Kulturang popular sa pagtatapos ng taong 2008, bulatlat.com column, Kulturang Popular Kultura

by rolandotolentino

drown-for-blog

liarliar

imahen mula sa barangayrp.wordpress.com/2008/07/12/

profiles.friendster.com/75181002

Kulturang popular sa pagtatapos ng taon

Heto ang aking sampung obserbasyon sa kulturang popular ng 2008. Hindi ito syentifiko, simpleng natukoy na kalakaran sa isang phenomenon na nasa syudad, karanasang tumbok ang indibidual na kasiyahan kahit pa para sa kita naman talaga ito ng negosyo, ang pagsantabi sa artikulasyon ng pasakit at pighati rito, pati ang transformasyon tungo sa depolitisisadong docile na sabjek.

1. Second-generation mallsifikasyon

Tila ang North EDSA ang ground zero ng ikalawang henerasyon ng malls at mallsifikasyon. Bilang malls, naipaloob nito ang nasa labas: parke at hayagang plaza—mas matingkad na combo meal ng gitnang uring libangan at pagkamamayan–sa sentro ng establisyimento sa SM West at Trinoma Malls. Mas malinaw rin ang distinksyon ng mamahaling shops at demarkasyon ng uri. Hindi na lamang simpleng palapalapag na habang tumataas, tulad sa Megamall, ay mas nagiging exklusibo ang mga tindahan.

Ang buong The Block ng SM West ay high-end (mas malakas ang aircon dito kaysa sa naunang mga struktura), ang talukap na bahaging nasa Mindanao Avenue sa Trinoma ang mas eklusibo sa exklusibong espasyo. Bilang mallsifikasyon, ang malls ay integral sa kalkulasyon ng MRT na trafiko, support sa call center na negosyo, pinakaaksesorya sa condo boom—pawang mga indikasyon ng fantasya ng lokal na modernidad at kosmopolitanismo.

2. Building frenzy sa exklusibong enclaves ng syudad

Patuloy ang construction boom sa The Fort at Libis. Maging sa Ortigas at UP-Ayala Techno Hub. Sentro ng konstruksyon ang mga sumusunod na henerasyon din ng condo building—matatayog na modernong industrial na salamin at bakal, na siempre ay heavy ang reliance sa aircon at steady na supply ng kuryente at teknolohiya. Pang-OCW ang mga ito, pero hindi para sa lahat—pang-middle at upper management at career level na migranteng manggagawa na maliit na bahagdan ng suma-total na bilang.

Susunod ay ang mga gusali para sa call centers. Matatayog ito sa Ortigas at Makati. Mga tig-apat na palapag sa UP-Ayala Techno Hub sa Commonwealth. At mula sa bagong gitnang uring may bagong akses sa yaman, ang litanya ng mga serbisyo at establisyimentong nakaukol sa kanila: 24/7 na convenience store, buffet breakfast na nagsisimula ng hatinggabi, inuman at bilyaran, delivery service ng mga fastfood outlets, mas mumurahing condos, at iba pa.

3. Dekadenteng subkultura ng call center na negosyo

Dahil bagong-yaman ang mga 200,000 nagtratrabaho sa call center, tulad ng nauna sa kanilang henerasyon ng mga kabataan sa subcontractual work sa fastfood at iba pang retail na negosyo, may personal na pakiwari ng empowerment ang nabiyayaan at nagpursiging magtrabaho sa precarious na gawain ng call center. Night shift, virtual ang performance ng gawain, pati ang kausap, nakakaburyong kundi man nakaka-harass, mababa ang self-esteem, nagkakaroon ng short-term deficiency disorder, ibang uri ng STD, tunay na para lamang sa matatapang at pinaka-entusiastikong kumita ang ganitong gawain.

Ang bunsod nito dati ay ang proliferasyon ng gamit sa droga, tulad ng tinaguriang “pedestrianong trabaho” ng pagmamaneho ng taxi at bus, macho dancer at GRO para lamang manatiling gising na vampire sa gabi. Dahil sa spot-check na drug test, tila nabawasan na ito. At para bumaba naman ang tama, matapos ng adrenalin rush sa pagmimiko sa American twang, inom naman paglabas sa madaling umaga. Ngayon, ang balita ko ay tumataas ang insidente ng unprotected sex sa call center na estabilisyimento, at pati ang HIV. May narinig pa akong overnight trip sa di kalayuang lugar para mag-orgy.

Pasintabi lang—hindi naman lahat ng call center agents ay lulon sa ganitong kondisyon. Kaya nga turing ko rito ay ang “dekadenteng subkultura.”

4. Disposable na katawan at ang perfektong imahen nito

Tignan ang nangyari sa katawan ni Dingdong Dantes. Naging maskulado ito, kaya napahubad bilang exemplar ng Bench underwear na imahen: overtly virile, exhibisyonista pa nga kahit wholesome pa rin. Kung tutunghayan ang mga ulat sa nakaraang fashion event ng Bench, naetsapwera na nga niya ang dating kaedad na endorser nito, sina Richard Gutierrez ng Kapuso at Jake Cuenca ng Kapamilya Channels (bilang indikasyon ng komersyal na “political correctness”).

Ang counterpart ni Dantes ay hindi naman nakakapagtakang si Marian Rivera, ang telebiswal at pelikulang ka-loveteam nito. Sexy, feminine, magaling gumiling pero sensitibo at mataray si Rivera. Di nga ba’t siya pa ang umanong naging dahilan sa paghihiwalay ng “tunay” na mag-sweetheart na Dantes at Karylle? Ang solusyon ni Karylle umano ay mag-pose rin na sexy para sa Bench. Disposable ang katawan, at ang ideal nito ay ang makabagong gitnang uring feminidad at maskulinidad.

At sa susunod na mga taon, tulad ng naging gulanit na underwear at mananakaw na cellphone, may papalit at papalit na mga mas kabataang representatibo nito. Hindi nga ba’t sina Richard Gomez. Wendell Ramos at Jomarie Yllana, sa isang pang ad ng Bench, ay nagmistulan na lamang stage fathers para sa pictorial na tinampok ang kanilang mga anak para sa Bench Kids line ng kompanya?

5. Mainstream na indie cinema

Sa mainstreaming ng indie film sa dalawang pangunahing negosyong sponsor nito, Tony Boy Cojuangco at Star Cinema ng mga Lopez, namamayagpag na ang “mainstream look” sa indie films. Tanging ang labi na lamang ay ang paksa, mga subaltern identities pa rin—binubugbog na musmos na naging rekurso say pag-aaral ng violin at call center agents, halimbawa . Wala na ang stilong nakaugnay sa limitadong budget, ang neorealismo ng day-in-the-life na paglalahad ng naratibo ng subaltern na identidad.

At ang tingin nga kasi sa indie cinema ay bilang kultural na kapital ng mga kalahok dito. Credentials para sa finafantasyang tunay na mainstreaming ng indie cinema—pananalo sa international film festival abroad (the search is still on para sa unang pelikulang Filipino na mananalo ng major prize sa isa sa top four first-tier festival), o pagpasok sa mainstream creative industries.

Kaya, paratihan ang diin sa diskusyon ng ganitong indie film ay ang pagpapalawak ng audience na makakapagbayad. Kaya ang sinisisi sa pag di-pagpasok ng indie film sa mayor na mga sinehan ay ang audience na hindi nanonood nito.

6. Bading films bilang bagong bomba

Ito na ang bagong bomba film. Pinakamarami na yata ang bilang nito sa indie cinema, maging yaong prinodyus ng subsidiary ng major studios. Bomba dahil namumutiktik pa rin ang tampok sa subgenre ng melodramang ito: sex scenes. Dahil sa pagbabawal ng SM cinemas na may hawak ng mayorya ng sinehan sa bansa ng R-rated films, walang nakakapasok na “adult-theme” na pelikula rito. Namamayagpag, kahit pa sa limitadong paraan, ang gay film sa pagtuklas ng niche market ng pelikula.

At ito ang tagumpay ng kapitalismo sa indie cinema, ang pagtuklas ng niche market sa pelikula. Gay films para sa pink peso ng gitna at mataas na uri ng bading. At dahil nga proaktibo ang mga institusyong kalahok sa indie cinema na gawing mainstream (komersyal) ang indie films, makakahanap pa ng ibang niche market ito: art festival market, soft-porn, instructional videos, at iba pa.

7. Japanese surplus bilang bagong ukay

May bagong ukay-ukay na hindi na lamang mga damit ang ibinebenta sa mga outlets ng mga run-down na establisyimento. Ito ang Japanese surplus na bode-bodegang bagsakan ng mga bagay na galing sa Japan: furnitures, platera, kama, tatami mats, pinggan, ceramics, shades, bisikleta, at kung ano-ano pang gamit. Tulad sa ukay-ukay, manunuyod ka ng bargains. Uuwi kang nanggigitata sa alikabok at pawis.

Pero di tulad ng ukay-ukay, mas upscale ang presyo ng mga muwebles na umaabot ng libo. Tanging maliliit na items lamang ang mabibili mula beinte hanggang singkwenta pesos. Wala pa rin akong naririnig na sale pero may tawaran, tulad sa ukay-ukay. Kaya kung gustong magkaroon ng muwebles at gamit sa bahay na kakaiba, hanapin ang pinakamalapit na Japanese surplus sa inyo.

8. Paalam Friendster, helu Facebook

Sa isang ulat daw, sinabing may makauring karakter ang social networking ng mga Pinoy sa internet. Ang mababang uri ay nasa Friendster pa rin, at ang mas mataas na uri, pati ang may internasyunal na konek ay nas Facebook naman. Mas maraming gitnang uring marka ang kailangan sa Facebook: digicam dahil mas mabilis mag-upload ng sandamakmak na litrato rito, mas mabilis ang palitan ng messages at pag-uulat kung ano ang gagawin ng may account sa kanyang araw.

Marami ring kaeklatan ang Facebook, nakasentro sa pagbibigay ng kung ano-anong virtual gifts: communist items, Pinoy food, Japanese drink, drugs, at iba pa. Kaya rin mas matingkad ang advertising sa site na ito. Hindi naman talaga ang layunin ay iugnay ang magkakaibigan kundi matagumpay na iugnay para kumita ng bilyones ang nag-develop ng site. Hindi nga ba’t bilyones ang halaga nang ibenta ang Youtube, at nang tangkaing bilhin din ang Google? At alam na nagtagumpay na ang Facebook dahil salita at brand na siya. “I-Facebook mo naman ang mga kinuhang litrato?” “I-Facebook kita para mabalitaan kita.” “Magfe-Facebook muna ako.”

9. Reality television rules

Dalawang uri ito: una, ay ang pinagsama-samang maiikling docus na kalakhan ay galing ng US, at ni-repackage sa lokal na telebisyon; at ikalawa, ang franchise nito tulad ng Fear Factor, Philippine Idol, Survivor o yung sumusunod sa format ng US na telebisyon, tulad ng mga nagsho-showcase ng iba’t ibang galing ng mga Filipino, mula sa paghi-hiphop hanggang sa pang-circus na acts.

Quest narrative ang mga ito, na ang pinaka-deserving batay sa mantra ng social Darwinism (survival of the fittest) ang magtatagumpay. Siempre, tulad ng anumang palabas sa bansa, may inside story ng karukhaan at Cinderella story na itinatampok sa palabas. Para sa huli, ang pinaka-morally deserving ang magkakaroon ng pagsasagip ng negosyo at estado, kahit pa may interaktibong text voting mula sa audience, na isa pa ring paraan ng pagkita para sa prodyuser ng palabas.

Social Darwinism rin bilang mudra (mode) ng pagkamamamayan. Na-reduce ang mamamayan bilang charity project, na kailangan nitong magpa-project ng kabutihang loob para magkaroon ng panlipunang redemption na itatangi bilang mudra para sa lahat.

10. Mga bagong luma mula sa gwapo

Anim na buwan matapos magawa ang dinadambana ng interfacing ng bicycle at pedestrian lane, u-turn slots, pag-iilaw at pagpapalawak ng highway sa Commonwealth Avenue, tila luma na kaagad ito. Mayroong di natapos: ang kumpletong pag-iilaw ng highway, ang pananatiling makitid ng kalsada pagpasok ng Fairview area na nagdudulot ng malawakang trafiko sa rush hour. Mayroong sablay ang pagtatapos, ang pagkitid sa daan para sa built-in hindi lang blokeng pantapal sa u-turn slots. Hindi konektado ang bicycle lanes sa ibang bahagi.

At sa maraming bahagi ng syudad ngayong magpapasko, wala nang kalsada ang hindi nakakaranas ng trafiko. Nandoon pa rin ang maraming tarpaulins ni Bayani Fernando. Naangkat na rin sa iba pang lugar, tulad ng kanyang pagdalaw sa probinsya. Sa pagbubukas ng ni-renovate na Carillon sa UP, may tarpaulin na naman ito. At habang nagsasalita na nangangampanya na, parang ganito ang kanyang sinabi: kapag matanggap siya ay mayroon nang political will ang mga Filipino, kapag hindi ay nananatili ito sa kanyang dating gawi.

Hindi ba siya natatapat sa salamin o sa kumpisalan?

Sa malawakang depolitisasyon ng kultura sa pang-araw-araw, naging mayabong ang tugon ng kilusang masa. Ang People’s Caravan ay nagpapatuloy makapagmulat at magpakilos nang higit na nakararawi para sa panlipunang katotohanan. Isinadula ng Sinaglahi ang Lorena, na nailangkap ang una at makabagong figura ng makabayang martir na kababaihan. Patuloy ang alternative cinema ng kilusan. Patuloy ang pagyabong ng sining biswal sa effigy at tarpaulin ni Arroyo.

Patuloy ang makauring tunggalian para sa sining at bayan.

Advertisements