Salamin lang ang pagitan, Pasintabi Column, Pinoyweekly.org

by rolandotolentino

push_beg

785108945_4dc9c2c182

imahen mula sa www.adrants.com/medium/guerilla/index.php?page=37

at flickr.com/photos/rochell/785108945/

Salamin lang ang pagitan

Madalas kong puntuhin sa klase itong eksena ng karahasan: Sino na ang nakaranas na umorder at kumain ng McDo o Jollibee, matapos ay di pinalad na maupo sa may salamin, at may paratihang kumakatok na bata, namamalimos ng pagkain?

Marami sa mga estudyante ang magtataas ng kamay. Marami na ang nakaranas nitong insidente ng pagkagambala sa kanilang gitnang uring turing sa sarili. Patunay ang insidente sa malawakang kahirapan at kagutuman ng higit na nakakarami sa mamamayan. Pero hindi rito nagtatapos ang aking punto. Itatanong ko naman sa kanila: Ano ang paliwanag mo sa sarili para makain at maubos pa rin ang inorder na set meal, at sa gayon, tuluyan nang burahin ang bumabadyang panlipunan at historikal na eksenang pinagigitnaan ng salamin?

Paano mo nira-rastionalize sa sarili, binibigyan justifikasyon ang insidenteng magbubura sa marahas na eksena? Magtatakwil sa substansya ng pighati at pang-uring pagtutuos sa pang-araw-araw? At magpapangibabaw sa pagdanas pa rin—kahit na sa pinakamapait na sandali—ng kasiyahang nakabalot sa gitnang uring panglasap sa karanasan?

Maraming paliwanag ang mga estudyante. May nagsabing baka pagalitan siya ng magulang niya kapag nalamang ipinamimigay lang niya sa pulubi ang kanyang allowance. Paluluhurin kaya siya sa asin pag-uwi sa bahay?

May babaeng nagpaliwanag na sinabi niya sa bata, “Kasing payat mo nga lang ako, hinihingi mo pa ang kinakain ko?” At tila ang pisikalidad ay pareho nilang pinili. May nagsabing may nakaraan na silang karanasan na agresibo ang mga batang pulubi. Nanghahablot ng pagkain sa Kentucky Fried Chicken kapag nalingat ang gwardya. At laking galak ng estudyante nang ang kanilang bawas na manok ay pinalitan ng manager ng bago at mas malaking pirasong manok, sabay hingi ng sorry.

May nagsabi na pinaghirapan niya ang gastos para makakain sa fastfood. Nagtipid ng allowance, kaya hindi nila ito basta-basta ipamimigay. At ano naman ang hantungan ng mga taong hindi nakakapagtipid dahil matagal nang walang trabaho ang kanilang magulang, matagal na rin silang nagugutom?

May nagsabi ng alituntuning dapat ay hindi nagbibigay sa pulubi, lalo lang itong mahihikayat mamalimos. At may dangal kayang mamalimos kung may mapapagpilian ang nilalang? May nagsabi na pera naman ang gusto ng pulubing namamalimos, hindi pagkain. Dahil nang magbigay siya ng pagkain, nilait pa ang kanyang binigay, sinabihan daw siyang, “Ito lang?”

Meron naman naglalaan ng barya para sa ganitong insidente. Kaya kasama na sa budget ng estudyante sa set meal ay ang baryang ipamimigay sa pulubi. Wais si estudyante! Meron naman kabaligtaran, ang ibinibigay niya ay pagkain. Kaya minamabuti niyang i-upsize ang fries at drinks para may matirang maibigay sa pulubi. Wais talaga!

May nagsabi na mayroon silang ibang karanasan na di mabuti sa ibang pulubi. Nang-aagaw ng pagkain, iniinsulto ang tirang ibinigay sa kanila, hindi pa ubos ay hinihingi na ang pet bottle nila. Naha-harass daw sila. At inisip kong hindi naman pulutong ng pulubi ito kundi madalas ay nag-iisa lamang na namamalimos. Gitnang uring sensibilidad ba ang naha-harass?

Mayroong hindi na nagpaliwanag o pareho lang ang dahilan. Pero ang hindi maitatwa pala, kahit anong paliwanag ang gawin sa sarili, hindi ito makakasapat. Walang paliwanag ang makakabig ng kumpiyansa labas ng sarili. Tanging ang napapaisip na sarili ang kayang utuin nito. Himukin na tama nga ang pagsusuot ng blinders sa mata, tulad ng kabayo sa kalesa nang sa gayon ay walang makita ang hayop bukod sa nasa harap nito.

Kalahating milyong Filipino ay nakakaranas ng kagutuman araw-araw. May 27 milyong mamamamayan ang sadlak sa kahirapan. Maski ang pagkaing nasa basurahan ng fastfood ay pagtitiyagaang likumin, linisin at muling iluto. “Pagpag” ang tawag dito dahil pinapagpag ang dumi sa mga tira-tirang pirasong manok. At balita nga, sa Tundo ay may nagsulputang karinderyang nagbebenta ng pagpag na ulam.

Ang kapasidad ng indibidwal na burahin ang malawakang substansya ng lipunan at kasaysayang Filipino—ang kahirapan, kawalan-hustisya, kasalatan ng buhay—para paboran ang gitnang uring fantasya (tandaan na marami sa kumakain sa fastfood ay mula rin sa hanay ng mahihirap) ay nakakagimbal na pang-araw-araw na realidad. Dulot ang pagpanig ng neoliberal na kapitalismo sa pagtagos sa pambansang burukrasya ni Gloria Arroyo, tampok ang malakihang insidente ng pangungurakot.

Sa bawat kagat ng quarter-pounder at fries, sa pag-alaala ng imahinaryong love lost na first love sa saliw ng nostalgiang sellout na awit ng Eraserheads, at sa sariling alaala ng pagdadala sa estudyante noon siya ay batang-bata pa sa fastfood, masarap pa rin ito. Natangi ang karanasang gitnang uri, na maganda ang paligid, maganda ang mga tauhan sa loob ng mailaw na establisyimento, na maganda pa rin ang mundo.

Kahit sa mas malaking kabilang panig, na salamin lang ang pagitan, ay hindi ito ang katotohanan nang nakararami.

Advertisements