mantra ng kapaskuhan at iba pang panahon sa bansa. Sadistiko ang paghagupit ng kasiyahan dahil nga mailap ito, kahit pa ito ang diin ng masokismo ng konsumerismo, fasismo at korapsyon. Nagpalamon na ang marami sa atin sa mga marka ng “pambansang karanasan” dahil wala nang iniiwang puwang para sa panlipunang mobilidad na hindi nakapaloob dito.

Sadistiko dahil ang ligaya ay nasa pag-aantay lamang na darating ito, hindi sa aktwal na realisasyon nito. Dahil sa material na kondisyon ng indibidual na mamamayan, mas matumal sa madalas na hindi makakamit ang panlipunang mobilidad. Araw-araw ay pagtatangkang makamit ito—pagtaya sa jueteng at lotto, casino at gambling politics ng kapitalismo at pambansang pag-unlad, inuman at karaoke, at iba pa.

Hindi ba tayo nagtataka na kahit ilang boteng beer at tagay ng gin ang inumin, kahit pa isumpa ito sa hangover sa madaling-araw, ay muli’t muli itong ginagawa? Tulad ng panonood ng sine, pagkanta sa karaoke, pagpapasko at paghahanap ng kagalingan sa buhay, walang katiwawaan ang karanasan maliban sa pagtatangkang ikahon ito sa imposibilidad na makahon ito.

Ginagawang mailap ang realisasyon sa karanasan para magpatuloy ang pang-estadong pag-asa. At sa pang-estadong pag-asa na ito, nag-aabang ang empleyado ng gobyerno ng pamaskong bonus, ang dispatsadora ng Christmas party na pwede silang lumabas sa dekorum ng kanilang pinagtratrabahuan, ang mga basurero, kartero, tanod, at nagrarasyon ng dyaryo ng laman sa kanilang inilalakong puting sobre. Kung wala ang pag-asa, hindi mananatili ang mga kalakarang pang-estado.

Kaya hinihimok tayo ng mga negosyo sa mantra, tulad ng sa Jollibee na magpaka-“Bee happy” na lamang tayo, na ang kanilang chicken joy ay ang “pinaka the best.” Sukdulan ang karanasan na ibinabahagi pa lamang sa pagkabata. Na ang resulta ay tulad ng pangarap ng isang musmos na sana ay nakatira na lamang ang kanyang pamilya sa mall!

Ang kaibahan ng selebrasyon ng pasko kapag musmos at matanda na ay ang kamalayang nagsusustina sa pasko. Kapag bata ka, ito ang innocence o ang kawalan ng muwang pa. Na kakatwa dahil tila ang sinasaad ay ang kawalan ng pananalig sa sistema ng pagpapahalaga ng estado. Kapag matanda ka na, hindi lang simpleng dahil may mga anak kaya ipinagpapatuloy ang tradisyon ng pasko. Ang nagpapalaganap ng pasko ay ang gitnang uring panuntunan ng pagiging masaya at maligaya.

Kung gayon, ang rekurso rito ay muling ibalik ang kawalang muwang, itransforma sa kawalan (ng pang-estadong) malay. At magagawa ito kapag naglangkap ng rebolusyonaryong sangkap sa pagdiriwang ng pasko. Kung hindi buong-buong lulununin ang pildoras ng pasko. Ang sinasaad nito ay hindi pa ang tiyak na di-lubos na pag-aangkop sa panuntunan ng kapaskuhan, kundi ang pagbawas ng muwang at kumpiyansa sa estado, at muling manalig sa malay na pagbabalikwas ng indibidual tungo sa kilusan.

Pwede namang ipaunawa ang bata sa abang material na lagay ng pamilya, magkaroon ng kumbiksyon sa simpleng selebrasyon. At nang hindi siya mahikayat lampas pa sa kapaskuhan na mainggit at umasa sa kawanggawa ng negosyo at gobyerno. Na sa unang usapin ay ito rin naman ang mga entidad na nanghikayat sa kanya na mangarap nang labis sa kanyang lagay, at nagmimintina na manatili ang kanyang kolektibong abang lagay.

Lampas sa “happy thoughts” para malansag ang rehimeng Arroyo, o matibag ang seduksyon ng negosyo. Sa pagbubukas ng isip lampas sa itinakdang mga kahon mamumukadkad ang posibilidad ng tunay na pagtatanggal ng stress sa indibidual at kolektibong buhay. Para makatanaw sa panorama, kailangang tanggalin ang makikitid na lenteng nagpapaliit sa posibilidad ng buhay.

Walang dapithapon na nakatanaw lamang sa kabilugan ng papalubog na araw. Ang padilim na mga nakakalat na ulap, ang lagaslas ng hangin, ang alon ng tubig-dagat ay pahiwatig na hindi araw ang natatangi. Na ang gubat ay matutunghayan lampas pa sa pagtitig sa isang puno. Na ang buhay ang may muwang lamang kapag inilabas ito sa poder ng estado.

Hindi maligayang pasko ang pagbati kundi makabuluhang buhay lampas pa rito.