Hindi nagpapasko ang imperialismo, Pasintabi Column, Pinoyweekly.org

by rolandotolentino

imperialismo

1150963024imperialismo_por_xurxo_martinez_crespo

imahen mula sa engforum.pravda.ru/showthread.php?t=224496

www.vieiros.com/gterra/nova.php?Ed=20&id=5087

Hindi nagpapasko ang imperialismo

Gumising tayong araw-araw ang balita sa Gaza Strip. Binomba ng Israel ang Palestine. Kalakhan ng 700 na patay ay sibilyan, karamihan ay mga bata at babae. Pati ang eskwelahang tinayo ng United Nations ay naging target na rin ng terorismo ng Israel.

May nagsabing kasalanan ito ng Hamas dahil pinawalang-bisa nito ang ceasefire agreement sa Israel. Nauna rin raw kasing nagbomba ang Hamas. Ang hindi isinasaalang-alang ay ang mahabang kasaysayan ng interbensyong militar ng Israel sa Palestine. Hindi ito bago, bagkus periodiko ang atake ng Israel. Hindi nga ba’t ang Malacanang ng yumaong si Yasser Arafat ay binomba rin hanggang sa maglaho?

Noong First Quarter Storm, parating binabanggit, “Hindi malayo ang Vietnam” bilang optimistikong tugon sa posibilidad ng tagumpay ng pambansang demokratikong kilusan sa bansa. Ang isinaad rin ng pangungusap ay ang maligoy na pagsambit sa kahalintulad ng karanasang Pilipinas at Vietnam.

Ang Pilipinas ang “unang Vietnam” na sinakop gamit ang militar na pwersa ng U.S. Sa Pilipinas, bilang unang kolonya sa empire-building ng U.S., tinangkang pwersahang sakupin ang bansa, at patahimikin ang rebolusyonaryong kilusan. Gamit ang mga torture, tulad ng water-cure, psyche war, pati hamletting o sapilitang paglipol sa komunidad sa lugar na hindi makakapagsuporta sa rebolusyonaryo, ang Pilipinas ang naging proto-tipo ng dayuhang pakikidigma ng U.S.

Sa kulturang popular noong 1980s, sa panahong handa na ang U.S. psyche na harapin ang pagkatalo nito sa Vietnam, ang Pilipinas ang naging surrogate landscape at geobodies para sa karanasang Vietnam. Gamit pa nga ang military hardware ni Marcos, ang direktor na si Francis Ford Coppola ay gagawa ng obra maestrang pelikulang Apocalypse Now sa Pagsanjan, Laguna.

Isang henerasyon matapos magbida si Martin Sheen sa pelikulang ito, ang kanyang anak naman ang magiging bida sa “coming of age” na pelikula ni Oliver Stone, isang beterano ng Vietnam War, sa Platoon. Ang dalawang pelikulang ito ang magse-set ng standard ng kalidad ng “Vietnam War” movie sa Hollywood.

Sa kasalukuyan, ang karanasan ng U.S. sa interbensyong militar sa ibang bansa ay bumabagsak sa war drama, mga pelikulang aksyong pinapakilos ng kolektibong drama ng mga sundalo. Pangunahin rito ang Black Hawk Down, ukol sa interbensyon ng U.S. sa Somalia na ang bida ay ang ensemble ng sundalong Amerikano.

Hanggang sa kasalukuyan, wala pa ring matagumpay na artistikong pelikula ang nakayanang yakapin ang kolektibong hinanaing ng progresibong anti-war na sentimiento sa U.S. at sa mga bansang sinakop nito. Matapos ng Iraq, o Bosnia sa ibang panig ng mundo, pati ang latarang suporta ng U.S. sa digmaan ng Israel laban sa Palestine, walang pelikula ang nakapag-condense ng anti-war na lohika, kahit alinsunod sa humanistikong panunturan ng Hollywood.

Kaya nananatiling malayo pa rin ang Iraq at Palestine. Hindi pa nagiging familiar na lugar ang mga bansang ito, kahit pa pinupulbos ito araw-araw ng pakikidigma ng U.S. at Israel. Hindi tao ang mga namamatay, mga figura sa statistika. Na kahit daan-daan, libo-libo, at daan-daang libo ang nasaktan, namatay, nawalan ng pamilya at naging permanenteng disabled, wala itong dating sa maraming tao sa labas ng mismong mga bansa.

Hindi ba sila “brand name” na tulad ng Vietnam ay nagsasaad ng kondensasyon ng naratibo hinggil sa traumatikong nakaraan. Kung tutuusin, mga tatlumpung taon rin naman bago nagawa ang Vietnam war na pelikula matapos ang aktwal na digmaan at pagkatalo ng U.S. In retrospect na lamang ang pangungumpisal ng U.S. hinggil sa sarili nitong kahinaang magnasa ng lampas sa estratehiyang pangmilitar na kamalayan.

Hindi nagpapahinga ang imperialismo. Maging ang burukrata kapitalismo ay gayundin. Nagbatbatan ang mga politiko at maykaya sa karapatang maunang makapag-golf sa exclusibong club. Patuloy ang pagmaniobra ni Gloria Arroyo ng personahe at posisyon para sa kanyang adbentahe kahit pa pasko. At sa feudalismo, patuloy ang kagutuman ng nakararami kahit nagpasko.

Hindi malayo ang Palestine. At sa trajektori ng dayuhang interbensyon, pakikidigma, kamatayan at pagpupunyagi para sa pambansang kasarinlan, malapit dapat ang Palestine sa puso ng mamamayan. Hindi rin nagpapahinga ang anti-imperialismong pakikibaka.

Noong Enero 1, 2009 ay ang ika-50 anibersaryo ng tagumpay ng rebolusyon sa Cuba. Sa linggo bago ang bagong taon, ipinagdiwang ang ika-40 anibersaryo ng partidong politikal ng underground movement sa bansa. Hindi lamang taon ang ipinagdiriwang, kundi ang di pagkatulog sa mga araw at gabi ng matinding sigalot. Na mayroong nanatiling gising, nakibaka hanggang sa tagumpay!

Advertisements