Anonimidad at mukha ng kapangyarihan, Pasintabi Column, Pinoyweekly.org

by rolandotolentino


pasigmasaker

santas-topper

the-simpsons-censurado

imahen mula sa www.philippinerevolution.net/cgi-bin/ab/text….

rssfeeds.usatoday.com/~r/UsatodaycomOffbeat-T…

mevoy.net/…/

Anonimidad at mukha ng kapangyarihan

Pauwi ako galing sa talyer. Kailangang mag-uturn sa ilalim ng tulay sa Pasig para makabalik sa C-5. Matrafik dahil rush hour na akong nakarating at umalis sa talyer. Galing ako ng Quiapo, at tunay namang gumagapang din ang daloy ng mga sasakyan, lalo na sa makitid na kalsada ng Ortigas.

Dahil matumal akong magawi sa Ortigas Extension, nalampasan ko ang direksyon pailalim ng tulay. Nakatawid ako ng tulay at walang indikasyon na huhupa ang trafik, at wala ring sign para malaman kung saan makakapag-uturn. Mahina naman ang daloy sa pakabilang daan kaya minabuti ko nang mag-uturn.

At gaya nang pangamba ko, may biglang tila natatarantang mga trafikong pulis na nakaabang at pinara ako. Nang huminto ako at magtatanong sana, bigla nang may direksyon kung saan ko dapat iparada ang sasakyan nang makapag-usap. Sumunod ako sa pulis. Tatlo sila at may malinaw kung sino ang kakausap sa akin.

Iba ang naglektura kung bakit ako pinahinto. Iba rin ang tumawag sa radyo para iulat ang pagkahuli sa akin. Nang hiningi ang aking lisensya, natuklasan namin na paso na pala ito. At dahil hindi ko rin alam ito, sinabi kong akala ko ay itong taon pa ito mapapaso. Dagdag ko pa, “Hindi ko naman kasi tsine-check ang lisensya ko.”

At nagkaroon na naman ng pagkakataon para lektyuran ako. Dalawa na ang aking kaso—una, ang maling pag-uturn, bawal pala sa kabuuan ng Ortigas Extension (who knows! tumanaw naman ako sa sidewalks pero wala namang sign na nagbabawal nito); at ito ngang pasong lisensya. Wala akong magawa kundi makinig sa kanyang lekytur, at ako na guro ay hindi na sanay na nakikinig sa iba.

Nag-antay ako ng oportunidad, nagparinig kung may pwede bang palampasin na lamang ito dahil hindi naman ako tagaroon at kung gayon, hindi alam ang kalakaran. Pero ang paso kong lisensya ang naging pabigat, dahil saad ng mas mataas na pulis na nakamotorsiklong dumating sa scene of the crime, marami na raw ang nahuli na hindi na tumutubos ng linsensya.

Binalaan na raw sila sa opisina na huwag palampasin ang ganitong paglabag. Pinakitaan pa ako ng listahan ng bayarin sa mga paglabag sa trafiko sa syudad na ito. Parang tatlong libo para sa dalawang kaso, kailangan pa raw i-impound ang kotse. Tubusin ko na lang daw kinabukasan.

Ang dahilan ko ay malaking abala pa ito, “baka pwede namang pag-usapan.” At sa tuwing uulit-ulitin ko ang posibilidad, uulit-ulitin din niya ang litanya hinggil sa bigat ng dalawa kong opensa, ang bilin ng opisina, ang listahan ng bayarin sa multa. Para akong na-Twilight Zone, wala akong magawa hinggil sa sumanib na parallel reality sa aking planong umuwi na at magpahinga.

Hanggang sa tila masagad na ang oras na nakalaan sa akin. Magpapaliwanag pa sana ako, na uulitin lang ang mga puntong tila hindi naman narerehistro sa pangunahing kausap. Yung tatlong pulis ay nasa tabi na ng parking area, tila nag-defer na sa nakamotor na pulis. Tapos na ang aming script, inabutan ako ng pulang plastic, kasama ng aking berdeng lalagyan ng aking lisensya.

Dudukot na sana ako sa aking wallet, bubunot ng perang napagkasunduan pero inawat ako. “Bigyan mo naman kami, sir ng kahihiyan.” At ako nga ay dinapuan bigla ng mas matinding hiya. Sa dalawampung minutong kausap ko ang mga pulis ay talaga namang nanliliit ako sa kawalan-kapangyarihang dumulog, magpaliwanag, mapakinggan.

Ito o ang higit pang kawalan-kapangyarihan kung di sila pumayag—ang dagdag na oras at abala, mas malaking halaga ng multa kung ipinabatak ang kotse o nagbayad na lamang sana, gaya rin ng una nilang minumungkahi. Ito ang anonimidad ng mukha ng kapangyarihan, hindi ko sila maalaala pero hindi naman mukha ang mahalaga rito kundi ang kapangyarihan nilang magparusa at mag-abswelto. At ang patagong anyo ng isa pang kapangyarihan—ang napagkasunduang entrada ng kapangyarihang manikil.

Pauwi ay naalaala ko kung bakit ako nagawi rito. Dalawang araw ang nakaraan nang mabangga ang likod ng kotse ng taxi sa Kamagong. Nagdadahilan pa sana ang driver pero malinaw naman na ang nakabangga sa likod ang maysala. Taranta man ako—kung saan kukuha ng police report, kung tatakasan ba ako nito, pati ang detalyeng ipapasa ng may-ari ng taxi ang gastos ng repair–pero napagkasunduan din na dalhin na lamang sa talyer sa Pasig.

Pag-uwi ko ng gabing iyon, tinext ako ng driver. Kinumusta ang kotse at nanghingi muli ng paumanhin sa abala. Hindi ko alam kung paano siya sagutin pero may kung anong naitext back ako. Ako man ay mukha ng kapangyarihang nagparusa sa taxi driver. Na hindi na nakapalag ang driver dahil sa posisyon namin bilang may-ari ng pribadong kotse at nagmamaneho ng inuupahang taxi.

At ito ang pinagkaiba namin ng pulis trafiko. Wala pala akong kapangyarihan. Na sa pagkakataong ito, pinili ko na lamang manliit habang nagmamaneho’t naninikip ang dibdib pauwi.

Advertisements